M’Cheyne Bible Reading Plan
Mga Talaan ng mga Angkang Pinagmulan ng Israel
1 Si Adan ang ama ni Set at si Set ang ama ni Enos. 2 Si Enos ang ama ni Kenan at si Kenan ang ama ni Mahalalel na ama ni Jared. 3 Si Jared ang ama ni Enoc, at anak ni Enoc si Matusalem na ama ni Lamec. 4 Si Lamec ang ama ni Noe at mga anak naman ni Noe sina Shem, Ham at Jafet.
5 Ang mga anak ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. 6 Ang mga anak naman ni Gomer ay sina Askenaz, Difat at Togarma. 7 Ang mga anak ni Javan ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim.
8 Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. 9 Mga anak ni Cus sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca, at ang kay Raama naman ay sina Sheba at Dedan. 10 Anak din ni Cus si Nimrod, ang unang makapangyarihang mananakop sa daigdig. 11 Si Egipto ang pinagmulan ng mga Ludim, Anamim, Lehabim at Naftuhim. 12 Siya rin ang pinagmulan ng mga Patrusim, Casluhim at Caftorim, na siya namang pinagmulan ng mga Filisteo. 13 Ang mga anak ni Canaan ay si Sidon, na siyang panganay, at si Het. 14 Sila ang mga ninuno ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, 15 Hivita, Arkita, Sinita, 16 Arvadita, Zemareo at Hamateo.
17 Ang mga anak ni Shem ay sina Elam, Asur, Arfaxad, Lud, Aram, Uz, Hul, Geter at Meshec. 18 Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Eber. 19 Dalawang lalaki ang naging anak ni Eber; Peleg[a] ang pangalan ng isa sapagkat sa panahon niya nahati ang daigdig, at Joctan naman ang pangalan ng kapatid nito. 20 Si Joctan ang ama ng magkakapatid na Almodad, Selef, Hazarmavet, Jerah, 21 Hadoram, Uzal, Dicla, 22 Ebal, Abimael, Sheba, 23 Ofir, Havila at Jobab.
24 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng lahi mula kay Shem hanggang kay Abram: Shem, Arfaxad, Selah, 25 Eber, Peleg, Reu, 26 Serug, Nahor, Terah, 27 at Abram, na tinawag ding Abraham.
Ang Lahi ni Ismael(A)
28 Ang dalawang anak ni Abraham ay sina Isaac at Ismael. 29 Ang mga anak ni Ismael ay sina Nebayot, Kedar, Adbeel, Mibsam, 30 Misma, Duma, Massa, Hadad, Tema, 31 Jetur, Nafis at Kedema.
32 Ito ang mga anak ni Abraham sa kanyang asawang-lingkod na si Ketura: sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Sua. Ang mga anak ni Jocsan ay sina Sheba at Dedan. 33 Mga anak ni Midian sina Efa, Efer, Hanoc, Abida at Eldaa.
Ang Lahi ni Esau(B)
34 Ang anak ni Abraham na si Isaac ay may dalawang anak: sina Esau at Jacob. 35 Ang mga anak ni Esau ay sina Elifaz, Reuel, Jeus, Jalam at Korah. 36 Ang mga anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefi, Gatam, Kenaz, Timna at Amalek. 37 Ang kay Reuel naman ay sina Nahat, Zera, Sammah at Miza.
Ang Lahi ni Seir(C)
38 Ang mga anak ni Seir ay sina Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, Dison, Eser at Disan. 39 Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Homam; si Timna ang kapatid na babae ni Lotan. 40 Mga anak ni Sobal sina Alian, Manahat, Ebal, Sefi at Onam. Ang mga anak ni Zibeon ay sina Aias at Ana. 41 Anak ni Ana si Dison. Si Dison naman ang ama ng magkakapatid na Hamram, Esban, Itran at Keran. 42 Mga anak ni Eser sina Bilhan, Zaavan at Jaacan. Ang kay Disan naman ay sina Hus at Aran.
Ang mga Hari at Pinuno ng Edom(D)
43 Ito ang mga naghari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng hari ang mga Israelita: si Bela na anak ni Beor at ang kanyang lunsod ay Dinhaba. 44 Pagkamatay niya, siya'y pinalitan ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bosra. 45 Nang mamatay si Jobab, si Husam na isang Temaneo ang pumalit sa kanya. 46 Namatay si Husam at ang pumalit sa kanya ay isang taga-Avit, si Hadad na anak ni Bedad. Siya ang tumalo kay Midian sa lupain ng Moab. 47 Pagkamatay ni Hadad, pumalit sa kanya bilang hari si Samla na taga-Masreca. 48 Namatay din si Samla at pinalitan siya ni Saul na taga-Rehobot sa may Ilog Eufrates. 49 Nang mamatay si Saul, pumalit sa kanya bilang hari si Baal-hanan na anak ni Acbor. 50 Namatay si Baal-hanan at pumalit sa kanya si Hadad na taga-lunsod ng Pai. Si Hadad ang asawa ni Mehetabel na anak ni Matred. Si Matred ay anak na babae ni Mezahab.
51 Pagkamatay ni Hadad, ang mga ito ang naging pinuno ng Edom: Timna, Alian, Jetet, 52 Aholibama, Ela, Pinon, 53 Kenaz, Teman, Mibzar, 54 Magdiel, at Iram.
Ang Lahi ni Juda
2 Ito ang mga anak ni Jacob: Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, 2 Dan, Jose, Benjamin, Neftali, Gad, at Asher. 3 Ang mga anak ni Juda kay Bat-sua na isang Canaanita ay sina Er, Onan at Sela. Ang panganay niyang si Er ay naging masama sa paningin ni Yahweh kaya ito'y pinatay. 4 Sina Peres at Zera naman ang naging mga anak niya kay Tamar na kanyang manugang, kaya limang lahat ang anak ni Juda.
5 Ang mga anak ni Peres ay sina Hezron at Hamul. 6 Ang kay Zera naman ay sina Zimri, Etan, Heman, Calcol at Darda. Limang lahat ang naging anak ni Zera. 7 Anak(E) ni Zimri si Carmi. Ang anak naman ni Carmi na si Acan,[b] ang nagdulot ng malaking kapahamakan sa Israel dahil sa paglabag sa utos ng Diyos na may kinalaman sa mga bagay na itinakdang wasakin. 8 Si Azarias naman ay anak ni Etan.
Ang Angkan na Pinagmulan ni David
9 Ang mga anak ni Hezron ay tatlo: sina Jerameel, Ram at Caleb. 10 Anak ni Ram si Aminadab na ama ni Naason, isang pinuno sa lipi ni Juda. 11 Anak ni Naason si Salma na ama naman ni Boaz. 12 Si Boaz ang ama ni Obed na ama naman ni Jesse. 13 Ang panganay na anak ni Jesse ay si Eliab, pangalawa si Abinadab at si Simea ang pangatlo. 14 Ang pang-apat ay si Netanel, panglima si Radai, 15 pang-anim si Ozem at pampito si David. 16 Dalawa ang kapatid nilang babae: sina Zervias at Abigail. Tatlo ang anak ni Zervias: sina Abisai, Joab at Asahel. 17 Ang anak naman ni Abigail ay si Amasa na ang ama ay si Jeter na isang Ismaelita.
Ang Lahi ni Hezron
18 Si Caleb na anak ni Hezron ay nagkaanak ng isang babae kay Azuba na ang pangalan ay Jeriot. Ang mga anak niyang lalaki ay sina Jeser, Sobab at Ardon. 19 Nang mamatay si Azuba, napangasawa ni Caleb si Efrata, at naging anak nila si Hur. 20 Si Hur ang ama ni Uri na siya namang ama ni Bezalel.
21 Nang si Hezron ay animnapung taon na, napangasawa niya ang anak ni Maquir na ama ni Gilead. Naging anak niya si Segub 22 na ama ni Jair, ang may-ari ng dalawampu't tatlong lunsod sa lupain ni Gilead. 23 Ngunit kinuha sa kanila nina Gesur at Aram ang mga Nayon ni Jair at ang Kenat, pati ang mga nayon nito. Lahat-lahat ay animnapung bayan. Ang lahat ng mamamayan dito'y buhat sa angkan ni Maquir na ama ni Gilead. 24 Pagkamatay ni Hezron, kinasama ni Caleb si Efrata na biyuda ng kanyang ama, at naging anak nila si Asur na nagtatag ng bayan ng Tekoa.
Ang Lahi ni Jerameel
25 Ito ang mga anak ni Jerameel, ang panganay ni Hezron: sina Ram, Buna, Orem, Ozem at Ahias. 26 Si Jerameel ay may isa pang asawa na Atara ang pangalan; siya ang ina ni Onam. 27 Ang panganay na anak ni Jerameel ay si Ram, at sina Maaz, Jamin at Equer ang mga anak nito. 28 Mga anak ni Onam sina Samai at Jada. Ang mga anak naman ni Samai ay sina Nadab at Abisur. 29 Asawa ni Abisur si Abihail at dalawa ang anak nila: sina Ahban at Molid. 30 Mga anak ni Nadab sina Seled at Apaim. Namatay si Seled na walang anak. 31 Anak ni Apaim si Isi at ang kay Isi naman ay si Sesan na ama ni Ahlai. 32 Ang mga anak ni Jada na kapatid ni Samai ay sina Jeter at Jonatan. Namatay na walang anak si Jeter. 33 Ang mga anak ni Jonatan ay sina Pelet at Zaza. Ito ang mga anak at salinlahi ni Jerameel. 34 Mga babae lamang ang naging anak ni Sesan, ngunit siya'y may aliping Egipcio na Jarha ang pangalan. 35 Ipinakasal niya ito sa kanyang anak na dalaga at naging anak nila si Atai. 36 Si Atai ang ama ni Natan na ama naman ni Zabad. 37 Si Zabad ang ama ni Eflal na ama ni Obed. 38 Si Obed ang ama ni Jehu na ama naman ni Azarias. 39 Si Azarias ang ama ni Helez na ama ni Eleasa. 40 Si Eleasa ang ama ni Sismai na ama naman ni Sallum. 41 Si Sallum ang ama ni Jecamias na ama ni Elisama.
Ang Lahi ni Caleb
42 Ang anak na panganay ni Caleb na kapatid ni Jerameel ay si Mesa na ama ni Zif. Si Zif ay ama ni Maresa at anak naman ni Maresa si Hebron. 43 Ang mga anak ni Hebron ay sina Korah, Tapua, Requem at Sema. 44 Si Sema ang ama ni Raham na ama ni Jorqueam, at si Requem naman ang ama ni Samai. 45 Ang anak ni Samai ay si Maon na ama naman ni Beth-sur. 46 Naging asawang-lingkod ni Caleb si Efa, at nagkaanak sila ng tatlo: sina Haran, Moza at Gasez. Gasez din ang ngalan ng naging anak ni Haran. 47 Ang mga anak ni Jahdai ay sina Regem, Jotam, Gesam, Pelet, Efa at Saaf. 48 Kay Maaca, isa pang asawang-lingkod ni Caleb, nagkaanak siya ng dalawa: sina Seber at Tirhana. 49 Naging anak niya rito si Saaf na ama ni Madmana at si Seva na ama naman nina Macbena at Gibea. Ang babaing anak ni Caleb ay si Acsa.
50 Ito ang angkan ni Caleb: si Hur ang panganay na anak niya kay Efrata. Naging anak naman ni Hur sina Sobal na nagtatag ng Lunsod ng Jearim, 51 si Salma na nagtatag ng Bethlehem at si Haref na nagtatag ng Beth-gader. 52 Si Sobal ang ama ni Haroe, ang pinagmulan ng kalahati ng Menuho. 53 Kay Sobal din nagmula ang ilang angkang nanirahan sa Lunsod ng Jearim tulad ng mga Itrita, mga Putita, mga Sumatita, mga Misraita, mga Zorita at mga Estaolita. 54 Ang mga angkan naman ni Salma na nagtatag ng Bethlehem ay ang Netofatita, Atrot-bet-joab, at ang kalahati ng mga Manahatita at Zorita. 55 Ang angkan ng mga eskriba na tumira sa Jabes ay ang mga Tiratita, Simatita at Sucatita. Ito ang mga Kenita buhat sa Hamat, ang pinagmulan ng angkan ni Recab.
Si Jesus ang Ating Pinakapunong Pari
8 Ito(A) ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. 2 Siya'y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao.
3 Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. 4 Kung siya ay nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. 5 Ang(B) paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” 6 Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako.
7 Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa. 8 Ngunit(C) nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya,
“Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon,
na gagawa ako ng bagong tipan sa bayang Israel at sa bayang Juda.
9 Hindi ito magiging katulad ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno,
nang ilabas ko sila sa Egipto.
Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin,
kaya't sila'y aking pinabayaan.
10 Ganito ang gagawin kong tipan sa bayan ng Israel
pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon:
Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos;
isusulat ko ito sa kanilang puso.
Ako ang kanilang magiging Diyos,
at sila ang aking magiging bayan.
11 Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing,
‘Kilalanin mo ang Panginoon.’
Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.
12 Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan,
at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.”
13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.
Sa Moab
2 Ganito(A) ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab,
kaya sila'y paparusahan ko.
Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom.
2 Susunugin ko ang lupain ng Moab;
tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot.
Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan,
sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta.
3 Papatayin ko ang hari ng Moab,
gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.”
Sa Juda
4 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda,
kaya sila'y paparusahan ko.
Hinamak nila ang aking mga katuruan;
nilabag nila ang aking mga kautusan.
Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang
pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno.
5 Susunugin ko ang Juda;
tutupukin ko ang mga tanggulan ng Jerusalem.”
Ang Paghatol sa Israel
6 Ganito ang sabi ni Yahweh:
“Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel,
kaya sila'y paparusahan ko.
Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid,
at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang.
7 Niyuyurakan nila ang mga abâ;
ipinagtutulakan nila ang mahihirap.
Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin,
kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan.
8 Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar
ang balabal na sangla ng isang may utang.
Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman
ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha.
9 Nagawa(B) pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo,
na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina.
Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila.
10 Inilabas ko kayo mula sa Egipto,
pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon,
at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo.
11 Itinalaga(C) kong propeta ang ilan sa inyong mga anak;
ginawa kong Nazareo ang iba ninyong kabataan.
Mga taga-Israel, hindi ba totoo ang aking sinasabi?
12 Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo,
at pinagbawalang mangaral ang mga propeta.
13 Kaya ngayo'y pababagsakin ko kayo sa lupa,
gaya ng kariton na di makausad sa bigat ng dala.
14 Maging ang matutuling tumakbo ay di makakatakas.
Manghihina pati na ang malalakas,
maging ang magigiting ay di rin makakaligtas;
15 walang tatamaan ang mga manunudla;
di makakaligtas ang matutuling tumakbo,
di rin makakatakas ang mga nakakabayo.
16 Sa araw na iyon ay magsisitakas
maging ang pinakamatatapang.”
Awit ng Pagpupuri
Katha ni David.
145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.
21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.