Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Lucas 13-14

Magsisi o Mapahamak

13 Sa oras na iyon, naroroon ang ilan na nagsalaysay sa kaniya patungkol sa mga taga-Galilea. Ang dugo nila ay inihalo ni Pilato sa kanilang mga hain.

Sa pagsagot ni Jesus, sinabi niya sa kanila: Sa palagay ba ninyo ang mga taga-Galileang ito ang pinakamakasalanan sa lahat ng mga taga-Galilea dahil dinanas nila ang mga bagay na ito? Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan. May labingwalong tao ang nabagsakan ng tore sa Siloe at namatay? Sa palagay ba ninyo ay higit silang may pagkakautang sa Diyos kaysa lahat ng nanirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo: Hindi! Malibang magsisi kayo, lahat kayo ay mapapahamak sa ganitong paraan.

At sinabi ni Jesus ang talinghagang ito: May isang lalaking nagtanim ng igos sa kaniyang ubasan. Pumunta siya roon at naghanap ng bunga at wala siyang nakita. Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan: Narito, tatlong taon na akong pumaparito na naghahanap ng bunga ng puno ng igos na ito at wala akong nakitang bunga. Putulin mo iyan. Bakit sinasayang niya ang lupa?

Sumagot ang tagapag-alaga at sinabi: Panginoon, pabayaan mo muna iyan diyan sa taong ito, hanggang mahukay ko ang paligid nito at lagyan ng pataba. Maaring ito ay magbunga, ngunit kung hindi, saka mo na ito putulin.

Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Lumpo sa Araw ng Sabat

10 Si Jesus ay nagtuturo sa isa sa mga sinagoga sa araw ng Sabat. 11 At narito, may isang babae roon na labingwalong taon nang mayroong espiritu ng karamdaman. Siya ay hukot na at hindi na niya maiunat ng husto ang kaniyang sarili. 12 Pagkakita ni Jesus sa kaniya, tinawag siya nito. Sinabi niya sa kaniya: Babae, pinalaya ka na sa iyongkaramdaman. 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya at siya ay kaagad na umunat. Niluwalhati niya ang Diyos.

14 Ang pinuno sa sinagoga ay lubhang nagalit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa araw ng Sabat. Sinabi niya sa mga tao: May anim na araw na ang mga tao ay dapat gumawa. Sa mga araw ngang ito kayo pumaritoat magpagamot at hindi sa araw ng Sabat.

15 Sumagot nga ang Panginoon sa kaniya. Sinabi niya:Mapagpaimbabaw! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo ang inyong toro o asno mula sa kulungan sa araw ng Sabat at pagkatapos nito ay pinapainom? 16 Ang babaeng ito ay ginapos ni Satanas ng labingwalong taon. Narito, bilang anak na babae ni Abraham, hindi ba dapat siyang palayain mula sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabat?

17 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, ang lahat ng kumakalaban sa kaniya ay napahiya. Nagalak ang lahat ng mga tao sa lahat ng mga maluwalhating bagay na ginawa niya.

Ang Talinghaga Patungkol sa Binhi ng Mustasa at sa Pampaalsa

18 Pagkatapos, sinabi niya: Sa ano ko maitutulad ang paghahari ng Diyos? Saan ko ito ihahambing?

19 Ito ay tulad sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan. Ito ay tumubo at naging isang malaking punong-kahoy. Ang mga ibon sa himpapawid ay nagpugad sa mga sanga nito.

20 Sinabi niyang muli: Saan ko maihahambing ang paghahari ng Diyos? 21 Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae. Inihalo niya ito sa tatlong takal na harina hanggang sa mahaluan ang lahat.

Ang Makipot na Daan

22 Sa pagdaan ni Jesus sa mga lungsod at nayon, siya ay nagtuturo at patuloy na naglalakbay patungong Jerusalem.

23 May nagsabi sa kaniya: Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?

24 Sinabi niya sa kanila: Pagsikapan ninyong pumasok sa pamamagitan ng makipot na tarangkahan. Sinasabi ko ito sa inyo dahil marami ang maghahanap upang pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Sa oras na tumindig ang may-ari ng sambahayan at maisara na niya ang pinto kayo ay magsisimulang tumayo sa labas. Kakatok kayo sa pinto na nagsasabi: Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.

Sasagot siya at magsasabi sa inyo: Hindi ko kayo kilala. Hindi koalam kung saan kayo nanggaling.

26 Sa oras na iyon ay magsasabi kayo: Kami ay kumain at uminom na kasama ka. Nagturo ka sa aming mga lansangan.

27 Sasabihin niya: Sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo kilala. Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na mga manggagawa ng hindi matuwid.

28 Magkakaroon ng pananangis at pangangalit ng mga ngipin.Mangyayari ito kapag nakita ninyo si Abraham, si Isaac, si Jacob at lahat ng mga propeta na nasa paghahari ng Diyos ngunit kayo ay itataboy palabas. 29 Sila ay manggagaling mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at timog. Sila ay uupo sa paghahari ng Diyos. 30 Narito, may mga huli na mauuna at may mga una na mahuhuli.

Nagdalamhati si Jesus Dahil sa Jerusalem

31 Sa araw ding iyon, may ilang Fariseo ang pumunta sa kaniya. Sinabi nila sa kaniya: Lumabas ka at umalis ka rito sapagkat nais kang patayin ni Herodes.

32 Sinabi niya sa kanila: Pumunta kayo at sabihin sa tusong soro na iyon: Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at ginaganap ko ang pagpapagaling ngayon at bukas. Sa ikatlong araw ay matatapos ko na ito. 33 Gayunman, kinakailangan kong magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw. Ito ay sapagkat hindi maaari sa isang propeta ang mamatay sa labas ng Jerusalem.

34 Jerusalem, Jerusalem! Ikaw ang pumapatay sa mga propeta at bumabato sa kanila na isinusugo sa iyo. Madalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng inahing manok na nagtitipon ng kaniyang mga inakay sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. 35 Narito, ang iyong bahay ay naiwan sa iyong wala nang nakatira. Katotohanang sinasabi ko sa iyo: Hindi mo ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mong: Papuri sa kaniya na dumarating sa pangalan ng Panginoon.

Si Jesus sa Bahay ng Isang Fariseo

14 At nangyari na si Jesus ay pumunta sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain ng tinapay. Noon ay araw ng Sabat. Sa pagpunta niya roon, kanila siyang pinagmamatyagan.

Narito, sa harap niya ay mayroong isang lalaking dumaranas ng pamamaga. Sumagot si Jesus. Sinabi niya sa mga dalubhasa sa kautusan at mga Fariseo: Naaayon ba sa kautusan ang magpagaling sa araw ng Sabat? Ngunit sila ay tahimik. At sa paghawak niya sa lalaki, pinagaling niya siya at pinaalis.

Sumagot siya sa kanila. Sinabi niya: Ang inyong asno o toro ay nahulog sa isang hukay sa araw ng Sabat. Sino sa inyo ang hindi agad mag-aahon sa mga ito sa araw ng Sabat? Hindi sila nakatugon sa kaniya patungkol sa mga bagay na ito.

Siya ay nagsabi ng talinghaga sa mga inanyayahan nang mapuna niyang pinipili nila ang mga pangunahing dako. Sinabi niya sa kanila: Kapag inanyayahan ka ninuman sa isang kasalan, huwag kang umupo sa pangunahing dako sapagkat baka may inanyayahan pa siyang higit na marangal kaysa sa iyo. Siya na nag-anyaya sa iyo at sa kaniya ay lalapit sa iyo. Sasa­bihin niya sa iyo: Paupuin mo ang taong ito sa kinauupuan mo. Pagkatapos, ikaw ay mapapahiyang kukuha ng kahuli-hulihang dako. 10 Ngunit kapag ikaw ay inanyayahan, sa pagpunta mo ay maupo ka sa kahuli-hulihang dako. Ito ay upang sa paglapit ng nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya: Kaibigan, pumunta ka sa higit na mataas. Pagkatapos, ang karangalan ay mapapasaiyo sa harap ng mga kasama mong nakadulog sa hapag. 11 Ito ay sapagkat ang bawat isang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa at siya na nagpapakumbaba ay itataas.

12 Si Jesus ay nagsabi rin sa nag-anyaya sa kaniya. Sinabiniya: Kapag naghanda ka ng agahan o hapunan, huwag mong tawagin ang mga kaibigan mo. Huwag mong tawagin maging ang mga kapatid mo o mga kamag-anak mo. Huwag mong tawagin ang mga kapitbahay mong mayayaman. Kung gagawin mo iyon, ikaw ay anyayahan din nila at gagantihan ka nila. 13 Kung naghanda ka ng isang piging, tawagin mo ang mga dukha, mga lumpo, mga pilay at mga bulag. 14 At pagpapalain ka dahil wala silang maigaganti sa iyo sapagkat ikaw ay gagantihan sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.

Ang Talinghaga sa Malaking Piging

15 Ang mga bagay na ito ay narinig ng isa sa mga kasama niyang nakadulog sa hapag. Sinabi nito sa kaniya: Pinagpala siya na kakain ngtinapay sa paghahari ng Diyos.

16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya: Isang lalaki ang naghanda ng malaking hapunan at nag-anyaya ng marami. 17 Sa oras ng hapunan ay sinugo niyaang kaniyang alipin upang magsabi sa mga inanyayahan: Halina kayo, nakahanda na ang lahat.

18 Ang lahat, sa iisang paraan, ay nagsimulang magdahilan. Ang una ay nagsabi sa kaniya: Bumili ako ng isang bukid. Kailangan ko itong puntahan at tingnan. Ipinakikiusap ko sa iyo, pagpaumanhinan mo ako.

19 Ang isa ay nagsabi: Bumili ako ng limang tambal na baka. Pupuntahan ko ito upang masubukan. Ipinakikiusap ko sa iyo, pagpaumanhinan mo ako.

20 Ang isa ay nagsabi: Bagong kasal ako. Dahil dito, hindi ako makakapunta.

21 Sa pagdating ng aliping iyon, iniulat niya sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Sa galit ng may-ari ng sambahayan, nagsabi siya sa kaniyang alipin: Pumunta ka agad sa mga lansangan at mga makikipot na daan ng lungsod. Dalhin mo rito ang mga dukha, mga pilay, mga lumpo at mga bulag.

22 Sinabi ng alipin: Panginoon, nagawa na ang ayon sa iniutos mo at mayroon pang lugar.

23 Sinabi ng panginoon sa alipin: Pumunta ka sa mga daan at sa mga tabing bakod. Pilitin mong pumasok ang mga tao upang mapuno ang aking bahay. 24 Ito ay sapagkat sinasabi ko sa inyo: Ang alinman sa mga inanyayahang lalaki ay hindi makakatikim ng hapunan.

Ang Halaga ng Pagiging Alagad

25 Sumama sa kaniya ang lubhang napakaraming mga tao. Humarap si Jesus sa kanila. Sinabi niya:

26 Ang sinumang pumarito sa akin na hindi napopoot sa kaniyang ama at ina, asawang babae at mga anak, mga kapatid na lalaki at babae, maging sa sarili niyang buhay ay hindi maaaring maging alagad ko. 27 Ang sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.

28 Marahil isa sa inyo ay naghahangad magtayo ng tore. Hindi ba uupo muna siya at magbibilang muna ng halaga kung mayroon siyang maipagpapatapos niyaon? 29 Kung sakaling mailagay na niya ang saligan at hindi mapatapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat nang nakakakita. 30 Sasabihin nila: Ang lalaking ito ay nagsimulang magtayo ngunit hindi niya kayang tapusin.

31 Marahil isang hari ang naghahangad makipaglaban sa ibang hari. Hindi ba uupo muna siya at magpasiya kung sa sampung libo ay kaya niyang sagupain ang dumarating na kaaway na may dalawampung libo? 32 Ngunit kung hindi, magsusugo siya ng kinatawan habang malayo pa ang kalaban at hihingin ang mga batayan para sa kapayapaan. 33 Gayundin nga, ang bawat isang hindi nag-iiwan ng lahat ng tinatangkilik niya ay hindi siya maaaring maging alagad ko.

34 Ang asin ay mabuti, ngunit kapag nawalan ito ng lasa, paano pa ito aalat muli? 35 Hindi ito nararapat para sa lupa, maging sa mga dumi ng hayop kundi itatapon na lang. Ang may pandinig ay makinig.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International