Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Mateo 21-22

Pumasok si Jesus sa Jerusalem na Gaya ng Hari

21 Pagdating sa Betfage, na malapit sa Jerusalem, sa may bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad.

Sinabi niya sa kanila: Pumaroon kayo sa nayong nasa unahan ninyo. Kaagad kayong makakatagpo ng isang nakataling asno na may kasamang isang bisirong asno. Kalagan sila at dalhin sa akin. Kapag may magsabi sa inyo, ito ang sabihin ninyo: Kailangan sila ng Panginoon. At kaagad niyang ipadadala ang mga ito.

Ang lahat ng ito ay nangyari upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta na sinasabi:

Sabihin ninyo sa anak na babae ng Sion, narito, dumarating ang iyong hari. Siya ay maamo at nakasakay sa isang bisirong asno na anak ng isang hayop na nahirati sa hirap.

Lumakad ang mga alagad at ginawa ang ayon sa iniutos ni Jesus sa kanila. Kinuha nila ang asnong babae at ang batang asno.Pagkatapos, ipinatong nila sa likod ng mga ito ang kanilang mga damit at siya ay umupo sa mga ito. Ang napakaraming tao ay naglatag ng kanilang mga damit sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng mga punong-kahoy at inilatag sa daan. Ang napakaraming tao na nasa kaniyang unahan at ang mga sumusunod sa kaniya ay sumigaw na sinasabi:

Hosana sa Anak ni David! Papuri sa kaniya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!

10 Pagpasok niya sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod na sinasabi: Sino ito?

11 Sinabi ng napakaraming tao: Siya ay si Jesus, ang propeta na taga-Nazaret ng Galilea.

Nilinis ni Jesus ang Templo

12 Pumasok si Jesus sa templo ng Diyos at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo. Itinumba niya ang mga mesa ng mga mamamalit-salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.

13 Sinabi niya sa kanila: Nasusulat:

Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ngunit ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.

14 Lumapit kay Jesus sa templo ang mga bulag at mga pilay.Pinagaling niya sila. 15 Nang makita ng mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya, lubha silang nagalit. Lubha rin silang nagalit dahil sa nakita nila sa templo ang mga batang sumisigaw na sinasabi: Hosana sa Anak ni David!

16 Kaya sinabi nila kay Jesus: Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?

Sinabi ni Jesus sa kanila: Oo, hindi ba ninyo nabasa:

Mula sa bibig ng mga bata at mga sanggol ay inihanda mo ang wagas na pagpupuri sa iyo?

17 Iniwan niya sila roon at pumunta siya sa lungsod ng Betania. Doon siya nagpalipas ng gabi.

Natuyo ang Puno ng Igos

18 Kinaumagahan, nang siya ay pabalik na sa lungsod, nagutom siya.

19 Pagkakita niya sa isang puno ng igos sa tabing-daan, nilapitan niya ito. Ngunit wala siyang nakita rito kundi mga dahon lamang kaya sinabi niya rito: Kailanman ay hindi ka na mamumunga. Kaagad na natuyo ang puno ng igos.

20 Nang makita ito ng mga alagad, namangha sila na sinabi: Bakit natuyo kaagad ang puno ng igos?

21 Sumagot si Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kung kayo ay may pananampalataya at hindi mag-aalinlangan, hindi lamang ang nangyari sa puno ng igos ang magagawa ninyo. Ngunit magagawa rin ninyong sabihin sa bundok na ito: Umalis ka riyan at bumulusok ka sa dagat at mangyayari ito. 22 Makakamit ninyo ang lahat ng inyong hingin sa panalangin kung kayo ay may pananampalataya.

Tinanong si Jesus Patungkol sa Kaniyang Kapangyarihan

23 Pagpasok niya sa templo, nilapitan siya ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda ng bayan habang siya ay nagtuturo. Sinabi nila sa kaniya: Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapamahalaang ito?

24 Sumagot si Jesus sa kanila: Isang bagay lang ang itatanong ko sa inyo. Kung masasagot ninyo ako ay sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapamahalaan mayroon ako upang gawin ang mga bagay na ito. 25 Saan nanggaling ang bawtismo ni Juan, ito ba ay mula sa langit o mula sa mga tao?

Sila ay nangatwiranan sa isa’t isa na sinasabi: Kapag sabihin nating mula sa langit, sasabihin niya sa atin: Kung gayon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?

26 Ngunit kung sabihin nating mula sa mga tao, dapat tayong matakot sa mga tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.

27 Sinagot nila si Jesus: Hindi namin alam.

Sinabi niya sa kanila:Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ko ginagawa ang mga bagay na ito.

Ang Talinghaga Patungkol sa Dalawang Anak

28 Ngunit ano sa palagay ninyo? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa una at sinabi: Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at gumawa ka roon.

29 Sumagot siya: Ayaw ko. Ngunit nagsisi siya at pumunta rin pagkatapos.

30 Lumapit siya sa pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot siya: Pupunta ako. Ngunit hindi siya pumunta.

31 Sino sa kanilang dalawa ang gumanap ng kalooban ng ama?

Sinabi nila sa kaniya: Ang una.

Sinabi ni Jesus sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo: Ang mga maniningil ng buwis at mga patutot ay mauuna sa inyo sa pagpasok sa paghahari ng Diyos.

32 Ito ay sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran at hindi ninyo siya pinaniwalaan. Ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga patutot. Samantalang kayo, nakita ninyo ito ngunit hindi pa rin kayo nagsisi at naniwala sa kaniya.

Ang Talinghaga Patungkol sa mga Magsasaka

33 Narito ang isa pang talinghaga. May isang may-ari ng sambahayan na nagtanim ng ubasan. Binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaang-ubas at nagtayo ng isang mataas na bahay bantayan. Pagkatapos, ipinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lupain.

34 Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang kaniyang bahaging ani.

35 Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin. Hinagupit ang isa, pinatay ang iba pa at ang isa ay binato. 36 Muli siyang nagsugo ng mga alipin na higit na marami kaysa sa mga nauna. Gayundin ang ginawa sa kanila ng mga magsasaka. 37 Sa huli, ang kaniyang anak na lalaki ang kaniyang sinugo sa kanila na sinasabi: Igagalang nila ang aking anak.

38 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang kaniyang anak, sinabi nila sa isa’t isa: Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kaniyang mamanahin. 39 Sinunggaban nila siya. Itinapon nila siya sa labas ng ubasan at pinatay.

40 Sa pagbabalik nga ng panginoon ng ubasan, ano ang kaniyang gagawin sa mga magasasakang iyon?

41 Sinabi nila sa kaniya: Walang awa niyang pupuksain ang lahat ng mga tampalasang iyon. Ang ubasan naman ay ipauupahan niya sa ibang magsasaka na magbibigay sa kaniya ng mga bahaging ani pagdating ng panahon.

42 Sinabi ni Jesus sa kanila: Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa kasulatan:

Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siya ring naging batong panulok. Ginawa ito ng Panginoon at kahanga-hanga sa ating mga paningin.

43 Kaya nga, sinasabi ko sa inyo: Ang paghahari ng Diyos ay aalisin sa inyo at ibibigay sa bansang nagbubunga nang nararapat sa paghahari dito. 44 Ang sinumang bumagsak sa ibabaw ng batong ito ay magkakapira-piraso at ang sinumang mabagsakan nito ay madudurog.

45 Nang marinig ng mga pinunong-saserdote at ng mga Fariseo ang talinghagang ito, naunawaan nila na sila ang tinutukoy niya. 46 Huhulihin sana nila siya ngunit natakot sila sa napakaraming tao sapagkat kinikilala nila siya na isang propeta.

Ang Talinghaga Patungkol sa Malaking Piging

22 Muling sumagot si Jesus sa pamamagitan ng mga talinghaga.

Sinabi niya: Ang paghahari ng langit ay katulad sa isang hari na nagbigay ng isang piging para sa kasal ng kaniyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ngunit ayaw nilang dumalo.

Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na sinasabi:Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naghanda ako ng hapunan. Kinatay na ang aking mga baka at ang lahat ng mga bagay ay nakahanda na. Halina kayo sa piging.

Ngunit hindi nila ito binigyang pansin at sila ay umalis. Ang isa ay pumunta sa kaniyang bukid, at ang isa ay sa kaniyang kalakal. Ang iba ay sinunggaban ang kaniyang mga alipin, kanilang nilait ang mga ito at pinatay. Nang marinig ito ng hari, siya ay nagalit. Sinugo niya ang kaniyang hukbo at pinuksa ang mga mamamatay taong iyon. Sinunog niya ang kanilang lungsod.

Pagkatapos, sinabi niya sa kaniyang mga alipin: Nakahanda na ang piging ngunit ang mga inanyayahan ay hindi karapat-dapat. Pumunta nga kayo sa mga lansangan at sinuman ang inyong matagpuan ay anyayahan ninyo sa piging. 10 Lumabas nga ang mga alipin sa mga lansangan at dinala ang lahat ng kanilang mga natagpuan. Dinala nila kapwa ang masama at mabuti. Ang piging ay napuno ng mga panauhin.

11 Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang lalaking hindi nakasuot ng damit na pampiging. 12 Sinabi niya sa kaniya: Kaibigan, papaano ka nakapasok dito nang hindi nakasuot ng damit na pampiging?Ngunit wala siyang masabi.

13 Sinabi ng hari sa mga tagapaglingkod: Igapos ninyo ang kaniyang mga paa at mga kamay. Dalhin ninyo siya at itapon sa kadiliman sa labas.Doon ay magkakaroon ng pananangis at pagngangalit ng mga ngipin.

14 Ito ay sapagkat marami ang tinawag ngunit kakaunti ang pinili.

Ang Pagbabayad ng Buwis-pandayuhan kay Cesar

15 Umalis ang mga Fariseo at nagplano sila kung paano mahuhuli si Jesus sa kaniyang pananalita.

16 Sinugo nila kay Jesus ang kanilang mga alagad kasama ang mga tauhan ni Herodes. Sinabi nila: Guro, alam naming ikaw ay totoo at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Hindi ka nagtatangi sa kaninuman sapagkat hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao. 17 Sabihin mo nga sa amin: Ano ang iyong palagay? Naaayon ba sa kautusan na magbigay kay Cesar ng buwis-pandayuhan o hindi?

18 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang kasamaan. Kaniyang sinabi: Bakit ninyo ako sinusubukan, kayong mga mapagpa­kunwari? 19 Ipakita ninyo sa akin ang perang ginagamit na buwis-pandayuhan. Dinala nila sa kaniya ang isang denaryo. 20 Sinabi niya sa kanila: Kaninong anyo ang narito at patungkol kanino ang nakasulat dito?

21 Sinabi nila sa kaniya: Kay Cesar.

Sinabi niya sa kanila:Ibigay nga ninyo kay Cesar ang mga bagay na nauukol kay Cesar. Ibigay ninyo sa Diyos ang mga bagay na nauukol sa Diyos.

22 Sila ay namangha nang marinig nila ito. Iniwan nila si Jesus at sila ay umalis.

Ang Muling Pagkabuhay at ang Pag-aasawa

23 Nang araw na iyon, pumunta sa kaniya ang mga Saduseo na nagsasabing walang pagkabuhay na mag-uli. Tinanong nila siya.

24 Kanilang sinabi: Guro, sinabi ni Moises: Kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak, pakakasalan ng kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki ang asawang babae. Ito ay upang siya ay magka-anak para sa kaniyang kapatid na lalaki. 25 Ngayon, sa amin ay mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Ang una ay namatay na may asawa at walang anak. Naiwan niya ang asawang babae sa kaniyang nakakabatang kapatid na lalaki. 26 Ganoon din ang nangyari sa pangalawa, at sa pangatlo hanggang sa pangpito. 27 Sa kahuli-hulihan ay namatay rin ang babae. 28 Kaya nga, sa muling pagkabuhay, kanino siya magiging asawa sa pitong magkakapatid na lalaki? Ito ay sapagkat naging asawa siya ng lahat.

29 Sumagot si Jesus sa kanila: Kayo ay naliligaw at hindi ninyo nalalaman ang kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 30 Ito ay sapagkat sa muling pagkabuhay, wala nang mag-aasawa ni ibibigay sa pag-aasawa. Sila ay katulad ng mga anghel ng Diyos sa langit. 31 Patungkol sa pagkabuhay sa mga patay, hindi ba ninyo nabasa yaong sinabi sa inyo ng Diyos? 32 Sinasabi: Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob. Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay.

33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, sila ay nanggilalas sa kaniyang turo.

Ang Pinakamahalagang Utos

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo, sila ay nagtipun-tipon.

35 Ang isa sa kanila na dalubhasa sa kutusan ay nagtanong kay Jesus, na sinusubukan siya. 36 Sinabi niya: Guro, alin ang pinaka­dakilang utos sa Kautusan?

37 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. 38 Ito ang una at dakilang utos. 39 Ang pangalawa ay katulad din nito: Ibigin mo ang iyongkapwa tulad ng iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang lahat ng bagay na nasa mga Kautusan at sa mga Propeta.

Kaninong Anak ang Mesiyas

41 Tinanong ni Jesus ang mga Fariseo habang sila ay nagkakatipun-tipon.

42 Kaniyang sinabi: Ano ang inyong palagay patungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?

Sinabi nila sa kaniya:Kay David.

43 Sinabi niya sa kanila: Bakit nga tinawag siya ni David sa Espiritu na Panginoon? 44 Sinasabi:

Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa gawing kanan ko hanggangsa mailagay ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.

45 Yamang tinawag nga siya ni David na Panginoon, paano siya naging anak nito? 46 Walang isa mang makasagot sa kaniya. At mula sa araw na iyon, ni isa ay wala nang naglakas-loob na tanungin siya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International