M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagreklamo ang mga Tao
11 Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.
2 Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.
4 At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!
5 Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.
6 Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”
7 Ang(A) manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.
8 Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.
9 Kapag(B) ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.
10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.
11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?
12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?
13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’
14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.
15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”
Ang Pitumpung Matatanda
16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17 Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.
18 At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19 Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;
20 kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”
21 Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’
22 Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”
23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”
24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.
25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.
Si Eldad at si Medad
26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.
27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”
28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”
29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”
30 At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.
Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot
31 At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko[a] ang kapal sa ibabaw ng lupa.
32 Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer[b] at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.
33 Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.
34 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.
35 Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.
Isang Awit. Awit ng mga Anak ni Kora.
48 Dakila ang Panginoon, at marapat purihin,
sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok.
2 Maganda(A) sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa,
ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari.
3 Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos
ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan.
4 Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon,
sila'y dumating na magkakasama.
5 Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas,
sila'y natakot, sila'y nagsitakas.
6 Sila'y nanginig,
nahapis na gaya ng isang babaing manganganak.
7 Sa pamamagitan ng hanging silangan
ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan.
8 Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita
sa lunsod ng Panginoon ng mga hukbo,
sa lunsod ng aming Diyos,
na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah)
9 Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos,
sa gitna ng iyong templo.
10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo,
ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa.
Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay.
11 Hayaang magalak ang Bundok ng Zion!
Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda
dahil sa iyong mga paghatol!
12 Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya;
inyong bilangin ang mga tore niya.
13 Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte,
inyong pasukin ang kanyang mga muog,
upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi
14 na ito ang Diyos,
ang ating Diyos magpakailanpaman:
Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman.
1 Ang(A) pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na kanyang nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda.
Ang Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Dinggin mo, O langit, at pakinggan mo, O lupa,
sapagkat nagsalita ang Panginoon:
“Ako'y nag-alaga at nagpalaki ng mga anak,
ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno ang sabsaban ng kanyang panginoon
ngunit ang Israel ay hindi nakakakilala,
ang bayan ko ay hindi nakakaunawa.”
4 Ah, bansang makasalanan,
bayang punô ng kasamaan,
anak ng mga gumagawa ng kasamaan,
mga anak na gumagawa ng kabulukan!
Tinalikuran nila ang Panginoon,
hinamak nila ang Banal ng Israel,
sila'y lubusang naligaw.
5 Bakit kayo'y hahampasin pa,
na kayo'y patuloy sa paghihimagsik?
Ang buong ulo ay may sakit,
at ang buong puso ay nanghihina.
6 Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo
ay walang kagalingan,
kundi mga sugat, mga galos,
at sariwang latay;
hindi pa naaampat, o natalian man,
o napalambot man ng langis.
7 Ang inyong lupain ay giba,
ang inyong mga lunsod ay tupok ng apoy;
ang inyong lupain ay nilalamon ng mga dayuhan sa inyong harapan;
iyon ay giba, tulad nang winasak ng mga dayuhan.
8 At ang anak na babae ng Zion ay naiwang parang kubol sa isang ubasan,
parang kubo sa taniman ng mga pipino,
parang lunsod na nakubkob.
9 Malibang(B) ang Panginoon ng mga hukbo
ay mag-iwan sa atin ng ilang nakaligtas
naging gaya sana tayo ng Sodoma,
at naging gaya sana tayo ng Gomorra.
10 Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon,
kayong mga pinuno ng Sodoma!
Makinig kayo sa kautusan ng ating Diyos,
kayong bayan ng Gomorra!
11 “Ano(C) sa akin ang dami ng inyong mga handog?
sabi ng Panginoon;
punô na ako sa mga lalaking tupa na handog na sinusunog,
at ang taba ng mga pinatabang baka;
at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro,
mga kordero at ng mga kambing na lalaki.
12 “Nang kayo'y dumating upang tingnan ang aking mukha,
sinong humiling nito mula sa inyong kamay
na inyong yurakan ang aking mga bulwagan?
13 Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay;
ang insenso ay karumaldumal sa akin.
Ang bagong buwan, ang Sabbath, at ang pagtawag ng mga kapulungan—
hindi ko na matiis ang kasamaan at ang banal na pagpupulong.
14 Ang aking kaluluwa ay namumuhi sa inyong mga bagong buwan at sa inyong mga takdang kapistahan,
ang mga iyan ay pasanin para sa akin.
Ako'y pagod na sa pagpapasan ng mga iyan.
15 Kapag inyong iniunat ang inyong mga kamay,
ikukubli ko ang aking mga mata sa inyo;
kahit na marami ang inyong panalangin,
hindi ako makikinig;
ang inyong mga kamay ay punô ng dugo.
16 Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo;
alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa
sa aking paningin;
tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan,
17 matuto kayong gumawa ng mabuti;
inyong hanapin ang katarungan,
inyong ituwid ang paniniil;
inyong ipagtanggol ang mga ulila,
ipaglaban ninyo ang babaing balo.
18 “Pumarito kayo ngayon, at tayo'y mangatuwiran sa isa't isa,
sabi ng Panginoon:
bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula,
ang mga ito'y magiging mapuputi na parang niyebe;
bagaman ito'y mapulang-mapula,
ang mga ito'y magiging parang balahibo ng tupa.
19 Kung kayo'y sasang-ayon at magiging masunurin,
kayo'y kakain ng mabubuting bagay ng lupain;
20 ngunit kung kayo'y magsitanggi at maghimagsik,
kayo'y lalamunin ng tabak;
sapagkat ang bibig ng Panginoon ang nagsalita.”
Ang Makasalanang Lunsod
21 Paanong ang tapat na lunsod
ay naging upahang babae,[a]
siya na puspos ng katarungan!
Ang katuwiran ay tumatahan sa kanya,
ngunit ngayo'y mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging dumi,
ang iyong alak ay nahaluan ng tubig.
23 Ang iyong mga pinuno ay mga rebelde,
at kasama ng mga mapaghimagsik.
Bawat isa'y nagnanais ng mga suhol,
at naghahangad ng mga regalo.
Hindi nila ipinagtatanggol ang ulila,
o nakakarating man sa kanila ang usapin ng babaing balo.
24 Kaya't ang Panginoon, Diyos ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel, ay nagsasabi,
“Ah, aking ibubuhos ang aking poot sa aking mga kaaway,
at maghihiganti ako sa aking mga kaaway.
25 Aking ibabaling ang aking kamay laban sa iyo,
at aking sasalaing lubos ang iyong dumi tulad ng lihiya,
at aalisin ko ang lahat ng iyong tingga.
26 At aking ibabalik ang iyong mga hukom na gaya ng una,
at ang iyong mga tagapayo na tulad ng pasimula.
Pagkatapos ay tatawagin kang lunsod ng katuwiran,
ang tapat na lunsod.”
27 Ang Zion ay tutubusin ng katarungan,
at ang kanyang mga nanunumbalik sa pamamagitan ng katuwiran.
28 Ngunit magkasamang lilipulin ang mga mapaghimagsik at mga makasalanan,
at silang tumalikod sa Panginoon ay magwawakas.
29 Ngunit ikahihiya mo ang mga punungkahoy
na inyong kinagigiliwan;
at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong piniling mga halamanan.
30 Sapagkat kayo'y magiging parang kahoy[b]
na ang dahon ay nalalanta,
at parang halamanan na walang tubig.
31 Ang malakas ay magiging parang bagay na madaling masunog,
at ang kanyang gawa ay parang kislap,
at kapwa sila magliliyab
at walang papatay sa apoy.
Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo
9 Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.
2 Sapagkat(A) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.
3 Sa(B) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
4 Dito(C) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.
5 Sa(D) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.
6 Pagkatapos(E) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;
7 subalit(F) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.
8 Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.
9 Iyon ay isang sagisag[a] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,
10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.
11 Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating,[b] sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito,
12 at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan.
13 Sapagkat(G) kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, at ang abo ng dumalagang baka na iwiniwisik sa mga nadungisan ay makapagpapabanal sa ikalilinis ng laman,
14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog ang kanyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa mga gawang patay upang maglingkod sa Diyos na buháy?
15 Kaya't siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan.
16 Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak.
17 Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan.
18 Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo.
19 Sapagkat(H) nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan,
20 na sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”
21 Sa(I) gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo.
22 Sa(J) katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Sakripisyong Nag-aalis ng Kasalanan
23 Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito.
24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.
25 Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya,
26 sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili.
27 At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom,
28 ay(K) gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001