Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 30

Ang Batas tungkol sa mga Panata

30 Nagsalita si Moises sa mga pinuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ito ang ipinag-uutos ng Panginoon.

Kapag(A) ang isang lalaki ay namanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang panata, ay huwag niyang sisirain ang kanyang salita. Kanyang tutuparin ang ayon sa lahat ng lumabas sa kanyang bibig.

Kapag ang isang babae naman ay namanata ng isang panata sa Panginoon at itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang sumpa, samantalang nasa bahay ng kanyang ama, sa kanyang pagkadalaga,

at narinig ng kanyang ama ang kanyang panata, at ang kanyang sumpa na doon ay itinali niya ang kanyang sarili, at ang kanyang ama ay walang sinabi sa kanya, lahat nga ng kanyang panata ay magkakabisa, at bawat panata na kanyang ipinanata sa kanyang sarili ay magkakabisa.

Ngunit kung sawayin siya ng kanyang ama sa araw na narinig niya ito, alinman sa kanyang panata o pangako na kanyang ginawa ay hindi magkakabisa, at patatawarin siya ng Panginoon sapagkat sinaway siya ng kanyang ama.

At kung siya'y may asawa at mamanata o magbitiw sa kanyang labi ng anumang salita na hindi pinag-isipan na doo'y itinali niya ang kanyang sarili,

at marinig ng kanyang asawa at walang sinabi sa kanya sa araw na marinig iyon, magkakabisa nga ang kanyang mga panata at pangako na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.

Ngunit kung sawayin siya ng kanyang asawa sa araw na marinig iyon, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang panata at ang binitiwang pangako ng kanyang mga labi na doo'y itinali niya ang kanyang sarili, at patatawarin siya ng Panginoon.

Ngunit anumang panata ng isang babaing balo, o ng isang hiniwalayan ng asawa ay magkakabisa sa bawat bagay na doo'y itinali niya ang kanyang sarili.

10 Kung siya'y mamanata sa bahay ng kanyang asawa, o kanyang itinali ang kanyang sarili sa isang pananagutan na kaakbay ng isang sumpa,

11 at narinig ng kanyang asawa, at walang sinabi sa kanya at hindi siya sinaway, kung gayon ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawat pananagutan na kanyang itinali sa kanyang sarili ay magkakabisa.

12 Ngunit kung ang mga iyon ay pawawalang-bisa ng kanyang asawa sa araw na marinig, hindi magkakabisa ang anumang bagay na binitiwan ng kanyang mga labi tungkol sa kanyang mga panata o tungkol sa itinali niya sa kanyang sarili. Patatawarin siya ng Panginoon.

13 Bawat panata o bawat pananagutan na pinagtibay ng sumpa, na makapagpapahirap ng sarili, ay mabibigyang bisa ng kanyang asawa, o mapawawalang bisa ng kanyang asawa.

14 Ngunit kung ang kanyang asawa ay walang sinabi sa kanya sa araw-araw, pinagtibay nga niya ang lahat niyang panata, o ang lahat ng kanyang pananagutan, sapagkat hindi siya umimik nang araw na kanyang marinig ang mga ito.

15 Ngunit kung kanyang pawawalang-bisa ito pagkatapos na kanyang marinig, tataglayin nga niya ang kasamaan ng kanyang asawa.

16 Ito ang mga tuntunin na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa mag-asawa at sa mag-ama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kanyang ama sa panahon ng kanyang kabataan.

Mga Awit 74

Maskil ni Asaf.

74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
    Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
    na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
    At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
    winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!

Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
    itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
    sa kagubatan ng mga punungkahoy.
At lahat ng mga kahoy na nililok
    ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
    hanggang sa lupa,
    nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
    kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
    wala nang propeta pa;
    at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
    Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
    Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!

12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
    na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
    binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
    ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
    iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
    iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
    iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.

18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
    at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
    huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
    sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
    purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
    alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
    ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!

Isaias 22

Ang Hula tungkol sa Jerusalem

22 Ang pahayag tungkol sa libis ng pangitain.

Anong ibig mong sabihin na ikaw ay umakyat,
    kayong lahat, sa mga bubungan?
O ikaw na puno ng mga sigawan,
    magulong lunsod, masayang bayan?
Ang iyong mga patay ay hindi napatay ng tabak,
    o namatay man sa pakikipaglaban.
Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama,
    sila'y nahuli bagaman di ginamitan ng busog.
Kayong lahat na natagpuan ay nahuli,
    bagaman sila'y nakatakas sa malayo.
Kaya't sinabi ko,
“Huwag kayong tumingin sa akin,
    hayaan ninyong ako'y umiyak na may kapaitan;
huwag ninyong sikaping bigyan ako ng kaaliwan,
    ng dahil sa pagkawasak sa anak na babae ng aking bayan.”

Sapagkat ang Panginoong Diyos ng mga hukbo ay may isang araw
    ng pagkakagulo at pagyapak, ng pagkalito,
    sa libis ng pangitain;
pagkabagsak ng mga pader
    at pagsigaw sa mga bundok.
Ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana,
    may mga karwahe at mga mangangabayo;
    at inalisan ng balot ng Kir ang kalasag.
Ang iyong mga piling libis ay punô ng mga karwahe,
    at ang mga mangangabayo ay nakahanay sa mga pintuan.
At kanyang inalis ang takip ng Juda.

Sa araw na iyon ay tumingin ka sa mga sandata sa Bahay ng Gubat.

Inyong nakita na maraming butas ang lunsod ni David, at inyong tinipon ang tubig ng mababang tipunan ng tubig.

10 At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong giniba ang mga bahay upang patibayin ang kuta.

11 Kayo'y gumawa ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng dating tipunan. Ngunit hindi ninyo tiningnan ang gumawa nito, o pinahalagahan man siya na nagplano nito noon pa.

12 Nang araw na iyon ay tumawag ang Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    sa pag-iyak, sa pagtangis,
    sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako.
13 Sa(A) halip ay nagkaroon ng kagalakan at kasayahan,
    pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa,
    pagkain ng karne, at pag-inom ng alak.
“Tayo'y kumain at uminom,
    sapagkat bukas tayo ay mamamatay.”

14 Ipinahayag ng Panginoon ng mga hukbo ang kanyang sarili sa aking mga pandinig:

“Tunay na ang kasamaang ito ay hindi ipatatawad sa inyo hanggang sa kayo'y mamatay,”
    sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Babala Laban kay Sebna

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo, “Ikaw ay humayo, pumaroon ka sa katiwalang ito, sa Sebna, na siyang katiwala sa bahay, at iyong sabihin sa kanya:

16 Anong karapatan mo rito? Sinong mga kamag-anak mo rito at gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? Gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan para sa iyong sarili sa malaking bato!

17 Ibabagsak kang bigla ng Panginoon, ikaw na malakas na tao. Hahawakan ka niya ng mahigpit.

18 Paiikutin ka niya nang paiikutin, at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain. Doon ka mamamatay, at doon malalagay ang iyong magagarang mga karwahe, ikaw na kahihiyan ng sambahayan ng iyong panginoon.

19 At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka.

20 Sa araw na iyon ay aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliakim na anak ni Hilkias,

21 at aking susuotan siya ng iyong balabal, at ibibigkis sa kanya ang iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong kapangyarihan sa kanyang kamay; at siya'y magiging ama sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa sambahayan ni Juda.

22 Ang(B) katungkulan sa sambahayan ni David ay iaatang ko sa kanyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang makapagsasara; at siya'y magsasara, at walang makapagbubukas.

23 At aking ikakapit siya na parang tulos sa isang matibay na dako; at siya'y magiging trono ng karangalan sa sambahayan ng kanyang magulang.

24 Kanilang ibibitin sa kanya ang buong bigat ng sambahayan ng kanyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawat maliit na sisidlan, mula sa mga tasa hanggang sa mga malalaking sisidlan.

25 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, matatanggal ang tulos na ikinabit sa matibay na dako. Ito'y puputulin at mahuhulog, at ang pasan na nasa ibabaw niyon ay maglalaho, sapagkat sinabi ng Panginoon.”

2 Pedro 3

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ngayon ang ikalawang sulat na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawang ito'y ginigising ko ang inyong tapat na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo;

na dapat ninyong maalala ang mga salitang ipinahayag noong una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol!

Una(A) sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa,

at magsasabi, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay[a] ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang.”

Sinasadya(B) nilang hindi pansinin ang katotohanang ito, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nagkaroon ng langit nang unang panahon at inanyuan ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig,

na(C) sa pamamagitan din nito ang daigdig noon ay inapawan ng tubig at nagunaw.

Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilalaan sa araw ng paghuhukom at sa paglipol sa masasamang tao.

Subalit(D) huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw.

Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi.

10 Ngunit(E) darating ang araw ng Panginoon na gaya ng isang magnanakaw, at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy at ang lupa at ang mga gawang naroon ay masusunog.

11 Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos,

12 na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init!

13 Ngunit,(F) ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan.

Pangwakas na Pangaral at Basbas

14 Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.

15 At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo;

16 gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila.

17 Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan.

18 Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang-hanggan. Amen.[b]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001