M’Cheyne Bible Reading Plan
Namatay si Nadab at Abihu
10 Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kapwa kumuha ng lalagyan ng insenso. Nilagyan nila ito ng mga baga at insenso at inihandog sa Panginoon. Pero ang ginawa nilang itoʼy hindi ayon sa utos ng Panginoon, dahil iba ang apoy na kanilang ginamit para rito.[a] 2 Kaya nagpadala ng apoy ang Panginoon at sinunog sila hanggang sa silaʼy mamatay sa presensya ng Panginoon doon sa Toldang Tipanan. 3 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Iyan ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin niya,
‘Dapat malaman ng mga pari[b] na akoʼy banal,
at dapat akong parangalan ng lahat ng tao.’ ”
Hindi umimik si Aaron. 4 Ipinatawag ni Moises si Mishael at si Elzafan na mga anak ni Uziel na tiyuhin ni Aaron at sinabi niya sa kanila, “Kunin ninyo ang mga bangkay ng inyong mga pinsan sa Tolda at dalhin ninyo sa labas ng kampo.” 5 Kaya kinuha nila ang mga bangkay, sa pamamagitan ng paghawak sa mga damit nito at dinala sa labas ng kampo ayon sa utos ni Moises. 6 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa mga anak niyang sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guguluhin ang inyong buhok o pupunitin man ang inyong damit para ipakita ang inyong pagluluksa sa namatay. Kapag ginawa ninyo iyon, pati kayo ay mamamatay at magagalit ang Panginoon sa lahat ng taga-Israel. Pero maaaring magluksa ang mga Israelitang kamag-anak ninyo para sa kanilang dalawa na sinunog ng Panginoon. 7 Huwag muna kayong umalis sa pintuan ng Tolda.[c] Mamamatay kayo kapag umalis kayo, dahil pinili kayo ng Panginoon para maging mga pari sa pamamagitan ng pagpahid sa inyo ng langis.” At sinunod nila ang iniutos ni Moises.
8 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, 9 “Ikaw at ang iyong mga anak ay hindi dapat uminom ng alak o ng anumang inuming nakakalasing kapag papasok sa Tolda. Kapag ginawa ninyo iyon, mamamatay kayo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito, kayo at ng susunod pang mga henerasyon. 10 Dapat ninyong malaman kung alin ang para sa Panginoon at kung alin ang para sa lahat, kung alin ang malinis at marumi. 11 Kinakailangang turuan ninyo ang kapwa ninyo Israelita tungkol sa lahat ng tuntuning ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises.”
12 Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak niyang natitira na sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natirang handog na pagpaparangal mula sa mga handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Lutuin ninyo iyon nang walang pampaalsa at kainin ninyo malapit sa altar dahil napakabanal niyon. 13 Iyon ang inyong bahagi mula sa handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon. Ito ang iniutos sa akin ng Panginoon. 14 Pero ang pitso at hita ng hayop na itinaas at inihandog sa Panginoon ay para sa iyo at sa iyong buong sambahayan. Kainin ninyo iyon sa lugar na itinuturing nating malinis. Itoʼy ibinibigay sa inyo bilang bahagi ninyo mula sa handog ng mga taga-Israel na handog para sa mabuting relasyon. 15 Kapag naghandog ang mga taga-Israel, ihandog nila ang pitso, at hita ng hayop pati na ang mga taba bilang handog sa pamamagitan ng apoy. Ang pitso at hita ay itataas nila sa Panginoon bilang handog na itinataas. Pagkatapos, ibibigay nila ito sa inyo dahil ito ang inyong bahagi sa handog. Itoʼy para sa inyo, at sa inyong mga angkan magpakailanman ayon sa iniutos ng Panginoon.”
16 Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na handog sa paglilinis,[d] napag-alaman niyang nasunog na itong lahat.[e] Kaya nagalit siya kina Eleazar at Itamar at sinabihan, 17 “Bakit hindi ninyo kinain ang handog sa paglilinis sa banal na lugar? Ang handog na iyon ay napakabanal, at iyon ay ibinigay ng Panginoon sa inyo para matubos ang mga tao sa kanilang mga kasalanan sa presensya ng Panginoon. 18 Sapagkat ang dugo nito ay hindi dinala sa loob ng Banal na Lugar, kinain sana ninyo iyon doon sa Tolda, ayon sa sinabi ko sa inyo.”
19 Pero sumagot si Aaron kay Moises, “Kanina, naghandog ang aking mga anak ng kanilang handog sa paglilinis at handog na sinusunog,[f] pero namatay ang dalawa sa kanila. Sa nangyaring ito sa aking mga anak, matutuwa kaya ang Panginoon kung kinain ko ang handog sa paglilinis ngayong araw?” 20 Sumang-ayon si Moises sa sagot ni Aaron.
Pagtitiwala sa Panginoon
11 Nagtitiwala ako sa Panginoon na aking kanlungan.
O tao, bakit ninyo sinasabi sa akin,
“Tumakas ka papuntang kabundukan, at lumipad tulad ng ibon.[a]
2 Inihanda na ng mga masama ang kanilang mga pana,
para panain nang palihim ang mga matuwid.
3 Ano ang magagawa ng mga matuwid kung ang batas
na pundasyon ng bayan ay wala nang halaga?”
4 Ang Panginoon ay nasa kanyang templo;
at nasa langit ang kanyang trono.
Tinitingnan niya at sinisiyasat ang lahat ng tao.
5 Sinisiyasat niya ang matutuwid at masasama.
At siyaʼy napopoot sa malulupit.
6 Pauulanan niya ng lumalagablab na baga at asupre ang masasama;
at ipapadala niya ang mainit na hangin na papaso sa kanila.
7 Dahil ang Panginoon ay matuwid at iniibig niya ang mga gawang mabuti,
kaya ang mga namumuhay nang tama ay makakalapit sa kanya.[b]
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
Iba pang mga Kawikaan ni Solomon
25 Narito pa ang ilang kawikaan ni Solomon na kinopya ng mga tauhan ni Haring Hezekia ng Juda.
2 Pinararangalan natin ang Dios dahil sa mga bagay na hindi niya ipinapahayag sa atin; pero pinararangalan natin ang mga hari dahil sa mga bagay na ipinapahayag nila sa atin.
3 Kung paanong hindi masukat ang lalim ng lupa at ang taas ng kalangitan, ganoon din ang isipan ng mga hari, hindi malaman.
4 Kailangang ang pilak ay maging dalisay muna bago ito magawa ng panday.
5 Kailangang alisin ang masasamang tauhan ng hari upang magpatuloy ang katuwiran sa kanyang kaharian.
6 Kung nasa harapan ka ng hari, huwag mong ibilang ang iyong sarili na parang kung sino ka o ihanay ang iyong sarili sa mararangal na tao.
7 Mas mabuti kung tawagin ka ng hari at paupuin sa hanay ng mararangal kaysa sabihin niyang umalis ka riyan at mapahiya ka sa kanilang harapan.
8 Huwag kang magpabigla-biglang magsabi sa korte ng iyong nakita. Kung mapatunayan ng isang saksi na mali ka, ano na lang ang gagawin mo?
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, itoʼy inyong pag-usapan muna. At ang lihim ng bawat isa ay huwag sasabihin sa iba.
10 Baka makarating sa kaalaman ng madla at kayoʼy maging kahiya-hiya.
11 Kapag ang salitang binigkas ay angkop sa pagkakataon, itoʼy parang gintong mansanas na nakalagay sa isang lalagyang pilak.
12 Sa taong nakikinig, ang magandang payo ng marunong ay higit na mabuti kaysa sa mga gintong alahas.
13 Ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagbibigay ng kasiyahan sa kanyang pinaglilingkuran, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-init.
14 Ang taong hindi tumutupad sa kanyang pangako ay parang ulap at hangin na walang dalang ulan.
15 Ang mapagpasensya at ang mahinahon magsalita ay makapanghihikayat ng mga pinuno at kahit na ng may matitigas na puso.
16 Huwag kang kakain ng labis na pulot at baka magsuka ka.
17 Huwag kang dadalaw ng madalas sa iyong kapitbahay, baka magalit siya at sa iyo ay magsawa.
18 Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa ay nakakapinsala tulad ng espada, pamalo at pana.
19 Ang pagtitiwala sa taong hindi mapagkakatiwalaan sa oras ng pangangailangan ay walang kwenta tulad ng paang pilay o ngiping umuuga.
20 Kung aawitan mo ng masayang awitin ang taong nasa matinding kapighatian ay para mo na rin siyang hinubaran sa panahon ng taglamig o kayaʼy nilagyan mo ng suka ang kanyang sugat.
21 Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kapag nauuhaw, painumin mo.
22 Kapag ginawa mo ito mahihiya siya sa iyo at ang Panginoon ang magpapala sa iyo.
23 Kung paanong ang hanging habagat ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang naninira ng kapwa.
24 Mas mabuting tumira ng mag-isa sa bubungan ng bahay[a] kaysa sa loob ng bahay na kasama ang asawang palaaway.
25 Ang magandang balita mula sa malayong lugar ay parang malamig na tubig sa taong nauuhaw.
26 Ang matuwid na umaayon sa gawain ng masamang tao ay parang maruming balon at malabong bukal.
27 Kung paanong masama ang pagkain ng labis na pulot, ganoon din ang paghahangad ng sariling kapurihan.
28 Ang taong walang pagpipigil sa sarili ay madaling bumagsak gaya ng isang bayan na walang pader.
Ang Buhay na Kaaya-aya sa Dios
4 Mga kapatid, natutunan nʼyo sa amin kung paano mamuhay nang kalugod-lugod sa Dios, at ito nga ang ginagawa ninyo. Hinihiling namin ngayon sa pangalan ng Panginoong Jesus na lalo nʼyo pa sana itong pag-ibayuhin. 2 Sapagkat alam naman ninyo ang mga utos ng Panginoong Jesus na ibinigay namin sa inyo: 3 Nais ng Dios na maging banal kayo, kaya lumayo kayo sa sekswal na imoralidad. 4 Dapat ay matutong makitungo ang bawat isa sa asawa niya[a] sa banal at marangal na pamamaraan, 5 at hindi sa makamundong pagnanasa katulad ng ginagawa ng mga hindi kumikilala sa Dios, 6 upang sa ganoon, hindi kayo makagagawa ng masama o mananamantala ng kapwa, dahil parurusahan ng Dios ang sinumang gumagawa ng mga ito, tulad ng sinabi at pinaalala namin sa inyo noon pa. 7 Tinawag tayo ng Dios para mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. 8 Ang sinumang hindi sumusunod sa mga utos na ito ay hindi sa tao sumusuway kundi sa Dios na nagbibigay sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.
9 Ngayon, tungkol sa pagmamahalan bilang magkakapatid sa Panginoon, hindi na kayo kailangang paalalahanan pa tungkol dito, dahil ang Dios na mismo ang nagturo sa inyo na magmahalan. 10 At ito nga ang ginagawa nʼyo sa lahat ng kapatid sa Macedonia. Ganoon pa man, hinihiling namin na lalo pa ninyong pag-ibayuhin ang pag-ibig ninyo. 11 Sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, at huwag kayong makikialam sa buhay ng iba. Magtrabaho ang bawat isa para sa ikabubuhay niya, tulad ng ibinilin namin sa inyo. 12 Nang sa ganoon, hindi nʼyo na kailangang umasa sa iba, at igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya.
Ang Pagbabalik ng Panginoon
13 Mga kapatid, gusto naming malaman nʼyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na, para hindi kayo magdalamhati gaya ng iba na walang pag-asa. 14 Naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay. Kaya naman, naniniwala tayong bubuhayin din ng Dios ang mga sumasampalataya kay Jesus, at isasama niya kay Jesus.
15 Sinasabi namin sa inyo ang mismong turo ng Panginoon: Tayong mga buhay pa pagbalik ng Panginoon ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon, ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit kasabay ng malakas na utos. Maririnig ang pagtawag ng punong anghel at ang pagtunog ng trumpeta ng Dios. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ang unang bubuhayin; 17 pagkatapos, ang mga buhay pa sa atin sa araw na iyon ay kasama nilang dadalhin sa mga ulap para salubungin ang Panginoon sa himpapawid. At makakasama na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga, mga kapatid, pasiglahin ninyo ang isaʼt isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®