Print Page Options Listen to Reading
Previous Prev Day Next DayNext

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the NIV. Switch to the NIV to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 22:3-23:30

Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(A)

Nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, sinugo ng hari si Safan na anak ni Azalia, na anak ni Mesulam, na kalihim sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,

“Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari, upang kanyang matimbang ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon na nilikom mula sa bayan ng mga bantay-pinto;

at ibigay iyon sa kamay ng mga manggagawa na silang nangangasiwa sa bahay ng Panginoon. Ibibigay naman nila iyon sa mga manggagawa na nasa bahay ng Panginoon, na nag-aayos ng bahay,

samakatuwid ay sa mga karpintero, mga tagapagtayo, mga kantero, at gayundin para sa pagbili ng kahoy at ng batong tinibag upang ayusin ang mga sira ng bahay.

Gayunma'y(B) walang ulat ng nagugol ang hihingin sa kanila mula sa salaping ibinigay sa kanilang kamay, sapagkat sila'y tapat makitungo.”

At sinabi ni Hilkias na pinakapunong pari kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.

Si Safan na kalihim ay pumaroon sa hari, at iniulat sa hari, na sinasabi, “Inilabas na ng iyong mga lingkod ang salaping natagpuan sa bahay, at ibinigay na sa kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon.”

10 Sinabi ni Safan na kalihim sa hari, na sinasabi, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At ito ay binasa ni Safan sa harapan ng hari.

11 Nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, kanyang pinunit ang kanyang kasuotan.

12 At ang hari ay nag-utos ng ganito kay Hilkias na pari, kay Ahicam na anak ni Safan, kay Acbor na anak ni Micaya, kay Safan na kalihim, at kay Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,

13 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon para sa akin sa bayan, at para sa buong Juda tungkol sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Malaki ang poot ng Panginoon na nag-aalab laban sa atin, sapagkat hindi sinunod ng ating mga ninuno ang mga salita ng aklat na ito, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat tungkol sa atin.”

14 Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya.

15 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,

16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.

17 Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay.

18 Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,

19 sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng Panginoon.

20 Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.’” At kanilang dinala ang kasagutan sa hari.

Pinatigil ang Pagsambang Pagano(C)

23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.

At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.

Inutusan(D) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.

Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.

At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.

Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.

Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.

Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.

10 Kanyang(E) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.

11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.

12 Ang(F) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.

13 Nilapastangan(G) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.

14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[a] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.

15 Bukod(H) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[b]

16 Sa(I) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.

17 Pagkatapos(J) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”

18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.

19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.

20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(K)

21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”

22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;

23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.

Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias

24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.

25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.

26 Gayunma'y hindi tinalikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya.

27 At sinabi ng Panginoon, “Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon.”

Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(L)

28 Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?

29 Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya.

30 Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama.

Mga Gawa 21:37-22:16

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”

At sinabi ng pinunong kapitan,[a] “Marunong ka ba ng Griyego?

38 Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”

39 Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”

40 Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:

22 “Mga ginoo, mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo.”

Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, ay lalo pa silang tumahimik. Pagkatapos ay sinabi niya,

“Ako'y(A) isang Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki sa lunsod na ito, sa paanan ni Gamaliel, at tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng kautusan ng ating mga ninuno, na masigasig para sa Diyos, na tulad ninyong lahat ngayon.

Aking(B) pinag-usig ang Daang ito hanggang sa kamatayan, na ginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalaki at ang mga babae,

tulad ng mapapatotohanan ng pinakapunong pari ng tungkol sa akin at ng buong kapulungan ng matatanda. Mula sa kanila'y tumanggap ako ng mga sulat para sa mga kapatid sa Damasco at nagpunta ako roon upang gapusin ang mga naroroon at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan.

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Pagbabagong-loob(C)

“Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko.

Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?’

Sumagot ako sa kanya, ‘Sino ka ba, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.’

Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko, ‘Anong gagawin ko, Panginoon?’ Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.’

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco.

12 “Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon,

13 ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!’ Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya.

14 Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig,

15 sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.

16 At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.’

Mga Awit 1

UNANG AKLAT

Dalawang Uri ng Pamumuhay

Mapalad ang taong
    hindi lumalakad sa payo ng masama,
ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan,
    ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya;
kundi nasa kautusan ng Panginoon ang kanyang kagalakan,
    at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan.
Siya ay(A) gaya ng isang punungkahoy
    na itinanim sa tabi ng agos ng tubig,
na nagbubunga sa kanyang kapanahunan,
    ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta,
sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya.

Ang masama ay hindi gayon;
    kundi parang ipang itinataboy ng hangin.
Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman,
    ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan;
sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam,
    ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan.

Mga Kawikaan 18:11-12

11 Ang yaman ng mayamang tao ang kanyang matibay na lunsod,
    at sa kanyang pag-iisip ay tulad ng pader na matayog.
12 Bago ang pagkawasak ang puso ng tao ay palalo muna,
    ngunit nauuna sa karangalan ang pagpapakumbaba.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001