Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Error: 'Josue 24 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Gawa 4

Si Pedro at si Juan sa Harap ng Sanhedrin

Nagsasalita pa sina Pedro at Juan[a] sa taong-bayan nang lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduceo. Labis ang galit ng mga ito sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na si Jesus ay muling nabuhay, na siyang katibayan ng muling pagkabuhay ng mga patay. Kaya dinakip nila ang dalawa at ikinulong hanggang kinaumagahan sapagkat gabi na noon. Gayunma'y marami sa mga nakarinig sa kanilang ipinangaral ang sumampalataya; at umabot ang bilang nila sa may limang libong lalaki. Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namamahala sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan.

Kabilang doon si Anas, na Kataas-taasang Pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng Kataas-taasang Pari. Pinatayo nila sa gitna sina Pedro at Juan, at tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o kaninong pangalan ninyo ginagawa ito?” Kaya sumagot si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu, “Mga pinuno at matatandang namamahala sa bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon dahil sa kabutihang ginawa namin sa isang taong may kapansanan, at tinatanong ninyo kung paano siya napagaling, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambayanang Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan nang walang sakit sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazareth, na inyong ipinako sa krus ngunit ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 11 Siya,

‘ang (A) batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong panulukan.’

12 Sa iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao na sa ati'y makapagliligtas.” 13 Namangha sila nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, lalo na nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwang tao lamang. Nabatid nilang sila'y nakasama ni Jesus. 14 At dahil nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga apostol ay wala silang masabing laban sa mga ito. 15 Kaya't pinalabas muna ng Sanhedrin ang dalawa bago sila nagpulong. 16 “Ano'ng gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Alam na ng buong Jerusalem ang pambihirang himalang nangyari sa pamamagitan nila. Hindi na natin ito maikakaila. 17 Ngunit upang huwag nang lalo pa itong kumalat sa bayan, pagbawalan natin silang magsalita pa kaninuman tungkol sa pangalang ito.” 18 Kaya't ipinatawag nila ang dalawa at inutusang kailanma'y huwag nang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus. 19 Subalit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kayo na ang humatol kung matuwid sa paningin ng Diyos na kayo ang aming sundin sa halip na ang Diyos. 20 Sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.” 21 Pagkatapos mahigpit na pagbantaan, pinakawalan nila ang dalawa. Wala silang makitang anumang dahilan upang parusahan sila sapagkat nagpupuri sa Diyos ang buong bayan dahil sa nangyari. 22 Mahigit apatnapung taong gulang na ang lalaking pinagaling sa pamamagitan ng himalang ito.

Ang Panalangin para sa Katapangan

23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatandang tagapamahala ng bayan. 24 Nang (B) marinig nila ito, sama-sama silang tumawag sa Diyos, “Panginoon, ikaw na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, 25 ikaw (C) na nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na iyong lingkod,[b] nang ipahayag niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,

‘Bakit nagalit ang mga bansa,
    at nagbalak ang mga bayan ng mga walang kabuluhan?
26 Naghanda ang mga hari sa lupa upang lumaban,
    at ang mga pinuno ay nagtipon laban sa Panginoon,
    at laban sa kanyang Hinirang.’

27 Sapagkat (D) totoo ngang sa lungsod na ito nagkaisa sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng mga mamamayan ng Israel laban sa iyong Banal na Lingkod[c] na si Jesus, na iyong hinirang. 28 Nagkaisa sila upang gawin ang itinakda ng iyong kamay at ng iyong kalooban na mangyayari. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo po kung paano nila kami pinagbabantaan. Ipagkaloob mo po sa iyong mga alipin ang buong katapangan upang ipahayag ang iyong salita. 30 Iunat mo po ang iyong kamay upang magpagaling at gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Lingkod na si Jesus.” 31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang lugar na kanilang pinagtitipunan; napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu at buong tapang nilang ipinahayag ang salita ng Diyos.

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. (E) Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At sumakanilang lahat ang dakilang pagpapala ng Diyos. 34 Walang sinumang naghihikahos sa kanila sapagkat ipinagbibili ng lahat ang kanilang mga lupa at mga bahay at ipinapaubaya ang pinagbilhan ng mga ito 35 sa pamamahala ng mga apostol at ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon nga ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus. Bernabe ang tawag sa kanya ng mga apostol, na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas-loob”. 37 Ipinagbili niya ang isang bukid na kanyang pag-aari, at ipinaubaya niya ang salapi sa pamamahala ng mga apostol.

Error: 'Jeremias 13 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mateo 27

Iniharap si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagsanggunian kung paano maipapapatay si Jesus. Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at iniharap sa gobernador na si Pilato.

Nagpakamatay si Judas(B)

Nang makita (C) ng nagkanulong si Judas na si Jesus ay nahatulan na, siya'y nagsisi at isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatandang pinuno. Wika niya, “Nagkasala ako sa pagkakanulo sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Bahala ka sa sarili mo.” At inihagis ni Judas ang mga piraso ng pilak sa loob ng templo at siya'y lumabas. Umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak at sinabi nila, “Hindi nararapat na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang katumbas nito.” Kaya't napagkasunduan nilang gamitin iyon upang bilhin ang bukid ng magpapalayok, na gagawing libingan ng mga dayuhan. Dahil dito, ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. Kaya't (D) natupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Jeremias,[a] “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, na inihalaga sa kanya ng ilang anak ng Israel, 10 at ang mga iyon ay ipinambayad nila sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(E)

11 Samantala, tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw ang nagsasabi niyan,” sagot ni Jesus. 12 Subalit nang magparatang sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ay wala siyang sinabing anuman. 13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ibinibintang nila sa iyo?” 14 Ngunit ni isa mang kataga ay hindi siya sumagot sa kanya, na lubhang ipinagtaka ng gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(F)

15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[b] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (G) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[c] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.

Tinuya ng mga Kawal si Jesus(H)

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Si Jesus ay Ipinako sa Krus(I)

32 Habang lumalabas sila sa lungsod, nakasalubong nila ang isang lalaking taga-Cirene, na nagngangalang Simon. Pinilit nila itong magpasan ng kanyang krus. 33 Dumating sila sa isang pook na tinatawag na Golgotha (na ang ibig sabihin ay “Ang Pook ng Bungo”). 34 Doon, siya ay kanilang binigyan (J) ng maiinom na alak na may halong apdo. Subalit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. 35 At (K) nang siya'y maipako nila sa krus, nagpalabunutan sila upang mapaghati-hatian ang kanyang mga damit. 36 Pagkatapos, umupo sila at nagbantay sa kanya roon. 37 Sa itaas ng kanyang ulo ay kanilang inilagay ang paratang sa kanya, na may ganitong nakasulat: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 Ang mga nagdaraan (L) ay nangungutya sa kanya at pailing-iling 40 na (M) nagsasabi, “Ikaw na magwawasak sa templo, at sa ikatlong araw ay muling magtatayo nito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 41 Sa gayunding paraan ay kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. Wika nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya raw ang Hari ng Israel. Bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. 43 Nagtiwala (N) siya sa Diyos. Tingnan natin ngayon kung ililigtas siya ng Diyos, kung gusto niya, sapagkat sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos.” 44 Kinutya rin siya ng mga tulisang ipinako sa krus na kasama niya.

Namatay si Jesus(O)

45 Mula sa katanghaliang-tapat[d] hanggang sa ikatlo ng hapon[e] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (P) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (Q) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[f] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (R) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[g] 55 At (S) maraming babaing naroroon din ang nakatanaw mula sa malayo. Sumunod sila kay Jesus mula pa sa Galilea upang maglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Inilibing si Jesus(T)

57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.

Naglagay ng mga Bantay sa Libingan

62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (U) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[h] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.