M’Cheyne Bible Reading Plan
34 Sinabi ni Yahweh kay Moises 2 ang mga tagubilin para sa bansang Israel, “Pagpasok ninyo sa Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang mga hangganan ng inyong nasasakupan ay ang mga ito: 3 Sa timog, ang ilang ng Zin na katapat ng Edom, ang dulo ng Dagat na Patay, 4 ang daan paakyat sa Acrabim, ang Zin hanggang sa timog ng Kades-barnea, ang Hazaradar at ang Azmon, 5 at ang Batis ng Egipto hanggang sa dagat.
6 “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo.
7 “Sa hilaga: ang bahagi ng Dagat Mediteraneo, ang Bundok ng Hor, 8 ang Hamat, ang Zedad; 9 at ang Zifron hanggang Hazar-enan.
10 “Sa silangan: mula sa Hazar-enan hanggang Sefam; 11 ang Ribla, gawing silangan ng Ayin, ang baybayin ng Lawa ng Cineret, 12 at ang Jordan hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang mga hangganan ng inyong lupain.”
13 Sinabi(A) (B) ni Moises sa mga Israelita, “Iyan ang lupaing ibibigay ni Yahweh sa siyam at kalahating lipi ng Israel; ang partihan ay dadaanin sa pamamagitan ng palabunutan. 14 Ang mga lipi ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay mayroon nang bahagi, at nahati na sa kani-kanilang sambahayan. 15 Ito ay nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico.”
Ang mga Namahala sa Paghahati ng Lupain
16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 17 “Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun ang mamamahala sa pagpaparte sa lupain. 18 Pumili ka rin ng isang pinuno sa bawat lipi para makatulong nila sa pagpaparte ng lupain.” 19-28 Ito ang mga pinuno na napili ni Yahweh:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Simeon | Selemuel na anak ni Amiud |
Benjamin | Elidad na anak ni Cislon |
Dan | Buqui na anak ni Jogli |
Manases | Haniel na anak ni Efod |
Efraim | Kemuel na anak ni Siftan |
Zebulun | Elisafan na anak ni Parnah |
Isacar | Paltiel na anak ni Azan |
Asher | Ahiud na anak ni Selomi |
Neftali | Pedael na anak ni Amiud |
29 Ang mga kalalakihang ito ang pinamahala ni Yahweh sa paghahati ng lupain ng Canaan na ibinigay niya sa Israel.
38 Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39 Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.
40 Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41 Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42 Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43 Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44 Yaong(A) mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45 Makapal(B) na mga langaw at palaka ang dumating,
nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46 Dumating(C) ang maninira sa taniman ng halaman,
mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47 Pati(D) tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48 Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49 Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
mga anghel ang gumanap ng parusang sunud-sunod.
50 Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51 Yaong(E) lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.
52 Tinipon(F) ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53 Inakay(G) nga at naligtas, kaya naman di natakot,
samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54 Inihatid(H) sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55 Itinaboy(I) niyang lahat ang naroong namamayan,
pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
56 Ngunit(J) sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57 katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58 Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59 Sumamâ ang loob niya noong ito ay mamasid,
itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60 Kaya't(K) kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61 Sagisag(L) ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62 Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63 Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64 Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
65 Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66 Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67 Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68 Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69 Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70 Ang(M) kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71 Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72 Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.
Awit ng Pagtitiwala kay Yahweh
26 Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag na ang ating lunsod;
si Yahweh ang magtatanggol sa atin
at magbibigay ng tagumpay.
2 Buksan ang pintuan,
at hayaang pumasok
ang matuwid na bansa na laging tapat.
3 Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
ang mga may matatag na paninindigan
at sa iyo'y nagtitiwala.
4 Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman,
sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
5 Ibinababâ niya ang mga nasa itaas;
ibinabagsak niya ang lunsod na kanilang tinitirhan;
hanggang maging alabok ang mga pader nito.
6 Ito'y tinapak-tapakan ng mga taong hinamak;
at ginagawang tuntungan ng mahihirap.”
7 Patag ang daan ng taong matuwid,
at ikaw, O Yahweh, ang dito'y pumatag.
8 Sinusunod namin ang mga kautusan mo;
ikaw lamang ang aming inaasahan.
9 Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa,
nangungulila sa iyo ang aking espiritu.
Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig,
malalaman nila kung ano ang matuwid.
10 Kahit mahabag ka sa taong masama,
hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat;
kahit na kasama siya ng bayang matuwid,
kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin.
11 Nagbabala(A) ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin.
Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa,
upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan.
12 Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan,
at anumang nagawa nami'y
dahil sa iyong kalooban.
13 O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna,
ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala!
14 Mga patay na sila at hindi na mabubuhay,
sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap,
hindi na sila maaalala kailanman.
15 Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh,
at pinalawak mo rin ang kanyang lupain.
Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan.
16 Hinanap ka nila sa gitna ng hirap,
nang parusahan mo'y ikaw ang tinawag.
17 Sa iyong harapan, katulad nami'y babaing manganganak,
na napapasigaw sa tindi ng hirap.
18 Matinding hirap ang aming dinanas,
ngunit ito'y nawalan ng kabuluhan,
wala kaming napagtagumpayang labanan,
at wala kaming anak na magmamana ng lupain.
19 Ngunit muling mabubuhay ang mga anak mong namatay,
mga bangkay ay gigising at aawit na may galak;
kung paanong ang hamog sa lupa ay nagpapasariwa,
ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay-buhay.
Ang Kahatulan at Panunumbalik
20 Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang,
isara ninyo ang mga pinto,
magtago kayo hanggang humupa ang galit ni Yahweh.
21 Sapagkat darating si Yahweh mula sa kalangitan,
upang parusahan ang mga tao sa daigdig dahil sa kanilang mga kasalanan.
Sa sandaling ito'y mahahayag ang mga lihim na pagpaslang
at mabubunyag pati ang kanilang libingan.
Makikilala ang Espiritung Mula sa Diyos
4 Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. 2 Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. 3 Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na.
4 Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. 5 Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. 6 Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin[a]; ngunit hindi nakikinig sa atin[b] ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.
Ang Diyos ay Pag-ibig
7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. 8 Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. 9 Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. 10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan.
11 Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. 12 Kailanma'y(A) wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. 15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya. 16 Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito.
Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. 17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. 18 Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
19 Tayo'y umiibig[c] sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. 20 Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? 21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid.
by