M’Cheyne Bible Reading Plan
Ikinuha ng mga Asawa ang mga Benjaminita
21 Ang kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa Mizpa at nangako kay Yahweh. Ang sabi nila, “Hindi namin pahihintulutan ang aming mga anak na babae na mapangasawa ng mga Benjaminita.”
2 Pagkaraan niyon, pumunta sila sa Bethel, at malungkot na humarap kay Yahweh. Hanggang gabi silang nakaupo roon, at buong kapaitang nanangis. 3 Sinabi nila, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit kailangan pang mawala ang isa sa mga lipi ng Israel?”
4 Kinaumagahan, ang mga Israelita'y nagtayo roon ng isang altar at naghain ng mga handog para sa kapayapaan at nagsunog ng buong handog. 5 Nagtanungan sila kung aling lipi ng Israel ang hindi nakiisa sa pagtitipon sa Mizpa, sapagkat mahigpit nilang ipinangako na papatayin ang sinumang hindi humarap doon kay Yahweh. 6 Labis nilang ikinalungkot ang nangyari sa mga kapatid nilang Benjaminita. Ang sabi nila, “Ang Israel ay nabawasan ng isang lipi. 7 Saan natin ikukuha ng mapapangasawa ang mga natitira pang Benjaminita sapagkat tayo'y sumumpang hindi natin papayagang mapangasawa nila ang ating mga anak?”
8 Sinabi nila, “Ang lipi ng Israel ay may isang angkang hindi humarap kay Yahweh sa Mizpa.” Nalaman nilang hindi pumunta roon ang mga taga-Jabes-gilead 9 sapagkat isa mang taga-Jabes-gilead ay walang sumagot nang isa-isang tawagin ang mga tao. 10 Kaya ang kapulungang iyon ay pumili ng 12,000 matatapang na kawal, pinapunta sa Jabes-gilead, at inutusang patayin ang lahat ng tagaroon, 11 bata't matanda, lalaki't babae, liban sa mga dalaga. 12 Nakakita sila ng apatnaraang dalagang hindi pa nasisipingan at ang mga ito'y iniuwi nila sa Shilo, sakop ng Canaan.
13 Pagkatapos, ang mga Israelita ay nagpadala ng sugo sa mga Benjaminitang nagtatago sa Bundok ng Rimon. Ipinasabi nila, “Maaari na kayong umuwi sapagkat tapos na ang ating digmaan.” 14 Nag-uwian naman ang mga ito at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes-gilead, ngunit ang mga ito'y kulang sa kanila.
15 Ikinalungkot nga ng mga Israelita ang nangyari sa mga Benjaminita sapagkat nagkalamat ang pagkakaisa ng mga lipi ng Israel. 16 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng kapulungan. Ang sabi nila, “Walang natirang babaing Benjaminita. Ano ang gagawin natin para magkaasawa ang wala pang asawa? 17 Hindi natin dapat pabayaang malipol ang alinman sa lipi ng Israel. Kailangang gumawa tayo ng paraan para hindi mawala ang lipi ni Benjamin. 18 Hindi naman natin maibibigay sa kanila ang ating mga anak sapagkat isinumpa nating hindi papayagan na mapangasawa nila ang ating mga anak.” 19 Noon nila naalalang malapit na ang taunan nilang pista para kay Yahweh na ginaganap nila sa Shilo, sa hilaga ng Bethel, gawing timog ng Lebona, sa gawing silangan ng daan sa pagitan ng Bethel at Shekem.
20 Sinabi nila sa mga Benjaminita, “Magtago kayo sa ubasan 21 at hintayin ninyo ang mga dalagang taga-Shilo. Pagdaan nila roon upang magsayaw sa pista, mang-agaw na kayo ng inyong mapapangasawa at iuwi ninyo. 22 Kapag nagreklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid, sasabihin na lang namin sa kanila na bayaan na kayo sapagkat kulang sa inyo ang mga dalagang nakuha namin sa Jabes. Iyon naman ay hindi masasabing pagsira nila sa pangako sapagkat kinuha ninyo nang wala silang pahintulot.” 23 Ganoon nga ang ginawa ng mga Benjaminita; bawat isa sa kanila'y pumili ng isa sa mga nagsasayaw, at tinangay. Umuwi sila sa kanilang lupain, itinayo ang kanilang mga lunsod at muling nanirahan doon. 24 Samantala, ang ibang mga Israelita ay umuwi na sa kanya-kanyang lipi, pamilya at ari-arian.
25 Nang(A) panahong iyon ay wala pang hari sa Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.
Naghabol si Pablo sa Emperador
25 Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. 2 Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. 3 Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag ito sa Jerusalem. 4 Sumagot si Festo, “Si Pablo'y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. 5 Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may kasalanan siya, saka ninyo siya isakdal.”
6 Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. 7 Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. 8 Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.”
9 Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya't tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?”
10 Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. 11 Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dahil dito'y dapat akong parusahan ng kamatayan, hindi ako tututol. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Sa Emperador ako dudulog.”
12 Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Yamang sa Emperador mo gustong dumulog, sa Emperador ka pupunta.”
Isinangguni ni Festo kay Agripa ang Kaso ni Pablo
13 Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. 14 Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. 15 Nang ako'y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. 16 Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga't hindi niya nakakaharap ang mga nagsasakdal sa kanya at naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa paratang. 17 Kaya't nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. 18 Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. 19 Ang pinagtatalunan nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala'y Jesus na patay na, ngunit iginigiit ni Pablo na buháy. 20 Hindi ko alam kung paano sisiyasatin ang bagay na ito, kaya't tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. 21 Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.”
22 Sinabi ni Agripa kay Festo, “Gusto kong mapakinggan ang taong iyan.”
“Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon naman ni Festo.
Iniharap si Pablo kina Agripa at Bernice
23 Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice, kasama ang matataas na punong kawal at ang mga tanyag na tao sa lungsod. Buong karangyaan silang pumasok sa bulwagan ng hukuman at iniutos ni Festo na si Pablo'y iharap sa kanila. 24 Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng naririto, narito po ang lalaking isinakdal sa akin ng mga Judio rito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang hindi siya dapat mabuhay. 25 Ngunit sa pagsisiyasat ko'y wala akong makitang dahilan upang parusahan siya ng kamatayan. Dahil nais niyang dumulog sa Emperador, ipinasya kong ipadala siya roon. 26 Subalit wala akong tiyak na maisulat sa Emperador tungkol sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyo, lalung-lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos na siya'y masiyasat natin. 27 Sa palagay ko'y hindi nararapat ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi inilalahad ang mga reklamo laban sa kanya.”
Ang Pagkamasunurin ng mga Recabita
35 Nang(A) si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 2 “Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at bigyan ng alak.” 3 Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita. 4 Sila'y dinala niya sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Maaseias na anak ni Sallum, isang mataas na pinuno sa Templo. 5 Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.”
6 Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak. 7 Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan. 8 Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak. 9 Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan; 10 sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab. 11 Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.”
12 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 13 “Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at sumunod sa mga utos ko? 14 Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno. Ngunit ako'y laging nagsasalita sa inyo, hindi naman kayo sumusunod. 15 Lagi akong nagsusugo ng aking mga lingkod na propeta upang sabihin sa inyong talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Ngunit ayaw ninyong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin. 16 Ang mga salinlahi ni Jonadab ay sumusunod sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi sumusunod sa akin. 17 Kaya naman, ipadadala ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw ninyong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ang maysabi nito.”
18 At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita, “Ganito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong si Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at tinupad ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo. 19 Kaya naman, akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ay nangangako: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno at maglilingkod sa akin.”
Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan
Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.
7 O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
2 kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
3 O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
4 kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
5 payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]
6 O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
7 Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
8 Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
9 Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.
10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.
14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.
17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[c]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(B) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(C) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(D) mo siyang mababa sa iyo[d] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(E) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.