Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Josue 1

Paghahanda sa Pananakop

Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. Gaya(A) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. Walang(B) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag(C) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”

10 Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, 11 “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.”

12 Sinabi(D) naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, 13 “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ 14 Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. 15 Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.”

16 Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo, at pupunta kami saan mo man kami gustong papuntahin. 17 Kung paanong sinunod namin si Moises, susundin ka rin namin nang gayon. Samahan ka nawa ni Yahweh, tulad ng ginawa niya kay Moises. 18 Ang sinumang tututol o susuway sa utos mo ay dapat patayin. Kaya't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.”

Mga Awit 120-122

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

120 Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing,
    dininig niya ako sa aking dalangin.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang,
    Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.

Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling,
    ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
Tutudlain kayo ng panang matalim,
    at idadarang pa sa may bagang uling.

Ako ay kawawa; ako ay dayuhan,
    sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan
    ng hindi mahilig sa kapayapaan.
Kung kapayapaan ang binabanggit ko,
    pakikipagbaka ang laman ng ulo.

Si Yahweh ang Ating Tagapagtanggol

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

121 Do'n sa mga burol, ako'y napatingin—
    sasaklolo sa akin, saan manggagaling?
Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula,
    sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa.

Di niya ako hahayaang mabuwal,
    siya'y di matutulog, ako'y babantayan.
Ang tagapagtanggol ng bayang Israel,
    hindi natutulog at palaging gising!
Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat,
    laging nasa piling, upang magsanggalang.
Di ka maaano sa init ng araw,
    kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan.

Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat,
    sa mga panganib, ika'y ililigtas.
Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat
    saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan.

Awit ng Parangal para sa Jerusalem

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David.

122 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
    “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.”
Sama-sama kami matapos sapitin,
    ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.

Itong Jerusalem ay napakaganda,
    matatag at maayos na lunsod siya.
Dito umaahon ang lahat ng angkan,
    lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
    pagkat ito'y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
    at trono ng haring hahatol sa tanan.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
    “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.
    Pumayapa nawa ang banal na bayan,
    at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”
Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
    sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.”
Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
    ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.

Isaias 61

Magandang Balita ng Kaligtasan

61 Ang Espiritu[a] (A) (B) ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang;
sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi,
upang pagalingin ang mga sugatang-puso,
upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Sinugo(C) niya ako upang ipahayag
na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh;
at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway;
sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa;
upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion,
kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian,
awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan;
matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh,
na ginagawa kung ano ang makatuwiran,
at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Muli nilang itatayo ang mga sirang lunsod, na napakatagal nang wasak at tupok.

Paglilingkuran kayo ng mga dayuhan,
at sila ang magpapastol ng inyong mga kawan;
mga dayuhan din ang magsasaka ng inyong lupain at mag-aalaga ng inyong ubasan.
Ngunit kayo nama'y tatawaging mga pari ni Yahweh,
at makikilalang mga lingkod ng ating Diyos.
Pagpipistahan ninyo ang kayamanan ng mga bansa.
Ipagmamalaking inyo na ang karangyaang dati'y sa kanila.
Sa halip na kahihiyan, ang bayan ko'y tatanggap ng kasaganaan.
Sa halip na paghamak, sila'y magsasaya sa kanilang minana,
magiging doble ang inyong kayamanan;
at ang inyong kagalaka'y magpasawalang hanggan.

Ang sabi ni Yahweh:
“Ako'y namumuhi sa kasalanan at pang-aalipin; ang nais ko'y katarungan.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin para sa kanila.
Ang lahi nila ay makikilala sa lahat ng bansa,
ang mga anak nila'y sisikat sa gitna ng madla;
sinumang makakita sa kanila ay makikilalang
sila ang aking bayang pinagpala.”

10 Buong(D) puso akong nagagalak kay Yahweh.
Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak,
gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas.
11 Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim,
ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran
at papuri sa harap ng lahat ng bansa.

Mateo 9

Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(A)

Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao.

Tinawag si Mateo(B)

Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya.

10 Nang(C) si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” 12 Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 13 Humayo(D) kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.”

Tinanong si Jesus tungkol sa Pag-aayuno(E)

14 Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay [madalas][a] mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” 15 Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.

16 “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. 17 Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.”

Pagbuhay na Muli sa Anak ng Pinuno at Pagpapagaling sa Isang Babae(F)

18 Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” 19 Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad.

20 Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit. 21 Sinabi ng babae sa sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.” 22 Lumingon si Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y gumaling ang babae.

23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang mga taong nagkakaingay. 24 Sinabi niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” At siya'y pinagtawanan nila. 25 Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus sa kuwarto, hinawakan niya sa kamay ang bata at ito'y bumangon. 26 Ang pangyayaring ito ay ipinamalita ng mga tao sa buong lupaing iyon.

Ang Pagpapagaling sa Dalawang Bulag

27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!”

28 Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. 29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. 31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

Pinagaling ang Piping Sinasaniban ng Demonyo

32 Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. 33 Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!” [34 Subalit(G) sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”][b]

Nahabag si Jesus sa mga Tao

35 Nilibot(H) ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon doon. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. 36 Nang(I) makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol. 37 Kaya't(J) sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. 38 Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.”