M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagpunta si David sa Nob
21 Si(A) (B) David ay nagpunta sa Nob at nagtuloy siya sa paring si Ahimelec. Sinalubong siya nito at nanginginig na tinanong, “Wala kang kasama? Bakit ka nag-iisa?” 2 Sumagot si David, “Inutusan ako ng hari at ayaw niyang ipasabi kahit kanino. Iniwan ko ang aking mga kasama. Nagpapahintay ako doon sa kanila. 3 Ano bang makakain diyan? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong nariyan.”
4 Sinabi ng pari, “Walang tinapay dito kundi ang panghandog. Maaari ko itong ibigay sa inyo kung ang mga kasamahan mo'y hindi sumiping sa babae bago magpunta rito.”
5 Sumagot si David, “Ang totoo, hindi kami sumisiping sa babae kapag may lakad kami, kahit pangkaraniwan lamang, ngayon pa kaya na di karaniwan ang lakad namin?”
6 At ibinigay ng pari kay David ang tinapay na panghandog sa harapan ni Yahweh upang ang mga ito'y palitan ng bago sa araw na iyon.
7 Nagkataong naroon si Doeg na Edomita, ang pinakapuno sa mga pastol ni Saul, upang sumamba kay Yahweh.
8 Tinanong pa ni David si Ahimelec, “Wala ka bang sibat o tabak diyan? Hindi ako nakapagdala kahit anong sandata sapagkat madalian ang utos ng hari.”
9 Sumagot(C) ang pari, “Ang tabak lamang ng Filisteong si Goliat na pinatay mo ang narito; nababalot ng damit at nakatago sa likod ng efod na nakasabit. Kunin mo kung gusto mo.”
“Iyan ang pinakamainam. Ibigay mo sa akin,” sabi ni David.
10 Nang araw na iyon, si David ay nagpatuloy ng pagtakas kay Haring Saul at siya'y nagpunta kay Aquis na hari ng Gat. 11 Ngunit(D) nakilala siya ng mga tauhan ni Aquis at sinabi nila, “Di ba't iyan si David na hari sa kanyang bayan? Siya ang tinutukoy ng mga mananayaw sa awit nilang,
‘Pumatay si Saul ng libu-libo,
si David nama'y sampu-sampung libo.’”
12 Pinag-isipang(E) mabuti ni David ang usapang ito, at siya'y natakot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis. 13 Kaya't(F) nagkunwari siyang baliw nang siya'y hulihin. Nagsusulat siya sa mga pader ng pintuang-bayan at hinahayaang tumulo ang kanyang laway. 14 Kaya, sinabi ni Aquis sa kanyang mga tagapaglingkod, “Bakit iniharap ninyo iyan sa akin, hindi ba ninyo nakikita't baliw? 15 Masakit na ang ulo ko sa dami ng baliw dito. Bakit idinagdag pa ninyo 'yang isang iyan? Ilayo ninyo iyan!”
Ang Pagtakas ni David sa Adullam
22 Mula(G) sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adullam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid at ng kanyang buong pamilya kaya silang lahat ay nagpunta roon at sumama sa kanya. 2 Sumama rin sa kanya ang mga inaapi, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa kanilang pamumuhay. Ang lahat ng ito'y umabot sa apatnaraang lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno.
3 Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, “Ipinapakiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko tiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.” 4 Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang nagtatago si David sa kuweba.
5 Sinabi ni Propeta Gad kay David, “Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.” Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret.
6 Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gibea; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan. 7 Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo? 8 Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?”
9 Sumagot(H) si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob. 10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.”
Ang Pagpatay sa mga Pari
11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari. 12 Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.”
“Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec.
13 Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?”
14 Sumagot si Ahimelec, “Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong tauhan? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian? 15 At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.”
16 Sinabi ni Saul, “Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong buong angkan.” 17 At inutusan ng hari ang mga tauhan na malapit sa kanya, “Patayin ninyo ang mga pari ni Yahweh! Kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.” Ngunit ayaw sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang pagbuhatan ng kamay ang mga pari ni Yahweh. 18 Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, “Ikaw ang pumatay sa kanila.” Sumunod naman si Doeg at nang araw na iyon, pinatay niya ang walumpu't limang paring nakasuot ng efod. 19 At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng mga taga-Nob, isang lunsod ng mga pari: mga babae't lalaki, ang mga bata at mga sanggol, ang mga baka, asno at mga tupa.
20 Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David. 21 Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng mga pari ni Yahweh. 22 Sinabi ni David kay Abiatar, “Nakita ko noon si Doeg at noon pa'y alam ko nang magsusumbong siya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan. 23 Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin dahil iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.”
Mga Lingkod ng Diyos
3 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Gatas(A) ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, 3 sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. 4 Kapag(B) sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako(C) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi(D) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(E) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(F) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.
Ang Pangitain tungkol sa Kaluwalhatian ng Diyos
1 Akong(A) si Ezekiel ay isa sa mga dinalang-bihag sa baybay ng Ilog Kebar. Noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, nabuksan ang langit at isang pangitain mula sa Diyos ang aking nakita. 2 Ikalimang(B) araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin. 3 Ako na isang pari at anak ni Buzi ay nasa Babilonia sa baybayin ng Ilog Kebar nang magpahayag sa akin si Yahweh.
4 Nang ako'y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso. 5 Sa(C) sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buháy na anyong tao. 6 Sila'y may tig-aapat na mukha at pakpak. 7 Tuwid ang kanilang mga binti. Ang mga paa nila'y parang paa ng guya at tila makinang na tanso. 8 Nasa ilalim ng kanilang mga pakpak ang kanilang mga kamay na parang kamay ng tao. 9 Magkakadikit ang kanilang mga pakpak. Hindi na sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila kahit saan. 10 Sa(D) harap, mukha silang tao. Sa kanang tagiliran, mukhang leon. Sa kaliwa naman ay mukha silang toro at mukhang agila sa likuran. 11 Ang tig-dalawa nilang pakpak ay nakabukang pataas at magkaabot ang dulo. Ang tig-dalawa naman ay nakatakip sa kanilang katawan. 12 Hindi na nga sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila sa lahat ng dako. 13 Sa(E) gitna nila ay may naglalagablab na apoy na parang sulo, at nagpapalipat-lipat sa apat na nilalang na buháy. Maningning ang liwanag niyon at pinagmumulan ng kidlat. 14 Ang apat na nilalang ay nagpaparoo't paritong simbilis ng kidlat.
15 Nang(F) tingnan kong muli ang apat na nilalang, may nakita akong tig-isang gulong sa tabi nila. 16 Ang mga ito ay kumikislap na parang topaz. Iisa ang ayos nila at parang ang isa'y nakapaloob sa isa. 17 Ang mga ito'y hindi na kailangang ipihit saanman ito gustong pagulungin pagkat nakaharap kahit saan. 18 Ang(G) bawat gulong ay puno ng mga mata sa palibot. 19 Paglakad ng apat na nilalang, kasunod ang mga gulong. Kapag sila'y tumaas, tumataas din ang mga gulong. 20 Saanman gumawi ang apat na nilalang ay kasunod ang apat na gulong pagkat ang apat na nilalang ang nagpapagalaw sa apat na gulong. 21 Kaya paglakad ng apat na nilalang, lakad din ang mga gulong. Pagtigil naman, tigil din sila. Pagtaas, taas din sila. Anuman ang gawin ng apat na nilalang ay ginagawa ng apat na gulong.
22 Sa(H) ulunan ng apat na nilalang, naroon ang isang bubungang tila kristal. 23 Sa ilalim nito'y magkakaabot na nakabuka ang tigalawang pakpak ng apat na nilalang, at ang tigalawa'y nakatakip sa kanilang katawan. 24 Nang(I) sila'y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila'y tumigil, ibinabâ nila ang kanilang mga pakpak. 25 At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak.
26 Sa(J) ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa safiro at may nakaupong parang isang tao. 27 Mula(K) sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakakasilaw, 28 na ang kulay ay parang bahaghari.
Ganyan ang katulad ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, ako'y nagpatirapa, at may narinig akong tinig.
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.
12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
pagkat araw nila lahat ay bilang na.
14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
upang ang mahirap dustai't patayin,
at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
pawang mawawasak pana nilang taglay.
16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
ngunit ang matuwid ay kakalingain.
18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
para silang usok na paiilanlang.
21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.
23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
at di na aalis sa lupang pamana.
30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35 Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.