M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang kaniyang pananagumpay laban sa Filisteo at Moab.
8 At pagkatapos (A)nito ay nangyari na sinaktan ni David ang mga Filisteo at mga pinasuko: at kinuha ni David ang Metheg-amma sa kamay ng mga Filisteo.
2 (B)At kaniyang sinaktan ang Moab, at sinukat niya sila ng tali, na pinahiga sila sa lupa; at kaniyang sinukat ng dalawang tali upang patayin, at ng isang buong tali upang buhayin. (C)At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David, (D)at nagsipagdala ng mga kaloob.
3 Sinaktan din ni David si (E)Hadadezer na anak ni Rehob, na hari sa (F)Soba, habang siya'y yumayaon upang bawiin ang kaniyang pamumuno sa Ilog.
4 At kinuha ni David sa kaniya ang isang libo at pitong daan na mangangabayo, at dalawang pung libo na naglalakad: at (G)pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karo, nguni't sa mga yaon ay nagtaan ng sa isang daang karo.
5 (H)At nang sumaklolo ang mga taga Siria sa Damasco kay Hadadezer na hari sa Soba, ay sinaktan ni David sa mga taga Siria ang dalawang pu't dalawang libong tao.
6 Nang magkagayo'y naglagay si David ng mga (I)pulutong sa Siria sa (J)Damasco: at ang mga taga Siria ay nangaging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.
7 At kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na nangasa lingkod ni Hadadezer, at dinala sa Jerusalem.
8 At sa Beta at sa Berothai na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha ang haring si David ng lubhang maraming tanso.
9 Nang mabalitaan ni Toi na hari sa Hamath na sinaktan ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,
10 Sinugo nga ni Toi (K)si Joram na kaniyang anak sa haring David, upang bumati sa kaniya, at upang purihin siya, sapagka't siya'y nakipagdigma laban kay Hadadezer at sinaktan niya siya: sapagka't si Hadadezer ay nagkaroon ng mga pakikipagbaka kay Toi. At nagdala si Joram ng mga sisidlang pilak, at mga sisidlang ginto, at mga sisidlang tanso:
11 Na itinalaga naman ni David sa Panginoon ang (L)mga ito, na kasama ng pilak at ng ginto na kaniyang itinalaga na mula sa lahat ng mga bansa na kaniyang pinasuko;
12 Sa Siria, at sa Moab, at sa (M)mga anak ni Ammon, at sa mga (N)Filisteo, at sa (O)Amalec, at sa samsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.
Kinuha ang Edom.
13 At nabantog si David nang siya'y bumalik na mula sa (P)pagsakit sa mga taga Siria sa Libis na Alat, sa makatuwid baga'y sa labing walong libong lalake.
14 At naglagay siya ng mga pulutong sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga pulutong, at ang (Q)lahat na Idumeo ay nangaging alipin ni David. At pinapagtagumpay ng Panginoon si David saan man siya pumaroon.
15 At naghari si David sa buong Israel; at iginawad ni David ang kahatulan at ang katuwiran sa kaniyang buong bayan.
16 (R)At si Joab na anak ni Sarvia ay nasa hukbo; at si (S)Josaphat na anak ni Ahilud ay (T)kasangguni:
17 At si (U)Sadoc na anak ni Ahitub at si Ahimelech na anak ni Abiathar ay mga saserdote; at si Seraia ay kalihim;
18 At si (V)Benahia na anak ni Joiada ay nasa mga (W)Ceretheo at sa mga (X)Peletheo; at ang mga anak ni David ay mga pangulong tagapangasiwa.
Ang kabutihang loob ni David kay Mephiboseth.
9 At sinabi ni David, May nalalabi pa ba sa sangbahayan ni Saul, upang aking mapagpakitaan ng (Y)kagandahang loob dahil kay Jonathan?
2 At may isang lingkod sa sangbahayan ni Saul na nagngangalang (Z)Siba, at kanilang tinawag siya sa harap ni David; at sinabi ng hari sa kaniya, Ikaw ba'y si Siba? At kaniyang sinabi, Ang iyong lingkod nga.
3 At sinabi ng hari, wala na ba kayang natitira sa sangbahayan ni Saul, upang (AA)aking mapagpakitaan siya ng kagandahang loob ng Dios? At sinabi ni Siba sa hari, Si Jonathan ay may isang anak pa, na pilay ang kaniyang mga paa.
4 At sinabi ng hari sa kaniya, Saan nandoon siya? At sinabi ni Siba sa hari, Narito, siya'y nasa bahay ni (AB)Machir na anak ni Amiel, sa Lo-debar.
5 Nang magkagayo'y nagsugo ang haring si David at ipinakuha siya sa bahay ni Machir na anak ni Amiel mula sa Lo-debar.
6 At si (AC)Mephiboseth, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay naparoon kay David, at nagpatirapa sa kaniyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, Mephiboseth. At siya'y sumagot: Narito, ang iyong lingkod!
7 At sinabi ni David sa kaniya, Huwag kang matakot: sapagka't aking tunay na pagpapakitaan ka ng kagandahang loob dahil kay Jonathan na iyong ama, at aking isasauli ang buong lupa ni Saul na iyong ama, sa iyo; at ikaw ay parating kakain ng pagkain sa aking dulang.
8 At siya'y nagbigay galang at nagsabi, Ano ang iyong lingkod upang iyong lingapin akong (AD)isang asong patay?
9 Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Siba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kaniya, Lahat ng nauukol kay Saul at sa buong kaniyang sangbahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong Panginoon.
10 At iyong bubukirin ang lupain para sa kaniya, ninyo ng iyong mga anak, at ng iyong mga bataan at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain: nguni't si Mephiboseth na anak ng iyong panginoon ay kakain ng tinapay (AE)kailan man sa aking dulang. Si Siba nga ay may (AF)labing limang anak at dalawang pung bataan.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Siba sa hari, Ayon sa lahat na iniutos ng aking panginoon na hari sa kaniyang lingkod, ay gayon gagawin ng iyong lingkod. Tungkol kay Mephiboseth, sinabi ng hari, Siya'y kakain sa aking dulang na gaya ng isa sa mga anak ng hari.
12 At si Mephiboseth ay may isang anak na binata, (AG)na ang pangalan ay Micha. At lahat na nagsisitahan sa bahay ni Siba ay mga bataan ni Mephiboseth.
13 Gayon tumahan si Mephiboseth sa Jerusalem: sapagka't siya'y kumaing palagi sa dulang ng hari. At siya'y pilay sa kaniyang dalawang paa.
2 Datapuwa't ito'y ipinasiya ko sa aking sarili, na (A)hindi na ako muling paririyan sa inyo na may kalumbayan.
2 (B)Sapagka't kung kayo'y palulumbayin ko, sino nga ang sa akin ay magpapagalak, kundi yaong pinalulumbay ko?
3 At aking isinulat ang bagay ring ito, upang pagdating ko ay (C)huwag akong magkaroon ng kalumbayan doon sa mga nararapat kong ikagalak; sa pagkakatiwala sa inyong lahat, na ang aking kagalakan ay kagalakan ninyong lahat.
4 Sapagka't sa malaking kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; (D)hindi upang kayo'y palumbayin, kundi upang inyong makilala ang pagibig kong napakasagana sa inyo.
5 Datapuwa't (E)kung ang sinoman ay nakapagpalumbay, hindi ako ang pinalumbay niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat (upang huwag kong higpitang totoo).
6 Sukat na sa gayon ang kaparusahang ito na ipinarusa (F)ng marami;
7 (G)Upang bagkus ninyong patawarin siya at aliwin siya, baka sa anomang paraan ay madaig ang gayon ng kaniyang malabis na kalumbayan.
8 Dahil dito'y ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pagibig sa kaniya.
9 Sapagka't dahil din sa bagay na ito ay sumulat ako, upang aking makilala ang katunayan tungkol sa inyo, kung kayo'y mga (H)matalimahin sa lahat ng mga bagay.
10 Datapuwa't ang (I)inyong pinatatawad ng anoman ay pinatatawad ko rin naman: sapagka't ang aking ipinatawad naman, kung ako'y nagpapatawad ng anoman, ay dahil sa inyo, sa harapan ni Cristo;
11 Upang huwag kaming malamangan ni (J)Satanas: sapagka't kami ay (K)hindi hangal sa kaniyang mga lalang.
12 Nang ako'y (L)dumating nga sa Troas dahil sa evangelio ni Cristo, at nang mabuksan sa akin ang isang (M)pinto sa Panginoon,
13 Ay hindi ako nagkaroon ng (N)katiwasayan sa aking espiritu, sapagka't hindi ko nasumpungan si Tito na kapatid ko: datapuwa't pagkapagpaalam ko sa kanila, (O)ako'y napasa Macedonia.
14 Datapuwa't salamat sa Dios, na laging (P)pinapagtatagumpay tayo kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag (Q)ang samyo ng pagkakilala sa kaniya sa bawa't dako.
15 Sapagka't (R)sa mga inililigtas, at (S)sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Dios;
16 Sa isa ay samyo (T)mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabubuhay. At sino ang sapat (U)sa mga bagay na ito?
17 Sapagka't hindi kami gaya ng karamihan na kinakalakal ang salita ng Dios: kundi sa (V)pagtatapat, at gaya ng mula sa Dios, sa harapan ng Dios ay nagsasalita kami para kay Cristo.
Ang mababang pinagmulan ng Jerusalem.
16 Muling ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi.
2 Anak ng tao, ipakilala mo sa Jerusalem ang kaniyang mga kasuklamsuklam.
3 At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; (A)ang Amorrheo ay iyong Ama, at ang iyong ina ay (B)Hethea.
4 At tungkol sa iyong kapanganakan, (C)nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi naputol ang iyong pusod, o napaliguan ka man sa tubig upang linisin ka; ikaw ay hindi pinahiran ng asin, o nabalot man.
5 Walang matang nahabag sa iyo; upang gawin ang anoman sa mga ito sa iyo, na maawa sa iyo; kundi ikaw ay nahagis sa luwal na parang, sapagka't ang iyong pagkatao ay itinakuwil, nang araw na ikaw ay ipanganak.
6 At nang ako'y dumaan sa tabi mo, at makita kita na nagugumon sa iyong dugo, sinabi ko sa iyo, Bagaman ikaw ay nagugumon sa iyong dugo, mabuhay ka: oo, sinabi ko sa iyo, Bagaman ikaw ay nagugumon sa iyong dugo, mabuhay ka.
7 Pinarami kita na parang damo sa parang, at ikaw ay kumapal at dumakilang mainam, at ikaw ay nagtamo ng mainam na kagayakan: ang iyong dibdib ay naganyo, at ang iyong buhok ay lumago; gayon ma'y ikaw ay hubo at hubad.
8 Nang ako nga'y magdaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, narito, ang iyong panahon ay panahon ng pagibig; at (D)aking iniladlad ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran: (E)oo, ako'y sumumpa sa iyo, at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong Dios, at ikaw ay naging akin.
9 Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig; oo, aking nilinis na mainam ang iyong dugo, at (F)pinahiran kita ng langis.
10 Binihisan din naman kita ng (G)yaring may burda, at sinapatusan kita ng balat ng foka, at binigkisan kita sa palibot ng mainam na kayong lino, at binalot kita ng sutla.
11 Ginayakan din naman kita ng hiyas, at (H)nilagyan ko ng mga pulsera ang iyong mga kamay, (I)at ng isang kuwintas ang iyong leeg.
12 At nilagyan ko ng hikaw ang iyong ilong, at ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at (J)isang magandang putong ang iyong ulo.
13 Ganito ka nagayakan ng ginto at pilak; at ang iyong damit ay mainam na kayong lino, at sutla at yaring may burda; ikaw ay kumain ng mainam na harina, at ng pulot, at ng langis; at (K)ikaw ay lubhang maganda, at ikaw ay guminhawa sa kalagayang pagkahari.
14 At ang iyong kabantugan ay (L)nangalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagka't naging sakdal dahil sa aking kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong Dios.
Ang walang pigil na kasalanan ay inilarawan.
15 Nguni't ikaw ay tumiwala sa iyong kagandahan, at (M)nagpatutot dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong mga pakikiapid sa bawa't nagdaraan; yao'y kaniya nga.
16 At kinuha mo ang iyong mga suot, (N)at ginawa mo para sa iyo ang mga mataas na dako na kagayakan na may sarisaring kulay, at nagpatutot sa kanila: ang gayong mga bagay ay hindi na darating, o mangyayari pa man.
17 Kinuha mo naman ang iyong mga magandang hiyas na ginto at pilak, na aking ibinigay sa iyo, at ginawa mo sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at iyong ipinagpatutot sa kanila;
18 At iyong kinuha ang iyong mga bihisang may burda, at ibinalot mo sa kanila, at inilagay mo ang aking langis at ang aking kamangyan sa harap nila.
19 Ang aking tinapay naman (O)na aking ibinigay sa iyo, mainam na harina, at langis, pulot, na aking ipinakain sa iyo, iyong inilagay nga sa harap nila na pinakamasarap na amoy; at ganito nangyari, sabi ng Panginoong Dios.
20 Bukod dito'y (P)kinuha mo ang iyong mga anak na lalake at babae, na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihain sa kanila upang lamunin. Ang iyo bagang mga pakikiapid ay maliit na bagay.
21 Na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila na pinararaan sila sa apoy?
22 At sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam, at ng iyong mga pakikiapid hindi mo inalaala ang mga kaarawan ng iyong kabataan, (Q)nang ikaw ay hubo at hubad, at nagugumon sa iyong dugo.
23 At nangyari, pagkatapos ng iyong buong kasamaan (sa aba, sa aba mo! sabi ng Panginoong Dios),
24 Na ikaw ay nagtayo para sa iyo ng isang matayog na dako, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako (R)sa bawa't lansangan.
25 Itinayo mo ang iyong mataas na dako (S)sa bawa't bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga paa sa bawa't nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pakikiapid.
26 Ikaw naman ay nakiapid din sa mga taga Egipto, na (T)iyong mga kalapit bayan, na malaki sa pangangatawan; at iyong pinarami ang iyong pakikiapid upang mungkahiin mo ako sa galit.
27 Narito nga, iniunat ko ang aking kamay sa iyo, at binawasan ko ang iyong karaniwang pagkain, at ibinigay kita sa balang maibigan ng nangagtatanim sa iyo, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nangapapahiya sa iyong kalibugan.
28 Ikaw naman ay nagpatutot din (U)sa mga taga Asiria, sapagka't ikaw ay hindi nasisiyahan: oo, ikaw ay nagpatutot sa kanila, at gayon ma'y hindi ka nasisiyahan.
29 Bukod dito'y iyong pinarami ang iyong pakikiapid sa lupain ng Canaan, hanggang (V)sa Caldea; at gayon ma'y hindi ka nasisiyahan.
30 Pagkahinahina ng iyong loob, sabi ng Panginoong Dios, palibhasa'y iyong ginagawa ang lahat na bagay na ito, na gawa ng isang hambog na patutot:
31 Sa iyong pagtatayo ng iyong matayog na dako (W)sa bukana ng bawa't daan, at ginagawa mo ang iyong mataas na dako sa bawa't lansangan; at hindi ka naging gaya ng isang patutot sa iyong pagwawalang kabuluhan ng upa.
32 Isang babae na napakakalunya! na tumatanggap sa iba na kahalili ng kaniyang asawa!
33 Sila'y nagbibigay ng mga kaloob sa lahat ng mga patutot: nguni't (X)ikaw ay nagbibigay ng iyong mga kaloob sa lahat na mangliligaw sa iyo, at iyong sinusuhulan sila, upang sila'y magsilapit sa iyo sa bawa't dako, dahil sa iyong mga pakikiapid.
34 At ang kaibahan ng ibang mga babae ay nasa iyo sa iyong mga pakikiapid, sa paraang walang sumusunod sa iyo upang makiapid: at sa iyong pagbibigay ng upa, at walang upa na ibinibigay sa iyo, kaya't ikaw ay kaiba.
Ang kaparusahan ng Jerusalem.
35 Kaya't, Oh patutot, pakinggan mo ang salita ng Panginoon:
36 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't ang iyong karumihan ay nahayag, at ang iyong kahubaran ay nalitaw sa iyong mga pakikiapid sa mga mangliligaw sa iyo; at dahil sa lahat ng diosdiosan na iyong mga kasuklamsuklam, at dahil sa (Y)dugo ng iyong mga anak, na iyong ibinigay sa kanila;
37 Kaya't, narito, aking pipisanin ang lahat na mangingibig sa iyo, na iyong pinagkaroonan ng kalayawan, at lahat ng iyong inibig, sangpu ng lahat na iyong kinapuotan; akin ngang pipisanin sila laban sa iyo sa bawa't dako, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran.
38 At (Z)aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagbububo ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at ng paninibugho.
39 Ikaw ay ibibigay ko rin sa kanilang kamay, at kanilang ibabagsak ang iyong matayog na dako, at (AA)igigiba ang iyong mga mataas na dako, (AB)at kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, at kukunin ang iyong magandang mga hiyas; at kanilang iiwan ka na hubo at hubad.
40 Sila naman ay mangagaahon ng isang pulutong laban sa iyo, (AC)at babatuhin ka nila ng mga bato, at palalagpasan ka ng kanilang mga tabak.
41 At (AD)susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga kahatulan sa iyo sa paningin ng maraming babae; at aking patitigilin ka sa pagpapapatutot, at ikaw naman ay (AE)hindi na magbibigay pa ng upa.
42 Sa gayo'y aking papawiin ang aking kapusukan sa iyo, at ang aking paninibugho ay hihiwalay sa iyo, at ako'y matatahimik, at hindi na magagalit pa.
43 Sapagka't hindi mo naalaala ang mga kaarawan ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapagiinit mo sa lahat ng mga bagay na ito; kaya't, narito, (AF)akin namang pararatingin ang iyong lakad sa iyong ulo, sabi ng Panginoong Dios: at hindi ka na gagawa ng kahalayang ito, na higit kay sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam.
Ang Jerusalem ay higit na masama kay sa Sodoma at Samaria.
44 Narito, bawa't sumasambit ng mga kawikaan ay sasambitin ang kawikaang ito laban sa iyo, na sasabihin, Kung ano ang ina, gayon ang kaniyang anak na babae.
45 Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na nagtakuwil ng kaniyang asawa at ng kaniyang mga anak; at ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na nagtakuwil ng kanilang mga asawa at ng kanilang mga anak: (AG)ang inyong ina ay Hetea, at ang inyong ama ay Amorrheo.
46 At ang iyong panganay na kapatid na babae ay ang (AH)Samaria na tumatahan sa iyong kaliwa, siya at ang kaniyang mga anak na babae; at ang (AI)iyong bunsong kapatid na babae na tumatahan sa iyong kanan ay Sodoma at ang kaniyang mga anak.
47 Gayon ma'y hindi ka lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam, kundi wari napakaliit na bagay, ikaw ay hamak na higit kay sa kanila sa lahat ng iyong mga lakad.
48 Buháy ako, sabi ng Panginoong Dios, ang (AJ)Sodoma na iyong kapatid na babae ay hindi gumawa, siya o ang kaniyang mga anak na babae man, na gaya ng iyong ginawa, ng ginawa mo, at ng iyong mga anak na babae.
49 Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; (AK)kapalaluan, kayamuan sa tinapay, at ang malabis na kapahingahan ay nasa kaniya at sa kaniyang mga anak na babae; at hindi man niya pinalakas ang kamay ng dukha at mapagkailangan.
50 At sila'y palalo at (AL)gumawa ng kasuklamsuklam sa harap ko: kaya't aking (AM)inalis sila, ayon sa aking minagaling.
51 Kahit ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan, nguni't pinarami mo ang iyong mga kasuklamsuklam na higit kay sa kanila, at (AN)iyong pinabuti ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat mong mga kasuklamsuklam na iyong ginawa.
52 (AO)Ikaw rin naman, taglayin mo ang iyong sariling kahihiyan, sa iyong paglalapat ng kahatulan sa iyong mga kapatid na babae; sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kay sa kanila, sila'y lalong matuwid kay sa iyo: oo, malito ka, at taglayin mo ang iyong kahihiyan, sa iyong pagpapabuti sa iyong mga kapatid na babae.
53 At aking panunumbalikin uli sila mula sa kanilang pagkabihag, sa pagkabihag ng Sodoma at ng kaniyang mga anak na babae, at sa pagkabihag ng Samaria at ng kaniyang mga anak na babae, at sa pagkabihag ng iyong mga bihag sa gitna nila.
54 Upang iyong taglayin ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat na iyong ginawa sa iyong pagaliw sa kanila.
55 At ang iyong mga kapatid na babae ang Sodoma at ang kaniyang mga anak na babae mangagbabalik sa kanilang dating kalagayan; at ang Samaria at ang kaniyang mga anak na babae ay mangagbabalik sa kanilang dating kalagayan; at ikaw at ang iyong mga anak ay mangagbabalik sa inyong dating kalagayan.
56 Sapagka't ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay hindi nabanggit ng iyong bibig sa kaarawan ng iyong kapalaluan;
57 Bago nalitaw ang iyong kasamaan, gaya sa panahon ng kapulaan sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat na nangasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na siyang kumukutya sa iyo sa palibot.
58 Iyong isinagawa ang iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng Panginoon.
59 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Akin namang gagawin sa iyo na gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak (AP)ang sumpa sa pagsira ng tipan.
Naalaala ng Panginoon ang kaniyang tipan.
60 Gayon ma'y (AQ)aalalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga kaarawan ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang (AR)isang walang hanggang tipan.
61 Kung magkagayo'y aalalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka, pagka iyong tatanggapin ang (AS)iyong mga kapatid na babae, ang iyong mga matandang kapatid at ang iyong batang kapatid: at aking ibibigay sila sa iyo na mga pinakaanak na babae, nguni't hindi sa pamamagitan ng iyong tipan.
62 At aking itatatag ang aking tipan sa iyo; at iyong malalaman na ako ang Panginoon;
63 Upang iyong maalaala, at malito ka, (AT)at kailan pa man ay hindi mo na bukahin ang iyong bibig, dahil sa iyong kahihiyan, pagka aking pinatawad ka ng lahat na iyong nagawa, sabi ng Panginoong Dios.
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. Awit ni David. Michtam.
58 Tunay bang kayo'y nangagsasalita ng katuwiran Oh kayong mga makapangyarihan?
Nagsisihatol ba kayo ng matuwid, Oh kayong mga anak ng mga tao?
2 Oo, sa puso ay nagsisigawa kayo ng kasamaan;
Inyong tinitimbang ang pangdadahas ng inyong mga kamay sa lupa.
3 Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata:
Sila'y naliligaw pagkapanganak sa kanila, na nagsasalita ng mga kasinungalingan.
4 (A)Ang kanilang kamandag ay parang kamandag ng ahas:
Sila'y (B)gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kaniyang pakinig;
5 At hindi nakakarinig ng tinig (C)ng mga enkantador,
Na kailan man ay hindi umeenkanto ng gayon na may karunungan.
6 Iyong bungalin ang kanilang mga ngipin, (D)Oh Dios, sa kanilang bibig:
Iyong bungalin ang mga malaking ngipin ng mga batang leon, Oh Panginoon.
7 (E)Mangatunaw nawa silang parang tubig na umaagos:
Pagka inihilagpos niya ang kaniyang mga palaso, maging gaya nawa ng nangaluray.
8 Maging gaya nawa ng laman ng suso na natutunaw at napapawi:
(F)Na gaya ng naagas sa babae na hindi nakakita ng araw.
9 (G)Bago makaramdam ang inyong mga palyok ng mga dawag na panggatong,
(H)Kaniyang kukunin ang mga yaon ng ipoipo, ang sariwa at gayon din ang nagniningas.
10 (I)Magagalak ang matuwid pagka nakita niya (J)ang higanti:
Kaniyang huhugasan (K)ang kaniyang mga paa sa dugo ng masama.
11 (L)Na anopa't sasabihin ng mga tao, Katotohanang may kagantihan sa matuwid:
Katotohanang may Dios na (M)humahatol sa lupa.
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Al-tashheth. (N)Awit ni David. Michtam: nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako (O)sa aking mga kaaway, Oh Dios ko:
Ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.
2 Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan,
At iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.
3 Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa;
Ang mga makapangyarihan ay (P)nagpipisan laban sa akin:
(Q)Hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.
4 Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala:
(R)Ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.
5 Sa makatuwid baga'y ikaw, (S)Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel,
Ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa:
Huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)
6 Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, (T)sila'y nagsitahol na parang aso,
At nililigid ang bayan.
7 Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig;
(U)Mga tabak ay nangasa kanilang mga labi:
Sapagka't (V)sino, sabi nila, ang nakikinig?
8 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, (W)tatawa sa kanila;
Iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita;
(X)Sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.
10 (Y)Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin:
Ipakikita ng Dios (Z)sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.
11 (AA)Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
Pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
Oh Panginoon na kalasag namin.
12 (AB)Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
Makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan,
At dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.
13 (AC)Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala:
At (AD)ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob,
Hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso,
At libutin nila ang bayan.
15 (AE)Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain,
At maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.
16 Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan;
Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan:
Sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog,
At kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.
17 Sa iyo, Oh (AF)kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri:
Sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978