M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tipan ng Panginoon sa Israel sa Lupain ng Moab
29 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kanyang ginawa sa kanila sa Horeb.
2 Tinawag ni Moises ang buong Israel at sinabi sa kanila, “Inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon sa harapan ng inyong paningin sa lupain ng Ehipto, kay Faraon at sa lahat ng kanyang lingkod at kanyang buong lupain;
3 ang malaking pagsubok na nakita ng inyong mga mata, ang mga tanda, at ang mga dakilang kababalaghan.
4 Ngunit hindi kayo binigyan ng Panginoon ng isipang makakaunawa, at ng mga matang makakakita, at ng mga pandinig na makakarinig, hanggang sa araw na ito.
5 Pinatnubayan ko kayo ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong sandalyas ay hindi nasira sa inyong paa.
6 Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing, upang inyong malaman na ako ang Panginoon ninyong Diyos.
7 At(A) nang kayo'y dumating sa dakong ito, si Sihon na hari ng Hesbon at si Og na hari ng Basan ay lumabas laban sa atin sa pakikidigma at ating tinalo sila.
8 Ating(B) sinakop ang kanilang lupain at ibinigay natin bilang pamana sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases.
9 Kaya't ingatan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong gawin upang kayo'y magtagumpay sa lahat ng inyong ginagawa.
10 “Kayong lahat ay nakatayo sa araw na ito sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos; ang inyong mga puno, ang inyong mga lipi, ang inyong matatanda, at ang inyong mga pinuno, lahat ng mga lalaki sa Israel,
11 ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang dayuhan na nasa gitna ng inyong mga kampo mula sa inyong mangangahoy hanggang sa tagasalok ng inyong tubig;
12 upang ikaw ay makipagtipan sa Panginoon mong Diyos, at sa kanyang pangako na ginagawa sa iyo ng Panginoon mong Diyos sa araw na ito;
13 upang kanyang itatag ka sa araw na ito bilang isang bayan, at upang siya'y maging iyong Diyos, na gaya ng kanyang ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.
14 Hindi lamang sa inyo ko ginagawa ang tipang ito at ang pangakong ito;
15 kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, at gayundin sa hindi natin kasama sa araw na ito;
16 “(Sapagkat nalalaman ninyo kung paanong nanirahan tayo sa lupain ng Ehipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan;
17 at inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal na bagay, at ang kanilang mga diyus-diyosan na yari sa kahoy, bato, pilak at ginto na nasa gitna nila.)
18 Baka(C) magkaroon sa gitna ninyo ng lalaki, o babae, o angkan, o lipi na ang puso'y humiwalay sa araw na ito sa ating Panginoong Diyos, upang maglingkod sa mga diyos ng mga bansang iyon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nakalalason at ng mapait na bunga;
19 na kapag kanyang narinig ang mga salita ng sumpang ito ay kanyang basbasan ang kanyang sarili sa kanyang puso, na sasabihin, ‘Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso.’ Makapagpapaalis ito ng basa-basa at pagkatuyo.
20 Hindi siya patatawarin ng Panginoon, kundi ang galit at paninibugho ng Panginoon ay mag-uusok laban sa taong iyon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay mapapasa kanya at papawiin ng Panginoon ang kanyang pangalan sa ilalim ng langit.
21 Ihihiwalay siya ng Panginoon sa lahat ng mga lipi sa Israel para sa sakuna, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ng kautusan.
22 Ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na babangon pagkamatay ninyo, at ang dayuhan na magmumula sa malayong lupain ay magsasabi, kapag nakita nila ang mga salot ng lupaing iyon, at ang sakit na inilagay ng Panginoon,
23 at(D) ang buong lupaing iyon ay sunóg na asupre, at asin, na hindi nahahasikan, hindi nagbubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboyin, na winasak ng Panginoon sa kanyang matinding galit.
24 Kaya't lahat ng mga bansa ay magsasabi, ‘Bakit ginawa ito ng Panginoon sa lupaing ito? Ano ang dahilan ng pagpapakita ng ganitong matinding galit?’
25 Kaya't sasabihin ng mga tao, ‘Sapagkat kanilang tinalikuran ang tipan ng Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na kanyang ginawa sa kanila nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto;
26 at sila'y humayo at naglingkod sa ibang mga diyos, at sinamba nila ang mga diyos na hindi nila nakilala na hindi niya ibinigay sa kanila.
27 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-init laban sa lupaing ito, at dinala sa kanya ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito.
28 Sila'y binunot ng Panginoon sa kanilang lupain dahil sa galit, sa poot, at sa malaking pagngingitngit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain, gaya sa araw na ito.’
29 “Ang mga bagay na lihim ay para sa Panginoon nating Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay para sa atin at sa ating mga anak magpakailanman, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.
ZAIN.
49 Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo,
na doo'y pinaasa mo ako.
50 Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian,
na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay.
51 Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao,
gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo.
52 Aking inalaala ang mga batas mo nang una,
O Panginoon, at ako'y naaaliw.
53 Maalab na galit ang humawak sa akin,
dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan.
54 Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit
sa bahay ng aking paglalakbay.
55 O Panginoon, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan,
at sinunod ko ang iyong kautusan.
56 Ito ang tinamo ko,
sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo.
CHETH.
57 Ang Panginoon ay aking bahagi;
aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita.
58 Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko;
mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako.
59 Inisip ko ang mga lakad ko,
at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo.
60 Ako'y nagmamadali at hindi naaantala
na sundin ang iyong mga utos.
61 Pinuluputan ako ng mga panali ng masama;
hindi ko nalimutan ang iyong kautusan.
62 Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin,
dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin.
63 Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo,
at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo.
64 O Panginoon, ang lupa ay punô ng tapat na pag-ibig mo,
ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo!
TETH.
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod,
O Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman;
sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako;
ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti;
ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin.
69 Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin,
ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo;
ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo.
71 Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako;
upang aking matutunan ang mga tuntunin mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin
kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak.
Ang Bayan ng Diyos ay Bubuuin
56 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kayo'y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid;
sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating,
at ang aking katuwiran ay mahahayag.
2 Mapalad ang taong gumagawa nito,
at ang anak ng tao na nanghahawak dito;
na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan,
at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan.”
3 Ang dayuhan na sumanib sa Panginoon ay huwag magsasabi,
“Tiyak na ihihiwalay ako ng Panginoon sa kanyang bayan”;
at huwag sasabihin ng eunuko,
“Narito, ako'y punungkahoy na tuyo.”
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon:
“Tungkol sa mga eunuko na nangingilin ng aking mga Sabbath,
at pumipili ng mga bagay na nakakalugod sa akin,
at nag-iingat ng aking tipan,
5 ibibigay ko sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader,
ang isang alaala at pangalan
na higit na mabuti kaysa mga anak na lalaki at babae;
bibigyan ko sila ng walang hanggang pangalan,
na hindi maglalaho.
6 “At ang mga dayuhan na sumanib sa Panginoon,
upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng Panginoon,
at maging kanyang mga lingkod,
bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito,
at nag-iingat ng aking tipan—
7 sila(A) ay dadalhin ko sa aking banal na bundok,
at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan.
Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay
ay tatanggapin sa aking dambana;
sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan
para sa lahat ng mga bayan.
8 Gayon ang sabi ng Panginoong Diyos,
na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel,
titipunin ko pa ang iba sa kanya
bukod sa mga natipon na.”
Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel
9 Kayong lahat na mga hayop sa parang,
kayo'y pumarito upang manakmal—
kayong lahat na mga hayop sa gubat.
10 Ang kanyang mga bantay ay mga bulag,
silang lahat ay walang kaalaman;
silang lahat ay mga piping aso,
sila'y hindi makatahol;
nananaginip, nakahiga,
maibigin sa pagtulog.
11 Ang mga aso ay matatakaw,
sila'y kailanman ay walang kabusugan.
At sila'y mga pastol na walang pang-unawa,
silang lahat ay lumihis sa kanilang sariling daan,
bawat isa'y sa kanyang pakinabang hanggang sa kahuli-hulihan.
12 “Kayo'y pumarito,” sabi nila, “kumuha tayo ng alak,
at punuin natin ang ating sarili ng matapang na inumin;
at ang bukas ay magiging gaya ng araw na ito,
dakila at walang katulad.”
Tinukso ng Diyablo si Jesus(A)
4 Pagkatapos(B) nito, si Jesus ay dinala ng Espiritu Santo sa ilang upang tuksuhin ng diyablo.
2 Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, pagkatapos ay nagutom siya.
3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging tinapay.”
4 Ngunit(C) siya'y sumagot, “Nasusulat,
‘Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa banal na lunsod at inilagay siya sa taluktok ng templo,
6 at(D) sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Siya'y mag-uutos sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,’
at ‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
baka masaktan ang iyong paa sa isang bato.’”
7 Sinabi(E) sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang karangyaan ng mga ito.
9 At sinabi niya sa kanya, “Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin.”
10 Sumagot(F) sa kanya si Jesus, “Lumayas ka, Satanas! sapagkat nasusulat, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos nito'y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya.
Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain sa Galilea(G)
12 Nang(H) mabalitaan ni Jesus[a] na dinakip si Juan, pumunta siya sa Galilea.
13 Nang(I) iwan niya ang Nazaret, siya ay pumunta at tumira sa Capernaum, na nasa tabing-dagat, na sakop ng Zebulon at Neftali,
14 upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias:
15 “Ang(J) lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali,
patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil—
16 Ang bayang nakaupo sa kadiliman,
ay nakakita ng dakilang ilaw,
at sa mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan,
ang liwanag ay sumilay.”
17 Mula(K) noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral na nagsasabi, “Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit.”
Tinawag ni Jesus ang mga Unang Alagad(L)
18 Sa paglalakad ni Jesus[b] sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda.
19 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.”
20 Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
21 At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos[c] ng lambat; at kanyang tinawag sila.
22 Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya.
Nangaral at Nagpagaling ng mga Maysakit si Jesus(M)
23 At(N) nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.
24 Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling.
25 At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001