Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Hukom 20

Ang bayan ay nagpasiyang parusahan ang mga makasalanan.

20 Nang magkagayo'y lumabas ang (A)lahat ng mga anak ni Israel, at ang kapisanan ay nagpisang gaya ng isang tao sa Panginoon (B)sa Mizpa, mula sa (C)Dan hanggang sa Beer-seba, na kalakip ng lupain ng Galaad.

At nagsiharap ang mga (D)pinuno ng buong bayan, sa makatuwid baga'y ng lahat ng mga lipi ng Israel, sa kapulungan ng bayan ng Dios, na apat na raang libong lalake na (E)humahawak ng tabak.

(Nabalitaan nga ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, Saysayin ninyo sa amin kung bakit ang kasamaang ito ay nangyari?

(F)At ang Levita, ang asawa ng babaing pinatay, ay sumagot at kaniyang sinabi, Ako'y naparoon sa Gabaa na ukol sa Benjamin, ako at ang aking babae upang tumigil.

(G)At bumangon ang mga lalake sa Gabaa laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan; ako'y kanilang pinagakalaang patayin, at kanilang dinahas ang aking babae, at siya'y namatay.

At aking (H)kinuha ang aking babae, at aking pinagputolputol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel: sapagka't sila'y nagkasala ng kalibugan at ng kaululan sa Israel.

Narito, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, (I)ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya.

At ang buong bayan ay bumangong parang isang tao, na nagsasabi, Hindi na babalik ang sinoman sa amin sa kaniyang tolda, ni uuwi man ang sinoman sa amin sa kaniyang bahay.

Kundi ngayo'y ito ang bagay na aming gagawin sa Gabaa; magsisiahon kami laban sa kaniya na aming (J)pagsasapalaran;

10 At magsisikuha kami ng sangpung lalake sa isang daan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isang daan sa isang libo, at isang libo sa sangpung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang bayan, upang kanilang gawin pagparoon nila sa Gabaa ng Benjamin ang ayon sa buong kaululang kanilang ginawa sa Israel.

11 Sa gayo'y nagpipisan ang lahat ng mga lalake ng Israel laban sa bayang yaon, na nagtibay na magkakapisang parang isang tao.

12 (K)At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalake sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo?

13 Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalake, ang mga hamak na tao, na nasa Gabaa, upang aming patayin sila, (L)at alisin ang kasamaan sa Israel. Nguni't hindi dininig ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.

14 At nagpisan ang mga anak ni Benjamin sa mga bayang patungo sa Gabaa, upang lumabas na makibaka laban sa mga anak ni Israel.

15 At ang mga anak ni Benjamin ay binilang nang araw na yaon sa mga bayan, na (M)dalawang pu't anim na libong lalake na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga tumatahan sa Gabaa na binilang, na pitong daang piling lalake.

16 Sa kabuoan ng bayang ito ay may pitong daang piling lalake (N)na kaliwete: na bawa't isa'y nakapagpapahilagpos ng pagpapatama ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.

17 At binilang ang mga lalake sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay (O)apat na raang libong lalake na humahawak ng tabak: lahat ng mga ito ay mga lalaking mangdidigma.

18 At bumangon ang mga anak ni Israel, at (P)nagsiahon sa Beth-el upang (Q)sumangguni sa Dios; at kanilang sinabi, Sino ang unang aahon sa amin upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin? At sinabi ng Panginoon, Ang Juda ang unang aahon.

19 At nagsibangon ang mga anak ni Israel sa kinaumagahan, at humantong laban sa Gabaa.

20 At lumabas ang mga lalake ng Israel upang makibaka laban sa Benjamin; at humanay ang mga lalake ng Israel sa Gabaa, sa pakikibaka laban sa kanila.

21 At lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gabaa at ibinuwal sa lupa sa mga Israelita sa araw na yaon ay dalawang pu't dalawang libong lalake.

22 At ang bayan, ang mga lalake ng Israel, ay nagpakatapang, at humanay uli sa pakikibaka sa dakong kanilang hinanayan nang unang araw.

23 At nagsiahon ang (R)mga anak ni Israel, at nagsiiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan; at sila'y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi, Lalapit ba uli ako upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid? At sinabi ng Panginoon. Umahon ka laban sa kanila.

24 At lumapit uli ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.

25 At lumabas ang sa Benjamin sa Gabaa laban sa kanila nang ikalawang araw, at nabuwal uli sa lupa sa mga anak ni Israel ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay humahawak ng tabak.

26 Nang magkagayo'y nagsiahon ang lahat ng mga anak ni Israel, at ang buong bayan, at nagsiparoon sa Bethel, at nagsiiyak, at nagsiupo roon sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon hanggang sa kinahapunan; at sila'y naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.

27 At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (S)(sapagka't ang kaban ng tipan ng Dios ay nandoon nang mga araw na yaon,

28 At si (T)Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, ay (U)tumayo sa harap niyaon nang mga araw na yaon,) na sinasabi, Lalabas ba ako uli upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o magtitigil ako? At sinabi ng Panginoon, Umahon ka; sapagka't bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.

29 At bumakay ang (V)Israel laban sa Gabaa, sa buong palibot.

30 At nagsiahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gabaa, gaya ng dati.

31 At ang mga anak ni Benjamin ay nagsilabas laban sa bayan, na ipinalayo sa bayan; at kanilang pinasimulang (W)sinaktan at pinatay ang bayan gaya ng dati, sa mga lansangan, na ang isa'y umahon sa Beth-el, at ang isa'y sa Gabaa, sa bukid, na may tatlong pung lalake ng Israel.

32 At sinabi ng mga anak ni Benjamin, Sila'y nangasaktan sa harap natin, (X)gaya ng una. Nguni't sinabi ng mga anak ni Israel, Tayo'y tumakas, at palabasin natin sila mula sa bayan hanggang sa mga lansangan.

33 At lahat ng mga lalake sa Israel ay bumangon sa kanilang dako, at nagsihanay sa Baal-tamar: at ang mga bakay ng Israel ay nagsilabas mula sa kanilang dako, sa makatuwid baga'y mula sa Maare-Gabaa.

34 At nagsidating laban sa Gabaa ang sangpung libong piling lalake sa buong Israel, at ang pagbabaka ay lumala: nguni't hindi nila naalaman na ang kasamaan ay malapit na sa kanila.

35 At sinaktan ng Panginoon ang Benjamin sa harap ng Israel: at pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na yaon ay dalawang pu't limang libo at isang daang lalake: lahat ng mga ito'y humahawak ng tabak.

Ang Benjamin ay tinalo.

36 Sa gayo'y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila'y nasaktan: sapagka't binigyang kaluwagan ng mga lalake ng Israel ang Benjamin, sapagka't sila'y umaasa sa mga bakay na kanilang inilagay laban sa Gabaa.

37 At nangagmadali ang mga (Y)bakay at nagsidaluhong sa Gabaa, at nangagpatuloy ang mga bakay, at sinugatan ang buong bayan ng talim ng tabak.

38 Nagkaroon nga ng palatandaan ang mga anak ng Israel at ang mga bakay, na sila'y gagawa ng alapaap na usok na pauusukin mula sa bayan.

39 At nang ang (Z)mga lalake ng Israel ay nagsipihit mula sa pagbabaka, at pinasimulang sinaktan at pinatay ng Benjamin ang mga lalake ng Israel na may tatlong pung lalake: sapagka't kanilang sinabi, Walang pagsalang sila'y nasaktan sa harap natin gaya ng unang pagbabaka.

40 Nguni't nang ang (AA)alapaap ay magpasimulang umilanglang mula sa bayan, sa isang haliging usok, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran, (AB)at, narito, ang apoy ng buong bayan ay napaiilanglang sa langit.

41 At nangagbalik ang mga lalake ng Israel, at ang mga lalake ng Benjamin ay nangabalisa: sapagka't kanilang nakita na ang kasamaan ay dumating sa kanila.

42 Kaya't kanilang itinalikod ang kanilang likod sa harap ng mga lalake ng Israel, na nangagsitungo sa (AC)ilang; nguni't hinabol silang mainam ng pakikibaka; at yaong nangagsilabas sa mga bayan, ay nagsilipol sa kanila sa gitna ng ilang.

43 Kanilang kinubkob ang mga Benjamita sa palibot, at kanilang hinabol, at kanilang inabutan sa pahingahang dako hanggang sa tapat ng Gabaa, sa dakong sinisikatan ng araw.

44 At nabuwal sa Benjamin, ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.

45 At sila'y nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato sa (AD)Rimmon. At (AE)hinabol nila sa mga lansangan ang limang libong lalake; at hinabol silang mainam hanggang sa Gidom, at pumatay sa kanila ng dalawang libong lalake.

46 Na ano pa't lahat na nabuwal nang araw na yaon sa Benjamin ay dalawang pu't limang libong lalake na humawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.

47 Nguni't (AF)anim na raang lalake ay nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato ng Rimmon, at nagsitahan sa malaking bato ng Rimmon na apat na buwan.

48 At binalikan ng mga lalake ng Israel ang mga anak ni Benjamin, at sinugatan nila ng talim ng tabak, ang buong bayan, at gayon din ang kawan, at yaong lahat na kanilang nasumpungan: bukod dito'y yaong lahat ng mga bayan na kanilang nasumpungan ay kanilang sinilaban.

Mga Gawa 24

24 At pagkaraan ng limang araw ay lumusong ang pangulong saserdoteng si (A)Ananias na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulo na mananalumpati; at sila'y nangagbigay-alam sa gobernador laban kay Pablo.

At nang siya'y tawagin, si Tertulo ay nagpasimulang isakdal siya, na sinasabi,

Yamang dahil sa iyo'y nangagtatamo kami ng malaking kapayapaan, at sa iyong kalinga ay napawi sa bansang ito ang mga kasamaan,

Ay tinatanggap namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, kagalanggalang na Felix, ng buong pagpapasalamat.

Datapuwa't, nang huwag akong makabagabag pa sa iyo, ay ipinamamanhik ko sa iyo na pakinggan mo kami sa iyong kagandahang loob sa ilang mga salita.

Sapagka't nangasumpungan namin (B)ang taong ito'y isang taong mapangulo at mapagbangon ng mga paghihimagsik sa gitna ng lahat ng mga Judio sa buong sanglibutan, at namiminuno sa sekta ng mga Nazareno:

Na kaniya (C)rin namang pinagsisikapang lapastanganin ang templo: na siya ring dahil ng aming inihuli:[a](D)(E)

Na mapagtatalastas mo, sa iyong pagsisiyasat sa kaniya, ang lahat ng mga bagay na ito na laban sa kaniya'y isinasakdal namin.

At nakianib naman ang mga Judio sa pagsasakdal, na pinatutunayan na ang mga bagay na ito'y gayon nga.

10 At nang siya'y mahudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot,

Yamang nalalaman ko na ikaw ay hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masiglang gagawin ko ang aking pagsasanggalang:

11 Sapagka't napagtatalastas mo na (F)wala pang labingdalawang araw buhat nang ako'y umahon sa Jerusalem upang sumamba:

12 At ni hindi nila ako nasumpungan sa (G)templo na nakikipagtalo sa kanino man o kaya'y nanggugulo sa karamihan, ni sa mga sinagoga, ni sa bayan.

13 Ni hindi rin mapatutunayan nila sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang isinasakdal laban sa akin.

14 Nguni't ito ang ipinahahayag ko sa iyo, na ayon sa Daan na kanilang tinatawag na sekta, ay gayon ang paglilingkod ko sa Dios ng aming mga magulang, na sinasampalatayanan ang lahat ng mga bagay na alinsunod sa kautusan, at nangasusulat sa mga propeta;

15 Na may pagasa sa Dios, na siya rin namang hinihintay nila, na magkakaroon (H)ng pagkabuhay na maguli ng mga ganap at gayon din ng mga di ganap.

16 Na dahil nga rito'y lagi rin (I)akong nagsasanay upang magkaroon ng isang budhing walang kapaslangan sa Dios at sa mga tao.

17 At nang makaraan nga (J)ang ilang mga taon ay (K)naparito ako upang magdala ng mga limos sa aking bansa, at ng mga hain:

18 Na ganito nila ako nasumpungang (L)pinalinis sa templo, na walang kasamang karamihan, ni wala ring kaguluhan: datapuwa't mayroon doong ilang mga Judiong galing sa Asia—

19 Na dapat magsiparito sa harapan mo, at mangagsakdal, kung may anomang laban sa akin.

20 O kaya'y ang mga tao ring ito ang mangagsabi kung anong masamang gawa ang nasumpungan nila (M)nang ako'y nakatayo sa harapan ng Sanedrin,

21 Maliban na sa isang tinig na ito na (N)aking isinigaw nang nakatayo sa gitna nila, Tungkol sa pagkabuhay na maguli ng mga patay ako'y pinaghahatulan sa harapan ninyo sa araw na ito.

22 Datapuwa't si Felix, na may lalong ganap nang pagkatalastas tungkol (O)sa Daan, ay ipinagpaliban sila, na sinasabi, Paglusong ni (P)Lisias na pangulong kapitan, ay pasisiyahan ko ang inyong usap.

23 At iniutos niya sa senturion na siya'y tanuran at siya'y pagbigyang-loob; at (Q)huwag ipagbawal sa kanino mang mga kaibigan niya na siya'y paglingkuran.

24 Datapuwa't nang makaraan ang ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila, na kaniyang asawa, na isang Judia, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggan tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.

25 At samantalang siya'y nagsasalaysay tungkol sa katuwiran, at sa sariling pagpipigil, at sa paghuhukom na darating, ay nangilabot si Felix, at sumagot, Ngayo'y humayo ka; at (R)pagkakaroon ko ng kaukulang panahon ay ipatatawag kita.

26 Kaniyang inaasahan din naman na siya'y bibigyan ni Pablo ng (S)salapi: kaya naman lalong madalas na ipinatatawag siya, at sa kaniya'y nakikipagusap.

27 Datapuwa't nang maganap ang dalawang taon, si Felix ay hinalinhan ni Porcio Festo; at sa pagkaibig ni Felix (T)na siya'y kalugdan ng mga Judio, ay pinabayaan sa mga tanikala si Pablo.

Jeremias 34

Si Sedechias ay pinagsabihan ng pagkabagsak ng Jerusalem.

34 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, nang (A)si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang buo niyang hukbo, at ang (B)lahat na kaharian sa lupa na nangasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan, at ang lahat na bayan, ay nakipagbaka laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga bayan niyaon, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Sedechias na hari sa Juda, at iyong saysayin sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang susunugin ng apoy:

At ikaw ay hindi makatatanan sa kaniyang kamay, kundi tunay na (C)mahuhuli ka, at mabibigay sa kaniyang kamay; at ang iyong mga mata ay titingin sa mga mata ng hari sa Babilonia, at siya'y makikipagsalitaan sa iyo ng bibig at ikaw ay mapaparoon sa Babilonia.

Gayon ma'y iyong pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh Sedechias na hari sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo, Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak;

Ikaw ay mamamatay sa kapayapaan; at ayon (D)sa pagsusunog ng kamangyan ng iyong mga magulang na mga unang hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo; at kanilang tataghuyan (E)ka, na magsasabi, Ah Panginoon! sapagka't aking sinalita ang salita, sabi ng Panginoon.

Nang magkagayo'y sinalita ni Jeremias na propeta ang lahat ng salitang ito kay Sedechias na hari sa Juda sa Jerusalem,

Nang lumaban ang hukbo ng hari sa Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat na bayan ng Juda na nalabi, laban sa Lechis at laban sa Azeca; sapagka't ang mga ito lamang ang nalalabi (F)na mga bayan ng Juda na mga bayang (G)nakukutaan.

Ang pagsuway sa pananampalataya tungkol sa mga aliping Hebreo.

Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan ang haring Sedechias, sa buong bayan na nasa Jerusalem (H)upang magtanyag ng kalayaan sa kanila;

(I)Na papaging layain ng bawa't isa ang kaniyang aliping lalake, at ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae, na Hebreo o Hebrea; (J)na walang paglilingkuran sila, sa makatuwid baga'y ang Judio na kaniyang kapatid.

10 At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagsitalima, na nasok sa tipan, na bawa't isa'y palalayain ang kaniyang aliping lalake, at palalayain ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae, na wala nang paglilingkuran pa sila; sila'y nagsitalima, at kanilang pinayaon sila:

11 Nguni't pagkatapos ay nangagbalik sila, at pinapagbalik ang mga aliping lalake at babae na kanilang pinapaging laya, at kanilang dinala sa ilalim ng pagkaaliping lalake at babae.

12 Kaya't ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi:

13 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ako'y nakipagtipan sa inyong mga magulang sa araw na aking inilabas (K)sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na aking sinasabi,

14 Sa katapusan ng pitong taon (L)ay payayaunin ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang kapatid na Hebreo, na naipagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo na anim na taon, at iyong palalayain sa iyo: nguni't ang iyong mga magulang ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pakinig.

15 At ngayo'y nanumbalik kayo, at nagsigawa ng matuwid sa aking mga mata sa pagtatanyag ng kalayaan ng bawa't tao sa kaniyang kapuwa; at kayo'y (M)nakipagtipan sa harap ko sa bahay na tinawag sa aking pangalan:

16 Nguni't kayo'y tumalikod at inyong nilapastangan ang aking pangalan, at pinabalik ng bawa't isa ang kaniyang aliping lalake, at ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae na inyong pinapaging laya (N)sa kanilang ikaliligaya; at inyong dinala sila sa pagkaalipin upang maging sa inyo'y mga aliping lalake at babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y hindi nangakinig sa akin, na magtanyag ng kalayaan bawa't isa sa kaniyang kapatid, at bawa't isa sa kaniyang kapuwa: (O)narito, ako'y nagtatanyag sa inyo ng kalayaan, sabi ng Panginoon, sa tabak, sa salot, o sa kagutom; at akin kayong ihahagis na paroo't parito sa lahat ng kaharian sa lupa.

18 At aking ibibigay ang mga tao na nagsisalangsang ng aking tipan, na hindi nagsitupad ng mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harap ko, (P)nang kanilang hatiin ang guya at mangagdaan sa pagitan ng mga bahagi niyaon;

19 Ang mga prinsipe sa Juda, at ang mga prinsipe sa Jerusalem, ang mga (Q)bating, at ang mga saserdote, at ang buong bayan ng lupain, na nagsidaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya;

20 Akin ngang ibibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay, at (R)ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

21 At si Sedechias na hari sa Juda at ang kaniyang mga prinsipe ay ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay at sa kamay ng hukbo ng hari sa Babilonia, (S)na umahon mula sa inyo.

22 Narito, ako'y maguutos, (T)sabi ng Panginoon, at akin silang pababalikin sa bayang ito; at sila'y magsisilaban dito, at sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy: at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na mawawalan ng mananahan.

Mga Awit 5-6

Panalangin upang ipag-adya sa masama. Sa Pangulong manunugtog; pati ng Nehiloth. Awit ni David.

Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon,
Pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.
Dinggin mo ang tinig ng aking daing, (A)Hari ko, at Dios ko;
Sapagka't (B)sa Iyo'y dumadalangin ako.
Oh Panginoon, (C)sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig;
Sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.
Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan:
Ang masama ay hindi tatahang kasama mo.
Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin:
Iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.
Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga (D)kabulaanan:
(E)Kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,
Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay;
(F)Sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.
(G)Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway;
Patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.
Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig;
Ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan;
Ang kanilang lalamunan ay bukas na (H)libingan;
Sila'y nanganunuya ng kanilang dila.
10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios;
Ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo:
Palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang;
Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,
11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo,
Pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila:
Mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.
12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid;
Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap (I)na gaya ng isang kalasag.

Panalangin sa paghingi ng tulong sa panahon ng bagabag. Sa Pangulong manunugtog; sa mga panugtog na kawad, itinugma sa Seminoth. Awit ni David.

Oh Panginoon, (J)huwag mo akong sawayin sa iyong galit,
(K)Ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
(L)Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka't ako'y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka't ang aking mga buto ay nagsisipangalog.
Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam:
At ikaw, Oh Panginoon, (M)hanggang kailan?
Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa:
Iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.
(N)Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo;
Sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?
Ako'y pagal ng aking pagdaing; Gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan;
Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.
(O)Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan;
Tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.
(P)Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan:
Sapagka't narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.
Narinig ng Panginoon ang aking pananaing;
Tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya, at mababagabag na mainam:
Sila'y magsisibalik, sila'y mangapapahiyang kagyat.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978