Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the VOICE. Switch to the VOICE to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 26-28

Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul

26 At(A) dumating ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na nagsasabi, “Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng Jesimon?”[a]

Kaya't tumindig si Saul at lumusong sa ilang ng Zif na kasama ang tatlong libong piling lalaki sa Israel upang hanapin si David sa ilang ng Zif.

At humimpil si Saul sa burol ng Hachila na nasa tabi ng daan sa silangan ng Jesimon. Ngunit si David ay nanatili sa ilang. Nang makita niya na sinusundan siya ni Saul sa ilang,

nagsugo si David ng mga espiya at natiyak na dumating na nga si Saul.

Si David ay pumunta sa dakong pinaghihimpilan ni Saul. Nakita ni David ang lugar na kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kanyang hukbo. Si Saul ay nakahiga sa loob ng kampo, at ang mga tauhan ay nakahimpil sa palibot niya.

Nang magkagayo'y nagsalita si David at sinabi kay Ahimelec na Heteo, at kay Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, “Sinong sasama sa akin sa paglusong kay Saul sa kampo?” At sinabi ni Abisai, “Ako'y lulusong na kasama mo.”

Kinagabihan, dumating sina David at Abisai sa hukbo. Naroon si Saul na natutulog sa loob ng kampo na ang kanyang sibat ay nakasaksak sa lupa sa kanyang ulunan; si Abner at ang hukbo ay nakahiga sa palibot niya.

Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, “Ibinigay ng Diyos ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito. Ngayo'y hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko siya uulusin ng dalawang ulit.”

Ngunit sinabi ni David kay Abisai, “Huwag mo siyang patayin! Sapagkat sinong maglalapat ng kanyang kamay na hindi magkakasala laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon?”

10 At sinabi ni David, “Buháy ang Panginoon, ang Panginoon ang papatay sa kanya o darating ang kanyang araw upang mamatay o siya'y lulusong sa labanan at mapapahamak.

11 Huwag(B) ipahintulot ng Panginoon na lapatan ko ng aking kamay ang binuhusan ng langis ng Panginoon. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo na kunin mo, ang sibat na nasa kanyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y umalis.”

12 Kaya't kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul at sila'y umalis. Walang nakakita o nakaalam man, o nagising man ang sinuman, sapagkat sila'y pawang mga tulog, dahil isang mahimbing na pagkakatulog mula sa Panginoon ang dumating sa kanila.

13 Pagkatapos ay dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa tuktok ng bundok sa may kalayuan na may malaking pagitan sa kanila.

14 At sumigaw si David sa hukbo at kay Abner na anak ni Ner, “Hindi ka ba sasagot, Abner?” Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, “Sino kang sumisigaw sa hari?”

15 Sinabi naman ni David kay Abner, “Hindi ka ba lalaki? Sinong gaya mo sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang iyong panginoong hari? Sapagkat pumasok ang isa sa taong-bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.

16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Habang buháy ang Panginoon, kayo'y dapat mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang binuhusan ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan naroroon ang sibat ng hari at ang banga ng tubig na nasa kanyang ulunan.”

17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, “Ito ba ay tinig mo, anak kong David?” At sinabi ni David, “Tinig ko nga, panginoon ko, O hari.”

18 At kanyang sinabi, “Bakit tinutugis ng aking panginoon ang kanyang lingkod? Sapagkat anong aking ginawa? O anong kasalanan ang nasa aking kamay?

19 Ngayon, pakinggan nawa ng aking panginoong hari ang mga salita ng kanyang lingkod. Kung ang Panginoon ang siyang nag-udyok sa iyo laban sa akin, tumanggap nawa siya ng isang handog. Ngunit kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon, sapagkat sila ang nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi sa pamana ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Humayo ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos.’

20 Kaya't ngayon, huwag ibuhos ang aking dugo sa lupa mula sa harap ng Panginoon; sapagkat lumabas ang hari ng Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol sa isang pugo sa mga bundok.”

21 Pagkatapos ay sinabi ni Saul, “Ako'y nagkasala; bumalik ka, anak kong David sapagkat hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagkat ang aking buhay ay mahalaga sa iyong paningin sa araw na ito. Ako'y naging hangal at nakagawa ng napakalaking pagkakamali.”

22 At sumagot si David at nagsabi, “Narito ang sibat, O hari! Papuntahin mo rito ang isa sa mga kabataan at kunin ito.

23 Gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat tao sa kanyang katuwiran at sa kanyang katapatan; sapagkat ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko inilapat ang aking kamay laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon.

24 Kung paanong ang iyong buhay ay napakahalaga sa aking paningin sa araw na ito, nawa'y maging mahalaga ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kapighatian.”

25 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak kong David. Gagawa ka ng maraming bagay at magtatagumpay ka sa mga iyon.” Kaya't nagpatuloy si David sa kanyang lakad at si Saul ay bumalik sa kanyang lugar.

Nanirahan si David sa mga Filisteo

27 Sinabi ni David sa kanyang puso, “Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay.”

Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat.

Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal.

Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli.

At sinabi ni David kay Achis, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?”

Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito.

At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan.

Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto.

Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buháy kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis.

10 Kapag nagtanong si Achis, “Laban kanino kayo sumalakay ngayon?” ay sasabihin ni David, “Laban sa Negeb ng Juda,” o “laban sa Negeb ng mga Jerameelita,” o “laban sa Negeb ng mga Kineo.”

11 Walang iniligtas na buháy si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, “Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, ‘Ganito't ganoon ang ginawa ni David.’” Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo.

12 Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, “Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman.”

Si Saul at ang Babaing may Masamang Espiritu sa Endor

28 Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbong pandigma upang labanan ang Israel. At sinabi ni Achis kay David, “Tandaan mo na ikaw at ang iyong mga tauhan ay lalabas na kasama ko sa hukbo.”

Sinabi ni David kay Achis, “Napakabuti, malalaman mo kung anong magagawa ng iyong lingkod.” At sinabi ni Achis kay David, “Napakabuti, gagawin kitang bantay ko habang buhay.”

Si(C) Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam.

Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa.

Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig.

Nang(D) sumangguni si Saul sa Panginoon, hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya.” At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu.”

Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, “Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo.”

Sinabi ng babae sa kanya, “Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?”

10 Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, “Habang buháy ang Panginoon, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito.”

11 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Sinong iaahon ko para sa iyo?” At kanyang sinabi, “Iahon mo si Samuel para sa akin.”

12 Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, “Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul.”

13 Sinabi ng hari sa kanya, “Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?” At sinabi ng babae kay Saul, “Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa.”

14 Sinabi niya sa kanya, “Ano ang kanyang anyo?” At sinabi niya, “Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal.” At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang.

Sinabi ni Samuel ang Kasawian ni Saul

15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?” At sumagot si Saul, “Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin.”

16 At sinabi ni Samuel, “Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang Panginoon ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na?

17 Ginawa(E) ng Panginoon ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David.

18 Sapagkat(F) hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.

19 Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”

20 Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi.

21 At lumapit ang babae kay Saul at nang makitang siya'y natatakot, ay sinabi sa kanya, “Narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking pinakinggan ang iyong mga salita na sinabi mo sa akin.

22 Kaya't ngayon ay makinig ka rin sa tinig ng iyong lingkod. Hayaan mong ipaghanda kita ng kaunting tinapay. Kumain ka, upang ikaw ay lumakas, kapag nagpatuloy ka sa iyong lakad.”

23 Ngunit siya'y tumanggi at nagsabi, “Hindi ako kakain.” Ngunit hinimok siya ng kanyang mga lingkod pati ng babae, at pinakinggan niya ang kanilang tinig. Kaya't siya'y bumangon sa lupa at umupo sa higaan.

24 Ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay. Dali-dali niyang pinatay ito, siya'y kumuha ng harina at kanyang minasa, at siya'y nagluto ng tinapay na walang pampaalsa.

25 Ito ay kanyang dinala sa harap ni Saul at ng kanyang mga lingkod at sila'y kumain. Pagkatapos, sila'y tumindig at umalis nang gabing iyon.

Juan 11:1-54

Namatay si Lazaro

11 Noon(A) ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid.

Si(B) Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit.

Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus,[a] “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.”

Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, “Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito.”

Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro.

Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya.

Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, “Pumunta tayong muli sa Judea.”

Sinabi sa kanya ng mga alagad, “Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?”

Sumagot si Jesus, “Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito.

10 Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw.

11 Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, “Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya.”

12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling.”

13 Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro,[b] subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog.

14 Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, “Namatay si Lazaro,

15 at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya.”

16 Si Tomas na tinatawag na Kambal[c] ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”

Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay

17 Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro.

18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro.[d]

19 At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid.

20 Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay.

21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko.

22 Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos.”

23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Muling mabubuhay ang iyong kapatid.”

24 Sinabi ni Marta sa kanya, “Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw.”

25 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay.

26 At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?”

27 Sinabi niya sa kanya, “Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan.

Umiyak si Jesus

28 Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, “Ang Guro ay narito at tinatawag ka.”

29 Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya.

30 (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.)

31 Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak.

32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria,[e] lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, “Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid.”

33 Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala,

34 at sinabi, “Saan ninyo siya inilagay?” Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, halika at tingnan mo.”

35 Umiyak si Jesus.

36 Sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!”

37 Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, “Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?”

Binuhay si Lazaro

38 Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon.

39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay.”

40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”

41 Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan.

42 At alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo.”

43 At nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, “Lazaro, lumabas ka!”

44 Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis.”

Sabwatan Laban kay Jesus(C)

45 Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya.

46 Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.

47 Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, “Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.

48 Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo[f] at ang ating bansa.”

49 Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, “Wala talaga kayong nalalaman.

50 Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?”

51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa;

52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay.

53 Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin.

54 Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad.

Mga Awit 117

Bilang Pagpupuri sa Panginoon

117 Purihin(A) ang Panginoon, kayong lahat na mga bansa!
    Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan!
Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin;
    at ang katapatan ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.
Purihin ang Panginoon!

Mga Kawikaan 15:22-23

22 Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay,
    ngunit sa dami ng mga tagapayo sila'y nagtatagumpay.
23 Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan,
    at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001