M’Cheyne Bible Reading Plan
Sa Tesalonica
17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2 Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. 3 Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” 4 Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. 5 Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. 6 Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![a] 7 Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” 8 Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. 9 Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.
Sa Berea
10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.
Sa Atenas
16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[b] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(A)
12 Nagsimulang (B) magsalita si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. “May isang taong nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukirin. Binakuran niya ang ubasan, humukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka, bago siya nagpunta sa ibang lupain. 2 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang isa niyang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan. 3 Ngunit sapilitang kinuha ng mga magsasaka ang alipin, binugbog at pinaalis na walang dala. 4 Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito'y kanilang hinampas sa ulo at hiniya. 5 Nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba. Binugbog ang iba at ang iba nama'y pinatay. 6 Iisa na lamang ang maaaring isugo ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Sa dakong huli'y pinapunta nga niya ito, at iniisip, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ 7 Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 8 Kaya't sapilitan nilang kinuha ang anak at pinatay, pagkatapos ay itinapon sa labas ng ubasan. 9 Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka, at ang ubasan ay ibibigay sa iba. 10 Hindi (C) pa ba ninyo nabasa ang kasulatang ito:
‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
at sa ati'y kahanga-hangang pagmasdan’?”
12 Nang mabatid nilang sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang siya'y dakpin. Ngunit natakot sila sa maraming tao, kaya umalis sila at iniwan si Jesus.
Ang Pagbabayad ng Buwis(D)
13 Pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at sa mga kakampi ni Herodes upang siluin siya sa kanyang sinasabi. 14 Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, alam naming tapat ka at walang kinikilingan. Hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao at itinuturo mo ang daan ng Diyos batay sa katotohanan. Tama bang magbayad ng buwis sa Emperador[a] o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?” 15 Dahil batid ni Jesus ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubukan? Abutan ninyo ako ng isang salaping pilak at titingnan ko.” 16 Inabutan nga nila si Jesus ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang naririto?” tanong ni Jesus. “Sa Emperador,” sagot nila. 17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila'y namangha sa kanya.
Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(E)
18 Lumapit (F) kay Jesus ang mga Saduceo, mga taong nagtuturo na walang pagkabuhay na muli, at nagtanong sila sa kanya, 19 “Guro, (G) isinulat ni Moises para sa amin na kung mamatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki ng namatay ay dapat pakasal sa babae upang magkaanak siya para sa yumao. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawa ang babae subalit namatay ring walang naiwang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Walang ni isa man sa pitong magkakapatid ang nagkaanak sa kanya. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay. 23 Sa muling pagkabuhay, (kapag sila'y muling nabuhay)[b] sino sa pitong magkakapatid ang magiging asawa ng babae yamang napangasawa niya silang lahat?” 24 Sumagot si Jesus, “Nagkakamali kayo! At ito ang dahilan: hindi ninyo nauunawaan ang mga kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay ng mga tao mula sa kamatayan ay wala nang pag-aasawa. Sa halip, sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol (H) naman sa muling pagbangon ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa bahagi tungkol sa mababang punong nagliliyab na doon ay sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy! Maling-mali kayo!”
Ang Pangunahing Utos(I)
28 Lumapit ang isang tagapagturo ng Kautusan at narinig ang kanilang pagtatalo. Nakita niyang mahusay ang pagsagot ni Jesus sa mga Saduceo, kaya siya ay nagtanong, “Ano ang pangunahing utos sa lahat?” 29 Sumagot (J) si Jesus, “Ang pangunahing utos ay ito: ‘Makinig ka, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, nang iyong buong kaluluwa, nang iyong buong pag-iisip, at nang iyong buong lakas.’ 31 Ang (K) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” 32 Sinabi (L) sa kanya ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama ka, Guro. Batay sa katotohanan ang sinabi mo na iisa nga ang ating Panginoon at wala nang iba maliban sa kanya. 33 Ang (M) umibig sa kanya nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, ay higit kaysa lahat ng mga handog na sinusunog at iba pang mga hain.” 34 Nang (N) makita ni Jesus na matalinong sumagot ang lalaki, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(O)
35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, nagtanong siya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Si (P) David mismo ang nagpahayag sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’
37 Mismong si David ay tumawag sa kanya na Panginoon, kaya't paano siya magiging anak ni David?” Masayang nakinig sa kanya ang napakaraming tao.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(Q)
38 Sinabi niya habang siya'y nagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan! Mahilig silang maglakad-lakad na suot ang mahahabang damit, at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. 39 Mahilig din silang maupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo at nagkukunwaring banal sa pamamagitan ng kanilang mahahabang pagdarasal. Mas mabigat na parusa ang tatanggapin ng mga ito.”
Ang Kaloob ng Babaing Balo(R)
41 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman ng templo at pinagmasdan kung paano naghuhulog ang mga tao ng kanilang handog na salapi. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Dumating ang isang dukhang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing, katumbas ng isang pera. 43 Tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Katotohanan ang sinasabi ko, ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghulog sa kabang-yaman. 44 Sapagkat lahat ay nagbigay mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, sa kabila ng kanyang kahirapan, ay nagbigay ng kanyang buong kabuhayan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.