Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Hukom 20

Naghanda ang Israel Upang Digmain ang Benjamin

20 Ang mga Israelita, mula sa Dan sa gawing hilaga hanggang sa Beer-seba sa timog, at mula sa Gilead sa silangan, ay nagtipun-tipon sa Mizpa, sa harapan ni Yahweh, kasama ang mga pinuno ng bawat lipi. Lahat-lahat ay umabot ng apatnaraang libong kawal. Ang pangyayaring ito'y nakarating sa kaalaman ng mga Benjaminita.

Ang tanong ng mga Israelita, “Paano ba naganap ang kasamaang ito?” Ang pangyayari ay isinalaysay ng Levita na asawa ng babaing pinaslang, “Kami ng aking asawang-lingkod ay nagdaan sa Gibea na sakop ng mga Benjaminita upang doon magpalipas ng gabi. Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gibea at gusto akong patayin. Ngunit sa halip, ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa siya'y mamatay. Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa bawat lipi ng Israel. Napakasama at karumal-dumal ang ginawa nilang ito sa atin. Kayong lahat ng naririto ay mga Israelita. Ano ngayon ang dapat nating gawin?”

Sabay-sabay silang tumayo at kanilang sinabi, “Isa man sa amin ay hindi muna uuwi sa sariling bahay o tolda. Ito ang gagawin natin: magpapalabunutan tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng bilang ng ating kalalakihan ang mamamahala sa pagkain ng hukbo. Ang natitira naman ang magpaparusa sa Gibea dahil sa kawalanghiyaang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea.

12 Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin. 13 Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita. 14 Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel. 15 Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea. 16 Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.

Ang Digmaan ng mga Israelita at mga Benjaminita

18 Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”

Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”

19 Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea. 20 Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin. 21 Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal. 22 Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar. 23 Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?”

“Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh.

24 Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita. 25 Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000. 26 Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan. 27 Muli silang sumangguni kay Yahweh. Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Bethel 28 sa pag-iingat ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Ang tanong nila, “Lulusubin po ba namin muli ang mga kapatid naming Benjaminita o titigil na kami?”

Sumagot si Yahweh, “Lumusob kayo muli at bukas ng umaga'y pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

29 Ang mga Israelita'y naglagay ng mga kawal na nakakubli sa palibot ng Gibea. 30 Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita. 31 At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Bethel at Gibea at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu. 32 Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod.

33 Ang mga Israelitang nagpahabol ay nagtipun-tipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa palibot ng Gibea 34 ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na malapit na silang malipol. 35 Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita. 36 Noon lamang nila nakita na natalo sila ng mga Israelita.

Ang Pagtatagumpay ng mga Israelita

Umatras ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gibea. 37 Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon. 38 May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea, 39 haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita. 40 At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea. 41 Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita 42 at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita, 43 at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea. 44 Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000. 45 Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000. 46 Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita nang araw na iyon ay 25,000, na pawang mga matatapang na mandirigma.

47 Ang nakatakas sa Batong Malaki ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan. 48 Binalikan ng mga Israelita ang iba pang Benjaminita at pinatay lahat, pati mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang lahat ng bayang sakop ng Benjamin.

Mga Gawa 24

Ang Paratang ng mga Judio Laban kay Pablo

24 Makalipas ang limang araw, dumating sa Cesarea ang pinakapunong pari na si Ananias, kasama ang ilang pinuno ng bayan at si Tertulo na isang abogado. Iniharap nila sa gobernador ang kanilang reklamo laban kay Pablo. At nang maiharap si Pablo, sinimulan ni Tertulo ang pagsalaysay ng mga paratang kay Pablo. Sinabi niya,

“Kagalang-galang na Gobernador Felix, utang namin sa inyong mahusay na pamumuno ang kapayapaang matagal na naming tinatamasa, gayundin ang mga pagbabago para sa ikauunlad ng aming bansa. Ito'y kinikilala naming utang na loob, at lubos namin kayong pinasasalamatan saanman at magpakailanman. Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, mangyari lamang na kami'y pakinggan ninyong sandali. Natuklasan naming ang taong ito'y nanggugulo. Ginugulo niya ang mga Judio saan man siya magpunta, at siya'y isang pasimuno ng sekta ng mga Nazareno. Pati ang Templo namin ay tinangka niyang lapastanganin, kaya hinuli namin siya. [Hahatulan sana namin siya ayon sa aming kautusan, ngunit dumating si Lisias na pinuno ng mga sundalo, at marahas siyang inagaw sa amin. Ang sabi niya'y sa inyo namin isakdal ang taong ito.][a] Sa pagsisiyasat ninyo sa kanya, malalaman ninyo ang lahat ng paratang namin laban sa kanya.”

Nakiisa ang mga Judio kay Tertulo, at pinatotohanan ang lahat ng sinabi niya.

Ang Pagtatanggol ni Pablo sa Harap ni Felix

10 Si Pablo ay sinenyasan ng gobernador upang magsalita, kaya't sinabi niya,

“Kagalang-galang na Gobernador, nalalaman kong kayo'y matagal nang hukom sa bansang ito, kaya't ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa harap ninyo. 11 Wala pang labindalawang araw mula nang ako'y dumating sa Jerusalem upang sumamba. Matitiyak ninyo iyan kung kayo'y magsisiyasat. 12 Minsan man ay hindi nila ako nakitang nakikipagtalo kaninuman sa loob ng Templo, o gumagawa ng gulo sa sinagoga, o sa alinmang lugar sa lungsod. 13 Wala silang maihaharap na katibayan sa kanilang mga paratang laban sa akin. 14 Inaamin kong ang pagsamba ko sa Diyos ng aming mga ninuno ay ayon sa Daan na sinasabi nilang maling pananampalataya. Subalit naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga aklat ng mga propeta. 15 Tulad nila, umaasa rin akong muling bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao, matuwid man o di-matuwid. 16 Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao.

17 “Ilang(A) taon akong nawala sa Jerusalem at nagbalik ako upang maghatid ng tulong sa mga kababayan ko at maghandog sa Diyos. 18 Natapos ko nang tuparin ang paglilinis ayon sa Kautusan at nag-aalay ako ng aking handog nang datnan nila ako sa Templo. Walang maraming tao roon at wala namang gulo. 19 Ang naroon ay ilang Judiong galing sa Asia—sila sana ang naparito upang magharap ng sakdal kung sila'y may nakitang anumang dapat iparatang laban sa akin. 20 O kaya naman, magsabi ang mga taong naririto kung ano ang pagkakasalang nagawa ko nang ako'y iharap sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. 21 Gayunpaman,(B) totoong isinigaw ko ito sa harap nila, ‘Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay, ako'y nililitis sa harapan ninyo ngayon.’”

22 Si Felix ay may sapat na kaalaman tungkol sa Daan, kaya't ipinagpaliban muna niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko ang iyong kaso pagdating ng pinunong si Lisias.” 23 Pagkatapos, iniutos niya sa kapitan na pabantayan si Pablo, subalit huwag hihigpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan upang mabigyan siya ng kanyang mga pangangailangan.

Si Pablo sa Harap nina Felix at Drusila

24 Makaraan ang ilang araw, dumating si Felix, kasama ang asawa niyang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan ang sinasabi nito tungkol sa pananalig kay Cristo Jesus. 25 Ngunit nang magpatuloy si Pablo ng pagsasalita tungkol sa pagiging matuwid, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, natakot si Felix. Kaya't sinabi niya, “Makakaalis ka na, ipapatawag kitang muli kapag may panahon na ako.” 26 Malimit niyang ipatawag at kausapin si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito.

27 Makaraan ang dalawang taon, si Felix ay napalitan ni Porcio Festo. Sa hangad ni Felix na bigyang-lugod ang mga Judio, hinayaan niyang manatili sa bilangguan si Pablo.

Jeremias 34

Ang Babala ni Jeremias kay Zedekias

34 Ito(A) ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias nang ang Jerusalem at mga karatig-bayan ay sinasalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang hukbo, katulong ang lahat ng kaharian at bansang sakop nito. “Pumunta ka at sabihin mo kay Haring Zedekias ng Juda ang ganito: Ang lunsod na ito'y ibibigay ko sa hari ng Babilonia at kanyang susunugin. Hindi ka makakaligtas; mahuhulog kang tiyak sa kamay niya. Makikita mo't makakausap nang harap-harapan ang hari ng Babilonia at dadalhin kang bihag sa bansang iyon. Ngunit pakinggan mo ang sabi sa iyo ni Yahweh, Haring Zedekias: Hindi ka mamamatay sa digmaan; mapayapa kang papanaw, at magsusunog sila ng insenso sa iyong libing, gaya ng ginawa nila sa libing ng iyong mga ninunong hari. Ipagluluksa ka at tatangisan ng ganito, ‘Patay na ang aming hari!’ Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.”

Inulit namang lahat ni Jeremias ang pahayag na ito sa harapan ni Haring Zedekias ng Juda, nang panahong ang hukbo ng Babilonia ay sumasalakay na sa Jerusalem, sa Laquis at Azeka, ang nalalabing mga lunsod sa Juda. Ito na lamang ang natirang lunsod sa Juda na may mga kuta.

Nilabag na Kasunduan tungkol sa mga Aliping Hebreo

Dumating kay Jeremias ang salita ni Yahweh matapos pagkasunduan ni Haring Zedekias at ng mga taga-Jerusalem na palayain ang mga alipin. Lahat ng may aliping Hebreo, maging babae o lalaki, ay magpapalaya sa mga ito; upang hindi manatiling alipin ang kapwa nila Judio. 10 Sumunod naman ang lahat ng pinuno at mga taong may mga alipin sa bahay. Pinalaya nila ang mga ito at hindi na muling aalipinin. 11 Subalit pagkalipas ng ilang panahon, nagbago ang kanilang isip at pilit nilang inaliping muli ang mga aliping pinalaya nila.

12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 13 “Nagkasundo kami ng inyong mga ninuno nang araw na sila'y palabasin ko sa Egipto, sa lupain ng kanilang pagkaalipin. Ganito ang aming kasunduan: 14 Pagkalipas(B) ng anim na taon ng paglilingkod, palalayain nila sa ikapitong taon ang sinumang Hebreo na binili nilang alipin. Ngunit hindi nila ako sinunod. 15 Kayo nama'y nagsisi at ginawa ninyo ang matuwid na pasyang palalayain ang inyong mga aliping Hebreo. Pinagtibay ninyo ito sa aking harapan, sa Templong itinayo ninyo para sa aking karangalan. 16 Ngunit nagtaksil din kayo at nilapastangan ninyo ang aking pangalan, nang muli ninyong alipinin ang mga lalaki't babaing inyong pinalaya. 17 Kaya nga, sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo ako sinunod matapos ninyong ipahayag na palalayain ang inyong mga kalahi. Kaya naman, bibigyan ko kayo ng kalayaan, ang kalayaang mamatay sa digmaan, sa salot at sa gutom. Lahat ng bansa ay masisindak sa aking gagawin sa inyo. 18 Nilabag ninyo ang ating kasunduan at hindi ninyo tinupad ang tuntuning sinang-ayunan ninyong gawin. Gagawin ko sa inyo ang ginawa ninyo sa guya na inyong pinatay, hinati, at dinaanan sa pagitan. 19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, mga eunuko, mga pari, at lahat ng dumaan sa guyang hinati ay 20 ibibigay ko sa kaaway. Mamamatay sila at ang bangkay nila'y kakanin ng mga ibon at mababangis na hayop! 21 Ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang kanyang mga pinuno sa mga kaaway na tumutugis sa kanila, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na tumigil na sa pagsalakay. 22 Ako ang mag-uutos sa kanila, at muli nilang sasalakayin ang lunsod na ito. Masasakop nila ito at susunugin; gagawin kong tulad sa disyerto ang mga lunsod ng Juda, at wala nang maninirahan doon.”

Mga Awit 5-6

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.