M’Cheyne Bible Reading Plan
Dumalaw ang Reyna ng Sheba kay Haring Solomon(A)
9 Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, pumunta siya sa Jerusalem para subukin ang karunungan ni Solomon sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa kasama ang marami niyang tauhan, at may dala siyang mga kamelyo na kargado ng mga regalo na mga pampalasa, napakaraming ginto at mamahaling mga bato. Nang makita niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng nasa kanyang isipan. 2 Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga katanungan at walang anumang bagay ang hindi niya naipaliwanag sa kanya. 3 Nang mapatunayan ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, at nang makita niya ang ganda ng palasyo na kanyang ipinatayo, 4 lubos siyang namangha. Ganoon din nang makita niya ang pagkain sa mesa ng hari, ang pamamahala ng kanyang mga opisyal, ang paglilingkod ng kanyang mga alipin at mga tagasilbi ng kanyang alak na may magagandang uniporme, at ang mga handog na sinusunog na kanyang inihandog sa templo ng Panginoon.
5 Sinabi niya sa hari, “Totoo nga ang nabalitaan ko sa aking bansa tungkol sa inyong mga gawa at karunungan. 6 Hindi ako naniwala hanggang sa pumunta ako rito at nakita ko mismo. Ang totoo, wala sa kalahati ng nabalitaan ko tungkol sa inyo ang nakita ko. Ang karunungan ninyo ay higit pa kaysa sa nabalitaan ko. 7 Napakapalad ng mga tauhan ninyo! Napakapalad ng inyong mga opisyal na naglilingkod sa inyo dahil palagi nilang naririnig ang inyong karunungan. 8 Purihin ang Panginoon na inyong Dios na nalugod sa inyo at naglagay sa inyo sa trono upang maghari para sa kanya. Dahil sa pag-ibig ng inyong Dios sa Israel at sa kagustuhan niyang manatili ang bansang ito magpakailanman, ginawa niya kayong hari nito, para mamahala na may katarungan at katuwiran.”
9 Binigyan niya ang hari ng limang toneladang ginto, maraming sangkap at mamahaling mga bato. Wala nang makakapantay sa dami ng sangkap na ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon.
10 May dala rin kay Haring Solomon ang mga tauhan niya at ang mga tauhan ni Hiram na mga ginto, maraming kahoy na almug, at mamahaling mga bato galing sa Ofir. 11 Ginamit ng hari ang mga kahoy na almug para gawing hagdanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo, at ang ibaʼy ginawang mga alpa at mga lira para sa mga musikero. Wala pang sinuman ang nakakita ng mga ganoong bagay sa Juda.
12 Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang kahit anong hingin nito. Mas sobra pa ang ibinigay ni Solomon sa kanya kaysa sa dinala niya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna kasama ng mga tauhan niya.
Ang Kayamanan ni Solomon(B)
13 Taun-taon tumatanggap si Solomon ng mga 23 toneladang ginto, 14 bukod pa rito ang mga buwis na dala ng mga negosyante. Nagbibigay din sa kanya ng mga ginto at pilak ang lahat ng hari ng Arabia at ang mga gobernador ng Israel.
15 Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga pitong[a] kilong ginto. 16 Nagpagawa rin siya ng 300 maliliit na pananggalang na ang bawat isa ay nababalutan ng mga tatlo at kalahating kilong ginto. Pinalagay niya itong lahat sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon.
17 Nagpagawa rin ang hari ng isang malaking trono na gawa sa mga pangil ng elepante, at binalutan ito ng purong ginto. 18 May anim na baitang ang trono, at may tungtungan ito ng paa na ginto. Sa bawat gilid nito ay may estatwang leon na nakatayo. 19 At mayroon ding estatwa ng leon sa bawat gilid ng baitang. Ang estatwang leon sa anim na baitang ay 12 lahat. Walang trono na katulad nito kahit saan mang kaharian. 20 Ang lahat ng kopa ni Haring Solomon ay purong ginto, at ang lahat ng gamit sa bahagi ng palasyo na tinatawag na Kagubatan ng Lebanon ay puro ginto rin. Hindi ito ginawa sa pilak dahil maliit lang ang halaga nito nang panahon ni Solomon. 21 May mga barko rin si Solomon na pang-negosyo,[b] na ang tripulante ay ang mga tauhan ni Hiram. Ang mga barkong itoʼy umuuwi isang beses sa bawat tatlong taon, na may dalang mga ginto, pilak, pangil ng elepante, at malalakiʼt maliliit na uri ng mga unggoy at pabo real.
22 Walang sinumang hari sa mundo na makakapantay sa karunungan at kayamanan ni Haring Solomon. 23 Ang lahat ng hari sa mundo ay naghahangad na makita si Solomon para makapakinig ng karunungan na ibinigay ng Dios sa kanya. 24 Taun-taon, ang bawat dumadalaw sa kanya ay may dalang mga regalo – mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga sangkap, mga kabayo at mga mola.[c]
25 May 4,000 kwadra si Solomon para sa kanyang mga kabayo at mga karwahe. Siyaʼy may 12,000 kabayo[d] na inilagay niya sa lungsod na lagayan ng kanyang mga karwahe, at ang ibaʼy doon sa Jerusalem. 26 Sinakop niya ang lahat ng hari mula sa Ilog ng Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Egipto. 27 Noong panahon na siya ang hari, ang pilak sa Jerusalem ay gaya lang ng ordinaryong mga bato, at ang kahoy na sedro ay kasindami ng mga ordinaryong kahoy na sikomoro sa mga kaburulan sa kanluran.[e] 28 Ang mga kabayo ni Solomon ay nagmula sa Egipto at sa iba pang mga bansa.
Ang Pagkamatay ni Solomon(C)
29 Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Solomon, mula sa simula hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ni Propeta Natan, sa Mga Mensahe ni Ahia na Taga-Shilo, at sa mga Pangitain ni Iddo na Propeta, na nagsasabi rin tungkol sa paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. 30 Sa Jerusalem nakatira si Solomon habang naghahari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon. 31 Nang mamatay siya, inilibing siya sa lungsod ng ama niyang si David. At ang anak niyang si Rehoboam ang pumalit sa kanya bilang hari.
1 Mula kay Judas na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago.
Mahal kong mga pinili ng Dios Ama na maging kanya, na minamahal niya at iniingatan ni Jesu-Cristo:
2 Sumainyo nawa ang higit pang awa, kapayapaan, at pag-ibig mula sa Dios.
Mga Huwad at Sinungaling na Guro
3 Mga minamahal, gustong-gusto ko sanang sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang natanggap natin, pero naisip ko na mas kailangan ko ngayong sumulat tungkol sa mga bagay na magpapalakas ng inyong loob upang manindigan sa mga aral ng ating pananampalataya. Ang mga aral na ito ay ipinagkatiwala ng Dios sa mga pinabanal[a] niya, at hindi dapat baguhin. 4 Sumulat ako sa inyo dahil hindi ninyo namalayan na napasok kayo ng ilang mga tao na pinipilit baguhin ang mga aral tungkol sa biyaya ng Dios upang makagawa ng kalaswaan. Tinalikuran nila ang ating Panginoong Jesu-Cristo na nagmamay-ari ng ating buhay. Silaʼy mga taong walang Dios na noon pa man ay nakatakda nang parusahan ayon sa Kasulatan.
5 Kahit alam nʼyo na, gusto ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto, sa bandang huli ay pinatay niya ang ilan sa kanila dahil hindi sila sumampalataya sa kanya. 6 Alalahanin nʼyo rin ang mga anghel na hindi nanatili sa dati nilang kalagayan kundi iniwan ang kanilang lugar. Ginapos ng Dios ang mga iyon ng mga kadenang hindi mapuputol, at ikinulong sa napakadilim na lugar hanggang sa araw na hahatulan sila. 7 At alalahanin nʼyo rin ang nangyari sa Sodom at Gomora at sa mga kalapit na bayan nila. Katulad ng mga anghel na iyon, gumawa sila ng lahat ng uri ng kalaswaan, pati na ng kahalayan sa hindi nila kauri. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.
8 Ganyan din ang mga taong nakapasok sa inyo nang hindi ninyo namalayan. May mga pangitain sila na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng kahalayan sa sarili nilang katawan. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon, at nilalait nila ang mga makapangyarihang nilalang. 9 Kahit na si Micael na pinuno ng mga anghel ay hindi nanlait ng ganoon. Sapagkat nang makipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas umakusa nang may panlalait. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Pero ang mga taong itoʼy nanlalait sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Tulad ng mga hayop na hindi iniisip ang kanilang ginagawa, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na damdamin nila na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 11 Nakakaawa ang sasapitin ng mga taong ito dahil sinunod nila ang ginawa ni Cain. Tinularan din nila si Balaam, dahil kahit alam nilang mali ang ginagawa nila, patuloy pa rin nila itong ginagawa dahil nasilaw sila sa salapi. At tulad din ni Kora, naghihimagsik sila laban sa Dios, kaya sila ay parurusahan ding tulad niya. 12 Ang mga taong itoʼy nakakasira[b] sa pagsasalo-salo ninyo bilang magkakapatid sa Panginoon. Ang tanging habol nila ay kumain at uminom, at hindi sila nahihiya sa ginagawa nila. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin pero wala namang dalang ulan. Para rin silang mga punongkahoy na walang bunga sa kapanahunan nito, binunot pati ang ugat at talagang patay na. 13 At kung paanong nakikita ang bula ng malalakas na alon sa dagat, nakikita rin ang mga gawa nilang kahiya-hiya. Para rin silang mga ligaw na bituin. Itinakda sila ng Dios para sa napakadilim na lugar, at mananatili sila roon magpakailanman.
14 Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo, darating ang Panginoon na kasama ang libu-libo niyang mga anghel 15 para hatulan ang lahat at parusahan ang mga hindi kumikilala sa Dios dahil sa masasama nilang gawa at masasakit na pananalita laban sa kanya.” 16 Ang mga taong ito na sumasalungat sa katotohanan ay mareklamo, mapagpuna, at ang tanging sinusunod ay ang masasamang hangarin nila. Mayabang sila sa kanilang pananalita, at nililinlang nila ang mga tao para makuha ang gusto nila.
Mga Payo at Babala
17 Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18 Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19 Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20 Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin. 22 Maawa kayo sa mga nag-aalinlangan. 23 Tulungan ninyo ang iba na maligtas sa kaparusahan, na para bang nagliligtas kayo ng isang bagay na masusunog na. Maawa kayo kahit sa mga taong napakasama, pero mag-ingat kayo sa masasama nilang gawa. Kasuklaman ninyo kahit na ang damit nilang nadumihan ng kasamaan nila.
Papuri at Pasasalamat sa Dios
24 At ngayon, purihin natin ang Dios – siya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagdala sa inyo sa kanyang harapan nang walang kapintasan at may lubos na kagalakan. 25 Siya lang ang Dios at ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapurihan, karangalan, kadakilaan at kapangyarihan, mula pa noong una, hanggang ngayon, at magpakailanman. Amen.
1 Ito ang ipinahayag ng Panginoon kay Zefanias noong si Josia na anak ni Amon ang hari ng Juda. Si Zefanias ay anak ni Cushi na anak ni Gedalia. Si Gedalia naman ay anak ni Amaria na anak ni Hezekia.
Darating ang Parusa ng Panginoon
2 Sinabi ng Panginoon, “Lilipulin ko ang lahat ng bagay na nasa mundo – 3 ang mga tao, hayop, ibon at isda. Mawawala ang lahat ng nag-uudyok sa tao para magkasala pati ang mga makasalanan. Lilipulin ko nga ang lahat ng tao sa mundo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 “Parurusahan ko ang mga mamamayan ng Juda, pati na ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. Lilipulin ko ang mga natitirang sumasamba sa dios-diosang si Baal pati na ang mga paring naglilingkod dito, para tuluyan na silang makalimutan. 5 Lilipulin ko rin ang mga taong umaakyat sa bubong ng kanilang bahay para sumamba sa araw, sa buwan at mga bituin. Lilipulin ko ang mga sumasamba at sumusumpang maglilingkod sa akin, pero sumusumpa ring maglilingkod sa dios-diosang si Molec.[a] 6 Lilipulin ko ang mga tumatalikod at hindi dumudulog sa akin.
7 “Tumahimik kayo sa harapan ko, dahil malapit na ang araw ng aking pagpaparusa. Inihanda ko na ang aking mga mamamayan para patayin tulad ng hayop na ihahandog. Pinili ko na ang mga kalaban na tinawag ko na sasalakay sa Juda. 8 Sa araw na iyon, papatayin ko ang mga taga-Juda na parang hayop na ihahandog. Parurusahan ko ang kanilang mga opisyal at ang mga anak ng kanilang hari, at ang lahat sa kanila na sumusunod sa masasamang ugali ng ibang bansa.[b] 9 Parurusahan ko rin sa araw na iyon ang lahat ng sumasali sa mga seremonya ng mga hindi nakakakilala sa akin, at ang mga nagmamalupit at nandaraya para punuin ng mga bagay ang bahay ng kanilang panginoon.[c]
10 “Ako, ang Panginoon ay nagsasabing sa araw na iyon maririnig ang iyakan sa pintuan na tinatawag na Isda[d] ng lungsod ng Jerusalem at sa bagong bahagi ng lungsod. Maririnig din ang malakas na ingay ng mga nagigibang bahay sa mga burol. 11 Mag-iyakan kayo, kayong mga naninirahan sa mababang bahagi[e] ng lungsod ng Jerusalem dahil mamamatay ang lahat ng inyong mga mangangalakal.
12 “Sa araw ding iyon, susuyurin kong mabuti[f] ang Jerusalem at parurusahan ko ang mga taong nagpapasarap lang sa buhay at nagsasabi sa kanilang sarili, ‘Walang gagawin ang Panginoon sa amin mabuti man o masama.’ 13 Aagawin sa mga taong ito ang kanilang mga pag-aari at wawasakin ang kanilang mga bahay. Hindi sila ang titira sa mga bahay na kanilang itinayo. At hindi sila ang iinom ng inuming mula sa ubas na kanilang itinanim.”
Ang Nakakatakot na Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon
14 Malapit na ang nakakatakot na araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Itoʼy mabilis na dumarating. Mapait ang araw na iyon, dahil kahit na ang matatapang na sundalo ay sisigaw para humingi ng tulong. 15 Sa araw na iyon, ipapakita ng Dios ang kanyang galit. Magiging araw iyon ng pighati at paghihirap, araw ng pagkasira at lubusang pagkawasak. Magiging maulap at madilim ang araw na iyon, 16 at maririnig ang tunog ng trumpeta at sigawan ng mga sundalong sumasalakay sa mga napapaderang lungsod at sa matataas na tore nito.
17 Sinabi ng Panginoon, “Ipaparanas ko ang paghihirap sa mga tao, at lalakad sila na parang bulag dahil nagkasala sila sa akin. Dadaloy na parang tubig[g] ang kanilang dugo, at mabubulok na parang dumi[h] ang kanilang bangkay. 18 Hindi sila maililigtas ng kanilang mga pilak at ginto sa araw na ipapakita ko ang aking galit na parang apoy na tutupok sa buong mundo. Sapagkat bigla kong lilipulin ang lahat ng naninirahan sa lupa.”
Dinala si Jesus kay Pilato(A)
23 Pagkatapos noon, tumayo silang lahat at dinala nila si Jesus kay Pilato. 2 At sinabi nila ang mga paratang nila laban kay Jesus: “Nahuli namin ang taong ito na sinusulsulan niya ang mga kababayan namin na maghimagsik. Ipinagbabawal niya ang pagbabayad ng buwis sa Emperador, at sinasabi niyang siya raw ang Cristo, na isang hari!” 3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsasabi.” 4 Sinabi ni Pilato sa mga namamahalang pari at sa mga tao, “Wala akong nakitang kasalanan sa taong ito!” 5 Pero mapilit sila at sinabing, “Ginugulo niya ang mga tao sa buong Judea sa pamamagitan ng mga turo niya. Nagsimula siya sa Galilea at narito na siya ngayon sa Jerusalem.”
Dinala naman si Jesus kay Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung taga-Galilea si Jesus. 7 At nang malaman niyang mula nga siya sa Galilea, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem noon, dahil sakop nito ang Galilea.
8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus dahil matagal na niya itong gustong makita, dahil sa mga nababalitaan niya at gusto niyang makita si Jesus na gumagawa ng mga himala. 9 Marami siyang itinanong kay Jesus, pero hindi ito sumagot. 10 Samantala, patuloy na isinisigaw ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan ang mga paratang nila laban kay Jesus. 11 Hinamak at ininsulto ni Herodes at ng mga sundalo niya si Jesus. Sinuotan nila siya ng magandang damit bilang pagkutya sa kanya, at saka ibinalik kay Pilato. 12 At nang araw ding iyon ay naging magkaibigan ang dating magkaaway na sina Herodes at Pilato.
Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(B)
13 Ipinatawag ni Pilato ang mga namamahalang pari, mga tagapamahala ng bayan at ang mga tao, 14 at sinabi sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na ayon sa inyo ay nanunulsol sa mga tao upang maghimagsik. Inimbestigahan ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong hindi totoo ang mga paratang nʼyo laban sa kanya. 15 Ganoon din ang napatunayan ni Herodes kaya ipinabalik niya si Jesus dito sa akin. Wala siyang nagawang kasalanan upang parusahan ng kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lang siya at palalayain.” 17 [Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, kailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggo.] 18 Pero sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan, at palayain si Barabas!” 19 (Si Barabas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik sa Jerusalem at pagpatay.) 20 Muling nagsalita si Pilato sa mga tao dahil gusto niyang palayain si Jesus. 21 Pero patuloy ang pagsigaw ng mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Sa ikatlong pagkakataon ay nagsalita si Pilato sa kanila, “Bakit, anong kasalanan ang ginawa niya? Wala akong nakikitang kasalanan sa kanya para ipapatay siya. Kaya ipahahagupit ko na lang siya at saka palalayain!” 23 Pero lalo nilang iginigiit at ipinagsisigawan na ipako siya sa krus. Sa wakas ay nanaig din sila. 24 Kaya pinagbigyan ni Pilato ang kahilingan ng mga tao na ipako sa krus si Jesus. 25 At ayon din sa kahilingan nila, pinalaya niya si Barabas, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay. Pero ibinigay niya si Jesus sa kanila para gawin ang gusto nila.
Ipinako sa Krus si Jesus(C)
26 Nang dinadala na ng mga sundalo si Jesus sa lugar na pagpapakuan sa kanya, nasalubong nila si Simon na taga-Cyrene na kagagaling lang sa bukid. Dinakip nila ito, at sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus, kasunod ni Jesus.
27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming tao, kabilang ang mga babaeng umiiyak at nananaghoy dahil naaawa sila sa kanya. 28 Pero lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Kayong mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang iyakan ninyo ay ang mga sarili ninyo at ang inyong mga anak. 29 Sapagkat darating ang mga araw na sasabihin ng mga tao, ‘Mapalad ang mga babaeng walang anak at walang pinasususong sanggol.’ 30 Sa mga araw na iyon ay sasabihin ng mga tao sa mga bundok at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’[a] 31 Sapagkat kung ginawa nila ito sa akin na walang kasalanan,[b] ano pa kaya sa mga taong may kasalanan?”[c]
32 Dalawa pang kriminal ang dinala nila upang pataying kasama ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na “Bungo,” ipinako nila sa krus si Jesus at ang dalawang kriminal, ang isa ay sa kanan ni Jesus at ang isa ay sa kaliwa. 34 [Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila dahil hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga sundalo para paghahati-hatian ang mga damit ni Jesus. 35 Habang nakatayo ang mga tao roon at nanonood, iniinsulto ng mga tagapamahala ng bayan si Jesus. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba, iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga talaga ang Cristong pinili ng Dios!” 36 Ininsulto rin siya ng mga sundalo at binigyan ng maasim na alak, 37 at sinabi pa nila sa kanya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!” 38 May karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat: “Ito ang Hari ng mga Judio.”
39 Ininsulto rin si Jesus ng isa sa mga kriminal sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang sarili mo, pati na kami!” 40 Pero sinaway siya ng isa pang kriminal na nakapako, “Hindi ka ba natatakot sa Dios? Ikaw man ay pinaparusahan din ng kamatayan. 41 Dapat lang na parusahan tayo ng kamatayan dahil sa mga ginawa nating kasalanan, pero ang taong itoʼy walang ginawang masama!” 42 Pagkatapos ay sinabi niya, “Jesus, alalahanin nʼyo ako kapag naghahari na kayo.” 43 Sumagot si Jesus, “Sasabihin ko sa iyo ang totoo, ngayon din ay makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Pagkamatay ni Jesus(D)
44-45 Nang mag-aalas dose na ng tanghali, nawala ang liwanag ng araw, at dumilim sa buong lupain sa loob ng tatlong oras. At ang kurtina sa loob ng templo ay nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, ipinagkakatiwala ko sa inyo ang aking espiritu!”[d] At pagkasabi niya nito, nalagot ang kanyang hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga sundalo ang nangyari, pinuri niya ang Dios at sinabi, “Totoo ngang walang kasalanan ang taong ito.” 48 Ang mga taong pumunta roon at nakasaksi sa lahat ng nangyari ay umuwi nang malungkot at dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 49 Sa di-kalayuan ay nakatayo ang mga kaibigan ni Jesus, pati ang mga babaeng sumama sa kanya mula sa Galilea. At nakita rin nila ang lahat ng nangyari.
Ang Paglilibing kay Jesus(E)
50-51 May isang lalaki na ang pangalan ay Jose. Siya ay taga-Arimatea na sakop ng Judea. Kahit na miyembro siya ng korte ng mga Judio, hindi niya sinang-ayunan ang kanilang ginawa kay Jesus. Mabuting tao siya, matuwid at kabilang sa mga naghihintay sa paghahari ng Dios. 52 Pumunta si Jose kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Inalis niya ang bangkay sa krus at binalot ng telang linen. Pagkatapos, inilagay niya ito sa libingang inukit sa gilid ng burol, na hindi pa napaglilibingan. 54 Biyernes noon at araw ng paghahanda para sa Araw ng Pamamahinga.
55 Sinundan si Jose ng mga babaeng sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng sari-saring pabango na ipapahid sa bangkay ni Jesus. At nang magsimula na ang Araw ng Pamamahinga, nagpahinga sila, ayon sa Kautusan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®