Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
2 Samuel 18

Nagtagumpay si David laban kay Absalom.

18 At binilang ni David ang bayan na kasama niya, at naglagay ng mga puno ng mga libolibo, at puno ng mga daandaan sa kanila.

At pinayaon ni David ang bayan, ang isang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Joab, (A)at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, at ang ikatlong bahagi ay nasa kamay ni Ittai na Getheo. At sinabi ng hari sa bayan, (B)Walang pagsalang ako'y lalabas na kasama ninyo.

Nguni't sinabi (C)ng bayan, Huwag kang lalabas: sapagka't kung kami man ay tumakas, ay hindi nila kami aalumanahin, o kung ang kalahati man namin ay mamatay, ay hindi nila kami aalumanahin: nguni't ikaw ay may halagang sangpung libo sa amin: kaya't ngayo'y lalong maigi na ikaw ay maghanda na iyong saklolohan kami mula sa bayan.

At sinabi ng hari sa kanila, Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin. At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, at ang buong bayan ay lumabas na daan daan at libolibo.

At ang hari ay nagutos kay Joab at kay Abisai, at kay Ittai, na nagsasabi, Inyong gamitan ng kaawaan, alangalang sa akin, ang binata, sa makatuwid baga'y si Absalom. At narinig ng buong bayan nang ipagbilin ng hari sa lahat ng punong kawal ang tungkol kay Absalom.

Sa gayo'y lumabas ang bayan sa parang laban sa Israel; at ang pagbabaka ay nasa (D)gubat ng Ephraim.

At ang bayan ng Israel ay nasaktan doon sa harap ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na yaon, na may dalawang pung libong lalake.

Sapagka't doon ang pagbabaka ay nakalat sa ibabaw ng buong lupain: at ang gubat ay lumamon ng higit na bayan sa araw na yaon kay sa nilamon ng tabak.

At nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. At si Absalom ay nakasakay sa kaniyang mula, at ang mula ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina, at ang kaniyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y nabitin; at ang mula na nasa ilalim niya ay nagpatuloy.

10 At nakita siya ng isang lalake at isinaysay kay Joab, at sinabi, Narito, aking nakita si Absalom na nakabitin sa isang ensina.

11 At sinabi ni Joab sa lalaking nagsaysay sa kaniya, At, narito, iyong nakita, at bakit hindi mo sinaktan doon sa lupa? at nabigyan sana kita ng sangpung putol na pilak, at isang (E)pamigkis.

12 At sinabi ng lalake kay Joab, Bagaman ako'y tatanggap ng isang libong putol na pilak sa aking kamay, gayon ma'y hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari: (F)sapagka't sa aming pakinig ay ibinilin ng hari sa iyo, at kay Abisai, at kay Ittai, na sinabi, Ingatan ninyo na huwag galawin ninoman ang binatang si Absalom.

13 Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng paglililo laban sa kaniyang buhay (at walang bagay na makukubli sa hari,) ikaw man sa iyong sarili ay mananayong laban sa akin.

14 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, Hindi ako makatitigil ng ganito sa iyo. At siya'y kumuha ng tatlong pana sa kaniyang kamay at pinalagpas sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buhay pa sa gitna ng ensina.

15 At sangpung bataan na tagadala ng sandata ni Joab ay kumubkob at sinaktan si Absalom, at pinatay siya.

16 At hinipan ni Joab ang pakakak, at ang bayan ay bumalik na mula sa paghabol sa Israel: sapagka't pinigil ni Joab ang bayan.

17 At kanilang kinuha si Absalom at inihagis nila siya sa malaking hukay sa gubat, at (G)tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato: at ang buong Israel ay (H)tumakas bawa't isa sa kaniyang tolda.

18 Si Absalom nga sa kaniyang kabuhayan ay nagpasiya at nagtayo sa ganang kaniya ng (I)haligi, na pinaka alaala, na nasa (J)libis ng hari: sapagka't kaniyang sinasabi, (K)Wala akong anak na magiingat ng alaala ng aking pangalan: at kaniyang tinawag ang haligi ng ayon sa kaniyang sariling pangalan: at tinawag na monumento ni Absalom, hanggang sa araw na ito.

Nagpadala ng sugo kay David.

19 Nang magkagayo'y sinabi ni (L)Ahimaas na anak ni Sadoc, Patakbuhin mo ako ngayon, at magdala ng balita sa hari, kung paanong iginanti siya ng Panginoon sa kaniyang kaaway.

20 At sinabi ni Joab sa kaniya, Hindi ka magiging tagapagdala ng balita sa araw na ito: kundi magdadala ka ng balita sa ibang araw: nguni't sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagka't ang anak ng hari ay namatay.

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, Yumaon ka na saysayin mo sa hari kung ano ang iyong nakita. At ang Cusita ay yumukod kay Joab, at tumakbo.

22 Nang magkagayo'y nagsabi pa uli si Ahimaas na anak ni Sadoc kay Joab, Nguni't sa anomang kahinatnan, isinasamo ko sa iyo, na ako naman ay iyong patakbuhin na kasunod ng Cusita. At sinabi ni Joab, Bakit tatakbo ka, anak ko, dangang wala kang mapapala ng dahil sa balita?

23 Nguni't sa anomang kahinatnan, ako'y tatakbo. At sinabi niya sa kaniya, Tumakbo ka. Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaas sa daan (M)ng kapatagan, at inunahan ang Cusita.

24 Si David nga ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan: (N)at ang bantay ay sumampa sa ibabaw ng pintuang-bayan, sa kuta, at itinanaw ang kaniyang mga mata, at tumingin, at narito, isang lalake ay tumatakbong nagiisa.

25 At sumigaw ang bantay, at isinaysay sa hari. At sinabi ng hari, Kung siya'y nagiisa, may balita sa kaniyang bibig. At siya'y nagpatuloy at lumapit.

26 At ang bantay ay nakakita ng ibang lalake na tumatakbo at tinawag ng bantay ang tanod-pinto, at sinabi, Narito, may ibang lalake na tumatakbong nagiisa. At sinabi ng hari, Siya'y may dala ring balita.

27 At sinabi ng bantay, Inaakala ko na ang takbo ng una ay (O)gaya ng takbo ni Ahimaas na anak ni Sadoc. At sinabi ng hari, Siya'y mabuting (P)lalake at napariritong may mabuting balita.

Ang kamatayan ni Absalom ay sinaysay kay David.

28 At tumawag si Ahimaas at nagsabi sa hari, Lahat ay mabuti. At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, Purihin ang Panginoon mong Dios, na (Q)nagbigay ng mga lalaking nagsipagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoon na hari.

29 At sinabi ng hari, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot si Ahimaas. Nang suguin ni Joab, ang lingkod ng hari, sa makatuwid baga'y ako na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking pagkakagulo, nguni't hindi ko nalalaman kung ano.

30 At sinabi ng hari, Pumihit ka, at tumayo ka rito. At siya'y pumihit at tumayo.

31 At, narito, ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, Balita sa aking panginoon na hari: sapagka't iginanti ka ng Panginoon sa araw na ito doon sa lahat na nagsibangon laban sa iyo.

32 At sinabi ng hari sa Cusita, Ligtas ba ang binatang si Absalom? At sumagot ang Cusita, Ang mga (R)kaaway ng aking panginoon na hari, at yaong lahat na nagsibangon laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng binatang yaon.

33 At ang hari ay nagulumihanan, at sumampa sa silid na nasa ibabaw ng pintuang bayan, at umiyak: at habang siya'y yumayaon, ganito ang sinasabi niya, (S)Oh anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Mano nawa'y ako ang namatay na kahalili mo, Oh Absalom, anak ko, anak ko!

2 Corinto 11

11 Kahimanawari'y mapagtiisan ninyo (A)ako sa kaunting kamangmangan: nguni't tunay na ako'y inyong pinagtitiisan.

Sapagka't ako'y (B)naninibugho tungkol sa inyo ng panibughong ukol sa Dios: sapagka't kayo'y aking pinapagasawa sa isa, upang kayo'y maiharap ko kay Cristo na (C)tulad sa dalagang malinis.

Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, (D)kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.

Sapagka't kung (E)yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o (F)ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.

Sapagka't inaakala kong (G)sa anoman ay hindi ako huli sa lubhang mga dakilang apostol.

Datapuwa't bagaman (H)ako ay magaspang sa pananalita, gayon ma'y hindi ako (I)sa kaalaman; hindi, kundi (J)sa lahat ng paraan ay ipinahayag namin ito sa inyo.

Ako nga baga'y nagkasala (K)sa pagpapakababa ko sa aking sarili, upang kayo'y mangataas dahil sa ipinangaral ko (L)sa inyo na walang bayad ang evangelio ng Dios?

Aking sinamsaman ang ibang mga iglesia, sa pagtanggap ko ng upa sa kanila, upang ipangasiwa ko sa inyo;

At pagka ako'y kaharap ninyo at ako'y nagkukulang ng ikabubuhay, ako'y hindi naging pasan (M)sa kanino man; sapagka't mga kapatid nang sila'y manggaling sa Macedonia (N)ay tumakip ng aming pangangailangan; at sa lahat ng mga bagay ay pinagingatan kong huwag maging pasanin ninyo, at magiingat nga ako.

10 Kung paanong nasa akin ang katotohanan ni Cristo, sinoman ay hindi makapipigil sa akin sa pagmamapuring ito sa mga dako ng Acaya.

11 Bakit? (O)sapagka't hindi ko baga kayo iniibig? Nalalaman ng Dios.

12 Datapuwa't ang aking ginagawa ay siya kong gagawin, (P)upang maputol ko ang kadahilanan sa mga nagnanasa ng kadahilanan; upang sa anomang ipinagmamapuri nila ay mangasumpungan sila na gaya namin.

13 Sapagka't ang mga gayong tao (Q)ay mga bulaang apostol, mga magdarayang (R)manggagawa, na nangagpapakunwaring mga apostol ni Cristo.

14 At hindi katakataka: sapagka't si Satanas (S)man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan.

15 Hindi malaking bagay nga na ang kaniyang mga ministro naman ay magpakunwari na waring (T)ministro ng katuwiran; (U)na ang kanilang wakas ay masasangayon sa kanilang mga gawa.

16 Muling sinasabi ko, (V)Huwag isipin ng sinoman na ako'y mangmang; nguni't kung gayon, gayon ma'y tanggapin ninyo akong gaya ng isang mangmang, upang ako naman ay makapagmapuri ng kaunti.

17 Ang ipinangungusap ko ay (W)hindi ko ipinangungusap ayon sa Panginoon, kundi gaya ng sa kamangmangan, sa pagkakatiwalang ito sa pagmamapuri.

18 Yamang maraming nagmamapuri ayon sa laman, ako nama'y magmamapuri.

19 Sapagka't pinagtitiisan ninyo na (X)may kasayahan ang mga mangmang, palibhasa'y marurunong kayo.

20 Sapagka't inyong pinagtitiisan ang sinoman, (Y)kung kayo'y inaalipin, kung kayo'y sinasakmal, kung kayo'y binibihag, kung siya'y nagpapalalo, kung kayo'y sinasampal sa mukha.

21 Sinasalita ko ang tungkol sa kapulaan, na wari ay naging mahina kami. Nguni't kung ang sinoman ay matapang sa anoman (nangungusap ako sa kamangmangan), ako'y matapang din naman.

22 Sila baga'y mga Hebreo? (Z)ako man. Sila baga'y mga (AA)Israelita? ako man. Sila baga'y binhi ni Abraham? ako man.

23 Sila baga'y mga (AB)ministro ni Cristo? (ako'y nangungusap na waring nasisira ang bait) lalo pa ako; (AC)sa pagpapagal ako'y lubhang sagana, sa mga bilangguan ay lubhang madalas, (AD)sa mga palo ay walang bilang, sa mga ikamamatay ay malimit.

24 Sa mga Judio ay makalimang tumanggap ako ng tigaapat na pung palo, kulang ng isa.

25 Makaitlong ako'y hinampas ng mga panghampas, (AE)minsan ako'y binato, makaitlong ako'y nabagbag, isang araw at isang gabi na ako'y nasa kalaliman ng dagat;

26 Sa mga paglalakbay ay madalas, sa mga kapanganiban sa mga ilog, sa mga kapanganiban sa mga tulisan, sa mga (AF)kapanganiban sa aking mga kababayan, sa mga (AG)kapanganiban sa mga Gentil, sa mga kapanganiban (AH)sa bayan, sa mga kapanganiban sa mga ilang, sa mga kapanganiban sa dagat, sa mga kapanganiban sa gitna ng mga (AI)bulaang kapatid;

27 Sa pagpapagal at sa pagdaramdam, sa mga pagpupuyat ay madalas, sa gutom at uhaw, mga pagaayuno ay madalas, sa ginaw at kahubaran.

28 Bukod sa mga bagay na yaon, ay may umiinis sa akin sa araw-araw, ang (AJ)kabalisahan dahil sa lahat ng mga iglesia.

29 Sino ang nanghina, (AK)at ako'y hindi nanghina? Sino ang napapatisod, at ako'y di nagdaramdam?

30 Kung kinakailangang ako'y magmapuri, (AL)ako'y magmamapuri sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.

31 (AM)Ang Dios at Ama ng Panginoong Jesus, na mapalad magpakailan pa man, ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.

32 Sa Damasco ay binantayan (AN)ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang bayan ng mga taga Damasco, upang ako'y hulihin:

33 At sa isang dungawan, ay napahugos ako sa kuta, sa isang balaong, at ako'y nakatanan sa kanilang mga kamay.

Ezekiel 25

Mga hula laban sa Ammon, sa Moab, sa Edom, at sa Filisteo.

25 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, ititig mo ang iyong mukha (A)sa mga anak ni Ammon, at manghula ka laban sa kanila:

At sabihin mo sa mga anak ni Ammon, Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Dios: Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't iyong sinabi, Aha, laban sa aking santuario, nang (B)malapastangan; at laban sa lupain ng Israel, nang masira; at laban sa sangbahayan ni Juda, nang sila'y pumasok sa pagkabihag:

Kaya't narito, aking ibibigay ka sa (C)mga anak ng silanganan na pinakaari, at kanilang itatayo ang kanilang mga kampamento sa iyo, at magsisigawa ng kanilang mga tahanan sa iyo; kanilang kakanin ang iyong bunga ng kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.

At aking gagawin ang (D)Raba na pinaka silungan ng mga kamello, at ang mga anak ni Ammon na pinakapahingahang dako ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't pumakpak ka ng iyong mga kamay, at tumadyak ka ng mga paa, at nagalak ka ng buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel;

Kaya't narito, aking iniunat ang aking kamay sa iyo, at ibibigay kita (E)na pinakasamsam sa mga bansa; at ihihiwalay kita sa mga bayan, at ipalilipol kita sa mga lupain: aking ibubuwal ka; at iyong malalaman na ako ang Panginoon.

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang (F)Moab at ang (G)Seir ay nagsasabi, Narito, ang sangbahayan ni Juda ay gaya ng lahat na bansa;

Kaya't, narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan, mula sa kaniyang mga bayan na nangasa kaniyang mga hangganan, na kaluwalhatian ng lupain, ang (H)Beth-jesimoth, ang (I)Baal-meon, at ang (J)Chiriathaim.

10 Hanggang sa mga anak ng silanganan, upang magsiparoon laban sa mga anak ni Ammon; at aking ibibigay sa kanila na pinakaari, upang ang mga anak ni Ammon ay huwag ng mangaalaala sa gitna ng mga bansa:

11 At ako'y maglalapat ng kahatulan sa Moab: at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

12 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Sapagka't ang (K)Edom ay gumawa ng laban sa sangbahayan ni Juda sa panghihiganti, at nagalit na mainam, at nanghiganti sa kanila;

13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Aking iuunat ang aking kamay laban sa Edom, at aking ihihiwalay ang tao at hayop doon; at aking gagawing sira (L)mula sa Teman; hanggang sa (M)Dedan nga ay mabubuwal sila sa pamamagitan ng tabak.

14 At (N)aking isasagawa ang aking panghihiganti sa Edom, sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel; at kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking kapusukan; at kanilang malalaman ang aking panghihiganti, sabi ng Panginoong Dios.

15 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang mga (O)Filisteo ay gumawa ng panghihiganti, at nanghiganti na may kapootan ng loob upang magpahamak ng pakikipagkaalit na magpakailan man;

16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Narito, aking iuunat ang aking kamay sa mga Filisteo, at aking ihihiwalay ang mga (P)Ceretheo, at ipapahamak ko ang labi sa baybayin ng dagat.

17 At ako'y gagawa ng malaking panghihiganti sa kanila na may malupit na mga pagsaway; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon, pagka aking isinagawa ang aking panghihiganti sa kanila.

Mga Awit 73

IKATLONG AKLAT

Ang katapusan ng matuwid at masama ay pinagparis. Awit ni Asaph.

73 Tunay na ang Dios ay mabuti sa Israel.
Sa mga malilinis sa puso.
Nguni't tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos nahiwalay:
Ang mga hakbang ko'y kamunti nang nangadulas.
(A)Sapagka't ako'y nanaghili sa hambog,
Nang aking makita ang kaginhawahan ng masama.
Sapagka't walang mga tali sa kanilang kamatayan:
Kundi ang kanilang kalakasan ay (B)matatag.
Sila'y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao;
Na hindi man sila nangasasalot na gaya ng ibang mga tao.
Kaya't kapalalua'y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg:
Tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan.
Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan:
Sila'y mayroong higit kay sa mananasa ng puso.
Sila'y manganunuya, at sa kasamaan ay nanunungayaw ng pagpighati:
(C)Sila'y nangagsasalitang may kataasan.
Kanilang inilagay ang kanilang bibig sa mga langit,
At ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa.
10 Kaya't ibinabalik dito ang kaniyang bayan:
At tubig ng punong saro ay nilalagok nila.
11 At kanilang sinasabi, (D)Paanong nalalaman ng Dios?
At may kaalaman ba sa Kataastaasan?
12 Narito, ang mga ito ang masama;
(E)At palibhasa'y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan,
13 (F)Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso,
(G)At hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala;
14 Sapagka't buong araw ay nasalot ako,
At naparusahan tuwing umaga.
15 Kung aking sinabi, Ako'y magsasalita ng ganito;
Narito, ako'y gagawang may karayaan sa lahi ng iyong mga anak.
16 Nang aking isipin kung paanong aking malalaman ito,
Ay napakahirap sa ganang akin;
17 Hanggang (H)sa ako'y pumasok sa santuario ng Dios,
At aking nagunita (I)ang kanilang huling wakas,
18 Tunay na iyong inilagay (J)sila sa mga madulas na dako:
Iyong inilugmok sila sa kapahamakan.
19 Kung paanong naging kapahamakan sila sa isang sandali!
Sila'y nilipol na lubos ng mga kakilabutan.
20 (K)Ang panaginip sa pagkagising:
Sa gayon, Oh Panginoon, (L)pag gumising ka, iyong hahamakin ang kanilang larawan.
21 Sapagka't ang puso ko'y namanglaw,
At sa aking kalooban ay nasaktan ako:
22 (M)Sa gayo'y naging walang muwang ako, at musmos;
Ako'y naging gaya ng hayop sa harap mo.
23 Gayon ma'y laging sumasaiyo ako:
Iyong inalalayan ang aking kanan.
24 (N)Iyong papatnubayan ako ng iyong payo,
At (O)pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian.
25 (P)Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw?
At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo.
26 (Q)Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay:
Nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at (R)bahagi ko magpakailan man.
27 Sapagka't narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol:
Iyong ibinuwal silang lahat, (S)na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo.
28 Nguni't mabuti sa akin (T)na lumapit sa Dios;
Ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios,
(U)Upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978