M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinatahimik ni Gideon ang Efraimita
8 Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, “Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?” At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas.
2 At sinabi niya sa kanila, “Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer?
3 Ibinigay(A) ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?” Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito.
4 Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa.
5 Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, “Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian.”
6 Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, “Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?”
7 At sinabi ni Gideon, “Kung gayon, kapag ibinigay na ng Panginoon sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag.”
8 Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot.
9 At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, “Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito.”
10 Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak.
11 Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jogbeha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay.
12 Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo.
13 Nang si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng daang-paakyat sa Heres,
14 nahuli niya ang isang kabataang lalaking taga-Sucot at siya ay inusisa ni Gideon. Itinala niya sa mga pinuno at matatanda sa Sucot, pitumpu't pitong katao.
15 Pagkatapos, pumunta siya sa mga lalaki sa Sucot, at sinabi, “Narito sina Zeba at Zalmuna. Tungkol sa kanila ay inyo akong tinuya, na inyong sinasabi, ‘Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga tauhang pagod?’”
16 Kanyang kinuha ang matatanda sa bayan, at kumuha siya ng mga tinik mula sa ilang at ng mga dawag, at sa pamamagitan ng mga iyon ay kanyang tinuruan ang mga lalaki sa Sucot.
17 Kanyang ibinagsak ang tore ng Penuel, at pinatay ang mga lalaki sa lunsod.
Sina Zeba at Zalmuna ay Nahuli at Pinatay
18 Pagkatapos ay kanyang sinabi kina Zeba at Zalmuna, “Nasaan ang mga lalaking inyong pinatay sa Tabor?” Sila'y sumagot, “Kung ano ikaw ay gayon sila; bawat isa sa kanila; kahawig sila ng mga anak ng hari.”
19 At kanyang sinabi, “Sila'y aking mga kapatid, mga anak na lalaki ng aking ina; buháy ang Panginoon, kung inyong iniligtas silang buháy, hindi ko sana kayo papatayin.”
20 Kaya't sinabi niya kay Jeter na kanyang panganay, “Tumindig ka at patayin mo sila.” Ngunit ang binata ay hindi bumunot ng tabak, sapagkat siya'y natakot, dahil siya'y bata pa.
21 Nang magkagayo'y sinabi nina Zeba at Zalmuna, “Tumindig ka, at sugurin mo kami, sapagkat kung ano ang lalaki ay gayon ang kanyang lakas.” Tumindig nga si Gideon at pinatay sina Zeba at Zalmuna, at kanyang kinuha ang mga hiyas na may hugis kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo.
22 Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, “Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian.”
23 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang Panginoon ang mamumuno sa inyo.”
24 Sinabi ni Gideon sa kanila, “Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam.” (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.)
25 At sumagot sila, “Ibibigay namin nang kusa ang mga ito.” Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam.
26 Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isanlibo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo.
27 Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan.
28 Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.[a] At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon.
29 Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay.
30 Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa.
31 Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec.
32 Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita.
33 Pagkamatay ni Gideon, ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at kanilang ginawang diyos nila ang Baal-berit.
34 At hindi naalala ng mga anak ni Israel ang Panginoon nilang Diyos na nagligtas sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot.
35 Hindi sila nagpakita ng kabutihan sa sambahayan ni Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita sa Israel.
Muling Inusig ang Iglesya
12 Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya.
2 Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan.
3 Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.
4 (A) Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa.
5 Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.
Pinalaya ng Anghel si Pedro
6 Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan.
7 At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay.
8 Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.”
9 Si Pedro[a] ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain.
10 Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel.
11 Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”
12 Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin.
13 Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin[b] kung sino ang kumakatok.
14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.
15 Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.”
16 Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha.
17 Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.
18 Nang mag-umaga na, malaki ang kaguluhang nangyari sa mga kawal tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.
19 Nang siya'y maipahanap na ni Herodes at hindi siya natagpuan, siniyasat niya ang mga tanod at ipinag-utos na sila'y patayin.
At buhat sa Judea si Pedro[c] ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.
Namatay si Herodes
20 Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain.
21 Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati.
22 Ang taong-bayan ay nagsisigaw, “Tinig ng diyos at hindi ng tao!”
23 Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay.
24 Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap.
25 At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.
Hinulaan ang Pagkawasak ng Jerusalem
21 Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang suguin sa kanya ni Haring Zedekias si Pashur na anak ni Malkias, at si Sefanias na anak ng paring si Maasias, na sinasabi,
2 “Isangguni(A) mo kami sa Panginoon sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nakikipagdigma laban sa amin. Marahil ang Panginoon ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kahanga-hangang gawa, at kanyang pauurungin siya mula sa amin.”
3 At sinabi ni Jeremias sa kanila,
4 “Ganito ang inyong sasabihin kay Zedekias: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel. Ibabalik ko ang mga sandatang pandigma na nasa inyong mga kamay, na inyong ginagamit sa pakikipaglaban sa hari ng Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo sa labas ng mga pader. Aking titipunin ang mga iyon sa gitna ng lunsod na ito.
5 Ako mismo ang lalaban sa inyo na may nakaunat na kamay at malakas na bisig, sa galit, sa bagsik, at sa matinding poot.
6 At pupuksain ko ang mga naninirahan sa lunsod na ito, ang tao at ang hayop: sila'y mamamatay sa matinding salot.
7 At pagkatapos, sabi ng Panginoon, ibibigay ko si Zedekias na hari ng Juda, at ang kanyang mga lingkod, at ang mga tao sa lunsod na ito na nakaligtas sa salot, sa tabak, at sa taggutom, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kamay ng kanilang mga kaaway, sa kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Kanyang papatayin sila ng talim ng tabak; sila'y hindi niya kahahabagan, o patatawarin man, o kaaawaan man.’
8 “At sa sambayanang ito ay sasabihin mo: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Inilalagay ko sa harapan ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan.
9 Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng gutom, at ng salot; ngunit ang lumabas at sumuko sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo ay mabubuhay, at tataglayin ang kanyang buhay bilang gantimpala sa digmaan.
10 Sapagkat iniharap ko ang aking mukha laban sa lunsod na ito para sa kasamaan at hindi sa kabutihan, sabi ng Panginoon. Ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang susunugin ito ng apoy.’
Ang Juda ay Binabalaan tungkol sa Paghatol nang Hindi Matuwid
11 “At sabihin mo sa sambahayan ng hari ng Juda, ‘Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon.
12 O sambahayan ni David! Ganito ang sabi ng Panginoon,
“‘Maggawad ka ng katarungan sa bawat umaga,
at iligtas mo ang nanakawan mula sa kamay ng mapang-api,
upang ang aking poot ay hindi lumabas na parang apoy,
at susunog na walang makakapatay,
dahil sa inyong masasamang gawa!’”
13 “Narito, ako'y laban sa iyo, O naninirahan sa libis,
O bato ng kapatagan, sabi ng Panginoon;
kayong nagsasabi, ‘Sinong bababang laban sa atin?
o sinong papasok sa ating mga tirahan?’
14 Ngunit parurusahan ko kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang gubat,
at lalamunin nito ang lahat ng nasa kanyang palibot.”
Ang mga Tradisyon(A)
7 Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem,
2 kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan.
3 (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda.
4 Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.)[a]
5 Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, “Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?”
6 At(B) sinabi niya sa kanila, “Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat,
‘Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi,
subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!’
8 Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao.”
9 Sinabi pa niya sa kanila, “Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon.
10 Sapagkat(C) sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!’
11 Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,’
12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina,
13 kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito.
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
14 Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain.
15 Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.”
16 [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.]
17 Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga.
18 Sinabi niya sa kanila, “Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya,
19 sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.”
20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao.
21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang,
22 ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan.
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao.”
Ang Pambihirang Pananampalataya ng Isang Babae(E)
24 Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin.
25 Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan.
26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus[b] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae.
27 At sinabi niya sa kanya, “Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso.”
28 Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, “Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak.”
29 Sinabi naman ni Jesus sa kanya, “Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak.”
30 Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo.
Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi
31 Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis.
32 Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya.
33 At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila.
34 Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kanya, “Effata,” na nangangahulugang “Mabuksan.”
35 Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw.
36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito.
37 Sila'y labis na namangha na nagsasabi, “Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001