M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tagumpay ni Jonatan sa Micmas
14 Isang araw, lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Sumama ka sa akin at liligid tayo sa kabila ng kampo ng mga Filisteo.” 2 Si Saul noon ay nasa labas ng Gibea, sa ilalim ng isang puno ng granada sa Micron, kasama ang may animnaraang tauhan. 3 Naroon din ang paring si Ahias na anak ni Ahitob, kapatid ni Icabod at apo ni Finehas na anak naman ni Eli, ang pari ni Yahweh sa Shilo. Dala ni Ahias ang efod. Walang nakaalam sa lakad nina Jonatan.
4 Ang magkabila ng daanang binabantayan ng mga Filisteo ay mataas na bato; Bozez ang tawag sa isang panig, at Sene naman ang kabila. 5 Ang isa ay nasa gawing hilaga, sa tapat ng Micmas at ang isa nama'y nasa timog, sa tapat ng Gibea.
6 Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteong ito. Natitiyak kong tutulungan tayo ni Yahweh at walang makakahadlang sa kanya. Pagtatagumpayin niya ang Israel sa pamamagitan ng marami o ng kakaunting tao.”
7 Sumagot ang tagadala niya ng sandata, “Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.”
8 “Mabuti kung gayon,” sabi ni Jonatan. “Tatawid tayo at magpapakita sa kanila. 9 Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila. 10 Pero kapag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila sapagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.”
11 At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, “Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.” 12 At hiniyawan nila sina Jonatan, “Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.”
Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, “Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.” 13 Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bumabagsak ang bawat makaharap niya at ang mga ito'y pinapatay naman ng tagadala niya ng sandata. 14 Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na iyon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila. 15 Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, gayundin ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin.
Natalo ang mga Filisteo
16 Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gibea ang pagkakagulo ng mga Filisteo. 17 Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, “Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.” Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata.
18 At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon. 19 Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.” 20 Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan. 21 Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita. 22 Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo. 23 Ang labanan ay umabot sa kabila ng Beth-aven at nang araw na iyon, iniligtas ni Yahweh ang Israel.
Ang Sumpa ni Saul
24 Ang mga Israelita ay nanghihina na sa gutom nang araw na iyon. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway. 25 Nakarating sila sa isang kagubatan na sagana sa pulot. 26 Pagpasok nila rito, nakita nilang umaagos ang pulot ngunit ni hindi sila tumikim dahil natatakot sila sa sumpa ni Saul. 27 Palibhasa'y hindi alam ni Jonatan ang tungkol sa sumpa ng kanyang ama, itinubog niya sa pulot ang kanyang tungkod, at sinipsip ito. At nagliwanag ang kanyang paninging nanlabo na dahil sa gutom at pagod. 28 Sinabi sa kanya ng isa sa mga Israelita, “Mahigpit pong ipinagbabawal ng iyong ama ang tumikim ng pagkain sa araw na ito. Kaya latang-lata na ang mga tao.”
29 Sinabi ni Jonatan, “Bakit pinahihirapan ng aking ama ang mga tao? Heto at nagliwanag ang aking paningin nang tumikim ako ng pulot. 30 Gaano pa kaya kung ang mga tao'y pababayaang kumain ng mga pagkaing nasamsam nila. Lalo sanang madadali ang paglipol sa mga Filisteo.”
31 Nang araw na iyon, ang mga Filisteo'y nalupig ng mga Israelita mula sa Micmas hanggang Ahilon, ngunit lambot na lambot na sila sa gutom. 32 Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga hayop ng mga Filisteo. Nagpatay sila ng mga tupa, baka at mga guya. Dahil sa gutom, kinain ang mga ito nang hindi na nakuhang alisan ng dugo. 33 May(A) nagsumbong kay Saul na ang hukbo'y gumagawa ng malaking kasalanan kay Yahweh; kumakain sila ng karneng may dugo.
Kaya't sinabi ni Saul, “Ito'y isang malaking kataksilan! Igulong ninyo rito ang isang malaking bato, ngayon din. 34 Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.” Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay. 35 Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa.
36 Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, “Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buháy sa kanila.”
Sumagot sila, “Kayo po ang masusunod.”
Ngunit sinabi ng pari, “Sumangguni muna tayo sa Diyos.”
37 Sumangguni nga si Saul sa Diyos, “Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin po ba ninyo kami?” Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos. 38 Kaya't sinabi niya, “Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala. 39 Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[a] at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita. 40 Sinabi ni Saul, “Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.”
Sumagot ang mga tao, “Kayo po ang masusunod.”
41 Pagkatapos,(B) tumingala si Saul at sinabi, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit hindi kayo sumagot ngayon sa inyong lingkod? Kung ang nagkasala'y alinman sa amin ni Jonatan, ipabunot ninyo sa amin ang Urim. Ngunit kung ang mga tao ang nagkasala, ipabunot ninyo ang Tumim.” Nang gawin ang palabunutan, lumitaw na ang nagkasala'y ang panig nina Saul at Jonatan; walang dapat panagutan ang mga tao. 42 Sinabi ni Saul, “Gagawin ngayon ang palabunutan para malaman kung sino sa amin ni Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang lumitaw na may kasalanan. 43 Dahil dito, tinanong ni Saul si Jonatan, “Magsabi ka ng totoo, ano ang ginawa mo?”
Sumagot siya, “Itinubog ko ang aking tungkod sa pulot at ito'y aking tinikman. Kung kailangan akong patayin dahil doon, nakahanda po akong mamatay.”
44 Sinabi ni Saul, “Gawin ng Diyos ang nararapat sa iyo at sa akin; mamamatay ka, Jonatan.”
45 Sumagot ang mga tao, “Papatayin ba si Jonatan na nanguna sa pagtatagumpay ng Israel? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] isa mang buhok niya'y hindi malalaglag sapagkat siya ang kinasangkapan ngayon ng Diyos upang magtagumpay ang Israel.” Hindi nga pinatay si Jonatan sapagkat iniligtas siya ng mga Israelita.
46 Tinigilan na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo; ang mga ito nama'y bumalik na sa kanilang teritoryo.
Ang Paghahari ni Saul at ang Kanyang Pamilya
47 Sa panahon ng paghahari ni Saul sa Israel, nakalaban niya ang lahat niyang mga kaaway sa magkabi-kabilang panig. Ito'y ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, Sobita at mga Filisteo. Nagtatagumpay siya saanman siya mapalaban. 48 Lalong kinilala ang kanyang kapangyarihan nang talunin niya ang mga Amalekita, at patuloy na ipagtanggol ang Israel laban sa mga nagtatangkang sumakop dito.
49 Ito ang mga anak ni Saul: ang tatlong lalaki ay sina Jonatan, Isui at Melquisua; ang mga babae nama'y sina Merab at Mical. 50 Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay si Abner na anak ng tiyo niyang si Ner 51 na kapatid ng ama niyang si Kish at anak naman ni Abiel.
52 Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging mahigpitan ang labanan nila ng mga Filisteo. Kaya lahat ng lalaking makita niyang matapang at malakas ay isinasama niya sa kanyang hukbo.
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba[a] ninyo sa Diyos. 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung(A) paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. 6 Tumanggap(B) tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. 7 Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. 8 Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak.
9 Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. 11 Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. 13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar.
14 Idalangin(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. 15 Makigalak(D) kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. 16 Magkaisa(E) kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha.[b] Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.
17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. 18 Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. 19 Mga(F) minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Sa halip,(G) “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.”[c] 21 Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama.
Karagdagang Parusa sa Babilonia
51 Sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, magpapadala ako ng isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga hukbo nito. 2 Magsusugo ako sa Babilonia ng mga dayuhang wawasak dito na tulad sa malakas na hanging tumatangay sa ipa. Sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan, iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig. 3 Huwag ninyong hayaang mahatak ng mamamana ang kanyang busog, o maisuot ang kanyang kasuotang pandigma. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal. 4 Bayaan ninyong mahandusay sila sa lansangan ng Babilonia; patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan. 5 Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat; subalit ang lupain nila ay punô ng kasalanan laban sa Banal na Diyos ng Israel. 6 Takasan ninyo ang Babilonia, iligtas ninyo ang inyong sarili, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan. 7 Ang(A) Babilonia ay isang gintong kopa sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya sila'y nalasing. 8 Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas para sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling pa. 9 Gagamutin(B) sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan na natin siya at magsiuwian na tayo sa ating mga bayan; sapagkat abot na hanggang langit ang kanyang kapahamakan.”
10 Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halikayo, ipahayag natin sa Zion ang ginawa ng ating Diyos.
11 Ihasa ang mga pana, ihanda ang mga kalasag.
Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang wasakin ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo. 12 Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia. 13 Kayong(C) naninirahan sa tabi ng maraming ilog, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan. 14 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay sumumpa; ang sabi niya: “Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao tulad ng mga umaatakeng balang; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.”
Awit ng Pagpupuri
15 Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan;
iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
16 Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan;
pinaiilanlang niya ang mga hamog mula sa mga sulok ng sanlibutan.
Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan,
at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin.
17 Sa ganitong kalagayan ay magiging mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao.
Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyosan;
sapagkat hindi tunay na diyos at walang buhay ang kanyang ginawa.
18 Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain
malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila.
19 Ang Diyos ni Jacob ay hindi gaya ng mga ito;
sapagkat siya ang lumikha ng lahat,
at ang Israel ang hinirang niya;
Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang pangalan niya.
Ang Martilyo ni Yahweh
20 Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma;
sa pamamagitan mo'y dudurugin ko ang mga bansa;
sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian.
21 Sa pamamagitan mo'y aking wawasakin ang mga hukbong nakakabayo,
at ang mga hukbong nakakarwahe,
22 ang lalaki at ang babae,
ang bata at ang matanda,
ang binata at ang dalaga,
23 ang pastol at ang kawan,
ang magsasaka at ang katulong na mga baka,
ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan.
Ang Parusa sa Babilonia
24 “Paparusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga mamamayan nito dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Zion,” sabi ni Yahweh. 25 “Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Winasak mo ang buong sanlibutan. Paparusahan kita. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok. 26 Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pundasyon. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon. 27 Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trumpeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya; tawagin ang mga kahariang laban sa kanya—ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang. 28 Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila. 29 Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat hindi nagbabago ang pasya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito. 30 Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan na ng loob na parang mga babae. Sinunog na ang kanilang mga tahanan, nawasak na ang kanilang mga pintuan. 31 Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na ang lahat ng panig ng kanyang lunsod. 32 Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal. 33 Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating na ang panahon ng pag-ani sa kanya.”
34 Ang Jerusalem ay kinatay at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba. 35 Sabihin ninyong mga taga-Zion, “Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.” Sabihin naman ninyong mga taga-Jerusalem, “Pananagutan niya ang paghihirap na tiniis namin.”
Tutulungan ni Yahweh ang Israel
36 Kaya sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Ipagtatanggol kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal. 37 Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y gagawing tirahan na lang ng mga asong-gubat, magiging isang katatakutan at tampulan ng paghamak. Wala na ring maninirahan doon. 38 Sila'y uungal na parang mga leon. 39 At dahil sila'y mga ganid, ipaghahanda ko sila ng isang handaan, at lalasingin ko, hanggang mawalan sila ng malay; mahimbing sa pagtulog habang panahon, at hindi na magising.” 40 Dadalhin ko silang gaya ng mga tupang patungo sa katayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing.
Ang Pagkawasak ng Babilonia
41 “Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakakapangilabot tingnan ang kinasapitan niya! 42 Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia. 43 Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Natuyo ang kanyang lupain na parang disyerto; ayaw panirahan, o daanan man ng sinumang tao. 44 Paparusahan ko si Bel, ang diyos ng Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang mga nalulon niya. Hindi na siya pupuntahan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia. 45 Bayan ko, lisanin ninyo siya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh! 46 Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinuno laban sa pinuno. 47 Kaya darating ang panahon na paparusahan ko ang mga diyus-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya. 48 Kung(D) magkagayon, ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga tagawasak mula sa hilaga,” sabi ni Yahweh. 49 “Dapat(E) ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; sapagkat ang Babilonia ang dahilan ng mga napatay sa buong sanlibutan.”
Ang Mensahe ng Diyos para sa mga Israelita sa Babilonia
Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita na bihag sa Babilonia, 50 “Kayong nakaligtas sa kamatayan, magpatuloy kayo at huwag kayong titigil! Alalahanin ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong lugar na, gayundin ang Jerusalem. 51 Kami'y napahiya dahil nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan sapagkat dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh. 52 Makikita ninyo, darating ang panahong paparusahan ko ang kanyang mga diyus-diyosan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain. 53 Kahit na maabot ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating pa rin ang wawasak sa kanya.”
Iba pang Kapahamakang Sinapit ng Babilonia
54 Sinabi pa ni Yahweh,
“Pakinggan ninyo ang iyakan mula sa Babilonia,
ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak.
55 Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia,
at pinatatahimik ang kanyang malakas na sigaw.
Ang kanyang mga alon ay parang ugong ng malakas na tubig,
matining ang alingawngaw ng kanilang tinig.
56 Sumalakay na sa Babilonia ang tagawasak.
Binihag ang kanyang mga mandirigma.
Pinagbabali ang kanilang mga pana
sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti,
magbabayad siya nang buo.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga matatalino,
ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma.
Mahihimbing sila habang panahon at hindi na magigising.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
58 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Ang malawak na pader ng Babilonia ay mawawasak
at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan.
Nagpapakahirap sa walang kabuluhan ang mga tao.
Pinapagod nila ang kanilang sarili para mauwi lamang sa apoy.”
Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia
59 Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong eunuko na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Zedekias ng Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari nito. 60 Itinala ni Jeremias sa isang kasulatan ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito. 61 Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: “Basahin mong lahat ang nakasulat dito pagdating mo sa Babilonia. 62 Pagkatapos ay sabihin mo, ‘Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y iyong wawasakin. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.’ 63 Pagkabasa(F) mo sa kasulatang ito, itali mo sa isang bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates, 64 sabay ang pagsasabing, ‘Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.’” Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias.
Panalangin ng Pagpapasalamat
Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.
30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
2 Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
at ako nama'y iyong pinagaling.
3 Hinango mo ako mula sa libingan,
at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.
4 Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
5 Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.
6 Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
“Kailanma'y hindi ako matitinag.”
7 Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.
8 Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
nagsumamo na ako ay tulungan:
9 “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”
11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
Pagluluksa ko ay iyong inalis,
kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.