Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 21

Ang Paghahari ni Manases sa Juda(A)

21 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. Hindi(B) rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. Nagpagawa(C) pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. Ang(D) ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh.

10 Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, 11 “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, 12 paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. 13 Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. 14 Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. 15 Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.”

16 Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem.

17 Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 18 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Ammon sa Juda(E)

19 Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba. 20 Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. 21 Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, 22 tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito.

23 Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo. 24 Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

25 Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 26 Inilibing si Ammon sa halamanan ni Uza at ang anak niyang si Josias ang humalili sa kanya bilang hari.

Mga Hebreo 3

Higit si Jesus kay Moises

Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. Tapat(A) siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong][a] sambahayan ng Diyos. Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya.

Kapahingahan para sa Sambahayan ng Diyos

Kaya't(B) tulad ng sinabi ng Espiritu Santo,

“Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo,
    huwag patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako.
Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang,
    bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
10 Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko,
    ‘Lagi silang lumalayo sa akin,
    ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’
11 At sa galit ko,
    ‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’”

12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. 13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. 14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya.

15 Ito(C) nga ang sinasabi sa kasulatan,

“Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
    tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.”

16 Sino(D) ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? 18 At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? 19 Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya.

Hosea 14

Ang Pakiusap ni Hosea sa Israel

14 Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Diyos.
    Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan.
Dalhin ninyo ang inyong kahilingan,
    lumapit kayo kay Yahweh;
sabihin ninyo sa kanya,
    “Patawarin po ninyo kami.
Kami'y iyong kahabagan, kami'y iyong tanggapin.
    Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri.
Hindi kami kayang iligtas ng hukbo ng Asiria,
    hindi kami sasakay sa mga kabayo nila.
Hindi na namin tatawaging diyos
    ang mga ginawa ng aming kamay.
Sa iyo lamang nakakasumpong ng awa ang mga ulila.”

Sabi ni Yahweh,
“Pagagalingin ko na sila sa kanilang kataksilan,
    mamahalin ko na sila nang walang katapusan,
    sapagkat napawi na ang galit ko sa kanila.
Ako'y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel.
    Mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
    at mag-uugat din siyang tulad ng sedar.
Kanyang mga sanga ay darami,
    gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
    at hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon.
Magbabalik sila at maninirahan sa ilalim ng aking kanlungan.
Sila'y yayabong na gaya ng isang halamanan,
    mamumulaklak na parang puno ng ubas,
    at ang bango'y tulad ng alak mula sa Lebanon.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
    Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako'y katulad ng sipres na laging luntian,
    at mula sa akin ang iyong mga bunga.”
Unawain ng matalino ang mga bagay na ito,
    at dapat mabatid ng mga marunong.
Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh,
    at ang mabubuti'y doon lumalakad,
    ngunit nadarapa ang mga masuwayin.

Mga Awit 139

Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
    ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
    kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
    ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
    alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
    ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
    di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
    Sa iyo bang Espiritu,[a] ako ba'y makakaiwas?
Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
    sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
    o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10 tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
    matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11 Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
    padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12 maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
    at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
    madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

19 Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
    at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20 Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
    at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21 Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
    ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22 Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
    sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.

23 O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
    subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
24 kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid,
    sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.