Imprimir Opciones de la página Listen to Reading
Anterior Día anterior Día siguienteSiguiente

The Daily Audio Bible

This reading plan is provided by Brian Hardin from Daily Audio Bible.
Duration: 731 days

Today's audio is from the CSB. Switch to the CSB to read along with the audio.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Cronica 22-23

Ang Habilin ni David kay Solomon

22 Pagkatapos ay sinabi ni David, “Dito itatayo ang bahay ng Panginoong Diyos, at dito ang dambana ng handog na sinusunog para sa Israel.”

Iniutos ni David na tipunin ang mga dayuhang nasa lupain ng Israel at siya'y naglagay ng mga kantero upang magtapyas ng bato para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos.

Naglaan din si David ng napakaraming bakal bilang pako sa mga pinto ng mga tarangkahan at sa mga dugtungan, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami,

at ng mga troso ng sedro na di mabilang, sapagkat ang mga Sidonio at ang mga taga-Tiro ay nagdala kay David ng napakaraming puno ng sedro.

Sapagkat sinabi ni David, “Si Solomon na aking anak ay bata pa at wala pang karanasan, at ang bahay na itatayo para sa Panginoon ay kailangang maging kahanga-hanga, bantog at maluwalhati sa buong lupain. Ako'y maghahanda para doon.” Kaya't naghanda si David ng maraming kagamitan bago sumapit ang kanyang kamatayan.

Pagkatapos ay ipinatawag niya si Solomon na kanyang anak, at inatasan niyang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.

Sinabi(A) ni David kay Solomon na kanyang anak, “Sa ganang akin, nasa aking puso ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos.

Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi, ‘Ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo at nagsagawa ng malalaking pakikidigma. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan sapagkat ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin.

Narito, ipapanganak para sa iyo ang isang lalaki; siya ay magiging isang mapayapang tao. Bibigyan ko siya ng kapayapaan sa lahat ng kanyang mga kaaway sa palibot, sapagkat ang kanyang magiging pangalan ay Solomon,[a] at bibigyan ko ng kapayapaan[b] at katahimikan ang Israel sa kanyang mga araw.

10 Siya ay magtatayo ng bahay para sa aking pangalan. Siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kanyang ama; at itatatag ko ang trono ng kanyang kaharian sa Israel magpakailanman.’

11 Ngayon, anak ko, sumaiyo ang Panginoon, upang magtagumpay ka sa iyong pagtatayo ng bahay ng Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi tungkol sa iyo.

12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng dunong at pang-unawa, upang kapag ipinagkatiwala na niya sa iyo ang Israel ay matupad mo ang kautusan ng Panginoon mong Diyos.

13 Kung(B) magkagayo'y magtatagumpay ka kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at ang mga batas na ipinag-utos ng Panginoon kay Moises para sa Israel. Magpakalakas ka at magpakatapang; huwag kang matakot o manlupaypay man.

14 Pinagsikapan kong lubos na ipaghanda ang bahay ng Panginoon ng isandaang libong talentong ginto, isang milyong talentong pilak at ng tanso at bakal na hindi na matimbang sa dami. Naghanda rin ako ng kahoy at bato. Dagdagan mo pa ang mga ito.

15 Bukod dito'y may kasama kang maraming manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at napakaraming uri ng mga manggagawa na bihasa sa iba't ibang uri ng trabaho

16 sa ginto, sa pilak, sa tanso, at sa bakal, na hindi mabilang. Bumangon ka at gawin mo na. Sumaiyo nawa ang Panginoon.”

17 Iniutos din ni David sa lahat ng pinuno ng Israel na tulungan si Solomon na kanyang anak, na sinasabi,

18 “Hindi ba't ang Panginoon ninyong Diyos ay sumasainyo? Hindi ba't binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat ng dako? Sapagkat kanyang ibinigay sa aking kamay ang mga naninirahan sa lupain; at ang lupain ay napasuko sa harap ng Panginoon at sa harap ng kanyang bayan.

19 Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at pag-iisip upang hanapin ang Panginoon ninyong Diyos. Humayo kayo at itayo ninyo ang santuwaryo ng Panginoong Diyos, upang ang kaban ng tipan ng Panginoon at ang mga banal na kagamitan ng Diyos ay madala sa loob ng bahay na itatayo para sa pangalan ng Panginoon.”

Itinatag ni David ang Katungkulan ng mga Levita

23 Nang(C) si David ay matanda na at puspos na ng mga araw, ginawa niyang hari sa Israel si Solomon na kanyang anak.

Tinipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at ang mga Levita.

Ang mga Levita na mula sa tatlumpung taong gulang pataas ay binilang at ang kanilang kabuuang bilang ay tatlumpu't walong libong lalaki.

“Dalawampu't apat na libo sa mga ito,” sabi ni David, “ang mamamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon, at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom,

at apat na libong bantay ng pinto, apat na libo ang mang-aawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa para sa pagpupuri.”

Hinati sila ni David sa mga pangkat ayon sa mga anak ni Levi: si Gershon, si Kohat, at si Merari.

Sa mga Gershonita ay sina Ladan, at Shimei.

Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam, at si Joel, tatlo.

Ang mga anak ni Shimei: sina Shelomot, Haziel, at Haran, tatlo. Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ni Ladan.

10 Ang mga anak ni Shimei: sina Jahat, Zinat, Jeus, at Beriah. Ang apat na ito ang mga anak ni Shimei.

11 Si Jahat ang pinuno at si Ziza ang ikalawa. Ngunit si Jeus at si Beriah ay hindi nagkaroon ng maraming anak, kaya't sila'y itinuring na isang sambahayan ng mga magulang.

12 Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, apat.

13 Ang(D) mga anak ni Amram: sina Aaron at Moises. Si Aaron ay ibinukod upang kanyang italaga ang mga kabanal-banalang bagay, upang siya at ang kanyang mga anak na lalaki ay magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at maglingkod sa kanya, at magbasbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan magpakailanman.

14 Ngunit ang mga anak ni Moises na tao ng Diyos ay ibinilang na kasama ng lipi ni Levi.

15 Ang mga anak ni Moises: sina Gershom at Eliezer.

16 Ang mga anak ni Gershom: si Sebuel na pinuno.

17 Ang mga anak ni Eliezer: si Rehabias na pinuno. Si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak na lalaki, ngunit ang mga anak ni Rehabias ay napakarami.

18 Ang mga anak ni Izar: si Shelomit na pinuno.

19 Ang mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.

20 Ang mga anak ni Uziel: si Micaias ang pinuno, at si Ishias ang ikalawa.

21 Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ang mga anak ni Mahli: sina Eleazar at Kish.

22 Si Eleazar ay namatay na hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae lamang; at naging asawa nila ang kanilang mga kamag-anak na mga anak ni Kish.

23 Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot, tatlo.

24 Ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, samakatuwid ay mga puno ng mga sambahayan na nakatala ayon sa bilang ng mga pangalan ng mga tao mula sa dalawampung taong gulang pataas na maglilingkod sa bahay ng Panginoon.

25 Sapagkat sinabi ni David, “Ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan; at siya'y naninirahan sa Jerusalem magpakailanman.

26 Hindi(E) na kailangan pang pasanin ng mga Levita ang tabernakulo at ang alinman sa mga kasangkapan niyon sa paglilingkod doon.”

27 Sapagkat ayon sa mga huling salita ni David, ang mga ito ang nabilang sa mga anak ni Levi, mula sa dalawampung taong gulang pataas.

28 “Ang(F) kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, na silang may pangangasiwa sa mga bulwagan, sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat ng banal na bagay, at sa lahat ng gawain ng paglilingkod sa bahay ng Diyos.

29 Gayundin sa tinapay na handog, at sa piling harina para sa handog na butil, maging sa mga manipis na tinapay na walang pampaalsa, at sa niluto sa kawali, at sa handog na pinirito; at sa lahat ng sari-saring takalan at sukatan.

30 Sila'y tatayo tuwing umaga upang magpasalamat at magpuri sa Panginoon, at gayundin naman sa hapon;

31 at sa tuwing maghahandog ng lahat ng handog na sinusunog sa Panginoon sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan na ang bilang ay alinsunod sa itinatakda sa kanila at patuloy sa harap ng Panginoon.

32 Sa gayo'y pangangasiwaan nila ang toldang tipanan, ang santuwaryo, at ang mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.”

Roma 3:9-31

Walang Matuwid

Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,

10 gaya(A) ng nasusulat,

“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11     wala ni isang nakakaunawa,
    wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
    walang gumagawa ng mabuti,
    wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(B) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
    sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14     “Ang(C) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(D) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16     pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18     “Walang(E) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”

19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.

20 Sapagkat(F) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.

Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao

21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;

22 ang(G) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,

23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;

24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;

25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;

26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[b]

27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.

28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.

29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;

30 yamang(H) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.

31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.

Mga Awit 12

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Sheminith. Awit ni David.

12 Panginoon, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo,
    sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao.
Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa,
    sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya.
Nawa'y putulin ng Panginoon ang lahat ng mapanuyang mga labi,
    ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki,
ang mga nagsasabi, “Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami,
    ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?”
“Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan,
    titindig na ako ngayon,” sabi ng Panginoon;
    “Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi.”
Ang mga salita ng Panginoon ay mga dalisay na salita,
    gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa,
    na pitong ulit na dinalisay.

O Panginoon, sila ay iyong iingatan,
    iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman.
Gumagala ang masasama sa bawat dako,
    kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao.

Mga Kawikaan 19:13-14

13 Ang hangal na anak, sa kanyang ama ay kasiraan,
    at ang pakikipagtalo ng asawa[a] ay patuloy na pagpatak ng ulan.
14 Bahay at kayamanan ay minamana sa mga magulang,
    ngunit galing sa Panginoon ang asawa[b] na may katalinuhan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001