M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang Tipan ni Yahweh sa Israel sa Lupain ng Moab
29 Ito ang mga tuntunin ng kasunduang ibinigay ni Yahweh kay Moises upang sabihin sa mga Israelita nang sila'y nasa lupain ng Moab, bukod pa sa kasunduang ginawa niya sa Sinai.[a]
2 Tinipon ni Moises ang mga Israelita at sinabi, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ni Yahweh kay Faraon, sa kanyang mga tauhan at sa buong Egipto. 3 Nakita ninyo ang kapangyarihan ni Yahweh at ang mga tanda at kababalaghang ginawa niya. 4 Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya hinahayaang maunawaan ninyo ang inyong mga naranasan. 5 Apatnapung taon akong nanguna sa inyo sa ilang. Hindi kailanman nasira ang inyong kasuotan ni napudpod ang inyong sandalyas. 6 Wala kayong pagkain o inumin ngunit binigyan kayo ni Yahweh upang malaman ninyong siya ang ating Diyos. 7 Pagdating(A) ninyo rito, dinigma tayo ni Haring Sihon ng Hesbon at ni Haring Og ng Bashan. Ngunit nagapi natin sila. 8 Nasakop(B) natin ang kanilang lupain at iyon ang ibinigay natin sa lipi nina Ruben, Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases. 9 Kaya, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin ng kasunduang ito upang magtagumpay kayo sa lahat ng inyong gagawin.
10 “Ngayo'y narito tayong lahat sa harapan ni Yahweh—ang pinuno ng bawat lipi, ang matatandang pinuno, ang mga opisyal, ang mga mandirigma ng Israel, 11 ang inyong mga asawa at mga anak, at kahit ang mga dayuhang nagsisibak ng kahoy at nag-iigib ng tubig para sa inyo— 12 upang manumpa sa pangalan ni Yahweh at makipagtipan sa kanya. 13 Sa pamamagitan ng kasunduang ito, ipinapahayag niyang kayo ang kanyang bayan at siya ay inyong Diyos tulad ng kanyang ipinangako sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. 14 At ang kasunduang ito'y hindi lamang para sa ating narito ngayon 15 kundi pati sa mga magiging mga anak natin.
16 “Hindi kaila sa inyo ang naging buhay natin sa Egipto, at sa mga bansang nadaanan natin sa paglalakbay. 17 Nakita ninyo ang kasuklam-suklam nilang gawain, ang mga diyos nilang yari sa bato, kahoy, pilak at ginto. 18 Mag-ingat(C) nga kayo at baka sa inyo'y may isang lalaki, babae, sambahayan o angkang tumalikod kay Yahweh upang maglingkod sa diyus-diyosan ng mga bansang iyon. Baka sa inyo'y may lumitaw na isang taong katulad ng punongkahoy na mapait at nakakalason ang bunga. 19 Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama. 20 Hindi patatawarin ni Yahweh ang ganoong tao, sa halip ay magagalit siya sa taong iyon. Mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat ng kautusang ito hanggang sa lubusan siyang mapuksa ni Yahweh. 21 Ihihiwalay siya ni Yahweh mula sa mga lipi ng Israel upang ibuhos sa kanya ang sumpang nakatala sa aklat na ito.
22 “Makikita ng salinlahing susunod sa atin, at ng mga dayuhang mula sa malalayong bansa ang mabigat na parusa ni Yahweh. 23 Makikita(D) nila ang lupaing tinupok sa pamamagitan ng asupre at tinabunan ng asin. Kaya't kahit damo ay hindi tutubo roon, gaya ng nangyari sa Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboim nang ibagsak niya rito ang kanyang matinding galit. 24 At sasabihin ng lahat ng nakakita nito, ‘Bakit pinuksa ni Yahweh ang bansang ito? Bakit matindi ang naging galit niya sa kanila?’ 25 Ang isasagot ay, ‘Sapagkat tinalikuran nila ang kanilang kasunduan kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. 26 Sila'y naglingkod at sumamba sa mga diyus-diyosang hindi nila kilala at ipinagbabawal ni Yahweh sa kanila. 27 Iyan ang dahilan kaya nagalit sa kanila si Yahweh at ibinagsak sa kanila ang mga sumpang nakasulat sa aklat na ito. 28 At dahil sa matindi niyang galit, sila'y pinaalis ni Yahweh sa kanilang lupain at itinapon sa ibang lugar. Naroon sila ngayon.’
29 “May mga bagay na sadyang inilihim ng Diyos nating si Yahweh. Ngunit ipinahayag ang kautusang ito upang sundin natin at ng ating mga anak magpakailanman.
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49 Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50 Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51 Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52 Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53 Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54 Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55 Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56 Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57 Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58 Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59 Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60 Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61 Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62 Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63 Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64 Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65 Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66 Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67 Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68 kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69 Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70 Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71 Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72 Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Ang Lahat ng Bansa ay Mapapasama sa Bayan ng Diyos
56 Ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Panatilihin ang katarungan at gawin ang tama,
sapagkat ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal,
at ang aking tagumpay ay mahahayag na.
2 Mapalad ang taong nagsasagawa nito,
siya na tumatalima sa tuntuning ito.
Iginagalang niya ang Araw ng Pamamahinga,
at lumalayo sa gawang masama.”
3 Hindi dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos,
na siya'y hindi papayagan ni Yahweh na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan.
Hindi dapat isipin ng mga eunuko na hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa bayan ng Diyos
sapagkat hindi sila magkakaanak.
4 Ang(A) sabi ni Yahweh:
“Sa mga eunukong gumagalang sa Araw ng Pamamahinga,
na gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa akin
at tapat na iniingatan ang aking kasunduan.
5 Ang pangalan mo'y aalalahanin sa aking Templo at sa gitna ng aking bayan
nang mas matagal kaysa paggunita sa iyo,
kung ikaw ay nagkaroon ng mga anak.
Hindi ka malilimot kahit kailan.”
6 Ito naman ang sabi ni Yahweh sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan,
buong pusong naglilingkod sa kanya,
iginagalang ang Araw ng Pamamahinga,
at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
7 “Dadalhin(B) ko kayo sa banal na bundok.
Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo.
Malulugod ako sa inyong mga handog;
at ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.”
8 Ipinangako pa ng Panginoong Yahweh,
sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon,
na marami pa siyang isasama sa kanila
para mapabilang sa kanyang bayan.
Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel
9 Tinawag ni Yahweh ang ibang mga bansa upang salakayin at wasakin ang kanyang bayan,
tulad ng pagsalakay ng mababangis na hayop mula sa kagubatan.
10 Ang sabi niya, “Bulag ang mga pinuno na dapat magpaalala sa mga tao.
Wala silang nalalaman.
Para silang mga asong hindi marunong tumahol.
Ang alam lang nila'y magyabang at mangarap.
Ang ibig ay laging matulog.
11 Para silang asong gutom,
walang kabusugan;
sila'y mga pastol na walang pang-unawa.
Ginagawa nila ang anumang magustuhan
at walang iniisip kundi sariling kapakanan.
12 Ang sabi nila, “Halikayo, at kumuha kayo ng alak,
uminom tayo hanggang mayroon.
Mag-iinuman muli tayo bukas
nang mas marami kaysa ngayon!”
Ang Pagtukso kay Jesus(A)
4 Pagkatapos,(B) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. 3 Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit(C) sumagot si Jesus, “Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”
5 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. 6 Sinabi(D) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,
‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”
7 Ngunit(E) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”
8 Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. 9 Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”
10 Kaya't(F) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”
11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.
Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(G)
12 Nang(H) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(I) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
15 “Lupain(J) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
ay sumikat ang liwanag.”
17 Magmula(K) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”
Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(L)
18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.
21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.
Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus(M)
23 Nilibot(N) ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.
by