Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Cronica 36

Ang Paghahari ni Jehoahaz sa Juda(A)

36 Ang anak ni Josia na si Jehoahaz ang ipinalit ng mga tao na hari sa Jerusalem. Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Tinanggal siya sa kanyang trono ni Haring Neco ng Egipto, at pinagbayad ni Neco ang mga taga-Juda ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. Dinalang bihag ni Neco si Jehoahaz sa Egipto, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem si Eliakim na kapatid ni Jehoahaz. Pinalitan niya ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim.

Ang Paghahari ni Jehoyakim sa Juda(B)

Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios. Nilusob siya ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at kinadenahan, at dinala sa Babilonia. Dinala rin ni Nebucadnezar sa Babilonia ang ibang mga kagamitan ng templo ng Panginoon at inilagay sa kanyang palasyo.[a]

Ang ibang mga salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoyakim at ang mga kasuklam-suklam at masasamang bagay na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel at Juda. At ang anak niyang si Jehoyakin ang pumalit sa kanya bilang hari.

Ang Paghahari ni Jehoyakin sa Juda(C)

Si Jehoyakin ay 18 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan at sampung araw. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. 10 Sa pagsisimula ng taon, binihag ni Haring Nebucadnezar si Jehoyakin sa Babilonia. Pinagkukuha niya ang mga mamahaling ari-arian sa templo ng Panginoon, at ginawa niyang hari ng Juda at Jerusalem ang tiyuhin ni Jehoyakin na si Zedekia.

Ang Paghahari ni Zedekia sa Juda(D)

11 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. 12 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios at hindi siya nagpakumbaba kay Jeremias na propeta ng Panginoon. 13 Nagrebelde rin siya kay Haring Nebucadnezar, kahit pinanumpa siya nito sa pangalan ng Dios na hindi siya maghihimagsik sa kanya. Naging matigas ang puso ni Zedekia, at ayaw niyang manumbalik sa Panginoon, ang Dios ng Israel. 14 Gayon din ang lahat ng punong pari at ang mga mamamayan ay hindi naging tapat sa Dios. Sinunod nila ang kasuklam-suklam na mga ginagawa ng ibang mga bansa at dinungisan ang templo ng Panginoon, na itinalagang banal sa Jerusalem.

Ang Pagkawasak ng Jerusalem(E)

15 Laging nakikipag-usap sa kanila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, dahil naawa siya sa kanila at sa kanyang templo. 16 Pero hinamak nila ang mga propeta ng Dios, pinagtawanan, at binalewala ang kanilang mga mensahe. Kaya nagalit ang Panginoon sa kanila, at wala nang makakapigil sa kanya. 17 Ipinalusob niya ang mga taga-Babilonia sa kanila. Pinatay ng mga taga-Babilonia ang kanilang mga kabataang lalaki kahit sa templo. Wala silang awa kahit kaninuman, lalaki man o babae, bata man o matanda, sakitin man o hindi. Ipinaubaya ng Dios ang lahat niyang mamamayan kay Nebucadnezar. 18 Dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia ang lahat ng kagamitan sa templo ng Dios, maliliit at malalaki, at ang lahat ng kayamanan ng templo, ng hari, at ng kanyang mga opisyal. 19 Pagkatapos, sinunog nila ang templo ng Dios at tinibag ang pader ng Jerusalem. Sinunog din nila ang lahat ng matitibay na bahagi ng lungsod, at giniba ang lahat ng mamahaling bagay. 20 Dinalang bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia ang mga Israelita na hindi namatay, at ang mga ito ay naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa naging makapangyarihan ang kaharian ng Persia. 21 Kaya natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias, na magiging mapanglaw ang lupain at makakapagpahinga ito sa loob ng 70 taon.

Pinabalik ni Cyrus ang mga Israelita sa Kanilang Lupain(F)

22 Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa kanyang buong kaharian. 23 Ito ang mensahe ni Haring Cyrus ng Persia:

“Ibinigay sa akin ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, ang lahat ng kaharian dito sa mundo, at pinagkatiwalaan niya ako sa pagpapatayo ng templo para sa kanya roon sa Jerusalem na sakop ng Juda. Kayong lahat ng mamamayan ng Dios, bumalik na kayo sa inyong lupain. At nawaʼy samahan kayo ng Panginoon.”

Pahayag 22

22 Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinglinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Dios at ng Tupa, at umaagos sa gitna ng pangunahing lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Namumunga ito ng 12 beses sa isang taon, isang beses sa bawat buwan. At ang mga dahon nito ay ginagamit sa pagpapagaling sa mga bansa. Walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon. Naroon ang trono ng Dios at ng Tupa, at sasambahin siya ng mga lingkod niya. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa mga noo nila ang kanyang pangalan. Wala nang gabi roon, kaya hindi na kailangan ang mga ilawan o ang liwanag ng araw, dahil ang Panginoong Dios ang magiging ilaw nila. At maghahari sila magpakailanman.

Ang Pagbabalik ni Jesus

At sinabi sa akin ng anghel, “Ang mga salitang ito ay totoo at maaasahan. Ang Panginoong Dios, na nagpapahayag sa kanyang mga propeta,[a] ang siyang nagsugo ng anghel niya upang ipakita sa mga lingkod niya ang mga bagay na malapit nang mangyari.”

Sinabi ni Jesus, “Malapit na akong dumating! Mapalad ang mga sumusunod sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito.”

Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat ng ito, lumuhod ako upang sumamba sa anghel na nagpakita sa akin ng mga ito. Pero sinabi niya sa akin, “Huwag! Huwag mo akong sambahin. Sapagkat katulad mo, alipin din ako ng Dios at ng mga katulad mong propeta, at ng lahat ng sumusunod sa mga nakasulat sa aklat na ito. Ang Dios ang sambahin mo!” 10 Sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya sa aklat na ito, dahil malapit na itong matupad. 11 Ang masama ay magpapakasama pa, at ang marumi ay magpapakarumi pa. Pero ang matuwid ay magpapakatuwid pa, at ang banal ay magpapakabanal pa.”

12 Sinabi ng Panginoong Jesus, “Makinig kayo! Malapit na akong dumating! Dala ko ang aking gantimpala para sa bawat isa ayon sa mga ginawa niya. 13 Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan ng lahat.

14 “Mapalad ang naglilinis ng mga damit nila,[b] dahil papayagan silang makapasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. 15 Pero maiiwan sa labas ang masasamang tao,[c] mga mangkukulam, mga imoral, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at ang lahat ng nabubuhay sa kasinungalingan.

16 “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito para sa mga iglesya. Galing ako sa angkan ni David at ako rin ang maningning na bituin sa umaga.”

17 Nag-iimbita ang Banal na Espiritu at ang babaeng ikakasal, “Halikayo!” Ang lahat ng nakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw at gustong uminom ng tubig na nagbibigay-buhay. Wala itong bayad.

Ang Pangwakas na Sinabi ni Juan

18 Ako, si Juan ay nagbibigay babala sa lahat ng nakakarinig sa mga pahayag ng Dios sa aklat na ito. Ang sinumang magdagdag sa mga nilalaman ng aklat na ito, idaragdag ng Dios sa kanyang parusa ang mga salot na nakasulat dito. 19 At ang sinumang magbawas sa mga nilalaman ng aklat na ito ay aalisan ng Dios ng karapatang kumain sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. At mawawalan din siya ng karapatang makapasok sa Banal na Lungsod na nabanggit sa aklat na ito.

20 Si Jesus ang nagpapatunay sa lahat ng nakasulat dito. At sinabi pa niya, “Talagang malapit na akong dumating!” Sinabi ko naman, “Sana nga po![d] Pumarito na po kayo, Panginoong Jesus.”

21 Pagpalain kayong lahat ng Panginoong Jesus.

Malakias 4

Ang Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Tiyak na darating ang araw ng aking pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan kong gaya ng pagsunog sa dayami ang lahat ng mayayabang at ang gumagawa ng masama. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat. Pero kayong may paggalang sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw[a] na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan. At lulundag kayo sa tuwa, na parang mga guyang pinakawalan sa kulungan. Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.

“Sundin ninyo[b] ang Kautusang ibinigay ng aking lingkod na si Moises. Ang mga utos at mga tuntuning iyan ay ibinigay ko sa kanya doon sa Bundok ng Sinai[c] upang sundin ng lahat ng mamamayan ng Israel.

“Makinig kayo! Bago dumating ang nakakapangilabot na araw ng aking pagpaparusa, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko na isusumpa ang inyong bayan.”

Juan 21

Nagpakita si Jesus sa Kanyang Pitong Tagasunod

21 Pagkalipas ng ilang araw, muling nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya sa may lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: Magkakasama noon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Natanael na taga-Cana na bayan sa Galilea, mga anak ni Zebedee, at dalawa pang mga tagasunod. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” Sumagot sila, “Sasama kami.” Kaya sumakay sila sa bangka at pumalaot. Pero wala silang nahuli nang gabing iyon. Nang madaling-araw na, may nakita silang nakatayo sa dalampasigan. Pero hindi nila nakilala na si Jesus iyon. Tinawag sila ni Jesus, “Mga kaibigan,[a] may huli ba kayo?” Sumagot sila, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ihulog nʼyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo.” Iyon nga ang ginawa nila. Halos hindi na nila mahila ang lambat sa dami ng nahuli nilang isda. Sinabi kay Pedro ng tagasunod na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Pedro, isinuot niya ang damit na hinubad niya, tumalon sa tubig, at lumangoy papunta sa dalampasigan. Ang ibang mga tagasunod na nasa bangka ay bumalik din sa dalampasigan na hila-hila ang lambat na puno ng isda, dahil mga 90 metro lang ang layo nila sa pampang. Pagdating nila sa dalampasigan, nakita nila roon ang nagbabagang uling na may nakasalang na isda, at ilang tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo rito ng ilang isda na nahuli ninyo.” 11 Kaya sumampa sa bangka si Pedro at hinila papunta sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda na 153 lahat-lahat. Pero kahit ganoon karami ang isda, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-almusal na kayo.” Wala ni isa sa mga tagasunod ni Jesus ang nangahas magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kumuha si Jesus ng tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos niyang mabuhay muli.

Si Jesus at si Pedro

15 Pagkatapos nilang mag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako ng higit sa pagmamahal nila?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 16 Muling sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam nʼyo po na mahal ko kayo.” Sinabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Sa ikatlong ulit ay sinabi ni Jesus, “Simon na anak ni Juan, mahal mo ba talaga ako?” Nasaktan si Pedro dahil tatlong beses na siyang tinanong kung mahal niya si Jesus. Kaya sumagot siya, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat ng bagay. Alam nʼyo rin po na mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa. 18 Sinasabi ko sa iyo ang totoo, noong bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibihis sa sarili mo, at pumupunta ka kung saan mo gusto. Pero pagtanda mo, iuunat mo ang mga kamay mo at iba na ang magbibihis sa iyo, at dadalhin ka sa lugar na hindi mo gusto.” 19 (Sinabi ito ni Jesus para ipahiwatig kung anong klaseng kamatayan ang daranasin ni Pedro upang maparangalan ang Panginoon.) Pagkatapos, sinabi ni Jesus kay Pedro, “Sumunod ka sa akin.”

Ang Tagasunod na Minamahal ni Jesus

20 Nang lumingon si Pedro, nakita niyang sumusunod sa kanila ang tagasunod na minamahal ni Jesus. (Siya ang tagasunod na nakasandal kay Jesus nang naghahapunan sila, at siya ang nagtanong kay Jesus kung sino ang magtatraydor sa kanya.) 21 Nang makita siya ni Pedro, nagtanong siya, “Panginoon, paano naman po siya?” 22 Sumagot si Jesus, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo? Sumunod ka lang sa akin.” 23 Dahil dito, kumalat ang balita na ang tagasunod na ito ay hindi mamamatay. Pero hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay. Ang sinabi lang niya, “Kung gusto ko siyang mabuhay hanggang sa pagbalik ko, ano naman sa iyo?” 24 Ako ang tagasunod na nagpapatotoo sa mga bagay na ito, at siya ring sumulat nito. Alam ng iba na totoo ang sinasabi ko. 25 Marami pang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung isusulat ang lahat ng ito, palagay koʼy hindi magkakasya sa buong mundo ang lahat ng aklat na maisusulat.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®