Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Error: 'Mga Hukom 12 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Mga Gawa 16

Si Timoteo Kasama nina Pablo at Silas

16 Nakarating si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo. Siya'y anak ng isang babaing Judio na mananampalataya at Griyego naman ang kanyang ama. Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. Nais ni Pablo na isama si Timoteo, kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judiong nasa lugar na iyon, sapagkat alam ng lahat na Griyego ang kanyang ama. Sa kanilang paglalakbay sa mga lungsod, ipinababatid nila ang mga katuruang napagpasyahan ng mga apostol at ng matatandang tagapamahala sa Jerusalem. Kaya't lumakas ang mga iglesya sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw.

Ang Pangitain ni Pablo sa Troas

Naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia, sapagkat pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na ipangaral ang salita sa lalawigan ng Asia. Pagdating nila sa hangganan ng Misia, tinangka nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas. Kinagabihan ay nagkaroon ng pangitain si Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumunta ka rito sa Macedonia at tulungan mo kami.” 10 Pagkakita niya sa pangitain, gumayak kami agad papunta sa Macedonia, sapagkat natitiyak naming kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral sa kanila ang Magandang Balita.

Ang Pagsampalataya ni Lydia

11 Mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at kinabukasan naman ay sa Neapolis. 12 Mula roon ay nagtungo kami sa Filipos, na sakop ng Roma at pangunahing lungsod sa nasasakupan ng Macedonia. Nanatili kami sa lungsod na ito ng ilang araw. 13 Nang araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng lungsod sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon. 14 Isa sa mga nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia, isang sumasamba sa Diyos. Siya ay mula sa lungsod ng Tiatira at mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig nang mabuti sa mga sinasabi ni Pablo. 15 Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, “Kung itinuturing ninyong ako'y tapat na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa aking tahanan.” At kami'y napilit niya.

Sina Pablo at Silas sa Bilangguan ng Filipos

16 Minsang papunta kami sa dakong dalanginan, sinalubong kami ng isang batang babaing alipin na may espiritu ng panghuhula. Malaki ang pakinabang ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Sinusundan-sundan niya kami nina Pablo, habang sumisigaw ng ganito, “Ang mga taong ito'y mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo ang daan ng kaligtasan.” 18 Ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mainis na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa kanya.” At lumabas ang espiritu nang oras ding iyon. 19 Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sa pamilihan upang iharap sa mga pinuno. 20 Pinaratangan sila ng ganito sa harap ng mga hukom, “Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang bilang mga Romano'y hindi natin nararapat gawin at tanggapin.” 22 Sinunggaban sila ng maraming tao, pinunit ang kanilang mga damit at ipinahagupit. 23 Pagkatapos hagupitin nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinabantayang mabuti. 24 Nang matanggap ng bantay ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. 25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umawit ng mga himno sa Diyos, habang nakikinig naman ang ibang bilanggo. 26 Biglang lumindol nang malakas, at nayanig ang mga pundasyon ng bilangguan. Agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nalagot ang mga tanikala ng lahat ng mga bilanggo. 27 Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at nagtangkang magpakamatay. 28 Ngunit sumigaw nang malakas si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Naririto kaming lahat!” 29 Humingi ng ilaw ang bantay at tumakbo paloob, at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Nang sila'y dalhin sa labas ay sinabi niya, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” 31 At kanilang sinabi, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” 32 Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang tahanan. 33 Nang oras ding iyon ng gabi, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, kasama ang kanyang buong sambahayan. 34 Matapos na patuluyin sa kanyang tahanan, sila'y ipinaghanda niya ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya sa Diyos. 35 Kinaumagahan, nagsugo ng mga kawal ang mga hukom upang sabihin sa bantay, “Pakawalan mo ang mga taong iyan.” 36 Sinabi ng bantay kay Pablo, “Ipinag-utos ng mga hukom na pakawalan na kayo. Kaya maaari na kayong umalis at humayo nang payapa.” 37 Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Hinampas nila kami sa harap ng madla at ipinabilanggo nang walang anumang paglilitis, gayong kami'y mamamayang Romano. At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin!” 38 Iniulat ito ng mga kawal sa mga hukom at nang malamang sila'y mga mamamayang Romano, sila'y natakot. 39 Kaya pumunta sila sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos ay pinalaya nila ang mga ito at pinakiusapang umalis ng lungsod. 40 Pagkalabas sa bilangguan, nagtuloy sila sa bahay ni Lydia. Doon ay dinatnan nilang nagtitipon ang mga kapatid. Bago sila umalis, pinagbilinan nilang magpakatatag ang mga ito sa pananampalataya.

Error: 'Jeremias 25 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Marcos 11

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)

11 Nang papalapit na sila sa Betfage at Betania, sa Jerusalem, sa may malapit sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok doon ay makikita ninyo ang isang nakataling bisirong asno, hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. Kapag may nagtanong sa inyo kung bakit ginagawa ninyo iyon sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din agad.’ ” Lumakad ang dalawang alagad at may nakita nga silang bisirong asno sa tabi ng daan. Nakatali ito sa may pintuan. Nang kinakalagan na nila ito, tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Ano ang ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?” Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na sila ng mga ito. Dinala nila kay Jesus ang bisirong asno. Matapos nilang isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, sumakay dito si Jesus. Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan, samantalang ang iba'y naglatag ng mga madahong sanga na kanilang pinutol mula sa bukid. Ang (B) mga tao naman sa unahan at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,

“Hosanna! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”

11 Nang makapasok na si Jesus sa Jerusalem, nagtungo siya sa templo at pinagmasdan ang buong paligid niyon. Dahil gumagabi na, lumabas siya at pumunta sa Betania kasama ang labindalawa.

Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(C)

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Betania, nakaramdam ng gutom si Jesus. 13 Natanaw niya sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na maraming dahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Subalit dahil hindi pa panahon ng pamumunga nito, wala siyang nakita kundi mga dahon. 14 Kaya't sinabi niya sa puno, “Mula ngayo'y wala nang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Narinig iyon ng kanyang mga alagad.

Si Jesus sa Templo(D)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga namimili roon. Pinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi, pati na ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati. 16 Hindi niya pinahintulutang makapasok sa templo ang sinumang may mga dalang paninda. 17 Tinuruan (E) niya ang mga tao at sinabi niya, “Hindi ba nasusulat,

‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’
    Ngunit ginawa ninyo itong ‘pugad ng mga magnanakaw!’ ”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Mula noon ay humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang humahanga sa kanyang turo. 19 Pagsapit ng gabi, lumabas ng lungsod si Jesus at ang kanyang mga alagad.

Ang Aral mula sa Natuyo na Punong Igos(F)

20 Kinaumagahan, sa paglalakad nila ay nadaanan nilang muli ang punong igos. Nakita nilang natuyo ito mula sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa puno, kaya't sinabi niya kay Jesus, “Rabbi, tingnan ninyo! Natuyo ang punong igos na isinumpa ninyo!” 22 Sumagot si Jesus sa kanila, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Katotohanan (G) ang sinasabi ko sa inyo, na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at maitapon sa dagat,’ mangyayari ang sinabi niya kung siya'y naniniwala at walang pag-aalinlangan sa puso. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at mangyayari nga iyon sa inyo. 25 Kapag (H) kayo'y nakatayo at nananalangin at mayroon kayong sama ng loob sa sinuman, patawarin ninyo siya upang patawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan. 26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”[a]

Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(I)

27 Muli silang pumunta sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga tagapagturo ng Kautusan, at ang matatandang pinuno. 28 Nagtanong sila sa kanya, “Ano ang kapangyarihan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ito?” 29 Sinabi ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ito ba'y mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa langit, itatanong niya sa atin kung bakit hindi tayo naniwala kay Juan. 32 Ngunit sasabihin ba nating mula sa mga tao?” Natatakot sila sa mga taong bayan sapagkat naniniwala silang lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang kapangyarihan kong gawin ang mga ito.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.