Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 2:12-3:39

Digmaan ng Israel at Juda

12 Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim.

13 At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig.

14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin.” At sinabi ni Joab, “Hayaan silang tumayo.”

15 Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David.

16 At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim[a] na nasa Gibeon.

17 At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David.

18 At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa;

19 at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner.

20 Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, “Ikaw ba'y si Asahel?” At siya'y sumagot: “Ako nga.”

21 Sinabi ni Abner sa kanya, “Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam.” Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya.

22 At muling sinabi ni Abner kay Asahel, “Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?”

23 Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto.

24 Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon.

25 Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol.

26 Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, “Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?”

27 At sinabi ni Joab, “Buháy ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na hindi inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan.”

28 Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa.

29 Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim.

30 Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel.

31 Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner.

32 At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan.

Nagkaroon ng matagal na paglalaban ang sambahayan ni Saul at ang sambahayan ni David; si David ay lumakas nang lumakas, samantalang ang sambahayan ni Saul ay humina nang humina.

Mga Anak ni David

Nagkaroon ng mga anak na lalaki si David sa Hebron: ang kanyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga-Jezreel.

Ang kanyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na balo ni Nabal na taga-Carmel; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maaca na anak ni Talmai na hari sa Geshur.

Ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Hagit; at ang ikalima ay si Shefatias na anak ni Abital.

Ang ikaanim ay si Itream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron.

Umanib si Abner kay David

Samantalang may digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David, pinalakas ni Abner ang kanyang sarili sa sambahayan ni Saul.

Si Saul ay may asawang-lingkod na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aya. Sinabi ni Isboset kay Abner, “Bakit ka sumiping sa asawang-lingkod ng aking ama?”

Kaya't galit na galit si Abner dahil sa mga salita ni Isboset, at sinabi, “Ako ba'y isang ulo ng aso ng Juda? Sa araw na ito ay patuloy akong nagpapakita ng katapatan sa sambahayan ni Saul na iyong ama, sa kanyang mga kapatid, at sa kanyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David. Gayunma'y pinagbibintangan mo ako sa araw na ito ng isang kasalanan tungkol sa isang babae.

Gawin ng Diyos kay Abner, at lalo na, kung hindi ko gawin para kay David ang isinumpa ng Panginoon sa kanya,

10 na(A) ilipat ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at itayo ang trono ni David sa Israel at Juda, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba.”

11 At hindi nakasagot si Isboset[b] kay Abner ng isang salita, sapagkat siya'y natakot sa kanya.

12 Si Abner ay nagpadala ng mga sugo kay David sa kanyang kinaroroonan, na sinasabi, “Kanino nauukol ang lupain? Makipagtipan ka sa akin, at ang aking kamay ay sasaiyo upang dalhin sa iyo ang buong Israel.”

13 Kanyang sinabi, “Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo. Ngunit isang bagay ang hinihiling ko sa iyo: hindi mo ako makikita[c] malibang dalhin mo muna si Mical na anak na babae ni Saul pagparito mo upang ako'y iyong makita.”

14 Nagpadala(B) ng mga sugo si David kay Isboset na anak ni Saul, na sinasabi, “Ibigay mo sa akin ang aking asawang si Mical, na siyang aking pinakasalan sa halagang isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo.”

15 Nagsugo si Isboset, at kinuha si Mical sa kanyang asawang si Paltiel na anak ni Lais.

16 Subalit ang kanyang asawa'y sumama sa kanya na umiiyak na kasunod niya sa daan hanggang sa Bahurim. Pagkatapos ay sinabi ni Abner sa kanya, “Umuwi ka!” Kaya't siya'y umuwi.

17 Nakipag-usap si Abner sa matatanda sa Israel, na sinasabi, “Sa panahong nakaraan ay inyong hinangad na si David ay maging hari sa inyo.

18 Ngayon ay inyong isakatuparan ito, sapagkat ipinangako ng Panginoon kay David, na sinasabi, ‘Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at ng lahat nilang mga kaaway.’”

19 Nakipag-usap din si Abner sa Benjamin. At si Abner ay pumunta upang sabihin kay David sa Hebron ang lahat ng inaakalang mabuti ng Israel at ng buong sambahayan ni Benjamin.

20 Nang dumating si Abner kay David sa Hebron kasama ang dalawampung lalaki, nagdaos ng kasayahan si David para kay Abner at sa mga lalaking kasama niya.

21 Sinabi ni Abner kay David, “Ako'y aalis at aking titipunin ang buong Israel sa aking panginoong hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang ikaw ay maghari sa lahat ng ninanasa ng iyong puso.” At pinaalis ni David si Abner, at siya'y umalis na payapa.

Pinatay si Abner

22 Pagkatapos noon ay dumating ang mga lingkod ni David kasama si Joab mula sa isang pagsalakay, na may dalang maraming samsam. Ngunit si Abner ay hindi kasama ni David sa Hebron, sapagkat siya'y pinaalis niya, at siya'y umalis na payapa.

23 Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay dumating, sinabi kay Joab, “Si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa hari, at siya'y pinahayo at siya'y humayong payapa.”

24 Nang magkagayo'y pumunta si Joab sa hari, at sinabi, “Ano ang iyong ginawa? Si Abner ay pumarito sa iyo; bakit mo siya pinaalis, kaya't siya'y umalis?

25 Nalalaman mong si Abner na anak ni Ner ay pumarito upang dayain ka at upang malaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang malaman ang lahat ng iyong ginagawa.”

26 Nang lumabas si Joab mula sa harapan ni David, siya'y nagpadala ng mga sugo upang sundan si Abner, at kanilang ibinalik siya mula sa balon ng Sira, ngunit ito'y hindi nalalaman ni David.

27 Nang bumalik si Abner sa Hebron, siya ay dinala ni Joab sa isang tabi ng pintuang-bayan upang makipag-usap sa kanya ng sarilinan, at doon ay kanyang sinaksak siya sa tiyan. Kaya't siya'y namatay para sa dugo ni Asahel na kanyang kapatid.

28 Pagkatapos, nang mabalitaan ito ni David ay kanyang sinabi, “Ako at ang aking kaharian ay walang sala magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa dugo ni Abner na anak ni Ner.

29 Nawa'y bumagsak ito sa ulo ni Joab, at sa buong sambahayan ng kanyang ama. Nawa'y huwag mawalan sa sambahayan ni Joab ng isang dinudugo, o ng ketongin, o may pantahi,[d] o napapatay sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay!”

30 Gayon pinatay si Abner ni Joab at ni Abisai na kanyang kapatid, sapagkat pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asahel sa labanan sa Gibeon.

Si Abner ay Inilibing

31 Sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng taong kasama niya, “Punitin ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng damit-sako, at magluksa kayo sa harap ni Abner.” At si Haring David ay sumunod sa kabaong.

32 Kanilang inilibing si Abner sa Hebron, at inilakas ng hari ang kanyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak.

33 Tinangisan ng hari si Abner na sinasabi,

“Dapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang hangal?
34 Ang iyong mga kamay ay hindi natalian,
    ang iyong mga paa ay hindi nakagapos;
kung paanong nabubuwal ang isang lalaki sa harap ng masama
    ay gayon ka nabuwal.”

At iniyakan siyang muli ng buong bayan.

35 Ang buong bayan ay dumating upang himukin si David na kumain ng tinapay samantalang araw pa; ngunit sumumpa si David, na sinasabi, “Gawin sa akin ng Diyos, at higit pa, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anumang bagay hanggang sa lumubog ang araw!”

36 Iyon ay napansin ng buong bayan, at ikinalugod nila; gaya ng anumang ginagawa ng hari ay nakakalugod sa buong bayan.

37 Kaya't naunawaan ng buong bayan at ng buong Israel nang araw na iyon na hindi kalooban ng hari na patayin si Abner na anak ni Ner.

38 At sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Hindi ba ninyo nalalaman na may isang pinuno at isang dakilang tao ang nabuwal sa araw na ito sa Israel?

39 Ako ngayon ay walang kapangyarihan, kahit na hinirang[e] na hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Zeruia ay napakarahas para sa akin. Gantihan nawa ng Panginoon ang gumagawa ng kasamaan ayon sa kanyang kasamaan!”

Juan 13:1-30

Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad

13 Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan.

Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya.

Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos.

Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili.

Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya.

Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, “Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?”

Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito.”

Sinabi sa kanya ni Pedro, “Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman.” Sinagot siya ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin.”

Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, “Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo.”

10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat.

11 Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malilinis.”

12 Kaya(A) nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo?

13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga.

14 Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa.

15 Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo.

16 Katotohanang(B) sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, o ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya.

17 Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin.

18 Hindi(C) ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.’

19 Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga.

20 Katotohanang(D) sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin.”

Hinulaan ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya(E)

21 Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito, siya'y nabagabag sa espiritu, at nagpatotoo, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo.”

22 Ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa na hindi tiyak kung sino ang tinutukoy niya.

23 Isa sa kanyang mga alagad, na minamahal ni Jesus, ang nakahilig malapit kay Jesus.

24 Hinudyatan siya ni Simon Pedro upang itanong kay Jesus kung sino ang tinutukoy niya.

25 Kaya't yamang nakahilig malapit kay Jesus ay sinabi sa kanya, “Panginoon, sino ba iyon?”

26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong aking bibigyan ng tinapay pagkatapos na maisawsaw ko ito.” Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote.[a]

27 Pagkatapos na matanggap ang kapirasong tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Gawin mong mabilis ang iyong gagawin.”

28 Hindi nalalaman ng sinumang nasa hapag ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga ito sa kanya.

29 Iniisip ng ilan na sapagkat si Judas ang may hawak ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kanya, “Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista,” o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha.

30 Kaya't pagkatapos tanggapin ang tinapay ay nagmamadali siyang lumabas. Noon ay gabi na.

Mga Awit 119:1-16

ALEPH.

119 Mapalad silang sakdal ang landas,
    na sa kautusan ng Panginoon ay lumalakad!
Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo,
    na hinahanap siya ng buong puso,
na hindi rin gumagawa ng kasamaan,
    kundi lumalakad sa kanyang mga daan.
Iniutos mo ang iyong mga tuntunin,
    upang masikap naming sundin.
O maging matatag nawa ang pamamaraan ko
    sa pag-iingat ng mga tuntunin mo!
Kung gayo'y hindi ako mapapahiya,
    yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata.
Pupurihin kita ng may matuwid na puso,
    kapag aking natutunan ang matutuwid mong mga batas.
Aking tutuparin ang mga tuntunin mo;
    O huwag mong ganap na talikuran ako!

BETH.

Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan?
    Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita.
10 Hinanap kita nang buong puso ko;
    O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo!
11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso,
    upang huwag akong magkasala laban sa iyo.
12 Purihin ka, O Panginoon;
    ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin!
13 Ipinahahayag ng mga labi ko
    ang lahat ng mga batas ng bibig mo.
14 Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo,
    gaya ng lahat ng kayamanan.
15 Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo,
    at igagalang ang mga daan mo.
16 Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin;
    hindi ko kalilimutan ang iyong salita.

Mga Kawikaan 15:29-30

29 Ang Panginoon ay malayo sa masama,
    ngunit kanyang dinirinig ang dalangin ng matuwid.
30 Ang liwanag ng mga mata, sa puso'y nagpapasaya,
    at ang mabuting balita, sa mga buto'y nagpapasigla.[a]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001