M’Cheyne Bible Reading Plan
Nagsalita si Micaya Laban kay Ahab(A)
18 Yumaman at naging tanyag na si Jehoshafat, at naging mabuti ang kanyang relasyon kay Haring Ahab[a] ng Israel dahil sa pagpapakasal ng ilang miyembro ng kanilang mga pamilya. 2 Pagkalipas ng ilang taon, dumalaw si Jehoshafat kay Ahab sa Samaria. Nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa pagpapapiging kay Jehoshafat at sa mga tauhan niya. At hinikayat niya si Jehoshafat na lusubin ang Ramot Gilead. 3 Sinabi niya kay Jehoshafat, “Sasama ka ba sa amin sa pakikipaglaban sa Ramot Gilead?” Sumagot si Jehoshafat, “Handa akong sumama sa iyo, at handa akong ipagamit sa iyo ang aking mga sundalo. Oo, sasama kami sa inyo sa pakikipaglaban. 4 Pero tanungin muna natin ang Panginoon kung ano ang kanyang masasabi.”
5 Kaya ipinatawag ni Ahab ang mga propeta – 400 silang lahat, at tinanong, “Pupunta ba kami sa Ramot Gilead o hindi?” Sumagot sila, “Sige, lumakad kayo, dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon!”
6 Pero nagtanong si Jehoshafat, “Wala na bang iba pang propeta ng Panginoon na mapagtatanungan natin?” 7 Sumagot si Ahab kay Jehoshafat, “May isa pang maaari nating mapagtanungan – si Micaya na anak ni Imla. Pero napopoot ako sa kanya dahil wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan.” Sumagot si Jehoshafat, “Hindi ka dapat magsalita ng ganyan.” 8 Kaya ipinatawag ni Ahab ang isa sa kanyang opisyal at sinabi, “Dalhin nʼyo agad dito si Micaya na anak ni Imla.”
9 Ngayon, sina Haring Ahab ng Israel at Haring Jehoshafat ng Juda, na nakasuot ng kanilang damit panghari, ay nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng giikan na nasa bandang pintuang bayan ng Samaria, at nakikinig sa sinasabi ng mga propeta. 10 Si Zedekia na isa sa mga propeta, na anak ni Kenaana ay gumawa ng sungay na bakal. Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Sa pamamagitan ng sungay na ito, lilipulin mo, Haring Ahab, ang mga Arameo hanggang sa maubos sila.’ ” 11 Ganito rin ang sinabi ng lahat ng propeta. Sinabi nila, “Lusubin nʼyo po ang Ramot Gilead, Haring Ahab, at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo ng Panginoon.”
12 Samantala, ang mga inutusan sa pagkuha kay Micaya ay nagsabi sa kanya, “Ang lahat ng propeta ay pare-parehong nagsasabing magtatagumpay ang hari, kaya ganoon din ang iyong sabihin.” 13 Pero sinabi ni Micaya, “Nanunumpa ako sa buhay na Panginoon na aking Dios na sasabihin ko lang ang ipinapasabi niya sa akin.”
14 Pagdating ni Micaya kay Haring Ahab, nagtanong ang hari sa kanya, “Micaya, lulusubin ba namin ang Ramot Gilead o hindi?” Sumagot si Micaya, “Lusubin nʼyo at magtatagumpay kayo, dahil ibibigay ito sa inyo.” 15 Pero sinabi ng hari kay Micaya, “Ilang beses ba kitang panunumpain na sabihin mo sa akin ang totoo sa pangalan ng Panginoon?” 16 Kaya sinabi ni Micaya, “Nakita ko sa pangitain na nakakalat ang mga Israelita sa mga kabundukan gaya ng mga tupa na walang nagbabantay, at nagsabi ang Panginoon, ‘Ang mga taong itoʼy wala ng pinuno. Pauwiin sila na may kapayapaan.’ ” 17 Sinabi ni Haring Ahab kay Jehoshafat, “Hindi ba sinabihan na kitang wala siyang magandang propesiya tungkol sa akin kundi puro kasamaan lang?”
18 Sinabi pa ni Micaya, “Pakinggan mo ang mensahe ng Panginoon! Nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa kanyang trono, na may nakatayo sa kanan niya at kaliwa niyang mga makalangit na nilalang. 19 At sinabi ng Panginoon, ‘Sino ang hihikayat kay Haring Ahab ng Israel para lusubin ang Ramot Gilead upang mamatay siya roon?’ Iba-iba ang sagot ng mga makalangit na nilalang. 20 At may espiritu na lumapit sa Panginoon at nagsabi, ‘Ako ang hihikayat sa kanya.’ Nagtanong ang Panginoon, ‘Sa paanong paraan?’ 21 Sumagot siya, ‘Pupunta ako at pagsasalitain ko ng kasinungalingan ang mga propeta ni Ahab.’ Sinabi ng Panginoon, ‘Lumakad ka at gawin mo ito. Magtatagumpay ka sa paghihikayat sa kanya.’ ”
22 Sinabi agad ni Micaya, “Pinadalhan ng Panginoon ang iyong mga propeta ng espiritu na nagpasalita sa kanila ng kasinungalingan. Ipinahintulot ng Panginoon na matalo ka.” 23 Lumapit agad si Zedekia kay Micaya at sinampal ito. Sinabi agad ni Zedekia, “Paano mong nasabi na ang Espiritu ng Panginoon ay umalis sa akin at nakipag-usap sa iyo?” 24 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ito sa araw na matalo kayo sa labanan at magtatago ka sa kaloob-loobang kwarto ng bahay.”
25 Nag-utos agad si Haring Ahab, “Dakpin nʼyo si Micaya at dalhin pabalik kay Ammon na pinuno ng lungsod at kay Joash na aking anak. 26 At sabihin nʼyo sa kanila na nag-utos ako na ikulong ang taong ito, tinapay at tubig lang ang ibigay sa kanya hanggang makabalik akong ligtas mula sa labanan.”
27 Sinabi ni Micaya, “Kung makabalik ka ng walang nangyari, ang ibig sabihin hindi nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ko.” At sinabi ni Micaya sa lahat ng tao roon, “Tandaan nʼyo ang sinabi ko!”
Namatay si Ahab(B)
28 Kaya lumusob sa Ramot Gilead si Haring Ahab ng Israel at si Haring Jehoshafat ng Juda. 29 Sinabi ni Ahab kay Jehoshafat, “Sa panahon ng labanan, hindi ako magpapakilala na ako ang hari, pero ikaw ang siyang magsusuot ng damit panghari.” Kaya nagkunwari ang hari ng Israel, at nakipaglaban sila.
30 Samantala, nag-utos ang hari ng Aram sa kumander ng kanyang mga mangangarwahe, “Huwag ninyong lusubin ang kahit sino, kundi ang hari lang ng Israel.” 31 Pagkakita ng mga kumander ng mga mangangarwahe kay Jehoshafat, inisip nila na siya ang hari ng Israel, kaya nilusob nila ito. Pero humingi ng tulong sa Panginoon si Jehoshafat, at tinulungan siya at inilayo sa mga kalaban niya. 32 Nang mapansin ng mga kumander ng mga mangangarwahe na hindi pala siya ang hari ng Israel, huminto sila sa paghabol sa kanya.
33 Pero habang namamana ang isang sundalong Arameo sa mga sundalo ng Israel, natamaan niya ang hari ng Israel sa pagitan ng kanyang panangga sa dibdib. Sinabi ni Haring Ahab sa nagdadala ng kanyang karwahe, “Ilayo mo ako sa labanan! Dahil nasugatan ako.” 34 Matindi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ng Israel ay nakasandal lang sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga Arameo hanggang hapon. At nang lumubog na ang araw, siyaʼy namatay.
Ang 144,000 na Tinatakan Mula sa mga Lahi ng Israel
7 Pagkatapos nito, nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng mundo. Pinipigil nila ang apat na hangin upang walang hanging umihip sa lupa, sa dagat o sa alin mang punongkahoy. 2 At nakita ko ang isa pang anghel na galing sa silangan na taglay ang pantatak ng buhay na Dios. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Dios ng kapangyarihang maminsala sa lupa at dagat. 3 Sinabi niya, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hanggaʼt hindi pa natin natatatakan sa noo ang mga lingkod ng ating Dios.” 4 Ayon sa narinig ko, 144,000 ang lahat ng tinatakan mula sa 12 lahi ng Israel.
5 12,000 mula sa lahi ni Juda;
12,000 mula sa lahi ni Reuben;
12,000 mula sa lahi ni Gad;
6 12,000 mula sa lahi ni Asher;
12,000 mula sa lahi ni Naftali;
12,000 mula sa lahi ni Manase;
7 12,000 mula sa lahi ni Simeon;
12,000 mula sa lahi ni Levi;
12,000 mula sa lahi ni Isacar;
8 12,000 mula sa lahi ni Zebulun;
12,000 mula sa lahi ni Jose;
12,000 mula sa lahi ni Benjamin.
Ang mga Tao sa Harap ng Trono ng Dios
9 Pagkatapos nito, nakita ko ang napakaraming tao na hindi mabilang sa dami. Nagmula sila sa lahat ng bansa, angkan, lahi at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Tupa. Silang lahat ay nakadamit ng puti at may mga hawak na palaspas. 10 Sumisigaw sila nang malakas, “Purihin ang Dios na nakaupo sa trono, at purihin din ang Tupa dahil iniligtas nila kami sa kaparusahan!” 11 Tumayo ang mga anghel sa palibot ng trono, ng mga namumuno, at ng apat na buhay na nilalang. At lumuhod sila sa harap ng trono at sumamba sa Dios. 12 Sinabi nila, “Amen! Ang Dios natin ay dapat purihin, sambahin, pasalamatan at parangalan. Nalalaman niya ang lahat, at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan at kalakasan. Purihin siya magpakailanman! Amen!”
13 Tinanong ako ng isa sa 24 na namumuno, “Sino ang mga taong iyon na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sumagot ako, “Hindi ko po alam. Kayo po ang nakakaalam.” At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga dumaan sa matinding paghihirap. Nilinis at pinaputi nila ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Tupa. 15 Iyan ang dahilan kung bakit nasa harap sila ng trono ng Dios. Naglilingkod sila sa kanya araw at gabi sa kanyang templo. At ang Dios mismo na nakaupo sa kanyang trono ang siyang kumakalinga sa kanila. 16 Hindi na sila magugutom o mauuhaw pang muli. At hindi na rin mabibilad sa init o mapapaso sa sinag ng araw. 17 Sapagkat ang Tupang nasa trono ang magiging pastol nila, at dadalhin sila sa mga bukal na nagbibigay-buhay, at papahirin na ng Dios ang lahat ng luha sa kanilang mga mata.”
Ang Pangitain Tungkol kay Josue na Punong Pari
3 Ipinakita sa akin ng Panginoon ang punong pari na si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon. Nakatayo naman sa gawing kanan niya si Satanas upang paratangan siya.[a] 2 Pero sinabi ng anghel ng Panginoon kay Satanas, “Ayon sa Panginoon na pumili sa Jerusalem, mali ka Satanas. Sapagkat ang taong ito na si Josue ay iniligtas niya sa pagkakabihag katulad ng panggatong na inagaw mula sa apoy.”
3 Marumi ang damit ni Josue habang nakatayo siya sa harapan ng anghel. 4 Kaya sinabi ng anghel sa iba pang mga anghel na nakatayo sa harapan ni Josue, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming damit.” Pagkatapos, sinabi ng anghel kay Josue, “Inalis ko na ang iyong mga kasalanan. Ngayon, bibihisan kita ng bagong damit.”[b] 5 At sinabi ko, “Suotan din ninyo siya ng malinis na turban sa ulo.” Kaya binihisan nila siya ng bagong damit at nilagyan ng malinis na turban habang nakatayo at nakatingin ang anghel ng Panginoon.
6 Pagkatapos, ibinilin ng anghel ng Panginoon kay Josue ang sinabi 7 ng Makapangyarihang Panginoon: “Kung susunod ka sa aking mga pamamaraan at susundin ang aking mga iniuutos, ikaw ang mamamahala sa aking templo at sa mga bakuran nito. At papayagan kitang makalapit sa aking presensya katulad ng mga anghel na ito na nakatayo rito. 8 Ngayon, makinig ka, Josue na punong pari: Ikaw at ang mga kapwa mo pari ay larawan ng mga pangyayaring darating. Ihahayag ko ang aking lingkod na tinatawag na Sanga.[c] 9 Josue, tingnan mo ang batong inilagay ko sa iyong harapan, mayroon itong pitong mata.[d] Uukitan ko ito, at aalisin ang kasalanan ng lupain ng Israel sa loob lamang ng isang araw.[e] 10 Sa araw na iyon, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang inyong mga kapitbahay upang mapayapang umupo sa ilalim ng inyong mga ubasan at puno ng igos. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(A)
6 Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. 2 Sinundan siya ng napakaraming tao dahil nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling ng mga may sakit. 3 Umakyat si Jesus at ang mga tagasunod niya sa isang bundok at naupo roon. 4 (Malapit na noon ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Paglampas ng Anghel.) 5 Nang tumingin si Jesus, nakita niya ang napakaraming taong papalapit sa kanya. Tinanong niya si Felipe, “Saan tayo makakabili ng pagkain para pakainin ang mga taong ito?” 6 (Tinanong niya ito upang subukan si Felipe, kahit alam na niya ang kanyang gagawin.) 7 Sumagot si Felipe, “Sa dami po nila, ang walong buwan na sahod ng isang tao ay hindi sapat para pakainin ng kahit tigkakaunti ang bawat isa.” 8 Sinabi naman ng isa sa mga tagasunod niyang si Andres na kapatid ni Pedro, 9 “May isang batang lalaki rito na may limang tinapay at dalawang isda. Pero kakasya ba naman ito sa dami ng tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Umupo naman ang mga tao dahil madamo sa lugar na iyon. Ang bilang ng mga lalaki lang ay mga 5,000 na. 11 Kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, ipinamahagi ito sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda, at nabusog ang lahat. 12 Pagkakain nila, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tipunin nʼyo ang lahat ng natira para walang masayang.” 13 Tinipon nga nila ang natira mula sa limang tinapay na ipinakain sa mga tao at nakapuno sila ng 12 basket.
14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Siguradong ito na nga ang propetang hinihintay nating darating dito sa mundo!” 15 Alam ni Jesus na balak ng mga taong kunin siya at sapilitang gawing hari. Kaya umalis siya roon at muling umakyat nang mag-isa sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(B)
16 Nang gumagabi na, nagpunta ang mga tagasunod ni Jesus sa tabi ng lawa. 17 Madilim na at wala pa rin si Jesus, kaya sumakay na sila sa isang bangka at tumawid papuntang Capernaum. 18 At habang tumatawid sila, nagsimulang lumakas ang hangin at lumaki ang mga alon. 19 Nang nakasagwan na sila ng mga anim o limang kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa kanilang bangka. At natakot sila. 20 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot.” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka, at nakarating agad sila sa kanilang pupuntahan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22-23 Kinabukasan, naroon pa ang mga tao sa kabila ng lawa, kung saan sila kumain ng tinapay matapos magpasalamat ng Panginoon. Alam nilang iisa lang ang bangka roon nang gabing iyon, at iyon ang sinakyan ng mga tagasunod ni Jesus. Alam din nilang hindi kasamang umalis si Jesus ng mga tagasunod niya. Samantala, may dumating na mga bangka galing sa Tiberias at dumaong malapit sa kinaroroonan ng mga tao. 24 Nang mapansin ng mga tao na wala na roon si Jesus at ang mga tagasunod niya, sumakay sila sa mga bangkang iyon at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus.
Ang Pagkaing Nagbibigay-buhay
25 Pagdating ng mga tao sa Capernaum, nakita nila si Jesus at tinanong, “Guro, kailan pa po kayo dumating dito?” 26 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ang totoo, hinahanap nʼyo ako, hindi dahil sa mga nakita ninyong himala, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag kayong magtrabaho para lang sa pagkaing nasisira, kundi para sa pagkaing hindi nasisira at nakakapagbigay ng buhay na walang hanggan. Ako na Anak ng Tao ang siyang magbibigay sa inyo ng pagkaing ito, dahil ako ang binigyan ng Ama ng kapangyarihang magbigay nito.” 28 Kaya tinanong ng mga tao si Jesus, “Ano po ang dapat naming gawin upang masunod namin ang ipinapagawa ng Dios?” 29 Sumagot si Jesus, “Ito ang ipinapagawa ng Dios sa inyo: manampalataya kayo sa akin na isinugo niya.” 30 Nagtanong ang mga tao, “Anong himala po ang maipapakita nʼyo para manampalataya kami sa inyo? 31 Ang ating mga ninuno ay kumain ng ‘manna’ noong nasa ilang sila. Sapagkat ayon sa Kasulatan, binigyan sila ni Moises ng tinapay na mula sa langit.”[a] 32 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi si Moises ang nagbigay sa mga ninuno ninyo ng tinapay na mula sa langit, kundi ang aking Ama. Siya ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na ibinibigay ng Dios ay walang iba kundi siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay-buhay sa mga tao sa mundo.” 34 Sinabi ng mga tao, “Palagi nʼyo po kaming bigyan ng sinasabi nʼyong tinapay.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang sinumang lumalapit at sumasampalataya sa akin ay hindi na magugutom o mauuhaw kailanman.
36 “Ngunit gaya ng sinabi ko sa inyo, ayaw ninyong manampalataya sa akin kahit nakita na ninyo ang mga himalang ginawa ko. 37 Ang lahat ng taong ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at hinding-hindi ko itataboy ang mga lumalapit sa akin. 38 Sapagkat naparito ako mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban kundi ang kalooban ng aking Amang nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin: na huwag kong pabayaang mawala ang kahit isa sa mga ibinigay niya sa akin; sa halip ay bubuhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat kalooban ng aking Ama na ang lahat ng kumikilala at sumasampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko silang muli sa huling araw.”
41 Samantala, nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sinabi ni Jesus na siya ang tinapay na mula sa langit. 42 Kaya sinabi nila, “Hindi baʼt si Jesus lang naman iyan na anak ni Jose? Bakit sinasabi niyang bumaba siya mula sa langit, samantalang kilala natin ang mga magulang niya?” 43 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin maliban kung papalapitin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang mga lalapit sa akin ay bubuhayin kong muli sa huling araw. 45 Ayon sa isinulat ng mga propeta, ‘Tuturuan silang lahat ng Dios.’[b] Kaya ang lahat ng nakikinig at natututo sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama. Ako lang na nagmula sa Dios Ama ang nakakita sa kanya.
47 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan, 48 dahil ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. 49 Kumain ng ‘manna’ ang mga ninuno ninyo noong nasa ilang sila, ngunit namatay din silang lahat. 50 Pero narito ang tinapay na mula sa langit, at hindi na mamamatay ang sinumang kumain nito. 51 Ako ang tinapay na mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. Sapagkat ang ibibigay kong tinapay para magkaroon ng buhay na walang hanggan ang mga tao sa mundo ay walang iba kundi ang aking katawan.”
52 Nagtalo-talo ang mga Judiong nakikinig kay Jesus. Sinabi nila, “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang katawan para kainin?” 53 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, malibang kainin ninyo ang katawan ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 54 Pero ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking katawan ay tunay na pagkain at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kumakain ng aking katawan at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. 57 Ang Dios Amang nagsugo sa akin ang pinagmumulan ng buhay, at dahil sa kanya ay nabubuhay ako. Ganoon din naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ako ang tinapay na mula sa langit. Hindi ito tulad ng ‘manna’ na kinain ng inyong mga ninuno, dahil namatay pa rin sila kahit kumain sila noon. Ngunit ang sinumang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito nang nangangaral siya sa sambahan ng mga Judio sa Capernaum.
Ang mga Salitang Nagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang marinig iyon ng mga tagasunod ni Jesus, marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat ang itinuturo niya. Sino ang makakatanggap nito?” 61 Kahit na walang nagsabi sa kanya, alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang mga tagasunod niya dahil sa mga itinuro niya. Kaya sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo matanggap ang mga sinabi ko? 62 Paano pa kaya kung makita ninyo ako na Anak ng Tao na pumapaitaas pabalik sa aking pinanggalingan? 63 Ang Banal na Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay mula sa Espiritu at nakakapagbigay-buhay. 64 Pero may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sinabi ito ni Jesus dahil alam niya sa simula pa kung sino ang mga hindi sumasampalataya, at kung sino ang magtatraydor sa kanya. 65 “Ito ang dahilan kaya sinabi ko sa inyong walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ng Ama.” Dagdag pa ni Jesus.
66 Mula noon, marami sa mga tagasunod niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Kaya tinanong ni Jesus ang 12 apostol, “Kayo ba, gusto rin ninyong umalis?” 68 Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Kayo lang ang may mensaheng nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 69 Sumasampalataya kami sa inyo at alam naming kayo ang Banal na sugo ng Dios.” 70 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi baʼt pinili ko kayong 12? Pero ang isa sa inyo ay diyablo!” 71 Ang tinutukoy ni Jesus ay si Judas na anak ni Simon Iscariote,[c] dahil kahit kabilang si Judas sa 12 apostol, tatraydurin niya si Jesus sa bandang huli.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®