M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Ipinagbabawal na Gawaing Mahahalay
18 Inutusan ng Panginoon si Moises 2 na sabihin ito sa mga taga-Israel:
Ako ang Panginoon na inyong Dios. 3 Huwag nʼyong gawin ang mga ginagawa ng mga taga-Egipto, kung saan kayo tumira noon. Huwag din ninyong gayahin ang mga ginagawa ng mga taga-Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. 4-5 Dapat ninyong sundin ang aking mga utos at mga tuntunin dahil ang mga susunod dito ay mabubuhay. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
6 Huwag kayong sumiping sa malapit ninyong kamag-anak. Ako ang Panginoon.
7-8 Huwag mong ilagay sa kahihiyan ang iyong ama sa pamamagitan ng pagsiping sa iyong ina o sa iba pa niyang asawa.
9 Huwag kang sumiping sa iyong kapatid na babae, kahit na kapatid mo siya sa ama o sa ina, kahit na lumaki siya sa inyo o hindi.
10 Huwag kang sumiping sa iyong apong babae dahil magbibigay ito sa iyo ng kahihiyan.
11 Huwag kang sumiping sa anak na babae ng iyong ama sa iba niyang asawa, dahil kapatid mo rin siya.
12-13 Huwag kang sumiping sa iyong tiyahin na kapatid ng iyong ama o ina.
14 Huwag mong ilalagay sa kahihiyan ang iyong tiyuhin sa pamamagitan ng pagsiping sa kanyang asawa, dahil tiyahin mo rin siya.
15 Huwag kang sumiping sa iyong manugang na babae dahil asawa siya ng iyong anak.
16 Huwag kang sumiping sa iyong hipag na babae dahil itoʼy magbibigay ng kahihiyan sa iyong kapatid.
17 Huwag kang sumiping sa anak o apo ng babaeng sinipingan mo noon, dahil baka anak o apo mo iyon at itoʼy nakakahiya.
18 Huwag kang mag-asawa ng kapatid na babae ng iyong asawa habang buhay pa ang iyong asawa.
19 Huwag kang sumiping sa babaeng may buwanang dalaw dahil itinuturing siyang marumi.
20 Huwag kang sumiping sa asawa ng iba dahil kapag ginawa mo ito, ituturing kang marumi.
21 Huwag mong ibibigay ang iyong anak para ihandog sa dios na si Molec, dahil iyan ay paglapastangan sa aking pangalan na iyong Dios. Ako ang Panginoon.
22 Huwag kang sumiping sa kapwa mo lalaki o kapwa mo babae dahil kasuklam-suklam ito.
23 Huwag kang sumiping sa hayop dahil ito ay napakasama at ikaw ay ituturing na marumi kapag ginawa mo iyon.
24 Huwag ninyong dumihan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng ganitong mga gawain dahil ito ang nagparumi sa mga taong pinaalis ko sa lupaing ibinigay ko sa inyo. 25-28 At kahit ang lupain ay nadungisan dahil sa ginawa nilang iyon. Pinadalhan ko ng mga salot ang lupaing iyon para silaʼy magsialis doon. Pero kayong mga katutubong Israelita at mga dayuhang naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na gawaing iyon, kundi sundin ninyo ang mga tuntunin at mga kautusan ko. Sapagkat kung dudungisan din ninyo ang lupaing iyon, sa pamamagitan ng paggawa ng mga gawaing iyon, paaalisin ko rin kayo sa lupaing iyon katulad ng mga taong unang tumira roon. 29 Ang sinumang gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawaing ito ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 30 Kaya sundin ninyo ang iniuutos ko sa inyo at huwag ninyong susundin ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga taong nauna sa inyo, para hindi ninyo madungisan ang inyong sarili katulad nila. Ako ang Panginoon na inyong Dios.
Panawagan sa Dios para Tulungan
22 Dios ko! Dios ko! Bakit nʼyo ako pinabayaan?
Bakit kay layo nʼyo sa akin?
Dumadaing ako sa hirap, ngunit hindi nʼyo pa rin ako tinutulungan.
2 Dios ko, araw-gabiʼy tumatawag ako sa inyo,
ngunit hindi nʼyo ako sinasagot,
kaya wala akong kapahingahan.
3 Ngunit banal ka, at nakaluklok ka sa iyong trono,
at pinupuri ng mga Israelita.
4 Ang aming mga ninuno ay sa inyo nagtiwala,
at silaʼy inyong iniligtas.
5 Tinulungan nʼyo sila nang sila ay tumawag sa inyo.
Sila ay nagtiwala at hindi nabigo.
6 Akoʼy hinahamak at hinihiya ng mga tao.
Sinasabi nila na para akong higad at hindi tao.
7 Bawat makakita sa akin ay nangungutya, nang-aasar,
at iiling-iling na nagsasabi,
8 “Hindi baʼt nagtitiwala ka sa Panginoon,
bakit hindi ka niya iniligtas?
Hindi baʼt nalulugod siya sa iyo, bakit hindi ka niya tinulungan?”
9 Ngunit kayo ang naglabas sa akin sa sinapupunan ng aking ina,
at mula noong dumedede pa ako, iningatan nʼyo na ako.
10 Mula kapanganakan ko, nakadepende na ako sa inyo,
at mula noon, kayo lang ang aking Dios.
11 Kaya huwag nʼyo akong pababayaan,
dahil malapit nang dumating ang kaguluhan,
at wala na akong ibang maaasahan.
12 Napapaligiran ako ng maraming kaaway,
na para bang mababangis na mga toro mula sa Bashan.
13 Para rin silang mga leong umaatungal
at nakanganga na handa akong lapain.
14 Nawalan ako ng lakas na parang tubig na ibinubuhos,
at ang aking mga buto ay parang nalinsad[a] lahat.
At nawalan ako ng lakas ng loob, para akong nauupos na kandila.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang tigang na lupa,
at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala.
O Panginoon, pinabayaan nʼyo ako sa lupa na parang isang patay.
16 Pinaligiran ako ng mga taong masama na parang mga aso.
At binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa.
17 Naglalabasan na ang lahat ng aking mga buto,
ngunit akoʼy kanilang tinitingnan lamang.
18 Ang aking mga damit ay kanilang pinaghati-hatian sa pamamagitan ng palabunutan.
19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
Kayo ang aking kalakasan;
magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.
23 Kayong may takot sa Panginoon,
purihin ninyo siya!
Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
parangalan ninyo siya
at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
Hindi niya sila tinatalikuran,
sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.
25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
at namumuno sa lahat ng bansa.
29 Kaya magdiriwang at sasamba sa inyo ang lahat ng mayayaman sa buong mundo.
Luluhod sa inyo ang lahat ng mga mortal, ang mga babalik sa alikabok.
30 Ang susunod na salinlahi ay maglilingkod sa inyo.
At tuturuan nila ang kanilang mga anak ng tungkol sa inyo, Panginoon.
31 Balang araw, silang hindi pa ipinapanganak ay malalaman ang mga ginawa nʼyo,
at maging ang pagliligtas nʼyo sa inyong mga mamamayan.
Walang Kabuluhan ang Lahat
1 Ito ang sinabi ng mangangaral[a] na anak ni David na hari ng Jerusalem:
2 Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat! 3 Ano ang pakinabang ng tao sa pagpapakahirap niyang magtrabaho sa mundong ito? 4 Lumilipas ang isang henerasyon at napapalitan, pero ang mundo ay hindi nagbabago. 5 Sumisikat ang araw at pagkatapos ay lumulubog; pabalik-balik lang sa kanyang pinanggalingan. 6 Umiihip ang hangin sa timog at pagkatapos ay iihip naman sa hilaga. Paikot-ikot lang ito at pabalik-balik. 7 Lahat ng ilog ay umaagos sa dagat, pero hindi naman napupuno ang dagat kahit na patuloy ang pag-agos ng ilog. 8 Ang lahat ng itoʼy nakakabagot at ayaw na ngang pag-usapan. Hindi nagsasawa ang mga mata natin sa katitingin at ang mga tainga natin sa pakikinig. 9 Ang mga nangyari noon, nangyayari ulit ngayon. Ang mga ginawa noon, ginagawa ulit ngayon. Walang nangyayaring bago sa mundo. 10 May mga bagay pa ba na masasabi mong bago? Nariyan na iyan noon pa, kahit noong hindi pa tayo ipinapanganak. 11 Hindi na natin naaalala ang mga nangyari noon; ganoon din sa hinaharap, hindi rin ito maaalala ng mga tao sa bandang huli.
Ang Karunungan ng Tao ay Walang Kabuluhan
12 Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem. 13 Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Dios sa mga tao. 14 Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin. 15 Ang baluktot ay hindi mo maitutuwid at ang wala ay hindi mo maibibilang.
16 Sinabi ko sa aking sarili, “Mas marunong ako kaysa sa lahat ng naging hari sa Jerusalem. Marami akong alam.” 17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at kamangmangan, pero nakita kong wala rin itong kabuluhan. Para kang humahabol sa hangin. 18 Dahil habang nadadagdagan ang kaalaman ko, nadadagdagan din ang aking kalungkutan.
Ang mga Namumuno sa Iglesya
3 Totoo ang kasabihan na ang nagnanais na mamuno sa iglesya ay nagnanais ng mabuting gawain. 2 Kailangan na ang namumuno ay walang kapintasan,[a] iisa ang asawa, marunong magpigil sa sarili, marunong magpasya kung ano ang nararapat, kagalang-galang, bukas ang tahanan sa mga tao, at magaling magturo. 3 Hindi siya dapat lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi mukhang pera. 4 Kailangan ding mahusay siyang mamahala sa pamilya niya; iginagalang at sinusunod ng mga anak niya. 5 Sapagkat kung hindi siya marunong mamahala sa sariling pamilya, paano siya makakapangasiwa nang maayos sa iglesya? 6 Dapat ay hindi siya bagong mananampalataya, at baka maging mayabang siya at mahatulan katulad ni Satanas. 7 Bukod pa rito, kailangang iginagalang siya ng mga hindi miyembro ng iglesya para hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diablo.
Ang mga Tagapaglingkod sa Iglesya
8 Ganoon din naman sa mga tagapaglingkod sa iglesya:[b] kailangang kagalang-galang sila, tapat sa kanilang salita, hindi lasenggo, at hindi sakim. 9 Kailangang iniingatan nila nang may malinis na konsensya ang ipinahayag na katotohanan tungkol sa pananampalataya kay Cristo. 10 Kailangan ding masubok muna sila; at kung mapatunayang karapat-dapat, hayaan silang makapaglingkod. 11 Kailangang kagalang-galang din ang mga asawa nila, hindi mapanira sa kapwa, marunong magpigil sa sarili, at maaasahan sa lahat ng bagay. 12 Dapat iisa lang ang asawa ng mga tagapaglingkod at mahusay mamahala ng kanilang pamilya. 13 Ang mga naglilingkod nang mabuti ay iginagalang ng mga tao at hindi na natatakot magsalita tungkol sa pananampalataya nila kay Cristo Jesus.
Ang Hiwaga ng Ating Pananampalataya
14 Kahit na inaasahan kong makakapunta riyan sa iyo sa lalong madaling panahon, isinulat ko pa rin ang tagubiling ito para 15 kung sakaling maantala ako, alam mo na kung ano ang dapat ugaliin ng mga mananampalataya bilang pamilya ng Dios. Tayong mga mananampalataya ang iglesya ng buhay na Dios, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Tunay na napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon:
Nagpakita siya bilang tao,
pinatotohanan ng Banal na Espiritu na siyaʼy matuwid,
nakita siya ng mga anghel,
ipinangaral sa mga bansa,
pinaniwalaan ng mundo,
at dinala sa langit.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®