Chronological
Binalaan si Ahab(A)
22 Tatlong taon nang walang labanan ang Israel at ang Siria. 2 Ngunit sa ikatlong taon ay dumalaw sa hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda.
3 Nasabi na noon ng hari ng Israel sa kanyang mga pinuno, “Alam ninyo na ang Ramot-gilead ay atin. Ngunit wala tayong ginagawang hakbang upang mabawi iyon sa hari ng Siria.” 4 Ngayon nama'y si Jehoshafat ang kanyang hinimok. Ang sabi niya, “Samahan mo naman kami sa paglusob sa Ramot-gilead.”
Sumagot si Jehoshafat, “Kasama mo ako at ang aking mga tauhan, at ang aming mga kabayo at kasangkapan. 5 Ngunit sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
Ang Hula ng mga Bulaang Propeta
6 Tinipon nga ni Haring Ahab ng Israel ang kanyang mga propeta. May apatnaraan silang lahat at itinanong, “Dapat ko bang salakayin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin ninyo! Tutulungan kayo ni Yahweh at matatalo ninyo ang kaaway,” sagot ng mga propeta.
7 Ngunit iginiit ni Jehoshafat, “Wala na bang ibang propeta ni Yahweh na maaari nating pagtanungan?”
8 “Mayroon pang isa, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit galit ako sa kanya, sapagkat lagi na lamang masama ang hula niya sa akin, wala nang mabuti,” sabi ni Ahab.
“Huwag kang magsalita ng ganyan, kapatid kong hari!” tutol ni Jehoshafat.
9 Ipinatawag ng hari ng Israel ang isa niyang opisyal at inutusan, “Dalhin ninyo kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.”
10 Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula. 11 Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.” 12 Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
Ang Pahayag ni Micaya
13 Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!”
14 Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.”
15 Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?”
“Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.”
16 Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?”
17 Kaya't(B) sinabi ni Micaya,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna
kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
18 Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.”
19 Ngunit(C) nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit. 20 Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu. 21 Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’
“‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh.
22 “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu.
“‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.”
23 At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.”
24 Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?”
25 Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.”
26 Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas. 27 Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.”
28 Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
Napatay si Ahab sa Ramot-gilead(D)
29 Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan.
31 Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.” 32 Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma, 33 nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol. 34 Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.”
35 Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe. 36 Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!”
37 Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing. 38 Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh.
39 Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 40 Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias.
Paghahari ni Jehoshafat sa Juda(E)
41 Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. 42 Tatlumpu't limang taóng gulang siya noong siya'y maupo sa trono ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Ayuba na anak ni Silhi. 43 Sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Asa; ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Subalit hindi niya ipinawasak ang mga lugar ng sambahan ng mga pagano at nagpatuloy ang mga tao sa pag-aalay doon at pagsusunog ng insenso. 44 Nakipagkasundo rin si Jehoshafat sa hari ng Israel.
45 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat, ang kanyang kagitingan, ang kanyang mga pakikipaglaban, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. 46 Pinalayas niya ang mga lalaki at mga babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sagradong lugar na natitira pa sa kaharian. Nakaligtas ang mga ito noong panahon pa ni Asa na kanyang ama.
47 Walang hari noon sa Edom; ang namamahala dito'y isang kinatawan ng hari ng Juda. 48 Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber. 49 Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat. 50 Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari.
Paghahari ni Ahazias sa Israel
51 Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari. 52 Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala. 53 Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una.
Ang Babala ni Propeta Micaias kay Ahab(A)
18 Nang si Jehoshafat ay yumaman at naging tanyag, nakipagkaibigan siya kay Ahab. Ipinakasal ni Jehoshafat ang isang kabilang sa kanyang pamilya sa isang kabilang sa pamilya ni Ahab. 2 Lumipas ang ilang taon at dinalaw niya si Ahab sa Samaria. Nagpapatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanyang mga panauhin. Sa pagkakataong iyon, hinikayat ni Ahab si Jehoshafat na salakayin nila ang Ramot-gilead. 3 Nang tanungin ni Ahab na hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda tungkol dito, ganito ang sagot niya, “Handa ako at ang aking mga tauhan. Sasama kami sa inyo sa digmaan. 4 Ngunit bago natin gawin ito, sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
5 Tinipon ng hari ng Israel ang apatnaraang propeta at tinanong kung dapat bang salakayin ang Ramot-gilead o hindi. “Sumalakay kayo,” ang nagkakaisang tugon nila, “ibibigay iyon ng Diyos sa inyong mga kamay.” 6 Ngunit nagtanong si Jehoshafat kung wala na bang ibang propeta si Yahweh na maaari nilang mapagtanungan.
7 Sumagot ang hari ng Israel, “Mayroon pang isa. Si Micaias na anak ni Imla. Kaya lang, galit ako sa taong iyon sapagkat wala na siyang mabuting propesiya tungkol sa akin, puro na lang masama.”
“Huwag kayong magsalita nang ganyan, mahal na hari,” sabi ni Jehoshafat.
8 Ipinatawag agad ng hari ng Israel ang isa sa mga opisyal niya upang ipasundo si Micaias. 9 Nakaupo ang dalawang hari sa kani-kanilang trono sa gitna ng giikan sa may pintuan ng Samaria. Nakasuot sila ng mariringal na damit at nasa harapan nila ang mga propeta na nagpapahayag. 10 Naroon din si Zedekias na anak ni Quenaana. May dala itong mga sungay na bakal na ginawa niya at ang sabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, maitataboy ninyo ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’” 11 Ganito rin ang sinabi ng mga propetang naroon. Iisa ang payo nila, “Salakayin ninyo ang Ramot-gilead at magtatagumpay kayo, sapagkat ibibigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari.”
12 Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.”
13 Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.”
14 Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?”
Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?”
16 At(B) sumagot si Micaias,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?”
18 “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya. 19 Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’ 20 Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’ 21 ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.
22 “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!”
23 Lumapit si Zedekias kay Micaias at sinampal niya ito. Sinabi niya, “Kailan pa ako iniwan ng Espiritu ni Yahweh upang magsalita sa iyo?”
24 “Malalaman mo rin iyon kapag nagtago ka na sa loob ng isang silid,” sagot ni Micaias.
25 Iniutos ng hari ng Israel na dakpin si Micaias at ibigay sa kanyang anak na si Joas at kay Ammon na gobernador ng lunsod. 26 “Ikulong ninyo siya at bigyan ng kaunting tinapay at tubig lamang hanggang makauwi akong ligtas,” sabi niya.
27 “Kapag nakauwi kang ligtas, hindi nga ako kinausap ni Yahweh,” sagot naman ni Micaias. Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
Ang Kamatayan ni Ahab(C)
28 Magkasamang lumusob sa Ramot-gilead ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 29 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako pagpunta sa labanan ngunit magsuot ka ng damit-hari.” Nakabalatkayo nga ang hari ng Israel na pumunta sa labanan.
30 Iniutos ng hari ng Siria sa kanyang mga pinuno ng mga karwahe na ang hari ng Israel ang tutukan sa pagsalakay. 31 Nang makita nila si Jehoshafat, inisip nilang ito ang hari ng Israel, kaya't dinaluhong nila ito. Nanalangin nang malakas kay Yahweh si Jehoshafat upang siya'y iligtas. Tinulungan naman siya ng Diyos na si Yahweh at itinaboy nito ang mga kaaway. 32 Nang malaman ng mga pinunong nasa karwahe na hindi siya ang hari ng Israel, hindi na nila ito hinabol. 33 Ngunit sinamang-palad naman ang hari ng Israel. Tinamaan siya ng isang ligaw na palaso buhat sa kaaway. Tumagos ang palaso sa pagitan ng kanyang baluti at siya'y nasugatan. Sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Umalis na tayo rito! Malubha ang tama ko.” 34 Naging mahigpit ang labanan nang araw na iyon. Nanatiling nakasandal si Ahab sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga taga-Siria. Paglubog ng araw ay namatay siya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.