Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 20

Nagkasakit si Ezequias(A)

20 Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Haring Ezequias. Dinalaw siya ng propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi sa kanya, “Ipinapasabi ni Yahweh na ayusin mo na ang iyong kaharian sapagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan.”

Humarap si Haring Ezequias sa dingding at nanalangin kay Yahweh, “Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan.” At buong kapaitang umiyak si Ezequias.

Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo. Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’”

Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling.

Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?”

Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?”

10 Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.”

11 Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz.

Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia(B)

12 Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. 13 Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila.

14 Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, “Tagasaan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?”

“Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia,” sagot ni Ezequias.

15 “Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?” tanong uli ni Isaias.

“Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,” sagot ni Ezequias.

16 Sinabi ni Isaias, “Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: 17 ‘Darating(C) ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. 18 Pati(D) ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.’”

19 Sinabi ni Ezequias, “Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin.” Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay.

Ang Pagkamatay ni Ezequias(E)

20 Ang iba pang ginawa ni Ezequias, pati ang pagpapagawa ng tipunan at daanan ng tubig papunta sa lunsod ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 21 Namatay siya at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Mga Hebreo 2

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan

ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban.

Ang Nagsagawa ng Pagliligtas sa Atin

Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa(A) halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan:

“Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan,
    o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel,
    pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha][a]
    at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.”

Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao,[b] walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. 10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.

11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(B) niya sa Diyos,

“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”

13 Sinabi(C) rin niya,

“Ako'y mananalig sa Diyos.”

At dugtong pa niya,

“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”

14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(D) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.

Hosea 13

Ang Pagkawasak ng Efraim

13 Noong una, kapag nagsalita si Efraim,
    ang mga tao ay nanginginig sa takot,
    sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel.
Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal.
Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan.
Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan.
Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito!
    At halikan ninyo ang mga guyang ito.”
Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga
    o sa hamog na madaling naglalaho;
gaya ng ipa na inililipad ng hangin,
    gaya ng usok na tinatangay sa malayo.

Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos.
    Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto.
Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako,
    at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin.
Kinalinga(A) ko kayo sa ilang,
    sa lupaing tuyo at tigang.
Ngunit nang kayo'y mabusog ay naging palalo;
    at kinalimutan na ninyo ako.
Kaya naman, kayo'y lalapain kong gaya ng leon,
    gaya ng isang leopardong nag-aabang sa tabing daan.
Susunggaban ko kayo, gaya ng osong inagawan ng anak,
    lalapain ko kayo gaya ng isang leon,
    gaya ng paglapa ng isang hayop na mabangis.
Wawasakin kita, Israel;
    sino ang sasaklolo sa iyo?
10 Nasaan(B) ngayon ang iyong hari na magliligtas sa iyo?
    Nasaan ang hari at ang mga pinunong sa akin ay hiningi mo?
11 Sa(C) galit ko sa inyo'y binigyan ko kayo ng mga hari,
    at dahil din sa aking poot, sila'y inaalis ko.

12 “Inilista ko ang ginagawang kalikuan ni Efraim,
    tinatandaan kong mabuti para sa araw ng paniningil.
13 Ang Israel ay binigyan ko ng pagkakataong magbagong-buhay,
    ngunit ito'y kanyang tinanggihan.
Para siyang sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan.
    Siya'y anak na suwail at mangmang!
14 Hindi(D) ko sila paliligtasin sa daigdig ng mga patay.
    Hindi ko sila paliligtasin sa kamatayan.
Kamatayan, pahirapan mo sila.
    Libingan, parusahan mo sila.
    Wala na akong nalalabing awa sa kanila.
15 Bagaman siya'y lumagong gaya ng tambo,
    may darating na hangin mula kay Yahweh,
    ang hanging silangang nagbubuhat sa ilang,
tutuyuin ang kanyang mga batis
    at aagawin ang kanyang yaman.
16 Mananagot ang Samaria,
    sapagkat siya'y naghimagsik laban sa Diyos.
Mamamatay sa tabak ang mga mamamayan niya.
    Ipaghahampasan sa lupa ang kanyang mga sanggol,
    at lalaslasin ang tiyan ng mga nagdadalang-tao.”

Mga Awit 137-138

Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag

137 Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
    kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
    isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
    na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
    tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.

Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
    samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
    kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
    sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
    kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.

Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
    nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
    “Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”

Tandaan(A) mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
    dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
    yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
    kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David.

138 Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat,
    sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang,
    pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan;
dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
    ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
    sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari,
    pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi;
ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin,
    at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin.
Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas,
    hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap;
    kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat.
Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin,
    ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.
Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
    ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat,
    ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas,
    at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.