Chronological
Pinagsabihan ng Propeta si Jehoshafat
19 Ligtas na nakabalik sa kanyang palasyo sa Jerusalem si Jehoshafat na hari ng Juda. 2 Sinalubong siya ng propetang si Jehu, anak ni Hanani, at sinabi sa kanya, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at kumampi sa mga napopoot kay Yahweh? Sa ginawa mong ito ay ginalit mo si Yahweh. 3 Gayunma'y hindi ka naman lubos na masama sapagkat inalis mo sa lupain ang mga rebulto ng diyus-diyosang si Ashera at sinikap mo ring sumunod sa Diyos.”
Ang mga Repormang Isinagawa ni Jehoshafat
4 Kahit na sa Jerusalem nakatira si Jehoshafat, pumupunta siya sa Beer-seba hanggang sa kaburulan ng Efraim upang hikayatin ang mga tao na magbalik-loob kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa buong lupain, isa sa bawat may pader na lunsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat humahatol kayo para kay Yahweh at hindi para sa tao. Kasama ninyo siya sa inyong paghatol. 7 Igalang at sundin ninyo si Yahweh. Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat hindi pinahihintulutan ng Diyos nating si Yahweh ang pandaraya, ang pagkiling sa sinuman at ang pagtanggap ng suhol.”
8 Naglagay rin si Jehoshafat sa Jerusalem ng mga hukom na binubuo ng mga Levita, mga pari at mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Pinili niya ang mga ito upang humatol sa mga usapin ukol sa paglabag sa mga kautusan ni Yahweh at sa mabibigat na usapin ng mga taong-bayan. 9 Sinabi niya sa kanila, “Gampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may takot kay Yahweh nang buong puso, at nang buong katapatan. 10 Kapag ang inyong mga kapatid mula sa ibang lunsod ay nagsampa sa inyo ng usaping may kinalaman sa pagpatay ng tao o anumang paglabag sa kautusan, pangaralan ninyo silang mabuti upang hindi sila magkasala sa harap ni Yahweh. Sa ganitong paraan, hindi magagalit si Yahweh sa inyo at sa kanila. 11 Sa mga bagay na nauukol kay Yahweh, si Amarias na pinakapunong pari ang mamumuno sa paglilitis. Sa mga bagay namang nauukol sa hari, si Zebadias na anak ni Ismael at pinuno ng angkan ni Juda ang mamumuno. Ang mga Levita naman ang magiging mga tagapagpatupad ng hatol. Magpakatatag kayo sa inyong paghatol at pagpalain nawa ni Yahweh ang mga matuwid.”
Digmaan Laban sa Edom
20 Dumating ang panahon na nilusob ng mga Moabita, Ammonita at ilang Meunita si Jehoshafat. 2 Nabalitaan niya na isang malaking pangkat mula sa Edom ang sumasalakay sa ibayo ng lawa at nasa Hazazon-tamar, na tinatawag ding En-gedi. 3 Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda. 4 Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod.
5 Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo. 6 Nanalangin siya:
“O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo. 7 O(A) Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan. 8 Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila, 9 ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’
10 “Ngayo'y(B) sinasalakay kami ng mga kawal mula sa Ammon, Moab at sa kaburulan ng Edom, mga lugar na hindi ninyo ipinahintulot na pasukin ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto, kaya sila'y hindi nawasak. 11 Ngayo'y ito po ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila kami at nais palayasin sa lupaing ito na ipinamana ninyo sa amin. 12 Ikaw po ang Diyos namin, parusahan ninyo sila. Hindi namin kayang labanan ang ganito karaming hukbo. Hindi po namin alam ang aming gagawin. Sa inyo lamang kami umaasa.”
13 Samantala, lahat ng kalalakihan ng Juda kasama ang kanilang mga asawa't anak ay dumulog kay Yahweh. 14 Ang Espiritu[a] ni Yahweh ay lumukob kay Jahaziel na anak ni Zacarias. Apo siya ni Benaias na anak ni Jeiel na apo naman ni Matanias, isa sa mga Levitang anak ni Asaf. 15 Sinabi(C) niya, “Makinig kayo, Haring Jehoshafat, at kayong mga taga-Juda at Jerusalem. Ganito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Ang Diyos ang makikipaglaban at hindi kayo. 16 Harapin ninyo sila bukas sapagkat aahon sila sa Ziz. Makakasagupa ninyo sila sa may dulo ng libis sa silangan ng ilang ng Jeruel. 17 Hindi(D) na kayo kailangang lumaban. Manatili na lamang kayo sa inyong kinatatayuan at maghintay. Makikita ninyo ang pagtatagumpay ni Yahweh para sa inyo.’ Kaya hindi kayo dapat matakot ni masiraan ng loob. Harapin ninyo sila bukas sapagkat si Yahweh ang kasama ninyo!”
18 Si Jehoshafat at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa at sumamba kay Yahweh. 19 Tumayo naman ang mga Levita sa angkan ni Kohat at Korah at sa napakalakas na tinig ay nagpuri sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
20 Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Ngunit bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo.” 21 Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit:
“Purihin si Yahweh,
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
22 Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo. 23 Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan.
24 Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa. 25 Napakaraming nasamsam ni Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot ngunit sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon. 27 Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh. 28 Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta. 29 Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel. 30 Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Jehoshafat(E)
31 Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi. 32 Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. 33 Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno.
34 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Jehu na Anak ni Hanani na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
35 Dumating ang panahong si Jehoshafat ay nakipagkasundo kay Ahazias, isang masamang hari ng Israel. 36 Nagkaisa silang magpagawa ng mga malalaking barko sa Ezion-geber. 37 Sa ginawang ito, sinabi ni Eliezer, anak ni Dodavahu na taga-Maresa, laban kay Jehoshafat, “Dahil sa pakikiisa mo kay Ahazias, wawasakin ni Yahweh ang lahat ng ginawa mo.” At lahat nang mga barkong ipinagawa nila ay winasak ng bagyo at hindi nakaalis.
Si Haring Jehoram ng Juda(F)
21 Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram. 2 Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias. 3 Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay. 4 Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda. 5 Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. 6 Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab. 7 Ngunit(G) ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman.
8 Nang(H) panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. 9 Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo. 10 Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
11 Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan. 12 Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham:
“Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda. 13 Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo. 14 Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo. 15 Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’”
16 Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram. 17 Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias.[b]
18 Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas. 19 Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno. 20 Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari.
Si Haring Ahazias ng Juda(I)
22 Pagkamatay ni Jehoram, ang bunsong anak nitong si Ahazias ang iniluklok ng mga taga-Jerusalem upang maging hari. Ang ibang mga kapatid niya ay napatay ng pangkat na sumalakay sa Juda kasama ng mga Arabo, kaya siya ang ginawang hari ng Juda. 2 Apatnapu't dalawang taon na si Ahazias nang magsimulang maghari at isang taon siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Ang ina niya'y si Atalia na apo ni Omri.
3 Sinunod din ni Ahazias ang gawain ng mga hari sa Israel sapagkat ang kanyang ina ang naging tagapayo niya sa paggawa ng masama. 4 Tulad sa angkan ni Ahab, hindi nalugod si Yahweh sa ginawa niya sapagkat ang mga ito ang naging tagapayo niya pagkamatay ng kanyang ama. At ito ang dahilan ng kanyang pagbagsak. 5 Ang mga ito rin ang sinunod niya nang sumama siya kay Joram[c] na anak ni Haring Ahab ng Israel upang labanan sa Ramot-gilead si Hazael na hari ng Siria. Sa labanang iyon nasugatan si Joram.[d] 6 Dahil sa nangyaring ito, ibinalik siya sa Jezreel upang doon magpagaling ng mga sugat. Doon siya dinalaw ni Ahazias. 7 Kalooban ng Diyos na ang pagdalaw niyang ito ang maging pagkakataon para siya bumagsak. Sumama siya kay Joram[e] upang makipagkita kay Jehu na anak ni Namsi. Si Jehu ang pinili ni Yahweh upang lipulin ang sambahayan ni Ahab. 8 Sa pagsasakatuparan nito, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga pamangkin ni Ahazias na naglilingkod dito. Kaya't pinagpapatay niya ang mga ito. 9 Ipinahanap nila si Ahazias at natagpuan ito sa Samaria. Dinala nila ito kay Jehu at kanyang ipinapatay. Ipinalibing niya ito at ang sabi, “Apo ito ni Jehoshafat na tapat na naglingkod kay Yahweh.” Walang natira sa sambahayan ni Ahazias na may kakayahang maghari sa Juda.
Si Reyna Atalia ng Juda(J)
10 Nang malaman ni Atalia na ang anak niyang si Ahazias ay patay na, pinagpapatay rin niya ang sambahayan ng hari ng Juda. 11 Ngunit naitakas ni Jehosabet ang anak ni Ahazias na si Joas. Itinago niya ito sa isang silid-tulugan sa Templo kasama ng tagapag-alaga. Sa ganoong paraan iniligtas ni Jehosabet ang kanyang pamangking si Joas. Si Jehosabet ay asawa ng paring si Joiada at kapatid ni Ahazias sapagkat sila'y anak ni Haring Jehoram. 12 Si Joas ay itinago niya sa Templo kaya hindi napatay. Anim na taon siya roon, sa buong panahong namamahala si Atalia bilang reyna.
Ang Paghihimagsik Laban kay Reyna Atalia(K)
23 Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan. 2 Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. 3 Nagtipun-tipon(L) sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David. 4 Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo 5 at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh. 6 Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh. 7 Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.”
8 Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada. 9 Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo. 10 May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo. 11 Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!”
12 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo. 13 Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!”
14 “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.”
15 Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay.
Ang mga Repormang Isinagawa ng Paring si Joiada(M)
16 Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh. 17 Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal. 18 Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David. 19 Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi. 20 Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari. 21 Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.