Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 17-18

Ang Tungkod ni Aaron ay Namulaklak

17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawat sambahayan ng mga ninuno; sa lahat nilang mga pinuno ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawat isa sa kanyang tungkod.

Isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi, sapagkat magkakaroon ng isa lamang tungkod para sa bawat pinuno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno.

Ilagay mo ang mga ito sa toldang tipanan sa harap ng patotoo, kung saan ako nakikipagtagpo sa inyo.

Mamumulaklak ang tungkod ng lalaking aking pipiliin, at patitigilin ko ang mga pagrereklamo ng mga anak ni Israel, na kanilang inerereklamo laban sa inyo.

Si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat ng kanilang mga pinuno ay nagbigay sa kanya ng tungkod, isa sa bawat pinuno ayon sa mga sambayanan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod, at ang tungkod ni Aaron ay nasa kalagitnaan ng kanilang mga tungkod.

Inilagay ni Moises ang mga tungkod sa harap ng Panginoon sa tolda ng patotoo.

Kinabukasan,(A) nang si Moises ay pumasok sa tolda ng patotoo; ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras.

Mula sa harap ng Panginoon ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa harap ng lahat ng mga anak ni Israel at kanilang pinagmasdan. Kinuha ng bawat lalaki ang kanyang tungkod.

10 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatan bilang tanda laban sa mga mapaghimagsik; at nang iyong wakasan ang kanilang mga pagrereklamo laban sa akin, upang hindi sila mamatay.”

11 Gayon ang ginawa ni Moises; kung paanong iniutos ng Panginoon sa kanya ay gayon niya ginawa.

12 Sinabi ng mga anak ni Israel kay Moises, “Narito, kami ay patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak.”

13 Lahat ng lumalapit sa tabernakulo ng Panginoon ay mamamatay. Kami bang lahat ay malilipol?”

Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Bagay na Banal

18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari.

Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila'y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo.

Sila'y maglilingkod para sa iyo at para sa buong tolda. Huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuwaryo, ni sa dambana, upang hindi sila mamatay, maging kayo man.

Sila'y makikisama sa iyo, at maglilingkod sa toldang tipanan, sa buong paglilingkod sa tolda at walang sinumang ibang dapat lumapit sa iyo.

Gampanan ninyo ang mga gawain sa santuwaryo, at ang gawain sa dambana upang huwag nang magkaroon pa ng kapootan sa mga anak ni Israel.

Ako ang pumili sa inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila ay isang kaloob sa inyo, na ibinigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan.

At gagampanan mo at ng iyong mga anak na kasama mo ang inyong gawain bilang pari sa bawat bagay ng dambana at doon sa nasa loob ng tabing at kayo'y maglilingkod. Ibinibigay ko sa inyo ang pagiging pari bilang kaloob at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.”

Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako'y narito, ibinigay ko sa iyo ang katungkulan sa mga handog na para sa akin, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel. Ibinigay ko sa iyo ang mga ito bilang bahagi; at sa iyong mga anak bilang marapat na bahagi ninyo magpakailanman.

Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawat alay nila, bawat handog na butil at bawat handog pangkasalanan, at bawat handog nila para sa may salang budhi na kanilang ihahandog sa akin ay magiging pinakabanal sa iyo at sa iyong mga anak.

10 Gaya ng mga kabanal-banalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawat lalaki ay kakain niyon; iyon ay banal na bagay para sa iyo.

11 Ito ay iyo rin, ang handog na iwinagayway na kanilang kaloob, samakatuwid ay ang lahat ng mga handog na iwinagayway ng mga anak ni Israel; ibinigay ko ang mga ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na kasama mo bilang walang hanggang bahagi magpakailanman. Bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.

12 Lahat ng pinakamabuting langis, at lahat ng pinakamabuting alak at trigo, ang mga unang bunga ng mga iyon na kanilang ibibigay sa Panginoon ay ibibigay ko sa iyo.

13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon ay magiging iyo; bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.

14 Lahat(B) ng mga bagay na nakatalaga sa Israel ay magiging iyo.

15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayundin sa mga hayop, ay magiging iyo. Gayunman, ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.

16 At ang halaga ng pantubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa halaga ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuwaryo (na dalawampung gera[a]).

17 Ngunit ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; banal ang mga iyon. Iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba bilang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo para sa Panginoon.

18 Ngunit ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na iwinagayway at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.

19 Lahat ng banal na handog na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na walang hanggang bahagi. Iyon ay tipan ng asin magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo.”

20 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Hindi ka magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anumang bahagi sa gitna nila. Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.

Ang Ikasampung Bahagi ay Ipinamana sa mga Levita

21 Sa(C) mga anak ni Levi, narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel bilang mana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, samakatuwid ay sa paglilingkod sa toldang tipanan.

22 Mula ngayon ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa toldang tipanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.

23 Ngunit gagawin ng mga Levita ang paglilingkod sa toldang tipanan at kanilang papasanin ang kanilang kasamaan; ito'y magiging tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.

24 Sapagkat ang ikapu ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog bilang handog sa Panginoon ay aking ibinigay sa mga Levita bilang mana. Kaya't aking sinabi sa kanila, ‘Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.’”

25 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

26 “Bukod dito'y sasabihin mo sa mga Levita, ‘Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasampung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila bilang inyong mana, ay inyong ihahandog bilang handog na ibinigay sa Panginoon, ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi.

27 Ang inyong mga handog ay ibibilang sa inyo na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.

28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog sa Panginoon sa inyong buong ikasampung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ninyo ibibigay sa paring si Aaron ang handog sa Panginoon.

29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawat handog na ukol sa Panginoon, ang lahat ng pinakamabuti sa mga iyon, samakatuwid ay ang banal na bahagi niyon.

30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, “Kapag inyong naialay na ang pinakamabuti sa handog, ang nalabi ay ibibilang sa mga Levita, na parang bunga ng giikan at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.

31 Maaari ninyong kainin saanmang lugar, kayo at ang inyong mga kasambahay sapagkat ito'y inyong gantimpala dahil sa inyong paglilingkod sa toldang tipanan.

32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, kapag naialay na ninyo ang pinakamabuti sa mga iyon at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.’”

Mga Awit 55

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.

55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
    at huwag kang magtago sa daing ko!
Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
    ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
    dahil sa tinig ng kaaway,
    dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
    at sa galit ay inuusig nila ako.

Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
    ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
Takot at panginginig ay dumating sa akin,
    at nadaig ako ng pagkatakot.
At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
    Lilipad ako at magpapahinga.
Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
    sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
    mula sa malakas na hangin at bagyo.”
O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
    sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
    sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
    ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.

12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
    mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
    sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
    kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
    tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
    ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
    sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.

16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
    at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
    ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
    mula sa pakikibaka laban sa akin,
    sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
    siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.

20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
    kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
    ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
    gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
    at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
    makilos kailanman ang matuwid.

23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
    sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
    ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.

Isaias 7

Unang Babala kay Ahaz

Nang(A) mga araw ni Ahaz na anak ni Jotam, anak ni Uzias, na hari ng Juda, si Rezin na hari ng Siria, at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon, ngunit hindi nila ito magapi.

Nang sabihin sa sambahayan ni David, “Ang Siria ay nakipagkasundo sa Efraim,” ang puso niya at ang puso ng kanyang bayan ay nanginig na gaya ng mga punungkahoy sa gubat na niyanig ng hangin.

Nang magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Lumabas ka at iyong salubungin si Ahaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng Bilaran ng Tela,

at sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay makinig, tumahimik ka, huwag kang matakot, o manghina man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias.

Dahil sa ang Siria, ang Efraim, at ang mga anak ni Remalias, ay nagbalak ng masama laban sa iyo, na nagsasabi,

“Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating takutin, at ating sakupin para sa ating sarili, at ating ilagay na hari sa gitna niyon ang anak ni Tabeel.”

Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:

“Hindi ito matatatag o mangyayari man.
Sapagkat ang ulo ng Siria ay ang Damasco,
    at ang ulo ng Damasco ay ang Rezin.

Sa loob ng animnapu't limang taon ay magkakawatak-watak ang Efraim anupa't hindi na ito magiging isang bayan.

At ang ulo ng Efraim ay ang Samaria,
    at ang ulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias.
Kung kayo'y hindi maniniwala,
    tunay na hindi kayo matatatag.’”

Pangalawang Babala kay Ahaz—Palatandaan ng Emmanuel

10 At ang Panginoon ay muling nagsalita kay Ahaz, na sinasabi,

11 “Humingi ka ng tanda mula sa Panginoon mong Diyos; gawin mo itong kasinlalim ng Sheol o kasintaas ng langit.”

12 Ngunit sinabi ni Ahaz, “Hindi ako hihingi, ni susubukin ko man ang Panginoon.”

13 At kanyang sinabi, “Dinggin ninyo ngayon, O sambahayan ni David! Maliit na bagay ba sa inyo ang pagurin ang mga tao, na inyong papagurin rin ang aking Diyos?

14 Kaya't(B) ang Panginoon mismo ang magbibigay sa inyo ng tanda. Narito, isang birhen ang maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at kanyang tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel.[a]

15 Siya'y kakain ng keso at pulot, kapag siya'y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti.

16 Sapagkat bago malaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, iiwan ang lupain ng dalawang haring iyong kinatatakutan.

17 Ang Panginoon ay magpapasapit sa iyo, sa iyong bayan, at sa sambahayan ng iyong ninuno ng mga araw na hindi pa nangyari mula nang araw na humiwalay ang Efraim sa Juda, ang hari ng Asiria.”

18 Sa araw na iyon, susutsutan ng Panginoon ang langaw na nasa kahuli-hulihang bahagi ng mga ilog ng Ehipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria.

19 At sila'y dadating, at silang lahat ay magpapahinga sa matatarik na bangin, sa mga bitak ng malalaking bato, sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal.

20 Sa araw na iyon ay aahitan ng Panginoon ng pang-ahit na inupahan sa kabila ng Ilog,—kasama ang hari ng Asiria—ang ulo at ang balahibo ng mga paa, gayundin ang balbas.

21 Sa araw na iyon, ang isang tao ay mag-aalaga ng guyang baka at ng dalawang tupa;

22 at dahil sa saganang gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng keso; sapagkat ang bawat isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng keso at pulot.

23 Sa araw na iyon, ang bawat dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan.

24 Paroroon doon ang mga tao na may mga pana at may busog; sapagkat ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan.

25 At ang tungkol sa lahat ng burol na inaasarol ng asarol ay hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; ngunit ang mga iyon ay magiging dako na doon ay pinakakawalan ang mga baka at ang mga tupa ay naglalakad.

Santiago 1

Pagbati

Si(A) Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat.

Pananampalataya at Karunungan

Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok,

yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis.

At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan.

Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya.

Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin.

Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon.

Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di-matatag sa lahat ng kanyang mga lakad.

Kahirapan at Kayamanan

Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas,

10 at(B) ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang.

11 Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay.

Tukso at Pagsubok

12 Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon[a] sa mga nagmamahal sa kanya.

13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, “Ako'y tinutukso ng Diyos,” sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman.

14 Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito;

15 at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan.

16 Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid.

17 Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago.

18 Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang.

Pakikinig at Pagtupad

19 Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit;

20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos.

21 Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa.

22 Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili.

23 Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin;

24 sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.

25 Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain.

26 Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan.

27 Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001