Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the MEV. Switch to the MEV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 15-16

Sinunog ni Samson ang Triguhan ng mga Filisteo

15 Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, “Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid.” Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki.

At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, “Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya.”

Sinabi ni Samson sa kanila, “Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan.”

Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat[a] at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot.

Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo.

Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, “Sinong gumawa nito?” At kanilang sinabi, “Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay.” Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama.

Sinabi ni Samson sa kanila, “Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil.”

Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam.

Dalawang Bagong Lubid ang Iginapos kay Samson

Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi.

10 At sinabi ng mga lalaki ng Juda, “Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?” At kanilang sinabi, “Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin.”

11 Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, “Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga tagapamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?” At sinabi niya sa kanila, “Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila.”

12 At sinabi nila sa kanya, “Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo.” Sinabi ni Samson sa kanila, “Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin.”

13 Sinabi nila sa kanya, “Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin.” At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato.

14 Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay.

15 Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki.

16 At sinabi ni Samson,

“Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton,
sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki.”

17 Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi.[b]

18 Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa Panginoon, “Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?”

19 Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na En-hacore,[c] na nasa Lehi hanggang sa araw na ito.

20 Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon.

Dinaya ni Delila si Samson

16 Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae[d] at ito'y kanyang sinipingan.

Ibinalita sa mga taga-Gaza, “Si Samson ay dumating dito.” Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, “Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin.”

Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron.

Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila.

Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, “Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak.”

Sinabi ni Delila kay Samson, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo.”

Sinabi ni Samson sa kanya, “Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao.”

Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya.

Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas.

10 Sinabi ni Delila kay Samson, “Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian.”

11 Sumagot si Samson, “Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao.”

12 Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid.

13 At sinabi ni Delila kay Samson, “Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka.” At sinabi niya sa kanya, “Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao.”

14 Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi.

15 Sinabi niya sa kanya, “Bakit nasasabi mo na, ‘Iniibig kita,’ gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas.”

16 Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis.

17 Kaya't ibinunyag niya kay Delila[e] ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, “Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita[f] sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao.”

18 Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niya, nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, “Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya.” Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi.

19 Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala.

20 Sinabi niya, “Narito na ang mga Filisteo, Samson.” At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, “Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas.” Ngunit hindi niya batid na ang Panginoon ay humiwalay na sa kanya.

21 Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan.

22 Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo.

Naghiganti si Samson

23 Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway.”

24 Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, “Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin.”

25 At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, “Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan.” At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi.

26 Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, “Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan.”

27 Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson.

28 Pagkatapos ay tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, “O Panginoong Diyos, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.”

29 Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila.

30 Sinabi ni Samson, “Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo.” Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buháy pa.

31 Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon.

Juan 2

Ang Kasalan sa Cana

Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus.

Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan.

Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Wala silang alak.”

Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating.”

Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”

Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig.

Sinabi sa kanila ni Jesus, “Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan.” Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.

Sinabi niya sa kanila, “Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan.” At kanila ngang dinala.

Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal.

10 At sinabi sa kanya, “Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak.”

11 Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad.

12 Pagkatapos(A) nito ay bumaba siya sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at ang kanyang mga alagad. Sila'y tumigil doon nang ilang araw.

Nilinis ni Jesus ang Templo(B)

13 Malapit(C) na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem.

14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo.

15 Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa.

16 Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, “Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama.”

17 Naalala(D) ng kanyang mga alagad na nasusulat, “Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”

18 Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, “Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito?”

19 Sinagot(E) sila ni Jesus, “Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.”

20 Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?”

21 Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan.

22 Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus.

Alam ni Jesus ang Likas ng Tao

23 Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda.

24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao,

25 at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.

Mga Awit 103

Ang Pag-ibig ng Diyos

Awit ni David.

103 Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko;
    at lahat ng nasa loob ko,
    purihin ang kanyang banal na pangalan!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko,
    at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya—
na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan;
    na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman,
na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay:
    na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal,
na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay;
    anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan.

Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa
    at katarungan sa lahat ng naaapi.
Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises,
    ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
Ang(A) Panginoon ay mahabagin at mapagbiyaya,
    hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana.
Hindi siya laging makikipaglaban,
    ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman.
10 Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan,
    ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa,
    ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila!
12 Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran,
    gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway.
13 Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya,
    gayon nahahabag ang Panginoon sa mga natatakot sa kanya.
14 Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman,
    naaalala niya na tayo'y alabok.

15 Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo,
    siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang;
16 ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho,
    at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman.
17 Ngunit ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan
    para sa mga natatakot sa kanya,
    at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak,
18 sa mga nag-iingat ng tipan niya,
    at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya.

19 Itinatag ng Panginoon ang kanyang trono sa mga kalangitan,
    at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian.
20 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga anghel niya;
    kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita,
    na nakikinig sa tinig ng kanyang salita!
21 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng hukbo niya;
    kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban!
22 Purihin ninyo ang Panginoon, lahat ng kanyang mga gawa,
    sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan.
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko.

Mga Kawikaan 14:17-19

17 Ang taong magagalitin ay gumagawang may kahangalan,
    ngunit ang taong may unawa ay may katiyagaan.
18 Ang walang muwang ay nagmamana ng kahangalan,
    ngunit ang matalino ay nakokoronahan ng kaalaman.
19 Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti,
    at ang masama sa mga pintuan ng matuwid.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001