Read the Gospels in 40 Days
Iniutos ni Pilato na Ipako sa Krus si Jesus
19 Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit.
2 Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube. 3 Sinabi nila: Pagbati sa Hari ng mga Judio. At pinagsasampal nila siya.
4 Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Narito, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong makitang anumang kasalanan sa kaniya. 5 Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang taong ito.
6 Nang makita nga siya ng mga pinunong-saserdote at ng opisyales ng templo, sila ay sumigaw na sinasabi: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.
Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Ito ay sapagkat wala akong makitang kasalanan sa kaniya.
7 Sumagot sa kaniya ang mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.
8 Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot. 9 Siya ay muling pumunta sa hukuman at sinabi kay Jesus: Saan ka ba nagmula? Hindi sumagot si Jesus sa kaniya. 10 Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba sasagot sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapamahalaang ipapako ka sa krus at kapamahalaang palayain ka?
11 Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapamahalaan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito ang nagbigay sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.
12 Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabi: Kung palayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya aynagsasalita laban kay Cesar.
13 Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay dinala niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa luklukan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo, ito ay Gabata. 14 Noon ay paghahanda ng Paglagpas.
Nang mag-iikaanim na ang oras, sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.
15 Sila ay sumigaw: Alisin siya! Alisin siya! Ipako siya sa krus!
Sinabi ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?
Ang mga pinunong-saserdote ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.
16 Kaya nga, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.
Ipinako Nila sa Krus si Jesus
Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo.
17 Lumabas siya habang pasanniya ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na Pook ng Bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha. 18 Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus.
19 At si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: SI JESUS NA TAGA-NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20 Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay sapagkat ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lungsod. Ang pamagat ay isinulat sa salitang Hebreo, sa salitang Griyego at sa salitang Romano. 21 Sinabi nga ng mga pinunong-saserdote ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio kundi sinabi niya: Ako ay Hari ng mga Judio.
22 Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.
23 Kaya nga, nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at gayundin ang kaniyang damit. Ngunit ang balabal ay walang tahi. Ito ay hinabing buo mula sa itaas pababa.
24 Sinabi nga nila sa isa’t isa: Huwag natin itong punitin. Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito.
Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi:
Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpalabunutan para sa aking balabal.
Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito.
25 Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala. 26 Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang iniibig na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: Ginang, narito ang iyong anak. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Narito ang iyong ina. At mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.
Namatay si Jesus
28 Pagkatapos nito, si Jesus na nakakaalam na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan.
29 Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng maasim na alak. Binasa nilang mabuti ng maasim na alak ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng hisopo at idiniit sa kaniyang bibig. 30 Nang matanggap na nga ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ang kaniyang ulo at ibinigay niya ang kaniyang espiritu.
31 Noon ay araw ng Paghahanda. Ang araw ng Sabat na iyon ay dakila. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa krus sa araw ng Sabat. Kaya nga, ang mga Judio ay humiling kay Pilato na kanilang baliin ang mga binti ng mga ipinako sa krus upang sila ay maalis. 32 Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako. 33 Ngunit pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34 Subalit isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig ay kaagad lumabas. 35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya. 36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan:
Isa mang buto niya ay hindi mababali.
37 Sinasabi sa isa pang kasulatan:
Titingnan nila siya na kanilang tinusok.
Inilibing Nila si Jesus
38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus.
39 Pumunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng telang lino kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paghahanda ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan. 42 Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.
Ang Libingang Walang Laman
20 Sa unang araw ng sanlinggo, maagang pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita niya na ang bato ay naalis salibingan.
2 Siya ay tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.
3 Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta sa libingan. 4 Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang dumating sa libingan. 5 Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga kayong lino na nakalapag. Gayunman ay hindi siya pumasok. 6 Kasunod niyang dumating siSimon Pedro at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. 7 Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni Jesus na hindi kasamang nakalapag ng telang lino. Ito ay hiwalay na nakatiklop sa isang dako. 8 Pumasok din naman ang isang alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at siya ay sumampalataya. 9 Ito ay sapagkat hindi pa nila alam noon ang kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay.
Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala
10 Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilangtahanan.
11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng katawan ni Jesus.
13 Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis?
Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.
14 Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?
Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Kaya sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.
16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.
Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni! Ang ibig sabihin nito ay guro.
17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.
18 Si Maria na taga-Magdala ay pumunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.
Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad
19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo.
20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.
21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapinninyo ang Banal na Espiritu. 23 Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kaninumang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.
Nagpakita si Jesus kay Tomas
24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.
25 Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.
Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.
26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.
28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.
29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.
30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.
Copyright © 1998 by Bibles International