Read the Gospels in 40 Days
Panimulang Salita
1 Marami ang nagsagawa ng pagsusulat ng isang salaysay patungkol sa mga bagay na lubos na pinaniwalaan sa atin.
2 Ito ang mga ibinigay sa atin ng mga saksing nakakita at mga lingkod ng Salita buhat pa sa pasimula. 3 Kagalang-galang na Teofilo, ako ay may wastong kaalaman sa lahat ng mga bagay dahil ito ay maingat kong binantayan mula pa nang una. Dahil dito, minabuti kong sumulat sa iyo nang maayos. 4 Isinulat ko ito upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.
Ipinahayag ng Anghel ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbawtismo
5 Sa mga araw ni Herodes, ang hari ng Judea, may isang saserdote na ang pangalan ay Zacarias. Kasama siya sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay isa sa mga anak na babaeng mula sa angkan ni Aaron na nagngangalang Elisabet.
6 Sila ay kapwa matuwid sa harapan ng Diyos. Namumuhay silang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at mga tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak sapagkat si Elisabet ay baog at sila ay kapwa matanda na.
8 Dumating ang panahon upang ganapin ni Zacarias ang paglilingkod bilang saserdote sa harapan ng Diyos ayon sa kaugalian ng kaniyang pangkat. 9 Ayon sa kaugalian ng paglilingkod bilang saserdote, nakamit niya sa palabunutan ang magsunog ng kamangyan nang siya ay pumasok sa banal na dako ng Diyos. 10 Ang buong karamihan ng mga tao ay nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng kamangyan.
11 At isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya na nakatayo sa dakong kanan ng dambana ng kamangyan. 12 Pagkakita ni Zacarias sa anghel, siya ay naguluhan at natakot. 13 Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat ang iyong daing ay dininig na. Ang iyong asawang si Elisabet ay manganganak ng isang lalaki. Ang ipapangalan mo sa kaniya ay Juan. 14 Siya ay magiging kaligayahan at kagalakan sa iyo at marami ang magagalak sa kaniyang kapanganakan. 15 Ito ay sapagkat siya ay magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Kailanman ay hindi siya iinom ngalak at ng matapang na inumin. Siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula pa sa bahay-bata ng kaniyang ina. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang papapanumbalikin niya sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Siya ay yayaon sa harapan ng Panginoon sa espiritu at kapangyarihan ni Elias upang ibalik ang mga puso ng mga ama sa mga anak. Gayundin, upang ang suwail ay ibalik sa karunungan ng matuwid at upang maghanda siya ng mga taong inilaan para sa Panginoon.
18 Sinabi ni Zacarias sa anghel: Papaano ko ito malalaman? Ito ay sapagkat ako ay lalaking matanda na at ang aking asawa ay matanda na rin.
19 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Ako ay si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Sinugo ako upang makipag-usap sa iyo at ipahayag sa iyo ang mabuting balitang ito. 20 Narito, mapipipi ka at hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay sapagkat hindi ka sumampalataya sa aking mga salita, na ang mga ito ay matutupad sa kanilang tamang panahon.
21 At ang mga tao ay naghihintay kay Zacarias. Namamangha sila sa kaniyang pagtatagal sa loob ng banal na dako. 22 Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Napag-isip-isip nila na siya ay nakakita ng pangitain sa banal na dako sapagkat siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga senyas at siya ay nanatiling pipi.
23 Pagkatapos na maganap ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umuwi siya sa kaniyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay naglihi. Siya ay nagtago ng limang buwan. 25 Kaniyang sinabi: Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin sa mga araw na ako ay kaniyang isinaalang-alang upang alisin ang aking kahihiyan sa mga tao.
Ang Kapanganakan ni Jesus
26 Sa ika-anim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, isang lungsod ng Galilea.
27 Isinugo siya sa isang dalagang birhen na ipinagkasundong mapangasawa ng isang lalaking nagngangalang Jose. Si Jose ay mula sa angkan ni David, at ang pangalan ng dalagang birhen ay Maria. 28 Paglapit ng anghel ay sinabi sa kaniya: Binabati kita, ikaw na kinalugdan. Ang Panginoon ay kasama mo. Kapuri-puri ka sa mga kababaihan.
29 Nang makita ni Maria ang anghel, siya ay naguluhan sa kaniyang salita at pinag-isipan niya kung ano kayang uri ng bati ito. 30 Sinabi ng anghel sa kaniya: Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakasumpong ka ng biyaya sa Diyos. 31 Narito, ikaw ay magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. At ang ipapangalan mo sa kaniya ay Jesus. 32 Siya ay magiging dakila at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kaniya ng Panginoong Diyos ang trono ni Davidna kaniyang ninuno. 33 Siya ay maghahari sa tahanan niJacob magpakailanman at ang kaniyang paghahari ay hindi magwawakas.
34 Sinabi ni Maria sa anghel: Paano ito mangyayari yamang ako ay hindi nakakakilala ng isang lalaki?
35 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya: Darating sa iyo ang Banal na Espiritu, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ang lililim sa iyo. Dahil dito, ang banal na ito na iyong ipapanganak ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 Narito, ang pinsan mong si Elisabet ay nagdadalang-tao rin ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito ngayon ang ika-anim na buwan ng kaniyang pagdadalang-tao, siya na tinatawag na baog. 37 Ito ay sapagkat sa Diyos ay walang anumang bagay na hindi mangyayari.
38 Sinabi ni Maria: Narito ang aliping babae ng Panginoon. Mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel.
Dumalaw si Maria kay Elisabet
39 Sa mga araw na iyon, si Maria ay tumindig at nagmamadaling pumunta sa lupaing maburol sa lungsod ng Juda.
40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elisabet. 41 At nangyari, nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, ang sanggol sa kaniyang sinapupunan ay napalundag. At si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Sa isang malakas na tinig, siya ay sumigaw na sinasabi: Kapuri-puri ka sa mga kababaihan. Kapuri-puri ang bunga ng iyong sinapupunan. 43 Papaano nangyari ito sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay pumunta sa akin? 44 Narito, sa pagdinig ko ng iyong tinig ng pagbati, ang sanggol sa aking sinapupunan ay napalundag sa kagalakan. 45 Ikaw na sumampalataya ay lubos na pinagpala sapagkat magkakaroon ng kaganapan ang mga bagay na sinabi sa iyo ng Panginoon.
Ang Awit ni Maria
46 Sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon.
47 Ang aking espiritu ay lubos na nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas. 48 Ito ay sapagkat nilingap niya ang pagpapakumbaba ng kaniyang aliping babae at mula ngayon ay ituturing akong mapalad ng lahat ng salin ng lahi. 49 Ito ay sapagkat ang Makapangyarihan ay gumawa sa akin ng mgadakilang bagay at Banal ang kaniyang pangalan. 50 Ang kaniyang kahabagan ay sa lahat ng saling lahi, sa kanila na may pagkatakot sa kaniya. 51 Nagpakita siya ng lakas sa pamamagitan ng kaniyang mga bisig. Ikinalat niya ang mapagmataas sa haka ng kanilang mga puso. 52 Ibinaba niya ang mga makapangyarihan mula sa kanilang mga trono at itinaas niya ang mga mabababang-loob. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom. Ang mgamayaman ay pinaalis niyang walang dala. 54 Tinulungan niya si Israel na kaniyang lingkod bilang ala-ala ng kaniyang kahabagan. 55 Ginawa niya ito ayon sa sinabi niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kaniyang lahi magpakailanman.
56 Si Maria ay nanatiling kasama ni Elisabet ng halos tatlong buwan at pagkatapos nito, umuwi siya sa sarili niyang bahay.
Isinilang si Juan na Tagapagbawtismo
57 Dumating na ang panahon ng panganganak ni Elisabet at siya ay nagsilang ng isang lalaki.
58 Narinig ng mga kapitbahay at ng kaniyang mga kamag-anak na dinadagdagan ng Panginoon ang habag niya sa kaniya. At sila ay nakigalak sa kaniya.
59 Nangyari, nang ika-walong araw, sila ay dumating upang tuliin ang sanggol. At siya ay tinatawag nilang Zacarias alinsunod sa pangalan ng kaniyang ama. 60 Ngunit sumagot ang kaniyang ina at sinabi: Hindi. Siya ay tatawaging Juan.
61 Sinabi nila sa kaniya: Wala kang kamag-anak na tinawag saganiyang pangalan.
62 Sila ay sumenyas sa ama ng sanggol kung ano ang nais niyang itawag sa kaniya. 63 Pagkahingi niya ng isang masusulatan, sumulat siya nasinasabi: Juan ang kaniyang pangalan. At silang lahat ay namangha.
64 At kaagad nabuksan ang kaniyang bibig at nakalag ang kaniyang dila at siya ay nagsalita na nagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng mga naninirahansa kanilang paligid. At ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usap-usapan sa buong lupain sa burol ng Judea. 66 Isinapuso ng mga nakarinig ang mga bagay na ito. Kanilang sinasabi: Magiging ano kaya ang batang ito? At ang kamay ng Panginoon ay sumakaniya.
Ang Awit ni Zacarias
67 Si Zacarias na kaniyang ama ay napuspos ng Banal na Espiritu. Nagsalita siyang tulad ng propeta.
68 Sinabi niya: Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sapagkat dumating siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Siya ay nagbangon ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ni David na kaniyang lingkod. 70 Ito ay ayon sa kaniyang sinabi sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta buhat pa nang pasimula. 71 Kaniyang sinabi na tayo ay ililigtas mula sa ating mga kaaway. Gayundin, mula sa kamay ng lahat ng mga napopoot sa atin. 72 Ito ay upang tuparin ang kaniyang kahabagan sa ating mga magulang at alalahanin ang kaniyang banal na tipan. 73 Ito ang panunumpa na kaniyang sinumpaan sa ating amang si Abraham na ibibigay sa atin. 74 Ginawa niya ito upang tayo ay maglingkod sa kaniya nang walang takot, pagkatapos niya tayong iligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway. 75 Tayo ay maglilingkod sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya habang tayo ay nabubuhay. 76 Ikaw, maliit na bata, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan sapagkat yayaon ka sa harapan ng Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daan. 77 Ikaw ay yayaon upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Ito ay sa pamamagitan ng taos-pusong kahabagan ng ating Diyos, kung saan ang bukang-liwayway mula sa kataasan ay dumating sa atin. 79 Ito ay upang magliwanag sa mga nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan at upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.
80 At ang bata ay lumaki at pinalakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kaniyang pagpapakita sa Israel.
Ipinanganak si Jesus
2 Nangyari, nang mga araw na iyon, na lumabas ang isang batas mula kay Augusto Cesar na nag-uutos na dapat magpatala ang buong sanlibutan.
2 Ang pagpapatalang ito ay unang nangyari nang si Cirenio ay gobernador ng Siria. 3 Ang lahat ay pumunta upang makapagpatala, bawat isa sa kaniyang sariling lungsod.
4 Si Jose ay umahon din mula sa Galilea, mula sa lungsod ng Nazaret patungo sa Judea. Sa dahilang siya ay kabilang sa sambahayan at angkan ni David, siya ay umahon sa lungsod ni David na tinatawag na Bethlehem. 5 Siya ay umahon upang magpatalang kasama si Maria, na ipinagkasundong mapangasawa niya. At kabuwanan na noon ni Maria. 6 Nangyari, samantalang sila ay naroroon, sumapit ang araw ng kaniyang panganganak. 7 Isinilang niya ang kaniyang panganay na anak, isang lalaki at binalot niya siya ng mga mahabang tela. Siya ay inihiga niya sa isang sabsaban sapagkat wala ng lugar para sa kanila sa bahay-tuluyan.
Nagbalita ang mga Anghel sa mga Pastol
8 Sa lupain ding iyon ay may mga tagapag-alaga ng mga tupa na namamalagi sa parang. Binabantayan nila sa gabi ang kanilang kawan.
9 Narito, tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at sila ay lubhang natakot. 10 Sinabi sa kanila ng anghel:Huwag kayong matakot. Narito, inihahayag ko sa inyo ang ebanghelyo ng malaking kagalakan para sa lahat ng mga tao. 11 Ito ay sapagkat sa araw na ito sa lungsod ni David ay ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Cristo na Panginoon. 12 Ito ang palatandaan ninyo. Inyong masusumpungan ang sanggol na nababalot ng mga mahabang tela at nakahiga sa isang sabsaban.
13 At biglang lumitaw ang isang karamihan ng hukbo ng langit na kasama ng anghel na iyon. Sila ay nagpupuri sa Diyos at nagsasabi:
14 Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, sa lupa ay kapayapaan, sa mga tao ay kaluguran.
15 Nangyari, nang ang mga anghel ay umalis patungo sa langit, ang mga tagapag-alaga ng tupa ay nag-usap-usap. Sinabi nila sa isa’t isa: Pumunta tayo hanggang sa Bethlehem. Tingnan natin ang bagay na ito na nangyari, na ipinaalam sa atin ng Panginoon.
16 Sila ay nagmadaling pumunta roon. Nasumpungan nila roon si Maria at si Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Pagkakita nila, kanilang ipinamalita ang salitang sinabi sa kanila patungkol sa sanggol na ito. 18 Ang lahat ng mga nakarinig ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga tagapag-alaga ng tupa. 19 Sinarili ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, at isina-alang-alang sa kaniyang puso. 20 At bumalik ang mga tagapag-alaga ng tupa na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng mga bagay na kanilang narinig at nakita tulad ng pagkasabi sa kanila.
Dinala ni Jose at ni Maria si Jesus sa Templo
21 Dumating ang ikawalong araw para sa pagtutuli sa maliit na bata. Ang kaniyang pangalan ay tinawag na Jesus. Ito ang ipinangalan ng anghel bago siya ipinagdalang-tao sa bahay-bata.
22 Naganap na ang araw ng kanilang pagdadalisay ayon sa kautusan ni Moises. Pagkatapos nito, dinala nila si Jesus sa Jerusalem upang iharap saPanginoon. 23 Gaya ng nasusulatsa kautusan ng Panginoon: Ang bawat batang lalaki na nagbubukas ng bahay-bata ay tatawaging banal sa Panginoon. 24 Dinala nila siya upang maghandog ng hain ayon sa sinabi sakautusan ng Panginoon. Ang hain ay isang tambal na batu-bato o dalawang inakay na kalapati.
25 Narito, sa Jerusalem ay may isang lalaki na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at maka-diyos na naghihintay sa kaaliwan ng Israel. At ang Banal na Espiritu ay sumasakaniya. 26 Ang Banal na Espiritu ay naghayag sa kaniya na hindi siya mamamatay hanggang hindi niya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. 27 Siya ay pumunta sa loob ng templo sa pamamagitan ng Espiritu. Dinala ng mga magulang ang maliit na batang si Jesus sa templo. Ito ay upang magawa nilasa kaniya ang naaayon sa naging kaugalian sa kautusan. 28 Nang dinala nila ang maliit na bata, kinarga siya ni Simeon at pinuri ang Diyos. 29 Sinabi niya: Panginoon, ngayon ay papanawin mo na ang iyong alipin na may kapayapaan ayon sa iyong salita. 30 Ito ay sapagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas. 31 Inihanda mo ito sa harap ng lahat ng mga tao. 32 Ang kaligtasang ito ay isang liwanag upang maging kapahayagan sa mga Gentil. Ito ay kaluwalhatian ng Israel na iyong mga tao.
33 Si Jose at ang ina ni Jesus ay namangha sa mga bagay na sinabi patungkol sa kaniya. 34 Binasbasan sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata: Narito, siya ay itinalaga upang ibagsak at itindig ang marami sa Israel. Siya ay magiging isang tanda na kanilang tututulan. 35 Ito ay mangyayari upang mahayag ang mga pagtatalo ng maraming puso. Sa iyo rin, isang tabak ang tatagos sa iyong kaluluwa.
36 Naroroon din si Ana, isang babaeng propeta na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay lubhang matanda na. Mula sa kaniyang kadalagahan, pitong taon siyang namuhay na may asawa. 37 Siya ay mga walumpu’t-apat na taon na at siya ay isang balo. At hindi na siya umalis sa templo. Araw at gabi siya ay naglilingkod na may mga pag-aayuno at mga pagdalangin. 38 Sa oras ding iyon, pumasok siya sa kinaroroonan nila at nagpuri sa Panginoon. Nagsalita siya patungkol kay Jesus sa kanilang lahat na nasa Jerusalem na naghihintay ng katubusan.
39 Naganap na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon. Sila ay bumalik sa Galilea, sa Nazaret na kanilang lungsod. 40 Ang bata ay lumaki at lumakas sa espiritu. Napuspos siya ng karunungan at ang biyaya ng Diyos ay sumakaniya.
Ang Batang si Jesus ay Naiwan sa Loob ng Templo
41 Taun-taon ay pumupunta ang kaniyang mga magulang sa Jerusalem para sa pista ng Paglagpas.
42 Nang si Jesus ay labindalawang taong gulang na, sila ay umahon sa Jerusalem ayon sa kaugalian ng kapistahan. 43 Sila ay bumalik nang mabuo na nila ang mga araw ng kapistahan. Sa kanilang pagbabalik, ang batang si Jesus ay nanatili sa Jerusalem na hindi nalalaman ni Jose at ng ina ng bata. 44 Sa pag-aakala nilang siya ay nasa kasamahan nila, sila ay yumaon at naglakbay ng isang araw. Pagkatapos nito, hinanap nila siya sa mga kamag-anak at mga kakilala. 45 Nang hindi nila siya natagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at hinanap siya. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, natagpuan nila siya sa templo. Siya ay nakaupo sa kalagitnaan ng mga guro, nakikinig at nagtatanong sa kanila. 47 Ang lahat ng mga nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at mga sagot. 48 Nanggilalas ng labis ang kaniyang mga magulang nang makita siya. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina: Anak, bakit mo ginawa sa amin ang ganiyan? Ako at ang iyong ama ay naghanap sa iyo ng may hapis.
49 Sinabi niya sa kanila: Bakit ninyo ako hinanap? Hindi ba ninyo alam na kinakailangan kong gawin ang mga bagay na may kinalaman sa aking Ama? 50 Hindi nila naunawaan ang mga salitang sinabi niya sa kanila.
51 At siya ay lumusong na kasama nila at dumating sa Nazaret. Siya ay nagpasakop sa kanila. At iningatan ng kaniyang ina sa kaniyang puso ang lahat ng mga bagay na ito. 52 At si Jesus ay lumago sa karunungan, at pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Diyos, at sa mga tao.
Si Juan na Tagapagbawtismo ay Nangaral at Nagbawtismo
3 Sa ika-labinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, ang gobernador sa Judea ay si Poncio Pilato. Ang tetrarka[a] sa Galilea ay si Herodes. Ang kaniyang nakakabatang kapatid na si Felipe ay punong tagapamahala sa Iturea at sa lalawigan ng Traconite. Si Lisonias ay punong tagapamahala sa Abilinia.
2 Ang mga pinakapunong-saserdote ay sina Anas at Caifas. Sa panahong iyon, ang salita ng Diyos ay dumating kay Juan na nasa ilang. Si Juan ay anak ni Zacarias. 3 Siya ay pumunta sa lahat ng lupain sa palibot ng Jordan. Ipinapangaral niya ang bawtismo ng pagsisisi para sa ikakapagpatawad ng mga kasalanan. 4 Sa aklat ng mga salita ni Isaias, ang propeta, ay ganito ang nasusulat:
May tinig na sumisigaw sa ilang. Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas.
5 Tatambakan ang bawat bangin at papatagin ang bawat bundok at burol. Ang mga liku-liko ay tutuwirin at ang mga baku-bako ay papantayin. 6 Makikita ng lahat ng mga tao ang pagliligtas ng Diyos.
7 Lumabas ang karamihan upang magpabawtismo sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyong tumakas sa paparating na galit? 8 Kayo nga ay magbunga na karapat-dapat sa pagsisisi. Huwag ninyong sabihin sa inyong sarili: Si Abraham ang aming ama. Sinasabi ko sa inyo: Ang Diyos ay makakagawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. 9 Ngayon din naman ay nakalapat na ang palakol sa ugat ng mga punong-kahoy. Ang bawat punong-kahoy nga na hindi nagbubunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
10 Tinanong siya ng napakaraming tao: Ano ngayon ang dapat naming gawin?
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila: Ang may dalawang balabal ay magbahagi sa kaniya na wala. Gayundin ang gawin ng may pagkain.
12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabawtismo. Sinabi nila sa kaniya: Guro, ano ang dapat naming gawin?
13 Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong maningil ng buwis nang higit sa nakatakdang singilin ninyo.
14 Tinanong din siya ng mga kawal: Ano ang dapat naming gawin?
Sinabi niya sa kanila: Huwag kayong mangikil sa sinuman, ni magparatang ng mali. Masiyahan na kayo sa inyong mga sinasahod.
15 Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas. Ang lahat ay nagmumuni-muni sa kanilang mga puso patungkol kay Juan kung siya nga ang Mesiyas o hindi. 16 Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Binabawtismuhan ko nga kayo ng tubig ngunit darating ang isang higit na dakila. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak. Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang pangtahip ay nasa kaniyang kamay. Lilinisin niya nang lubusan ang kaniyang giikan. Kaniyang titipunin ang trigo sa kaniyang kamalig.Susunugin niya ang dayami sa pamamagitan ng apoy na hindi mapapatay. 18 Marami pang mga bagayang kaniyang ipinagtagubilin sa kaniyang pangangaral ng ebanghelyo sa mga tao.
19 Ngunit pinagwikaan ni Juan si Herodes na tetrarka patungkol kay Herodias na asawa ng kaniyang kapatid na si Felipe. Pinagwikaan din niya si Herodes patungkol sa lahat ng mga kasamaang ginawa niya. 20 Ang kasamaang ito ay nadagdagan pa nang si Juan ay kaniyang ipabilanggo.
Binawtismuhan ni Juan si Jesus
21 Nangyari, na ang lahat ng mga tao ay nabawtismuhan. Nang si Jesus ay nabawtismuhan at nananalangin, ang langit ay nabuksan.
22 Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati. Isang tinig ang nagmula sa langit na nagsasabi: Ikaw ang aking pinakamamahal na anak. Lubos akong nalulugod sa iyo.
Ang Talaan ng Angkan ni Jesus
23 Si Jesus ay magtatatlumpung taong gulang na. Siya ay ipinalagay na anak ni Jose, na anak ni Eli.
24 Si Eli ay anak ni Matat, na anak ni Levi, na anak ni Melki. Si Melki ay anak ni Janna, na anak ni Jose. 25 Si Jose ay anak ni Matatias, na anak ni Amos, na anak ni Nahum. Si Nahum ay anak ni Esli, na anak ni Nage. 26 Si Nage ay anak ni Maat, na anak ni Matatias, na anak ni Semei. Si Semei ay anak ni Jose, na anak ni Juda. 27 Si Juda ay anak ni Joana, na anak ni Resa, na anak ni Zerubabel. Si Zerubabel ay anak ni Shealtiel, na anak ni Neri. 28 Si Neri ay anak ni Melki, na anak ni Adi, na anak ni Cosam. Si Cosam ay anak ni Elmadam, na anak ni Er. 29 Si Er ay anak ni Josue, na anak ni Eleazar, na anak ni Jorim. Si Jorim ay anak ni Matat, na anak ni Levi. 30 Si Levi ay anak ni Simeon, na anak ni Juda, na anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam, na anak ni Eliakim. 31 Si Eliakim ay anak ni Melea, na anak ni Mena, na anak ni Matata. Si Matata ay anak ni Natan, na anak ni David. 32 Si David ay anak ni Jesse, na anak ni Obed, na anak ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon, na anak ni Naason. 33 Si Naason ay anak ni Aminadab, na anak ni Aram, na anak ni Esrom. Si Esrom ay anak ni Fares, na anak ni Juda. 34 Si Juda ay anak ni Jacob, na anak ni Isaac, na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Tera, na anak ni Nacor. 35 Si Nacor ay anak ni Serug, na anak ni Reu, na anak ni Peleg. Si Peleg ay anak ni Heber, na anak ni Selah. 36 Si Selah ay anak ni Cainan, na anak ni Arfaxad, na anak ni Sem. Si Sem ay anak ni Noe, na anak ni Lamec. 37 Si Lamec ay anak ni Metusela, na anak ni Enoc, na anak ni Jared. Si Jared ay anak ni Mahalalel, naanak ni Cainan. 38 Si Cainan ay anak ni Enos, na anak ni Set, na anak niAdan. Si Adan ay anak ng Diyos.
Copyright © 1998 by Bibles International