M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Kasalanan ni Acan
7 Ngunit ang mga anak ni Israel ay lumabag tungkol sa mga itinalagang bagay: si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa mga anak ni Israel.
2 Si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai na malapit sa Bet-haven, sa gawing silangan ng Bethel, at sinabi sa kanila, “Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain.” At ang mga lalaki ay humayo at tiniktikan ang Ai.
3 At sila'y bumalik kay Josue at sinabi sa kanya, “Huwag mo nang paahunin ang buong bayan, kundi paahunin lamang ang dalawa o tatlong libong lalaki at salakayin ang Ai; huwag mo nang pagurin ang buong bayan, sapagkat sila'y kakaunti.”
4 Kaya't umahon mula sa bayan ang may tatlong libong lalaki; at sila'y nagtakbuhan sa harapan ng mga lalaki sa Ai.
5 Ang napatay sa kanila ng mga lalaki sa Ai ay may tatlumpu't anim na lalaki; at kanilang hinabol sila mula sa harapan ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at pinatay sila sa dakong pababa. At ang mga puso ng taong-bayan ay nanlumo at naging parang tubig.
6 Pagkatapos ay pinunit ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harapan ng kaban ng Panginoon hanggang sa kinahapunan, siya at ang matatanda ng Israel; at nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo.
7 At sinabi ni Josue, “O Panginoong Diyos, bakit mo pa pinatawid ang bayang ito sa Jordan upang ibigay lamang kami at puksain ng kamay ng mga Amoreo? Sana'y nasiyahan na kaming nanirahan sa kabila ng Jordan!
8 O Panginoon, ano ang aking masasabi pagkatapos na ang Israel ay tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway!
9 Sapagkat mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng lahat na naninirahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at tatanggalin ang aming pangalan sa lupa; at ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?”
10 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tumayo ka; bakit ka nagpapatirapa ng ganito?
11 Ang Israel ay nagkasala at kanilang nilabag ang tipan na aking iniutos sa kanila. Sila'y kumuha sa mga itinalagang bagay, sila'y nagnakaw, nagsinungaling at inilagay ang mga iyon sa kanilang sariling dala-dalahan.
12 Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makakatagal sa harapan ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway sapagkat sila'y naging bagay para sa pagkawasak. Ako'y hindi na sasama sa inyo, malibang puksain ninyo ang mga itinalagang bagay sa gitna ninyo.
13 Tumayo ka, pakabanalin mo ang bayan, at sabihin mo, ‘Magpakabanal kayo sa kinabukasan; sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, “May mga itinalagang bagay sa gitna mo, O Israel. Ikaw ay hindi makakatagal sa harapan ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.”
14 Sa kinaumagahan ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi. Ang lipi na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga angkan, at ang angkan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga sambahayan, at ang sambahayan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit, bawat lalaki.
15 Ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang ari-arian, sapagkat kanyang sinuway ang tipan ng Panginoon, at sapagkat siya'y gumawa ng kahihiyan sa Israel.’”
16 Kinaumagahan maagang bumangon si Josue, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi, at ang lipi ni Juda ay napili.
17 Kanyang inilapit ang angkan ni Juda at napili ang angkan ng mga Zeraita. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa angkan ng mga Zeraita, at si Zabdi ay napili.
18 Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa kanyang sambahayan at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.
19 At sinabi ni Josue kay Acan, “Anak ko, luwalhatiin mo ang Panginoong Diyos ng Israel, at magtapat ka sa kanya. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag mong ilihim iyon sa akin.”
20 Sumagot si Acan kay Josue, “Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa Panginoong Diyos ng Israel, at ganito ang aking ginawa.
21 Nang aking makita sa mga sinamsam ang isang magandang balabal na mula sa Shinar, ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang barang ginto na limampung siklo ang timbang ay akin ngang ninasa, at kinuha. Ang mga iyon ay nakabaon sa lupa sa gitna ng aking tolda at ang pilak ay nasa ilalim niyon.”
22 Kaya't nagpadala si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda at nakitang iyon ay nakatago sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyon.
23 Kanilang kinuha ang mga iyon palabas ng tolda at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag ang mga iyon sa harapan ng Panginoon.
24 Kinuha ni Josue at ng buong Israel na kasama niya si Acan na anak ni Zera, at ang pilak, balabal, barang ginto, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang kanyang mga baka, mga asno, mga tupa, ang kanyang tolda, at ang lahat niyang ari-arian, at kanilang dinala sila sa libis ng Acor.
25 At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami dinalhan ng kaguluhan? Dinadalhan ka ng Panginoon ng kaguluhan sa araw na ito.” At pinagbabato siya ng mga bato ng buong Israel at kanilang sinunog sila sa apoy.
26 Kanilang binuntunan siya ng mataas na bunton ng mga bato hanggang sa araw na ito; at ang Panginoon ay tumalikod sa bangis ng kanyang galit. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Acor,[a] hanggang sa araw na ito.
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
doon tayo'y naupo at umiyak;
nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
“Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
at sa malaking bato sila'y sasalpok.
Awit ni David.
138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
2 Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
3 Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
4 Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
5 at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
6 Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.
7 Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
8 Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.
Ang Pagkatawag kay Jeremias
1 Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin,
2 na(A) sa kanya dumating ang salita ng Panginoon nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari.
3 Dumating(B) din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan.
4 Ngayon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi,
5 “Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita,
at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga;
hinirang kitang propeta sa mga bansa.”
6 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah, Panginoong Diyos! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa.”
7 Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon,
“Huwag mong sabihin, ‘Ako'y isang kabataan;’
sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka,
at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo.
8 Huwag kang matakot sa kanila,
sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng Panginoon.”
9 Pagkatapos ay iniunat ng Panginoon ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng Panginoon,
“Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.
10 Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian,
upang bumunot at magpabagsak,
upang pumuksa at magwasak,
upang magtayo at magtanim.”
Dalawang Pangitain
11 Dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi, “Jeremias, anong nakikita mo?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro.”
12 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Nakita mong mabuti, sapagkat pinagmamasdan ko ang aking salita upang isagawa ito.”
13 Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, “Ano ang iyong nakikita?” At aking sinabi, “Ako'y nakakakita ng isang palayok na pinagpapakuluan, at nakaharap palayo sa hilaga.”
14 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Mula sa hilaga ay lalabas ang kasamaan sa lahat ng naninirahan sa lupain.
15 Sapagkat narito, tinatawag ko ang lahat ng mga angkan ng mga kaharian ng hilaga, sabi ng Panginoon. Sila'y darating at bawat isa ay maglalagay ng kanya-kanyang trono sa pasukan ng mga pintuan ng Jerusalem, laban sa lahat ng pader nito sa palibot, at laban sa lahat ng mga lunsod ng Juda.
16 At aking bibigkasin ang aking mga hatol laban sa kanila, dahil sa lahat nilang kasamaan sa pagtalikod sa akin. Sila'y nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay.
17 Ngunit ikaw, magbigkis ka ng iyong mga balakang, tumindig ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang manghina sa harapan nila, baka ikaw ay papanghinain ko sa harapan nila.
18 Ngayon, tingnan mo, ginawa kita sa araw na ito na isang lunsod na may kuta at isang haliging bakal, at gaya ng pader na tanso laban sa buong lupain, laban sa mga hari ng Juda, sa mga prinsipe nito, sa mga pari nito, at laban sa mamamayan ng lupain.
19 Lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo, sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng Panginoon.”
Mga Minanang Turo(A)
15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,
2 “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”
3 Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?
4 Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’
5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.
6 Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.
7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”
12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”
13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”
16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?
17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.
19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.
20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Ang Pananalig ng Babaing Cananea(G)
21 Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon.
22 May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, “Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo.”
23 Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, “Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin.”
24 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel.”
25 Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, “Panginoon, tulungan mo ako.”
26 Siya'y sumagot at sinabi, “Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso.”
27 Ngunit sinabi niya, “Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon.”
28 Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo.” At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon.
Maraming Pinagaling si Jesus
29 Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon.
30 Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya.
31 Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel.
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(H)
32 Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, “Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan.”
33 At sinabi sa kanya ng mga alagad, “Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?”
34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo?” Sinabi nila, “Pito, at ilang maliliit na isda.”
35 Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa.
36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao.
37 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing.
38 Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
39 Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala.[d]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001