Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 1

Ang Pagsakop sa Bezec, Jerusalem, Hebron, Kiryat-sefer at Iba pa

Pagkamatay ni Josue, itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon na sinasabi, “Sino ang mangunguna sa amin upang labanan ang mga Cananeo?”

Sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang mangunguna. Ibinigay ko na ang lupain sa kanyang kamay.”

Sinabi ng Juda sa Simeon na kanyang kapatid, “Sumama ka sa akin sa lupaing inilaan sa akin upang ating kalabanin ang mga Cananeo. Ako nama'y sasama sa iyo sa lupaing nakalaan sa iyo.” Kaya't ang Simeon ay sumama sa kanya.

At umahon ang Juda at ibinigay ng Panginoon ang mga Cananeo at mga Perezeo sa kanilang kamay. Natalo nila ang sampung libong lalaki sa Bezec.

Kanilang natagpuan si Adoni-bezek sa Bezec at siya'y nilabanan nila, at kanilang tinalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo.

Ngunit tumakas si Adoni-bezek, kaya't kanilang hinabol siya hanggang sa nahuli, at pinutol nila ang mga hinlalaki sa kanyang kamay at paa.

Sinabi ni Adoni-bezek, “Pitumpung hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kamay at paa ang namumulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking hapag. Kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Diyos.” Dinala nila siya sa Jerusalem, at siya'y namatay roon.

At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem at sinakop ito. Pinatay nila ito ng talim ng tabak, at sinunog ng apoy ang lunsod.

Pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong upang lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa mga lupaing maburol, at sa Negeb, at sa kapatagan.

10 Ang Juda ay lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba); at kanilang tinalo ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai.

11 Mula roo'y lumaban sila sa mga taga-Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.)

12 Sinabi ni Caleb, “Ang sumalakay sa Kiryat-sefer at sumakop doon ay ibibigay ko sa kanya si Acsa na aking anak bilang asawa.”

13 Si Otniel na anak ni Kenaz, nakababatang kapatid ni Caleb, ay siyang sumakop; at ibinigay niya sa kanya si Acsa na kanyang anak bilang asawa.

14 Nang makipisan siya sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang bukid; at siya'y bumaba sa kanyang asno, at sinabi ni Caleb sa kanya, “Anong ibig mo?”

15 Sinabi ni Acsa sa kanya, “Bigyan mo ako ng isang kaloob; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb, bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig.” At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba.

16 Ang mga anak ni Kineo, na biyenan ni Moises ay umahong kasama ng mga anak ni Juda mula sa lunsod ng mga palma hanggang sa ilang ng Juda na malapit sa Arad; at sila'y naparoon at nanirahang kasama ng mga tao.

17 Ang Juda ay sumama kay Simeon na kanyang kapatid, at kanilang tinalo ang mga Cananeo na nanirahan sa Sefath at lubos na pinuksa ito. Ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma.

18 Sinakop din naman ng Juda ang Gaza pati ang nasasakupan niyon at ang Ascalon pati ang nasasakupan niyon, at ang Ekron pati ang nasasakupan niyon.

19 Ang Panginoon ay sumama sa Juda at kanyang inangkin ang mga lupaing maburol; ngunit hindi niya mapalayas ang mga naninirahan sa kapatagan, dahil sa sila'y may mga karwaheng bakal.

20 Kanilang(A) ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya nang sinabi ni Moises at kanyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anak.

21 Hindi(B) pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.

22 Ang sambahayan ni Jose ay umahon din laban sa Bethel; at ang Panginoon ay kasama nila.

23 Ang sambahayan ni Jose ay nagsugo upang tiktikan ang Bethel. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)

24 Nakakita ang mga espiya ng isang lalaki na lumalabas sa lunsod at kanilang sinabi sa kanya, “Ituro mo sa amin ang pasukan sa lunsod at magiging mabuti kami sa iyo.”

25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa lunsod, at kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga tao sa lunsod ngunit pinaalis ang lalaki at ang kanyang buong sambahayan.

26 Kaya't ang lalaki ay pumasok sa lupain ng mga Heteo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyon na Luz: iyon ang pangalan niyon hanggang sa araw na ito.

Ang mga Bayang Hindi pa Nasasakop

27 Hindi(C) pinalayas ng Manases ang mga naninirahan sa Bet-shan at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Taanac at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Dor at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Ibleam at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Megido at ang mga nayon niyon; kundi ang mga Cananeo ay nanatiling nakatira sa lupaing iyon.

28 Nang lumakas ang Israel, kanilang sapilitang pinagawa ang mga Cananeo, ngunit hindi nila lubos na pinalayas.

29 Hindi(D) pinalayas ni Efraim ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nanirahan sa Gezer na kasama nila.

30 Hindi pinalayas ni Zebulon ang mga naninirahan sa Chitron, ni ang mga naninirahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nanirahang kasama nila, at naging saklaw ng sapilitang paggawa.

31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga naninirahan sa Aco, ni ang mga naninirahan sa Sidon, ni ang naninirahan sa Alab, ni ang naninirahan sa Aczib, ni ang naninirahan sa Helba, ni ang naninirahan sa Afec, ni ang naninirahan sa Rehob;

32 kundi ang mga Aserita ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, na mga naninirahan sa lupaing iyon sapagkat hindi nila pinalayas sila.

33 Hindi pinalayas ng Neftali ang mga naninirahan sa Bet-shemes, ni ang mga naninirahan sa Bet-anat; kundi nanirahang kasama ng mga Cananeo na naninirahan sa lupaing iyon. Gayunman ang mga naninirahan sa Bet-shemes at naninirahan sa Bet-anat ay naging saklaw ng sapilitang paggawa para sa kanila.

34 Pinaurong ng mga Amoreo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol sapagkat ayaw nilang payagang sila'y bumaba sa kapatagan.

35 Nagpilit ang mga Amoreo na manirahan sa bundok ng Heres, sa Aijalon, at sa Shaalbim. Gayunman, lalong naging makapangyarihan[a] ang sambahayan ni Jose sa kanila at sila'y inilagay sa sapilitang paggawa.

36 Ang hangganan ng mga Amoreo ay mula sa daang paakyat ng Acrabim, mula sa Sela at paitaas.

Mga Gawa 5

Si Ananias at si Safira

Ngunit may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang nagbili ng isang ari-arian, na may pagsang-ayon ng kanyang asawang si Safira.

Nalalaman ng kanyang asawa na itinago niya ang ilang bahagi ng pinagbilhan at dinala ang isang bahagi lamang at inilagay sa mga paanan ng mga apostol.

Sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit napadaig ka kay Satanas[a] at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo, at itago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa?

Nang ito'y hindi pa nabibili, hindi ba iyon ay nanatiling iyo? At nang maipagbili na, hindi ba nasa iyo ring kapangyarihan? Bakit inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos.”

Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay bumagsak at namatay. At sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nakarinig nito.

Tumindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing.

Pagkatapos ng halos tatlong oras na pagitan, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari.

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayong halaga ang lupa.” Sinabi niya, “Oo, sa gayong halaga.”

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit kayo'y nagkasundo upang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nasa pintuan ang mga paa ng mga naglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas.”

10 Agad siyang bumagsak sa kanyang paanan at namatay. Pumasok ang mga kabinataan at natagpuan nilang patay siya. Siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa.

11 Sinidlan ng malaking takot ang buong iglesya, at ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

Gumawa ng mga Himala ang mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon.

13 Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao.

14 Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon,

15 kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila.

16 Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling.

Inusig ang mga Apostol

17 Pagkatapos ay kumilos ang pinakapunong pari at ang lahat ng mga kasama niya (na sekta ng mga Saduceo) at sila'y napuno ng inggit.

18 Kanilang dinakip ang mga apostol at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan.

19 Ngunit kinagabihan ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, sila'y inilabas, at sinabi,

20 “Humayo kayo, tumayo kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang lahat ng mga salita tungkol sa buhay na ito.”

21 Nang marinig nila ito, pumasok sila sa templo nang magmamadaling-araw, at nagturo. Nang dumating ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin at ang buong kapulungan ng matatanda ng mga anak ng Israel, at nagpadala ng utos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon.

22 Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nag-ulat,

23 na nagsasabi, “Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob.”

24 Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari.

25 At may dumating at nagsabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!”

26 Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan.

27 Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari,

28 “Hindi(A) ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!”

29 Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, “Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao.

30 Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punungkahoy.

31 Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi,[b] at ng kapatawaran ng mga kasalanan.

32 Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.”

33 Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin.

34 Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki.

35 Sinabi niya sa kanila, “Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito.

36 Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan.

37 Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak.

38 Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak.

39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!”

40 Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya.

41 Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan.

42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.

Jeremias 14

Ang Matinding Tagtuyot

14 Ang salita ng Panginoon na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot.

“Ang Juda ay tumatangis,
    at ang mga pintuan niya ay nanghihina,
sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa;
    at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang.
Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig;
    sila'y dumating sa mga balon,
at walang natagpuang tubig;
    sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman;
sila'y nahihiya at nalilito,
    at tinatakpan ang kanilang mga ulo.
Dahil sa lupa na bitak-bitak,
    palibhasa'y walang ulan sa lupain,
ang mga magbubukid ay nahihiya,
    tinatakpan nila ang kanilang mga ulo.
Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa,
    sapagkat walang damo.
Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan,
    sila'y humihingal na parang mga asong-gubat;
ang mata nila'y nanlalabo
    sapagkat walang halaman.

“Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin,
    kumilos ka, O Panginoon, alang-alang sa iyong pangalan,
sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami;
    kami ay nagkasala laban sa iyo.
O ikaw na pag-asa ng Israel,
    ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan,
bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain,
    gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi?
Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito,
    gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas?
Gayunma'y ikaw, O Panginoon, ay nasa gitna namin,
    at kami ay tinatawag sa iyong pangalan;
    huwag mo kaming iwan.”

Walang Magagawa ang Mamagitan para sa Bayan

10 Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa bayang ito:
“Yamang inibig nila ang magpalabuy-laboy,
    hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa,
kaya't hindi sila tinatanggap ng Panginoon;
    ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan,
    at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan.”

11 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito.

12 Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.”

13 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Ah Panginoong Diyos! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, ‘Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.’”

14 At sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang mga propeta ay nagsasalita ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila. Sila'y nagpapahayag sa inyo ng sinungaling na pangitain, ng walang kabuluhang panghuhula at ng daya ng kanilang sariling mga pag-iisip.

15 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa aking pangalan, bagaman hindi ko sila sinugo, na nagsasabi, ‘Tabak at taggutom ay hindi darating sa lupaing ito:’ Sa pamamagitan ng tabak at taggutom ay malilipol ang mga propetang iyon.

16 At ang mga taong pinagsalitaan nila ng propesiya ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil sa taggutom at tabak; at walang maglilibing sa kanila—sila, ang kanilang mga asawa, mga anak na lalaki at babae. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang kasamaan.

17 “Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito:
‘Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw,
    at huwag huminto,
sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat,
    ng isang napakabigat na dagok.
18 Kung ako'y lalabas sa parang,
    tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak!
At kung ako'y papasok sa lunsod,
    tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom!
Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain
    at walang kaalaman.’”

19 Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda?
    Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion?
Bakit mo kami sinaktan,
    anupa't hindi kami mapapagaling?
Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating;
    ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot!
20 Aming kinikilala ang aming kasamaan, O Panginoon
    at ang kasamaan ng aming mga magulang;
    sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo.
21 Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan;
    huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian
    alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin.
22 Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan?
    O makapagpapaambon ba ang mga langit?
Hindi ba ikaw iyon, O Panginoon naming Diyos?
    Kaya't kami ay umaasa sa iyo;
    sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito.

Mateo 28

Muling Nabuhay si Jesus(A)

28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan.

At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito.

Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak.

At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay.

Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, “Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus.

Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya.[a]

Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo.”

Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad.

At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, “Kapayapaan ay sumainyo.” At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba.

10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako.”

Ang Ulat ng mga Bantay

11 Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari.

12 Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal,

13 na sinasabi, “Sabihin ninyo, ‘Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.’

14 Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo.”

15 At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.

Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(B)

16 Samantala,(C) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus.

17 At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya. Subalit ang ilan ay nag-alinlangan.

18 Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin.

19 Kaya't(D) sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo,

20 at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[b][c]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001