Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 22

Si Haring Josias ng Juda(A)

22 Si(B) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boskat. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang halimbawa ng ninuno niyang si David na buong katapatang sumunod sa mga utos ng Diyos.

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(C)

Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. Hindi(D) na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.”

Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. 10 Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari.

11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. 12 Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, 13 “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.”

14 Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. 15 Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: 16 ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. 17 Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. 18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: 19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. 20 Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari.

Mga Hebreo 4

Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong(A) mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi,

“Sa galit ko'y aking isinumpa,
    ‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’”

Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat(B) sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At(C) muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. Kaya't(D) muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit,

“Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos,
    huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”

Kung(E) ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, 10 sapagkat(F) ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. 11 Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya.

12 Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. 13 Walang(G) nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili.

Si Jesus ang Pinakapunong Pari

14 Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. 15 Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. 16 Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan.

Joel 1

Pagdadalamhati Dahil sa Pagkasira ng Pananim

Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel.

Makinig kayo, matatandang pinuno,
    pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda.
May nangyari na bang ganito sa inyong panahon,
    o sa panahon ng inyong mga ninuno?
Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak,
    upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila,
    at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi.

Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim;
    kinain ng sumunod ang natira ng una.
Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing!
    Umiyak kayo, mga manginginom!
    Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak.

Sinalakay(A) ng makapal na balang ang ating lupain.
    Sila'y mapangwasak at di mabilang;
    parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin.
Sinira nila ang ating mga ubasan
    at sinalanta ang mga puno ng igos.
Sinaid nila ang balat ng mga puno,
    kaya't namuti pati mga sanga.

Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa
    dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya.
Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh;
    kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh.
10 Walang maani sa mga bukirin,
nagdadalamhati ang lupa;
    sapagkat nasalanta ang mga trigo,
    natuyo ang mga ubas,
    at nalanta ang mga punong olibo.

11 Malungkot kayo, mga magsasaka!
Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada,
    sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta.
12 Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos;
    ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo;
at nawala ang kagalakan ng mga tao.
13 Magluksa kayo at tumangis,
    mga paring naghahandog sa altar.
Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa.
Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos.
14 Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat.
    Tipunin ninyo ang mga tao.
Tipunin ninyo ang matatandang pinuno
    at ang lahat ng taga-Juda,
    sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos
    at dumaing sa kanya.
15 Malapit(B) na ang araw ni Yahweh,
    ang araw ng pangwawasak ng Makapangyarihang Diyos.
16 Di ba't kitang-kita natin ang pagkasira ng mga pananim,
    at ang pagkapawi ng kagalakan at kasiyahan sa templo ng ating Diyos?
17 Hindi sumisibol ang mga binhi sa tigang na lupa.
Walang laman ang mga kamalig,
    at wasak ang mga imbakan, sapagkat ang mga trigo ay hindi sumibol.
18 Umungal ang mga baka
    sapagkat walang mapagpastulan sa kanila.
    Gayundin naman, ang mga kawan ng tupa ay wala na ring makain.
19 O Yahweh, dumaraing ako sa iyo,
    sapagkat natuyo ang mga pastulan,
    at ang mga punongkahoy ay parang sinunog ng apoy.
20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumaraing sa iyo
    sapagkat natuyo rin ang mga batis,
    at ang pastulan ay parang tinupok ng apoy.

Mga Awit 140-141

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

140 Sa mga masama ako ay iligtas,
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas;
sila'y nagpaplano at kanilang hangad
    palaging mag-away, magkagulo lahat.
Mabagsik(A) ang dila na tulad ng ahas,
    tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah)[a]

Sa mga masama ako ay iligtas;
    iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas,
    na ang nilalayon ako ay ibagsak.
Taong mga hambog, ang gusto sa akin,
    ako ay masilo, sa bitag hulihin,
    sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah)[b]

Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.”
    Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog.
Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas,
    nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat.
Taong masasama, sa kanilang hangad
    ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah)[c]

Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin,
    pagdusahin sila sa banta sa akin.
10 Bagsakan mo sila ng apoy na baga,
    itapon sa hukay nang di makaalsa.
11 At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa;
    ang marahas nama'y bayaang mapuksa.

12 Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang,
    at pananatilihin ang katarungan.
13 Ang mga matuwid magpupuring tunay,
    ika'y pupurihi't sa iyo mananahan!

Panalangin sa Gabi

Awit ni David.

141 Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin
    sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
Ang(B) aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso;
    itong pagtaas ng mga kamay ko.

O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan,
    ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
Huwag mong babayaang ako ay matukso,
    sa gawang masama ay magumon ako;
ako ay ilayo, iiwas sa gulo,
    sa handaan nila'y nang di makasalo.

Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako,
    ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis;
    pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan,
    maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
Tulad ng panggatong na pira-piraso,
    sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.

Di ako hihinto sa aking pananalig,
    ang pag-iingat mo'y aking ninanais,
    huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
Sa mga patibong ng masamang tao,
    ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10 Iyong pabayaang sila ang mahulog,
    samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.