Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 7-9

Aking anak, salita ko sana ay ingatan,
    itanim sa isip at huwag kalimutan.
Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal,
    turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata.
Ito'y itali mo sa iyong mga kamay,
    at sikapin mong matanim sa iyong isipan.
Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid,
    at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik.
Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya,
    nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita.

Ang Babaing Mapangalunya

Ako ay dumungaw sa bintanang bukás,
    at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas,
ang aking nakita'y maraming kabataan,
    ngunit may napansin akong isang mangmang.
Naglalakad siya sa may panulukan,
    ang tinutungo'y sa babaing tahanan.
Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa,
    sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla.

10 Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan,
    mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan.
11 Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot,
    di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot.
12 Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan,
    walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang.
13 Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik,
    at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit:
14 “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog,
    katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos.
15 Ako ay narito upang ika'y salubungin,
    mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin.
16 Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal,
    linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay.
17 Ito'y aking winisikan ng pabangong mira,
    bukod pa sa aloe at mabangong kanela.
18 Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa,
    ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya.
19 Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo,
    pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo.
20 Marami ang baon niyang salapi,
    pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.”

21 Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok,
    sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog.
22 Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok,
    parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod,
mailap na usa, sa patibong ay nahulog,
23     hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos.
Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad,
    hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas.

24 Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig,
    at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig.
25 Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit,
    ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis,
26 sapagkat marami na ang kanyang naipahamak,
    at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak.
27 Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian,
    tiyak na patungo sa malagim na kamatayan.

Papuri sa Karunungan

Hindi(A) mo ba naririnig ang tawag ng karunungan,
    at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan?
Nasa dako siyang mataas,
    sa tagpuan ng mga landas;
nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan,
    nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw:
“Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan,
    para nga sa lahat itong aking panawagan.
Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat,
    at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas.
Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga,
    bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda.
Pawang katotohanan itong aking bibigkasin,
    at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling.
Itong sasabihin ko ay pawang matuwid,
    lahat ay totoo, wala akong pinilipit.
Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa,
    at sa marurunong ito ay pawang tama.
10 Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak,
    at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas.

11 “Pagkat(B) akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas,
    anumang kayamanan ay hindi maitutumbas.
12 Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan,
    itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan.
13 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan.
Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan,
    sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan.
14 Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan,
    ganoon din naman, unawa't kapangyarihan.
15 Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala,
    nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama.
16 Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula,
    at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila.
17 Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal,
    kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan.
18 Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay,
    kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay.
19 Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay,
    mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay.
20 Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran,
    ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan.
21 Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman,
    aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan.

22 “Sa(C) lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una,
    noong una pang panahon ako ay nalikha na.
23 Matagal nang panahon nang anyuan niya ako,
    bago pa nalikha at naanyo itong mundo.
24 Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw,
    wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw.
25 Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok,
    nang ako ay isilang dito sa sansinukob.
26 Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid,
    nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig.
27 Nang(D) likhain ang mga langit, ako ay naroroon na,
    maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga.
28 Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay,
    at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman.
29 Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat,
    nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag,
30 ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain,
    ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw.
31 Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos,
    dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos.

32 “At(E) ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan,
    sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay.
33 Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo,
    huwag mong pababayaan ni lalayuan ito.
34 Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig,
    sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig.
35 Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay,
    at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan.
36 Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan,
    ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.”

Ang Karunungan at ang Kahangalan

Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
    na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
    ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
    upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
    Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
    at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
    at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta,
    ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta.
Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo,
    ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito.
Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino,
    ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito.
10 Ang(F) paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan,
    ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman.
11 Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw,
    dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay.
12 Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang,
    ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan.

13 Ang nakakatulad nitong taong mangmang,
    babaing magaslaw at walang kahihiyan.
14 Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay,
    o sa lantad na bahagi ng lansangan nitong bayan.
15 Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan,
    ay pilit na tatawagin at kanyang aanyayahan,
16 “Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!”
    Kanya namang sinasabi sa mga mangmang,
17 “Tubig na ninakaw ay ubod ng tamis,
    tinapay na nakaw, masarap na labis.”
18 Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan,
    at lahat ng pumasok doo'y naroon na sa libingan.

Ang mga Kawikaan ni Solomon

Ang mga kawikaan ni Solomon:

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.