Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Bilang 27

Ang Kahilingan ng mga Anak ni Zelofehad

27 Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose. Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila, “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki. Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.”

Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh, at ganito ang sagot ni Yahweh, “Tama(A) ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak. At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae. Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid. 10 Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo 11 at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.”

Ang Pagpili kay Josue Bilang Kahalili ni Moises(B)

12 Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. 13 Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid. 14 Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.)

15 Sinabi ni Moises, 16 “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong 17 mangunguna(D) sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.”

18 Sinabi(E) ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay. 19 Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili. 20 Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel. 21 Kay(F) Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.” 22 Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan. 23 Pagkatapos,(G) ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya.

Mga Awit 70-71

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos(A)

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.

70 Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas,
    tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak!
Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay,
    bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan;
iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan,
    bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban.
Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya,
    sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya.

Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa,
gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa,
    at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!”

Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina,
    lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka;
O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina,
    huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka!

Panalangin ng Isang Matanda Na

71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
    huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
    ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
    matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.

Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
    sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
    maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
Sa simula at mula pa wala akong inasahang
    sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
    kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.

Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
    malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
    akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
    katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
    ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11 Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
    iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
    ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.

12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
    lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
    lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
    mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
    patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
    maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
    hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16 Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
    ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17 Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
    hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18 Matanda na't puti na ang aking buhok,
    huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
    samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.

19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
    dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20 Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
    subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
    upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21 Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
    ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.

22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
    pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
    iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23 Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
    masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
    yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
    lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.

Isaias 17-18

Paparusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel

17 Ganito(A) ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco:

“Mawawala ang Lunsod ng Damasco,
    at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho.
Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria.
    Magiging pastulan na lamang siya
    ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila.
Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim,
    babagsak ang kaharian ng Damasco.
Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

“Sa araw na iyon
    maglalaho ang kaningningan ng Israel,
ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.
Matutulad siya sa isang triguhan
    matapos gapasin ng mga mag-aani.
Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim
    matapos simuting lahat ng mga mamumulot.
Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel,
    matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga,
at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga
    sa pinakamataas na sanga,
apat o limang bunga
    sa mga sangang dati'y maraming magbunga.”
Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.

Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel. Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay. Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo[a] noong dumating ang mga Israelita.

10 Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo,
    at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan,
sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin
    na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan,
    sa paniniwalang pagpapalain niya kayo.
11 Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman
    at mamulaklak sa araw na inyong itinanim,
wala kang aanihin pagdating ng araw
    kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan.

Tatalunin ang mga Kaaway na Bansa

12 Ang ingay ng napakaraming tao
    ay parang ugong ng karagatan.
Rumaragasa ang mga bansa
    na parang hampas ng mga alon.
13 Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig,
    ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas,
parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol
    at dayaming tinatangay ng ipu-ipo.
14 Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak
    ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila.
Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin,
    iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian.

Paparusahan ng Diyos ang Etiopia

18 Pumapagaspas(B) ang pakpak ng mga kulisap
    sa isang lupain sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia,[b]
mula roo'y may dumating na mga sugo
    sakay ng mga bangkang yari sa tambo,
at sumusunod sa agos ng Ilog Nilo.
Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita,
    sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog,
sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makikinis ang balat,
    bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanakop.

Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig!
    Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok,
    hintayin ninyo ang tunog ng trumpeta!
Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh:
“Buhat sa aking kinaroroonan, tahimik akong nagmamasid,
    parang sinag ng araw kung maaliwalas ang langit,
    parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw.
Sapagkat bago dumating ang anihan kapag tapos na ang pamumulaklak
    at kapag nahinog na ang mga ubas,
ang mga sanga ay puputulin ng matatalas na karit
    saka itatapon.
Ibibigay sila sa ibong mandaragit
    at sa mababangis na hayop.
Kakainin sila ng mga ibon sa tag-araw
    at ng mga hayop sa taglamig.”

Sa panahong iyon, dadalhin kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang mga handog na galing sa lupaing ito, sa lupaing hinahati ng mga ilog.
Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa,
    ang mga taong matatangkad at makikinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig.
Pupunta sila sa Bundok ng Zion,
    sa lugar na nakalaan sa pagsamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.

1 Pedro 5

Pangangalaga at Pagiging Handa

Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.

At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” Kaya(C) nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala(D) ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Tagubilin

12 Sinulatan(E) ko kayo sa tulong ni Silas,[b] na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito.

13 Kinukumusta(F) kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[c]

Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo.