Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Deuteronomio 7

Ang Bayang Hinirang ni Yahweh(A)

“Pagdating(B) ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh at kapag nasakop na ninyo ang pitong bansang nauna sa inyo roon—Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo—mga bansang mas malakas at mas makapangyarihan kaysa inyo, at kapag sila'y ipinaubaya na ni Yahweh sa inyo, lipulin ninyo silang lahat. Huwag ninyo silang kaaawaan at huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila. Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo'y kanyang lilipulin agad. Kaya(C) nga, gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, durugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, at sunugin ang mga diyus-diyosan. Kayo(D) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya't(E) pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. 10 Subalit nililipol niya ang lahat ng namumuhi sa kanya; hindi makakaligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. 11 Kaya, sundin ninyo ang kautusan at mga tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(F)

12 “Kung(G) taos-puso ninyong susundin ang mga utos na ito, tutuparin naman ni Yahweh ang kanyang kasunduan, at patuloy niya kayong iibigin, tulad ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Iibigin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo. Magkakaroon kayo ng maraming anak, at bibigyan ng masaganang ani, inumin at langis. Pararamihin niya ang inyong mga hayop. Tutuparin niya ito pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 14 Pagpapalain niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man. 15 Ilalayo niya kayo sa mga karamdaman. Alinman sa mga sakit na ipinaranas sa mga Egipcio ay hindi niya padadapuin sa inyo kundi sa inyong mga kaaway. 16 Pupuksain ninyo ang lahat ng bansang ipapasakop ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan. Huwag din ninyong sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan. Iyan ang patibong na naghihintay sa inyo roon.

17 “Huwag ninyong ikabahala kung paano ninyo matatalo ang mga mas makapangyarihang bansang ito. 18 Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa buong Egipto, 19 ang malalagim na salot na kanyang ipinadala, at ang mga kababalaghang ipinakita niya nang ilabas niya kayo roon. Ganoon din ang gagawin niya sa mga taong iyan na kinatatakutan ninyo. 20 Maliban diyan, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng kaguluhan[a] sa kanila hanggang sa lubusang malipol pati iyong mga nakapagtago at ang mga pugante. 21 Hindi kayo dapat matakot sa kanila sapagkat kasama ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh, ang dakila at makapangyarihang Diyos. 22 Unti-unti silang lilipulin ni Yahweh. Hindi sila uubusin agad at baka hindi ninyo makaya ang mababangis na hayop. 23 Ngunit tiyak na ipapasakop sila sa inyo ni Yahweh. Sila'y lilituhin niya sa matinding takot hanggang sa lubusang malipol. 24 Ipapabihag niya sa inyo ang kanilang mga hari. Ibabaon ninyo sila sa limot. Isa man sa kanila'y walang makakatalo sa inyo hanggang sa malipol ninyo sila. 25 Sunugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan. Huwag ninyong pagnanasaan ang mga pilak o gintong ginamit sa mga iyon sapagkat ito ang magiging patibong sa inyo dahil iyon ay kasuklam-suklam kay Yahweh. 26 Huwag kayong mag-uuwi ng anumang bagay na kasuklam-suklam sapagkat iyon ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Lahat ng tulad ng diyus-diyosan ay sinumpa, kaya, dapat ituring na kasuklam-suklam.

Mga Awit 90

IKAAPAT NA AKLAT

Ang Diyos at ang Tao

Panalangin ni Moises, ang lingkod ng Diyos.

90 Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan,
    buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan.
Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang,
    hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan,
    ikaw noon ay Diyos na,
    pagkat ika'y walang hanggan.

Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok,
    sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang(A) sanlibong mga taon ay para bang isang araw,
    sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
    isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis,
    parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak,
    kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas.

Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos,
    sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot.
Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag,
    mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag.

Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay,
    parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan.
10 Buhay(B) nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad,
    minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas;
ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap,
    pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag.

11 Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok?
    Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot?
12 Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon,
    itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.

13 Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan?
    Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan!
14 Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig,
    at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit.
15 At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa,
    singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya.
16 Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain,
    at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din.
17 Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain,
    magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin!
    Magtagumpay nawa kami!

Isaias 35

Ang Landas ng Kabanalan

35 Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang;
    mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto.
Ang disyerto ay aawit sa tuwa,
    ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon
    at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon.
Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian
    at kapangyarihan ni Yahweh.

Inyong(A) palakasin ang mahinang kamay,
    at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
    “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob!
    Darating na ang Diyos,
    at ililigtas ka sa mga kaaway.”

Ang(B) mga bulag ay makakakita,
    at makakarinig ang mga bingi.
Ang mga pilay ay lulundag na parang usa,
    aawit sa galak ang mga pipi.
Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig,
    at dadaloy sa disyerto ang mga batis.
Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa,
    sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig.
Ang dating tirahan ng mga asong-gubat,
    ay tutubuan ng tambo at talahib.

Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan,
    na tatawaging Landas ng Kabanalan.
Sa landas na ito ay hindi makakaraan,
    ang mga makasalanan at mga hangal.
Walang leon o mabangis na hayop
    na makakapasok doon;
ito'y para lamang sa mga tinubos.
10 Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh
    na masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian sila ng kaligayahan.
    Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.

Pahayag 5

Ang Kasulatan at ang Kordero

Nakita(A) ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatang nakabalumbon, na may sulat sa loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa balumbon?” Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa,[a] na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon. Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. Ngunit(B) sinabi sa akin ng isa sa matatandang pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakabalumbon.”

Pagkatapos,(C) nakita ko sa pagitan ng matatandang pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang ang isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na. Ito'y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong daigdig. Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatang nakabalumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. Nang(D) ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. Inaawit(E) nila ang isang bagong awit:

“Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakabalumbon
    at magtanggal sa mga selyo niyon.
Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos,
    mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa.
10 Ginawa(F) mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos;
    at sila'y maghahari sa lupa.”

11 Tumingin(G) akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa matatandang pinuno. 12 Umaawit sila nang malakas,

“Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat
    tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan,
    kaluwalhatian, papuri at paggalang!”

13 At narinig kong umaawit ang bawat nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon,

“Sa nakaupo sa trono, at sa Kordero,
    ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan,
    magpakailanman!”

14 At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang matatandang pinuno at nagsisamba.