Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NLT. Switch to the NLT to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 28-29

Ang Talumpati ni David

28 Pinulong ni David sa Jerusalem ang lahat ng pinuno sa Israel, ang mga puno ng mga lipi, mga punong-kawal ng mga pulutong na naglilingkod sa hari, mga punong-kawal ng libu-libo, mga punong-kawal ng daan-daan, at ang mga katiwala sa lahat ng ari-arian at kawan ng hari at ng kanyang mga anak, kasama ng mga pinuno sa palasyo, at mga makapangyarihang lalaki, at lahat ng magigiting na mandirigma.

At(A) tumayo si Haring David at nagsabi, “Pakinggan ninyo ako, mga kapatid ko, at bayan ko. Nasa aking puso na ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng Panginoon, upang maging tuntungan ng mga paa ng ating Diyos; at ako'y naghanda para sa pagtatayo.

Ngunit sinabi ng Diyos sa akin, ‘Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, sapagkat ikaw ay isang mandirigma at nagpadanak ng dugo.’

Gayunma'y pinili ako ng Panginoong Diyos ng Israel sa buong sambahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailanman, sapagkat kanyang pinili ang Juda upang maging pinuno, at sa sambahayan ng Juda, ang sambahayan ng aking ama. Sa mga anak ng aking ama ay kinalugdan niya ako upang gawing hari sa buong Israel.

Sa lahat ng aking mga anak na lalaki (sapagkat binigyan ako ng Panginoon ng maraming anak,) pinili niya si Solomon na aking anak upang umupo sa trono ng kaharian ng Panginoon sa Israel.

Kanyang sinabi sa akin, ‘Si Solomon na iyong anak ang siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga bulwagan, sapagkat pinili ko siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kanyang ama.

Itatatag ko ang kanyang kaharian magpakailanman, kung kanyang laging susundin ang aking mga utos at mga tuntunin, gaya sa araw na ito.’

Ngayon, sa paningin ng buong Israel, ang kapulungan ng Panginoon, at sa pandinig ng ating Diyos, tuparin at sundin ninyo ang lahat ng mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwan bilang pamana sa inyong mga anak pagkatapos ninyo, magpakailanman.

“At ikaw, Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama. Paglingkuran mo siya nang buong puso at nang kusang pag-iisip, sapagkat sinasaliksik ng Panginoon ang lahat ng puso, at nalalaman ang lahat ng balak at iniisip. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya; ngunit kung pababayaan mo siya, itatakuwil ka niya magpakailanman.

10 Mag-ingat ka ngayon, sapagkat pinili ka ng Panginoon upang magtayo ng bahay bilang santuwaryo; magpakalakas ka, at kumilos ka.”

Ang Plano ng Templo

11 Pagkatapos ay ibinigay ni David kay Solomon na kanyang anak ang plano ng portiko ng templo, ng mga kabahayan, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga panloob na silid, at ng silid para sa luklukan ng awa;

12 at ang lahat ng plano na nasa kanyang isipan para sa mga bulwagan ng bahay ng Panginoon, sa lahat ng silid sa palibot, sa mga kabang-yaman ng bahay ng Diyos, at sa mga kabang-yaman ng mga nakatalagang bagay.

13 Sa mga pagpapangkat-pangkat ng mga pari at ng mga Levita, at sa lahat ng gawaing paglilingkod sa bahay ng Panginoon, at sa lahat ng kasangkapan para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon,

14 ang timbang ng ginto para sa lahat ng kasangkapang ginto sa bawat paglilingkod; ang timbang ng mga kasangkapang pilak para sa bawat paglilingkod,

15 ang timbang ng mga ilawang ginto, at ang mga ilaw niyon, ang timbang ng ginto para sa bawat ilawan at sa mga ilaw niyon, ang timbang ng pilak para sa ilawan at sa mga ilaw niyon, ayon sa gamit ng bawat ilawan para sa paglilingkod,

16 ang timbang ng ginto para sa bawat hapag para sa mga tinapay na handog, ang pilak para sa mga pilak na hapag,

17 at lantay na ginto para sa mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, para sa mga gintong mangkok at ang timbang ng bawat isa; at sa mga pilak na mangkok at ang timbang ng bawat isa;

18 para sa dambana ng insenso na gawa sa gintong dalisay, at ang timbang niyon; maging ang kanyang plano para sa gintong karwahe ng kerubin na nakabuka ang mga pakpak at nakatakip sa kaban ng tipan ng Panginoon.

19 Lahat ng ito'y kanyang nilinaw sa pamamagitan ng sulat mula sa kamay ng Panginoon; ang lahat ng gagawin ay ayon sa plano.

Huling Habilin

20 Sinabi pa ni David kay Solomon na kanyang anak, “Magpakalakas at magpakatapang ka, at kumilos ka. Huwag kang matakot, o manlupaypay man, sapagkat ang Panginoong Diyos, na aking Diyos, ay sumasaiyo. Hindi ka niya bibiguin, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon ay matapos.

21 Narito ang mga pagbabahagi ng mga pari at ng mga Levita, para sa lahat ng paglilingkod sa bahay ng Diyos, at makakasama mo sa lahat ng gawain ay mga taong may kusang-loob at bihasa sa anumang uri ng paglilingkod; gayundin ang mga punong-kawal at ang buong bayan ay lubos na susunod sa iyong utos.”

Mga Inihandang Gagamitin sa Pagtatayo ng Templo

29 Sinabi(B) ni Haring David sa buong kapulungan, “Si Solomon na aking anak na siya lamang pinili ng Diyos ay bata pa at walang sapat na karanasan, at ang gawain ay malaki; sapagkat ang templo ay hindi sa tao, kundi para sa Panginoong Diyos.

Kaya't ako'y naghanda sa abot ng aking makakaya para sa bahay ng aking Diyos, ng ginto para sa mga bagay na ginto, pilak para sa mga bagay na pilak, tanso para sa mga bagay na tanso, bakal para sa mga bagay na bakal, kahoy para sa mga bagay na kahoy; bukod sa napakaraming batong onix, mga batong pangkalupkop, mga batong panggayak, batong may sari-saring kulay, at ng lahat ng uri ng mahahalagang bato, at mga batong marmol.

Bukod dito, bilang karagdagan sa lahat ng aking ibinigay para sa bahay ng aking Diyos, may pag-aari akong ginto at pilak, at dahil sa aking pagmamalasakit sa bahay ng aking Diyos, ibinibigay ko ito sa banal na bahay:

tatlong libong talentong ginto mula sa Ofir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga dingding ng gusali;

ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at sa lahat ng sari-saring gawain na gagawin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino ngayon ang maghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa Panginoon sa araw na ito?”

Ang Handog ng mga Tao

Nang magkagayo'y nagbigay ng mga kusang-loob na handog ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, gayundin ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel, at ang mga punong-kawal ng mga libu-libo at daan-daan, pati ang mga tagapamahala sa gawain ng hari.

Nagbigay sila para sa paglilingkod sa bahay ng Diyos ng ginto, na limang libong talento, at sampung libong dariko ng ginto at sampung libong talentong pilak at labingwalong libong talentong tanso, at isandaang libong talentong bakal.

Sinumang may mamahaling bato ay ibinigay ang mga ito sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng pag-iingat ni Jehiel na Gershonita.

Pagkatapos ay nagalak ang bayan, sapagkat ang mga ito'y kusang-loob na naghandog, sapagkat sila'y may dalisay na puso na kusang naghandog sa Panginoon at si Haring David ay labis na nagalak.

Ang Pagpapasalamat ni David

10 Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, “Purihin ka, O Panginoon, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman.

11 Iyo,(C) O Panginoon, ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O Panginoon, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat.

12 Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.

13 At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.

14 “Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo.

15 Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal.

16 O Panginoon naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang.

17 Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo.

18 O Panginoon, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo.

19 Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan.”

Nagsunog ng Handog

20 Sinabi ni David sa buong kapulungan, “Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.” Ang buong kapulungan ay nagpuri sa Panginoon, sa Diyos ng kanilang mga ninuno; iniyukod ang kanilang mga ulo, sumamba sa Panginoon, at nagbigay-galang sa hari.

21 Sila'y nag-alay ng mga handog sa Panginoon, at kinabukasan ay naghandog sa Panginoon ng mga handog na sinusunog na isang libong baka, isang libong tupang lalaki, at isang libong kordero, pati mga inuming handog na para sa mga iyon, at ng saganang alay ukol sa buong Israel.

Si Solomon ay Ginawang Hari

22 Sila'y kumain at uminom sa harap ng Panginoon nang araw na iyon na may malaking kasayahan. Sa ikalawang pagkakataon ay kanilang ginawang hari si Solomon na anak ni David, at binuhusan siya ng langis bilang pinuno para sa Panginoon at si Zadok bilang pari.

23 Pagkatapos(D) ay umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari na kapalit ni David na kanyang ama; at siya'y nagtagumpay, at ang buong Israel ay sumunod sa kanya.

24 Ang lahat ng pinuno at ang mga mandirigma, at ang lahat ng mga anak ni Haring David ay nangako ng kanilang katapatan kay Haring Solomon.

25 Pinadakilang mabuti ng Panginoon si Solomon sa paningin ng buong Israel, at binigyan ng karangalan bilang hari na hindi tinanggap ng sinumang nauna sa kanya sa Israel.

Ang Pamamahala at Kamatayan ni David

26 Sa gayon naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel.

27 Ang(E) panahon ng kanyang paghahari sa Israel ay apatnapung taon; pitong taon siyang naghari sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.

28 Pagkatapos siya'y namatay sa sapat na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan; at si Solomon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

29 At ang mga gawa ni Haring David, mula sa una hanggang huli ay nakasulat sa Kasaysayan[a] ni Samuel na tagakita at sa Kasaysayan ni Natan na propeta, at sa Kasaysayan ni Gad na tagakita;

30 pati ang salaysay ng kanyang buong paghahari, ang kanyang kapangyarihan at ang mga pangyayaring dumating sa kanya at sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.

Roma 5:6-21

Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama.

Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay.

Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin.

Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya.

10 Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay.

11 At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo.

12 Kaya't(A) kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala;

13 tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan.

14 Gayunman, ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating.

15 Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo.

16 At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap.

17 Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo.

18 Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pag-aaring-ganap at buhay.

19 Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid.

20 Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya;

21 upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin.

Mga Awit 15

Awit ni David.

15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
    Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?

Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
    at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
    ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
    ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
    kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
    ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.

Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.

Mga Kawikaan 19:18-19

18 Supilin mo ang iyong anak, habang may pag-asa;
    at huwag mong ilagak ang iyong puso sa ikapapahamak niya.
19 Ang taong may malaking poot sa parusa ay pagbabayarin,
    sapagkat kung iyong iligtas siya, muli mo lamang iyong gagawin.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001