Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Bilang 33

Ang Paglalakbay ng Israel

33 Ito ang mga yugto ng paglalakbay ng Israel mula sa Egipto, ayon sa kani-kanilang pangkat, sa pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ni Yahweh, itinala ni Moises ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay buhat sa simula.

Umalis ang mga Israelita sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan, kinabukasan ng Paskwa. Taas-noo silang umalis ng Egipto, kitang-kita ng mga Egipcio habang ang mga ito'y abalang-abala sa paglilibing sa kanilang mga panganay na pinatay ni Yahweh. Ipinakita ni Yahweh na siya'y mas makapangyarihan kaysa mga diyos ng Egipto.

Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot. Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa may gilid ng ilang. Mula sa Etam, nagbalik sila sa Pi Hahirot, silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. Pag-alis nila ng Pi Hahirot, tumawid sila ng dagat at nagtuloy sa ilang. Tatlong araw silang naglakbay sa ilang ng Etam saka nagkampo sa Mara. Mula sa Mara nagtuloy sila ng Elim. Nakakita sila roon ng labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera, at nagkampo sila roon.

10 Mula sa Elim, nagkampo sila sa baybayin ng Dagat na Pula.[a] 11 Mula sa Dagat na Pula, nagkampo sila sa ilang ng Sin. 12 Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofca. 13 Mula sa Dofca, nagtuloy sila ng Alus. 14 Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, isang lugar na walang maiinom na tubig.

15-37 Mula sa Refidim hanggang sa bundok ng Hor, sila ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: ilang ng Sinai, Kibrot-hataava, Hazerot, Ritma, Rimon-farez, Libna, Rissa, Ceelata, Bundok ng Sefer, Harada, Maquelot, Tahat, Tare, Mitca, Asmona, Moserot, Bene-yaacan, Hor-haguidgad, Jotbata, Abrona, Ezion-geber, ilang ng Zin na tinatawag na Kades, at sa Bundok ng Hor na nasa may hangganan ng lupain ng Edom.

38-39 Sa utos ni Yahweh, ang paring si Aaron ay umakyat sa Bundok ng Hor. Namatay siya roon sa gulang na 123 taon. Noo'y unang araw ng ikalimang buwan, ika-40 taon mula nang umalis sila sa Egipto.

40 Nabalitaan(A) ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor.

41-49 Mula naman sa Bundok ng Hor hanggang sa kapatagan ng Moab, ang mga Israelita ay nagkampo sa mga sumusunod na lugar: Zalmona, Punon, Obot, Iye-Abarim na sakop ng Moab, Dibon-gad, Almondiblataim, kabundukan ng Abarim malapit sa Bundok ng Nebo, at sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan at katapat ng Jerico, sa pagitan ng Beth-jesimon at Abelsitim.

Ang mga Hangganan sa Canaan

50 Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises, 51 “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan, 52 palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol. 53 Sakupin ninyo ang lupaing iyon at doon kayo tumira sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. 54 Hatiin(B) ninyo ang lupain sa bawat lipi at ang paghahati ay ibabatay sa laki ng lipi. Sa malaking lipi malaking parte, sa maliit ay maliit din. Ang pagbibigay ng kanya-kanyang bahagi ay dadaanin sa palabunutan. 55 Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga nakatira doon, ang matitira ay magiging parang tinik sa inyong lalamunan, at puwing sa inyong mga mata. Balang araw, sila ang gugulo sa inyo. 56 Kapag nangyari ito, sa inyo ko ipalalasap ang parusang gagawin ko sana sa kanila.”

Mga Awit 78:1-37

Awit tungkol sa Kasaysayan ng Israel

Isang Maskil[a] ni Asaf.

78 Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
    inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
Itong(A) aking sasabihin ay bagay na talinghaga,
    nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
    nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
    ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
    mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
    na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.

Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
    mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
    ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
    at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
    ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
    at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
    na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
    ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.

Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
    sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10 Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
    hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11 Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
    mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12 Ang(B) (C) lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
    ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13 hinawi(D) niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
    ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14 Kapag(E) araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
    at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15 May(F) tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
    sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16 Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
    daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.

17 Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
    sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18 Sadya(G) nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
    ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19 Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
    “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20 Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
    dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
    ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”

21 Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
    sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22 Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
    sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23 Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
    at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24 Bunga(H) nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
    ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25 Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
    hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26 Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
    sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27 Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
    makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28 Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
    sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29 Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
    binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30 Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
    at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31 pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
    sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
    ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.

32 Sa ganitong gawa ng Diyos, sunud-sunod na himala,
    ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33 Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
    bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34 Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
    nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35 Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
    ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36 Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
    pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37 Sa(I) kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
    hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.

Isaias 25

Awit ng Papuri kay Yahweh

25 O Yahweh, ikaw ang aking Diyos;
    pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa;
    buong katapatan mong isinagawa
    ang iyong mga balak mula pa noong una.
Ang mga lunsod ay iyong iginuho,
    at winasak ang mga kuta;
ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan,
    at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo.
Kaya dadakilain ka ng taong malalakas,
    at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod.
Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap,
    at mga nangangailangan,
matatag na silungan sa panahon ng unos
    at nakakapasong init.
Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas,
    sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto,
    ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway;
    hindi na marinig ang awit ng malulupit,
    parang init na natakpan ng ulap.

Naghanda ng Handaan ang Diyos

Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan.
Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda.
Sa bundok ding ito'y papawiin niya
    ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan(A) nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan,
    at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata.
    Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Sasabihin ng lahat sa araw na iyon:
“Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas,
    siya si Yahweh na ating inaasahan.
Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”

Paparusahan ng Diyos ang Moab

10 Iingatan(B) ni Yahweh ang Bundok ng Zion,
ngunit ang Moab ay tatapakan;
    gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura.
11 Sisikapin ng mga taga-Moab na igalaw ang kanilang mga kamay na parang lumalangoy sa tubig.
    Ngunit sila'y bibiguin ng Diyos hanggang sa sila'y lumubog.
12 Ang matataas niyang pader ay iguguho ni Yahweh,
    at dudurugin hanggang maging alabok.

1 Juan 3

Ang mga Anak ng Diyos

Tingnan(A) ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis.

Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman(B) ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya.

Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.

Magmahalan Tayo

11 Ito(C) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(D) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.

13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(E) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. 17 Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? 18 Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa.

Panatag na Kalooban at Pananatili sa Diyos

19 Dito nga natin matitiyak na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos 20 sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. 22 Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. 23 Ito(F) ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. 24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin.