Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NET. Switch to the NET to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 2:22-4

Si Eli at ang Kanyang mga Anak

22 Ngayon si Eli ay napakatanda na. Kanyang nabalitaan ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan.

23 Kaya't sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginagawa ang mga gayong bagay? Sapagkat nababalitaan ko sa buong bayan ang inyong masasamang gawain.

24 Huwag, mga anak ko; sapagkat hindi mabuting balita ang naririnig ko na ikinakalat ng bayan ng Panginoon.

25 Kung ang isang tao ay magkasala laban sa isang tao, ang Diyos ay mamamagitan para sa kanya; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa Panginoon, sino ang mamamagitan para sa kanya?” Subalit ayaw nilang pakinggan ang tinig ng kanilang ama, sapagkat kalooban ng Panginoon na patayin sila.

26 Ang(A) batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa pangangatawan at gayundin sa pagbibigay-lugod sa Panginoon at sa mga tao.

Ang Propesiya Laban sa Sambahayan ni Eli

27 Dumating kay Eli ang isang tao ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ipinahayag ko ang aking sarili sa sambahayan ng iyong ama nang sila'y nasa Ehipto, nang sila'y mga alipin sa sambahayan ni Faraon.

28 Pinili(B) ko siya mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging pari ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng insenso, at magsuot ng efod sa harap ko. Ibinigay ko sa sambahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy.

29 Bakit niyuyurakan ninyo ang aking mga alay at ang aking handog na aking iniutos, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakapiling bahagi sa bawat handog ng Israel na aking bayan?’

30 Kaya't ipinahahayag ng Panginoong Diyos ng Israel, ‘Aking ipinangako na ang iyong sambahayan, at ang sambahayan ng iyong ama ay lalakad sa harapan ko magpakailanman.’ Ngunit ipinahahayag ngayon ng Panginoon, ‘Malayo sa akin; sapagkat ang mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at ang mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan.

31 Tingnan mo, ang mga araw ay dumating na aking puputulin ang iyong bisig at ang bisig ng sambahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sambahayan.

32 At sa kapighatian ay iyong mamasdan na may pagkainggit ang buong kasaganaan na ibibigay ng Diyos sa Israel; at hindi na magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan magpakailanman.

33 Ang lalaki mula sa iyo na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana ay maliligtas sa pagluha ng kanyang mga mata at pamamanglaw ng kanyang puso; at ang lahat ng naparagdag sa iyong sambahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan.

34 Ang(C) mangyayari sa iyong dalawang anak na sina Hofni at Finehas ay magiging tanda sa iyo. Sila'y kapwa mamamatay sa iisang araw.

35 Ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na pari, na gagawa nang ayon sa nilalaman ng aking puso at pag-iisip. Ipagtatayo ko siya ng panatag na sambahayan; at siya'y maglalabas-masok sa harap ng aking binuhusan ng langis magpakailanman.

36 Bawat isang naiwan sa iyong sambahayan ay lalapit at magmamakaawa sa kanya para sa isang pirasong pilak at sa isang pirasong tinapay, at magsasabi, Hinihiling ko sa iyo na ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkapari, upang makakain ako ng isang subong tinapay.’”

Nagpakita ang Panginoon kay Samuel

Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain.

Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid.

Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng Panginoon na kinaroroonan ng kaban ng Diyos;

at tumawag ang Panginoon, “Samuel! Samuel!” at kanyang sinabi, “Narito ako!”

Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” At kanyang sinabi, “Hindi ako tumawag; mahiga ka uli.” Siya'y umalis at nahiga.

Muling tumawag ang Panginoon, “Samuel.” Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo.” Siya'y sumagot, “Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.”

Hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon at ang salita ng Panginoon ay hindi pa nahahayag sa kanya.

Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng Panginoon si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag.” At nalaman ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.

Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, “Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, ‘Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’” Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar.

10 At ang Panginoon ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, “Samuel! Samuel!” Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, “Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”

11 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Tingnan mo, malapit na akong gumawa ng isang bagay sa Israel na magpapapanting sa dalawang tainga ng bawat nakikinig.

12 Sa araw na iyon ay aking tutuparin laban kay Eli ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang sambahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.

13 Sapagkat sinabi ko sa kanya na malapit ko nang parusahan ang kanyang sambahayan magpakailanman, dahil sa kasamaan na kanyang nalalaman, sapagkat ang kanyang mga anak ay lumalapastangan sa Diyos, at sila'y hindi niya sinaway.

14 Kaya't ako'y sumumpa sa sambahayan ni Eli na ang kasamaan ng sambahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng alay o handog magpakailanman.”

15 Nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at pagkatapos ay binuksan niya ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon. Takot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain.

16 Subalit tinawag ni Eli si Samuel at sinabi, “Samuel, anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

17 Kanyang itinanong, “Ano ang sinabi niya sa iyo? Nakikiusap ako sa iyo na huwag mong ilihim sa akin. Gawin ng Diyos sa iyo, at higit pa, kung ililihim mo sa akin ang anumang bagay sa lahat ng kanyang sinabi sa iyo.”

18 Kaya't isinalaysay sa kanya ni Samuel ang lahat ng bagay at hindi naglihim ng anuman sa kanya. At kanyang sinabi, “Ang Panginoon nga iyon; gawin niya ang inaakala niyang mabuti para sa kanya.”

19 Lumaki si Samuel at ang Panginoon ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa.

20 Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng Panginoon.

21 Nagpakitang muli ang Panginoon sa Shilo, sapagkat ipinakilala ng Panginoon ang kanyang sarili kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

Ang Pagkabihag sa Kaban ng Tipan

Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec.

Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan.

Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, “Bakit ipinatalo tayo ngayon ng Panginoon sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.”

Kaya't(D) nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos.

Nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa.

Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, “Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” At nang kanilang nalaman na ang kaban ng Panginoon ay dumating sa kampo,

ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, “May diyos na dumating sa kampo.” Kanilang sinabi, “Kahabag-habag tayo! Sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman.

Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang.

Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban.”

10 Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad.

11 Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay.

Namatay si Eli

12 May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo.

13 Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis.

14 Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, “Ano ang kahulugan ng ingay na ito?” At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli.

15 Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita.

16 Sinabi ng lalaki kay Eli, “Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan.” At kanyang sinabi, “Paano ang nangyari, anak ko?”

17 Ang nagdala ng balita ay sumagot, “Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

18 Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon.

19 Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya.

20 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, “Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki.” Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man.

21 Pinangalanan niya ang bata na Icabod[a] na sinasabi, “Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel,” sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa.

22 Kanyang sinabi, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

Juan 5:24-47

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.

25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay.

26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili.

27 At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao.

28 Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig,

29 at(A) magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan.

Mga Patotoo kay Jesus

30 “Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.

31 Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo.

32 Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo.

33 Kayo'y(B) nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan.

34 Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas.

35 Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag.

36 Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama.

37 Ang(C) Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo.

38 At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo.

39 Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin.

40 Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay.

41 Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao.

42 Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo.

43 Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin.

44 Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos?

45 Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan.

46 Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin.

47 Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?”

Mga Awit 106:1-12

Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan

106 Purihin(A) ang Panginoon!
    O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
    o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
    na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.

Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
    dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
    upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
    upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
    kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
    ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
    kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
    upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
    pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
    at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
    walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
    inawit nila ang kanyang kapurihan.

Mga Kawikaan 14:30-31

30 Ang tiwasay na puso ay nagbibigay-buhay sa laman,
    ngunit ang pagnanasa, sa mga buto ay kabulukan.
31 Ang umaapi sa dukha ay humahamak sa kanyang Lumalang,
    ngunit ang mabait sa mahirap, sa kanya'y nagpaparangal.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001