M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Paghahati sa Lupaing Nasa Kanluran ng Jordan
14 Ito ang mga pamanang tinanggap ng mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan, na ipinamahagi sa kanila ng paring si Eleazar, at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel,
2 sa(A) pamamagitan ng palabunutan ng kanilang mana, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi.
3 Sapagkat(B) nabigyan na ni Moises ng pamana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa kabila ng Jordan; ngunit sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na pamana sa kanila.
4 Sapagkat ang mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi, ang Manases at ang Efraim; at wala ng bahaging ibinigay sa mga Levita sa lupain, liban sa mga lunsod na matitirahan, pati ng mga pastulan para sa kanilang hayop at sa kanilang pag-aari.
5 Kung paano iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang ipinamahagi ang lupain.
Ang Hebron ay Ibinigay kay Caleb
6 Nang(C) magkagayo'y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal; at sinabi sa kanya ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, “Nalalaman ninyo ang sinabi ng Panginoon kay Moises, na tao ng Diyos, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Kadesh-barnea.
7 Ako'y(D) apatnapung taon nang ako'y suguin ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain; at dinalhan ko siya ng ulat na gaya ng nasa aking puso.
8 Subalit pinapanghina ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan; ngunit ako'y lubos na sumunod sa Panginoon kong Diyos.
9 At(E) si Moises ay sumumpa nang araw na iyon, ‘Tunay na ang lupaing tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang pamana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman, sapagkat lubos kang sumunod sa Panginoon kong Diyos.’
10 At ngayon, gaya ng kanyang sinabi, iningatan akong buháy ng Panginoon, nitong apatnapu't limang taon, mula nang panahong sabihin ng Panginoon ang salitang ito kay Moises, samantalang lumalakad ang Israel sa ilang. Sa araw na ito ako'y walumpu't limang taong gulang na.
11 Gayunma'y malakas pa ako hanggang sa araw na ito na gaya ng araw na suguin ako ni Moises. Kung ano ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon sa pakikidigma, at gayundin sa paglabas-pasok.
12 Ngayon nga'y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinabi ng Panginoon nang araw na iyon; sapagkat nabalitaan mo nang araw na iyon kung paanong nariyan ang mga Anakim, na mga lunsod na malalaki at may pader; marahil ay sasamahan ako ng Panginoon, at maitataboy ko sila na gaya ng sinabi ng Panginoon.”
13 At binasbasan siya ni Josue at kanyang ibinigay ang Hebron kay Caleb na anak ni Jefone, bilang pamana niya.
14 Kaya't ang Hebron ay naging pamana ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo hanggang sa araw na ito; sapagkat kanyang lubos na sinunod ang Panginoon, ang Diyos ng Israel.
15 Ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba; itong Arba ang pinakadakilang lalaki sa mga Anakim. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikidigma.
Ang Ipinamana kay Juda
15 Ang naging lupain ng lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan ay hanggang sa hangganan ng Edom; hanggang sa ilang ng Zin sa kadulu-duluhang bahagi ng timog.
2 Ang kanilang hangganan sa timog ay mula sa kadulu-duluhang bahagi ng Dagat na Alat, mula sa look na nakaharap sa timog.
3 Ito'y papalabas sa dakong timog paakyat sa Acrabim, at patuloy sa Zin at paakyat sa timog ng Kadesh-barnea, at patuloy sa Hesron, at paakyat sa Adar, at paliko sa Carca;
4 at patuloy sa Azmon, at papalabas sa batis ng Ehipto, at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat: ito ang inyong magiging hangganan sa timog.
5 Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Alat, hanggang sa bunganga ng Jordan. At ang hangganan sa hilaga ay mula sa look ng dagat na nasa bunganga ng Jordan:
6 at paakyat hanggang sa Bet-hogla, at patuloy sa hilaga ng Bet-araba; at ang hangganan ay paakyat sa bato ni Bohan na anak ni Ruben.
7 Ang hangganan ay paakyat sa Debir mula sa libis ng Acor, hanggang sa hilagang paharap sa dakong Gilgal, na nasa tapat ng paakyat sa Adumim, na nasa timog ng ilog: at ang hangganan ay patuloy sa tubig ng En-shemes, at ang mga labasan niyon ay sa En-rogel.
8 Ang hangganan ay paakyat sa libis ng anak ni Hinom hanggang sa Jebuseo sa timog (na siya ring Jerusalem): at ang hangganan ay paakyat sa taluktok ng bundok na naroroon sa harapan ng libis ng Hinom sa kanluran na nasa kadulu-duluhang bahagi ng libis ng Refaim sa hilaga.
9 Ang hangganan ay umaabot mula sa taluktok ng bundok hanggang sa bukal ng tubig ng Neftoa, at papalabas sa mga lunsod ng bundok ng Efron, at ang hangganan ay umaabot sa Baala (na siya ring Kiryat-jearim).
10 Ang hangganan ay paikot mula sa Baala sa kanluran hanggang sa bundok ng Seir, at patuloy sa tabi ng bundok Jearim sa hilaga (na siya ring Chesalon), at pababa sa Bet-shemes at patuloy sa Timna.
11 Ang hangganan ay papalabas sa tagiliran ng Ekron sa hilaga; at ang hangganan ay umaabot sa Siceron, at patuloy sa bundok ng Baala, at papalabas sa Jabneel; at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat.
12 Ang hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat, at ang baybayin nito. Ito ang hangganan ng mga anak ni Juda sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan.
Sinakop ni Caleb ang Hebron at Debir(F)
13 Ayon(G) sa kautusan ng Panginoon kay Josue, ay nagbigay siya kay Caleb na anak ni Jefone ng isang bahagi sa gitna ng mga anak ni Juda, samakatuwid ay ang Kiryat-arba, na siya ring Hebron, (si Arba ay naging ama ni Anak).
14 Pinalayas ni Caleb mula roon ang tatlong mga anak na lalaki ni Anak: sina Sesai, Ahiman, at Talmai, na mga anak ni Anak.
15 Siya'y umakyat mula roon laban sa mga taga-Debir: ang pangalan ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.
16 At sinabi ni Caleb, “Ang sinumang makatalo sa Kiryat-sefer at sakupin ito, sa kanya ay ibibigay ko bilang asawa si Acsa na aking anak na babae.”
17 Sinakop ito ni Otniel na anak ni Kenaz, na kapatid ni Caleb; at ibinigay niya sa kanya bilang asawa si Acsa na kanyang anak na babae.
18 Nang si Acsa ay dumating sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang parang; at siya'y bumaba sa kanyang asno at sinabi ni Caleb sa kanya, “Anong ibig mo?”
19 At kanyang sinabi, “Bigyan mo ako ng handog; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb ay bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig.” At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas at ang mga bukal sa ibaba.
Ang mga Bayan ng Juda
20 Ito ang naging pamana sa lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan.
21 Ang mga kadulu-duluhang lunsod ng lipi ng mga anak ni Juda sa timog sa hangganan ng Edom ay ang Kabzeel, Eder, Jagur,
22 Cina, Dimona, Adada,
23 Kedes, Hazor, Itnan,
24 Zif, Telem, Bealot,
25 Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na siya ring Hazor),
26 Amam, Shema, Molada,
27 Hazar-gada, Hesmon, Bet-pelet,
28 Hazar-shual, Beer-seba, Bizotia,
29 Baala, Iim, Ezem,
30 Eltolad, Cesil, Horma,
31 Siclag, Madmana, Sansana,
32 Lebaot, Silim, Ain, at Rimon: lahat ng mga lunsod ay dalawampu't siyam, pati ang mga nayon ng mga iyon.
33 Sa mababang lupain: Estaol, Sora, Asena,
34 Zanoa, En-ganim, Tapua, Enam,
35 Jarmut, Adullam, Socoh, Azeka,
36 Saaraim, Aditaim, Gedera, Gederotaim; labing-apat na lunsod pati ang kanilang mga nayon.
37 Senan, Hadasha, Migdal-gad;
38 Dilan, Mizpe, Jokteel,
39 Lakish, Boscat, Eglon,
40 Cabon, Lamas, Citlis;
41 Gederot, Bet-dagon, Naama at Makeda: labing-anim na bayan at ang kanilang mga nayon.
42 Libna, Eter, Asan,
43 Jifta, Asna, Nesib,
44 Keila, Aczib, at Maresha; siyam na lunsod at ang kanilang mga nayon.
45 Ekron at ang kanyang mga bayan at mga nayon,
46 mula sa Ekron hanggang sa dagat, lahat na nasa gilid ng Asdod at ang kanilang mga nayon.
47 Asdod, at ang kanyang mga bayan at mga nayon. Gaza, at ang kanyang mga bayan at mga nayon, hanggang sa batis ng Ehipto, at ang Malaking Dagat at ang kanyang baybayin.
48 Sa lupaing maburol, Samir, Jatir, Socoh,
49 Dana, Kiryat-sana (na siyang Debir),
50 Anab, Estemoa, Anim;
51 Goshen, Holon, at Gilo: labing-isang lunsod at ang kanilang mga nayon,
52 Arab, Duma, Eshan,
53 Janum, Bet-tapua, Afeca;
54 Humta, Kiryat-arba (na siyang Hebron), at Sior; siyam na lunsod at ang kanilang mga nayon.
55 Maon, Carmel, Zif, Juta,
56 Jezreel, Jocdeam, Zanoa,
57 Cain, Gibeah, at Timna: sampung lunsod at ang kanilang mga nayon.
58 Halhul, Bet-zur at Gedor,
59 Maarath, Bet-anot, at Eltecon; anim na lunsod at ang kanilang mga nayon.
60 Kiryat-baal (na siyang Kiryat-jearim), at Rabba: dalawang lunsod at ang kanilang mga nayon.
61 Sa ilang; Bet-araba, Midin, Secaca;
62 Nibsan, at ang Bayan ng Asin, at En-gedi: anim na lunsod at ang kanilang mga nayon.
63 Ngunit(H) ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem ay hindi napalayas ng mga anak ni Juda; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Juda sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Nangaral si Jeremias sa Templo
7 Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na sinasabi,
2 “Tumayo ka sa pintuan ng bahay ng Panginoon, at ipahayag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayong lahat na taga-Juda na nagsisipasok sa mga pintuang ito upang magsisamba sa Panginoon.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito.
4 Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, ‘Ito ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon, ang templo ng Panginoon.’
5 “Sapagkat kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan sa isa't isa,
6 kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaing balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili,
7 kung gayo'y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman.
8 “Narito, kayo'y nagtitiwala sa mga mapandayang salita na hindi mapapakinabangan.
9 Kayo ba'y magnanakaw, papatay, mangangalunya at susumpa ng kasinungalingan, at magsusunog ng insenso kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala,
10 at pagkatapos ay magsisiparito at magsisitayo sa harapan ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na magsasabi, ‘Kami ay ligtas!’ upang magpatuloy lamang sa paggawa ng lahat ng karumaldumal na ito?
11 Ang(A) bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan, ay naging yungib ng mga tulisan sa inyong mga mata? Narito, ako mismo ang nakakita nito, sabi ng Panginoon.
12 Magsiparoon(B) kayo ngayon sa aking lugar na dating nasa Shilo, na doon ko pinatira ang aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa roon dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel.
13 At ngayon, sapagkat inyong ginawa ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng Panginoon, at nang ako'y nagsalita sa inyo na bumabangong maaga at nagsasalita, ay hindi kayo nakinig. At nang tawagin ko kayo, hindi kayo sumagot,
14 kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong pinagtitiwalaan at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Shilo.
15 Palalayasin ko kayo sa aking paningin, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ninyong mga kapatid, ang lahat ng supling ni Efraim.
Ang Pagsuway ng Bayan
16 “Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin.
17 Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
18 Ang(C) mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit.
19 Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng Panginoon. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito?
20 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay.”
21 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, “Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman.
22 Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay.
23 Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, ‘Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.’
24 Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong.
25 Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila.
26 Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang.
27 “Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo.
28 At sasabihin mo sa kanila, ‘Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng Panginoon nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig.
29 Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo,
tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan;
sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng Panginoon
ang salinlahi ng kanyang poot.'
30 “Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng Panginoon; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito.
31 At(D) sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip.
32 Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng Panginoon, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman.
33 Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon.
34 At(E) aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
21 Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad,
2 na sinasabi sa kanila, “Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin.
3 Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, ‘Kailangan sila ng Panginoon,’ at kaagad niyang ipapadala sila.”
4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi,
5 “Sabihin(B) ninyo sa anak na babae ng Zion,
Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo,
mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno,
at sa isang batang asno na anak ng babaing asno.”
6 Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila.
7 Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito.
8 Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan.
9 At(C) ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!”
10 Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, “Sino ba ito?”
11 At sinabi ng maraming tao, “Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea.
Nilinis ni Jesus ang Templo(D)
12 Pumasok si Jesus sa templo,[a] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.
13 Sinabi(E) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
14 Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.
15 Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David,” ay nagalit sila.
16 Kaya't(F) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa,
‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo
ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?”
Sinumpa ang Puno ng Igos(G)
17 Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
18 Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya.
19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!” At natuyo kaagad ang puno ng igos.
20 Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, “Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?”
21 Sumagot(H) si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Maalis ka at mapatapon sa dagat,’ ito ay mangyayari.
22 At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin.”
Pagtuligsa sa Awtoridad ni Jesus(I)
23 Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?”
24 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.
25 Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?” At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, “Kung sasabihin natin, ‘Mula sa langit,’ sasabihin niya sa atin, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
26 Ngunit kung sasabihin natin, ‘Mula sa mga tao,’ natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan.”
27 Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, “Hindi namin alam.” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito.
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 “Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.’
29 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Ayaw ko’; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin.
30 Lumapit ang ama[b] sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, ‘Pupunta po ako,’ ngunit hindi pumunta.
31 Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?” Sinabi nila, “Ang una.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos.
32 Sapagkat(J) dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya.
Ang Talinghaga ng Ubasan at mga Katiwala(K)
33 “Pakinggan(L) ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain.
34 Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito.
35 Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa.
36 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila.
37 Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, ‘Igagalang nila ang aking anak.’
38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, ‘Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.’
39 Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay.
40 Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?”
41 Sinabi nila sa kanya, “Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.”
42 Sinabi(M) ni Jesus sa kanila, “Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan,
‘Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo
ang siyang naging ulo ng panulukan;
ito ay mula sa Panginoon,
at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?’
43 Kaya sinasabi ko sa inyo, ‘Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.’
[ 44 Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]”[c]
45 Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila.
46 Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus,[d] ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001