Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Bilang 22

Ipinatawag ni Balac si Balaam

22 Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.”

Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog.

Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?”

10 Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. 11 Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.”

12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.”

13 Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” 14 Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam.

15 Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. 16 Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. 17 Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.”

18 Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. 19 Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.”

20 Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.”

Ang Anghel at ang Asno ni Balaam

21 Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac, 22 kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam. 23 Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan. 24 Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader. 25 Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam. 26 Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno. 27 Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno. 28 Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?”

29 Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.”

30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba't ako ay iyong asno at sa simula pa'y ako lang ang sinasakyan mo? Ginawa ko na ba ito sa iyo?”

“Hindi!” sagot ni Balaam.

31 Sa sandaling ito'y ipinakita ni Yahweh kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan at may hawak pa ring tabak. Kaya't nagpatirapa si Balaam. 32 Tinanong siya ng anghel ni Yahweh, “Bakit tatlong beses mo nang pinalo ang iyong asno? Sadyang humaharang ako sa daan sapagkat mali ang binabalak mong gawin. 33 Tuwing makikita ako ng asno mo ay lumilihis ito. Pangatlong beses na niyang ginagawa ito. Kung hindi siya lumihis baka napatay na kita, ngunit siya'y hindi ko sasaktan.”

34 Sinabi ni Balaam sa anghel, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo kayo sa aking daraanan. Babalik na ako kung hindi ayon sa inyong kalooban ang lakad kong ito.”

35 Sumagot ang anghel, “Huwag ka nang bumalik. Sumama ka sa kanila ngunit ang sinabi ko sa iyo ang sabihin mo sa kanila.” At sumama si Balaam sa mga sugo ni Balac.

Si Balaam at si Balac

36 Nang malaman ni Balac na dumarating si Balaam, sinalubong niya ito sa lunsod ng Ar sa may Ilog Arnon sa may hangganan ng Moab. 37 Sinabi niya kay Balaam, “Kailangang-kailangan kita kaya kita ipinatawag. Bakit ngayon ka lang? Akala mo ba'y hindi kita kayang gantimpalaan?”

38 Sumagot si Balaam, “Naparito nga ako ngunit wala akong maaaring sabihin liban sa ipinapasabi sa akin ng Diyos.” 39 At sila'y magkasamang nagpunta sa lunsod ng Huzot. 40 Pagdating doon, si Balac ay naghandog ng baka at tupa. Pagkatapos, pinakain niya si Balaam at ang mga pinunong kasama nila.

41 Kinabukasan, isinama ni Balac si Balaam sa Bamot-Baal kung saan ay abot-tanaw na ang ilang mga Israelita.

Mga Awit 62-63

Pagtitiwala sa Pag-iingat ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit na si Jeduthun.

62 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;
    ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin?
    Tulad ng isang pader siya'y ibagsak, gaya ng bakod siya'y mawawasak.
Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal;
    ang magsinungaling, inyong kasiyahan.
Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala,
    subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah)[a]

Tanging sa Diyos lang ako umaasa;
    ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya.
Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
    tagapagtanggol ko at aking kalasag;
    akin ang tagumpay sa lahat ng oras!
Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang.
    Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
    matibay na muog na aking kanlungan.

Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak
    ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
    siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)[b]

Ang taong nilalang ay katulad lamang
    ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
    katumbas na bigat ay hininga lamang.
10 Huwag kang magtiwala sa gawang marahas,
    ni sa panghaharang, umasang uunlad;
kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan
    ang lahat ng ito'y di dapat asahan.

11 Hindi na miminsang aking napakinggan
    na taglay ng Diyos ang kapangyarihan,
12     at(A) di magbabago kanyang pagmamahal.
Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo.

Pananabik sa Presensya ng Diyos

Awit(B) ni David, nang siya'y nasa ilang ng Juda.

63 O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap;
    ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad;
    para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas.
Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan,
    at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay,
    kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan.
Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat,
    at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan,
    magagalak na umawit ng papuring iaalay.

Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay,
    magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw;
    ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina,
kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka.
Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig,
    kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig.

Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay,
    sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan.
10 Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan,
    kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay.
11 Dahilan sa iyo, O Diyos,
    ang hari ay magdiriwang,
kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan.
    Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan.

Isaias 11-12

Ang Mapayapang Kaharian

11 Naputol(A) na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse.
    Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari.

Mananahan sa kanya ang Espiritu[a] ni Yahweh,
    ang espiritu ng karunungan at pang-unawa,
    ng mabuting payo at kalakasan,
    kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh.
Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh.
Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita,
    o magpapasya batay sa kanyang narinig.
Ngunit(B) hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha,
    at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa.
Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita,
    sa hatol niya'y mamamatay ang masasama.
Maghahari(C) siyang may katarungan,
    at mamamahala ng may katapatan.

Maninirahan(D) ang asong-gubat sa piling ng kordero,
    mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing,
magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon,
    at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit.
Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain,
    ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi,
ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas,
    hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
Walang(E) mananakit o mamiminsala
    sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala;
sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh,
    kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig.

Ang Pagbabalik ng mga Itinapon

10 Sa(F) araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse,
    at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa.
Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan.
11 Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon
    upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia,[b] sa Elam,
    sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa,
    at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain.
Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda
    mula sa apat na sulok ng daigdig.
13 Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel,
    at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda.
Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda,
    at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran
    at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan;
sasakupin nila ang Edom at Moab,
    at susundin sila ng mga Ammonita.
15 Tutuyuin(G) ni Yahweh ang Dagat ng Egipto,
at magpapadala siya ng mainit na hangin
    upang tuyuin ang Ilog Eufrates.
Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis
    na tatawiran ng mga tao.
16 At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria
    para sa mga nalabi sa kanyang bayan,
kung paanong ang Israel ay may nadaanan
    nang sila'y umalis mula sa Egipto.

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito:

“Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan,
    sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon,
    nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw.
Tunay(H) na ang Diyos ang aking kaligtasan,
    sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot,
sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
    siya ang aking tagapagligtas.
Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.”

Sasabihin ninyo sa araw na iyon:
“Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan;
    ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa,
    ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan.
Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa,
    ibalita ninyo ito sa buong daigdig.
Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak,
    sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.”

Santiago 5

Babala sa mga Mapang-aping Mayayaman

Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok(A) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang(B) na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan(C) ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Pananalangin

Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.

Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. 10 Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. 11 Sinasabi(D) nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.

12 Ngunit(E) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos.

13 May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. 16 Kaya(F) nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. 17 Si(G) Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At(H) nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman.

19 Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, 20 ito(I) ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan.