M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Masaganang Lupain
8 “Sundin ninyong mabuti ang mga batas na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon upang humaba ang inyong buhay, dumami ang inyong lahi, at kayo'y makarating sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. 2 Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. 3 Tinuruan(A) nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh. 4 Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad. 5 Itanim(B) ninyo sa inyong isipan na kayo'y dinidisiplina ni Yahweh na inyong Diyos gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. 6 Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos, 7 sapagkat kayo'y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. 8 Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. 9 Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. 10 Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo.
Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh
11 “Huwag(C) ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12 Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13 at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14 huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15 Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16 Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbaba; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17 Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19 Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20 Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.
Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin
91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
2 ay makakapagsabi kay Yahweh:
“Muog ka't kanlungan,
ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
3 Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
4 Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
5 Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
6 Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.
7 Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,
sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;
di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
8 Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan,
iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan.
9 Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.
14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”
Ang Banta ng Asiria sa Juda(A)
36 Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias sa Juda, sinalakay at nasakop ni Haring Senaquerib ng Asiria ang buong lunsod ng Juda. 2 Nang si Haring Senaquerib ng Asiria ay nasa Laquis, inutusan niya sa Jerusalem ang kanyang punong ministro, kasama ang isang malaking hukbo upang pasukuin si Haring Hezekias. Ang punong ministro ay hindi agad pumasok sa lunsod kundi naghintay muna sa may padaluyan ng tubig sa daang papasok sa Bilaran ng Tela. 3 Doon sila pinuntahan ng punong ministro sa palasyo na si Eliakim, anak ni Hilkias. Kasama niya ang kalihim na si Sebna at ang tagapagtala na si Joa na anak ni Asaf.
4 Pagkakita sa kanila'y sinabi ng ministro, “Magbalik kayo kay Hezekias at sabihin ninyo ang ipinapatanong na ito ng hari ng Asiria: ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? 5 Akala mo ba'y sapat na ang salita laban sa isang makapangyarihang hukbo? Sino ang inaasahan mo at ikaw ay naghihimagsik laban sa akin? 6 Ang(B) Egipto? Para kang nagtutungkod ng baling tambo, masusugatan pa niyan ang iyong kamay. Iyan ang sasapitin ng sinumang magtiwala sa Faraon ng Egipto. 7 Kung sasabihin mo namang kay Yahweh na inyong Diyos kayo aasa, hindi ba ang mga altar niya sa burol ang ipinaalis ni Hezekias? Hindi ba't ang utos niya sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ay sa altar lamang sa Jerusalem sila sasamba? 8 Ngayon, kung talagang gusto mong subukin ang aming hari, bibigyan kita ng dalawang libong kabayo kung may mapapasakay ka sa mga ito. 9 Paano ka makakalaban kahit sa isang maliit na pangkat ng aming hukbo, samantalang sa Egipto ka lamang umaasa ng kailangan mong mga karwahe at mga kawal na nakakabayo? 10 Akala mo ba'y sasalakayin ko at wawasakin ang lupaing ito nang walang pahintulot si Yahweh? Siya mismo ang may utos sa akin na salakayin ito at wasakin.’”
11 Nakiusap sina Eliakim, Sebna at Joa sa punong ministro ng Asiria. Ang sabi nila, “Baka po maaaring sa wikang Aramaico na lamang tayo mag-usap sapagkat marunong naman kami ng salitang iyan. Huwag na po ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo nang naririnig ng mga nasa itaas ng pader.” 12 Ngunit sinagot sila ng ministro, “Bakit, ano ba ang akala ninyo? Sinugo ba ako ng panginoon ko upang kayo lamang at ang inyong hari ang balitaan nito? Dapat ding malaman ito ng mga taong ito na tulad ninyo'y dumi rin ang kakainin at ihi ang iinumin pagdating ng takdang panahon.”
13 Kaya lalong inilakas ng ministro ang kanyang pagsasalita sa wikang Hebreo: “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ng hari ng Asiria. 14 Huwag kayong paloloko kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas. 15 Huwag kayong maniniwala sa sinasabi niyang ililigtas kayo ni Yahweh, na ang lunsod na ito'y hindi masasakop ng hari ng Asiria. 16 Huwag kayong makinig sa kanya; ang dinggin ninyo'y ang sinabi ng hari ng Asiria, ‘Sumuko na kayo at makipagkasundo sa akin! Sa gayon, magiging matiwasay kayo. Kung gagawin ninyo ito, kayo ang makikinabang sa bunga ng inyong ubasan at igos, at kayo rin ang iinom sa tinipon ninyong tubig. 17 Pagkatapos, darating ako upang dalhin kayo sa lupaing tulad nito na sagana sa pagkaing butil at alak. 18 Huwag kayong maniwala sa sinasabi sa inyo ni Hezekias na ililigtas kayo ni Yahweh. Walang diyos ng ibang bansa na nakapagligtas sa kanila sa kamay ng hari ng Asiria. 19 Gaya ng mga diyos sa Hamat at Arpad, nailigtas ba ng mga iyon ang mga tagaroon? At ang mga diyos sa Sefarvaim, nailigtas ba nila ang Samaria sa aking mga kamay? 20 Kung ang mga diyos na iyon ay walang nagawa upang ipagtanggol ang kanilang bansa, gaano pa ang inyong si Yahweh? Hindi rin maililigtas nito ang Jerusalem sa aking mga kamay.’”
21 Wala ni isa mang kumibo sa kanila sapagkat iniutos ng hari na huwag silang sasagot. 22 Dahil dito'y sinira nina Eliakim, Sebna at Joa ang kanilang mga damit, at sama-samang nagbalik kay Hezekias, at iniulat ang lahat ng sinabi ng punong ministro ng Asiria.
Ang mga Selyo
6 Nakita kong inalis ng Kordero ang una sa pitong selyo, at narinig kong sinabi ng isa sa apat na buháy na nilalang, sa tinig na sinlakas ng kulog, “Halika!”[a] 2 At(A) nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop.
3 Nang alisin ng Kordero ang pangalawang selyo, narinig kong sinabi ng pangalawang buháy na nilalang, “Halika!”[b] 4 Isa(B) namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang alisin(C) ng Kordero ang pangatlong selyo, narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!”[c] Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. 6 May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sahod sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!”
7 Nang alisin ng Kordero ang pang-apat na selyo, narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!”[d] 8 Isang kabayong maputla ang nakita ko at ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan. Nakasunod sa kanya ang Daigdig ng mga Patay.[e] Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa lupa.
9 Nang alisin ng Kordero ang panlimang selyo, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa pagpapatotoo nila rito. 10 Sumigaw sila nang malakas, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Gaano pa katagal bago ninyo hatulan at parusahan ang mga tao sa daigdig na pumatay sa amin?” 11 Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa mga lingkod, na papatayin ding tulad nila.
12 Nang(D) alisin ng Kordero ang pang-anim na selyo, lumindol nang malakas, ang araw ay nagdilim na kasing itim ng damit panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. 13 Nalaglag(E) mula sa langit ang mga bituin na parang mga bubot na bunga ng igos kapag hinahampas ng malakas na hangin. 14 Naglaho(F) ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla. 15 Nagtago(G) sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. 16 At(H) sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami at ikubli ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at sa poot ng Kordero! 17 Sapagkat(I) dumating na ang kakila-kilabot na araw ng pagbubuhos ng kanilang poot, at sino ang makakatagal sa harap nito?”
by