Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mangangaral 7-12

Patungkol sa Buhay

Ang(A) mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango;
    at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan.
Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan
    kaysa bahay na may handaan,
pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.
Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan,
    pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban.
Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan,
    ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan.
Mas mabuting makarinig ng saway ng matalino
    kaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo.
Ang halakhak ng mangmang
    ay tulad ng siklab ng apoy,
    walang kabuluhan.[a]
Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang.
    Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao.
Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula.
    Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan.
Pag-aralan(B) mong magpigil sa sarili;
    mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon,
    pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
11 Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan.
12 Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi.
    Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.

13 Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya? 14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas?

15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal. 16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? 17 Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon. 18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos.

19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod.

20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.

21 Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo; 22 sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak.

23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala. 24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan. 25 Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan[b] ang magpakamangmang. 26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama. 27 Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan. 28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa. 29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.”

Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakakasaliksik sa lahat ng bagay? Ang karunungan ay nagpapasaya sa mukha ng tao; pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala.

Sundin ang Hari

Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitaw ng pangako sa Diyos. Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban niya sapagkat maaari niyang gawin ang lahat ng magustuhan niya. Ang utos ng hari ay di mababali at walang makakatutol sa anumang gawin niya. Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung kailan, at kung paano dapat isagawa. May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito lubusang nalalaman. Walang makakapagsabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap. Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas. Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa buong mundo, ang iba'y may kapangyarihan, at ang iba naman ay api-apihan.

10 May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan.[c] 11 Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa ng masama. 12 Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos. 13 Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at maaga silang mamamatay sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos.

14 Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan:[d] ang kaparusahang para sana sa masama ay sa mabuti nangyayari at ang dapat namang mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari. Sa palagay ko, ito man ay walang kabuluhan. 15 Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpakasaya sa buhay. Walang pinakamabuti kundi kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at nagpapakapagod sa mundong ito.

16 Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-isip nang mag-isip ang tao araw-gabi, 17 hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit ano pa ang kanyang pagpaguran sa mundong ito, hindi niya ito mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit ang totoo'y wala siyang nalalaman.

Ang lahat ng ito'y pinag-aralan kong mabuti at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, maging pag-ibig o pagkapoot. Walang makakatiyak kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. Iisa ang kasasapitan ng lahat: ang nangyayari sa matuwid ay nangyayari rin sa di-matuwid, ganoon din sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi ayon sa Kautusan, sa naghahandog at sa hindi naghahandog. Ang nangyayari nga sa mabuti ay siya ring nangyayari sa masama. Walang pagkakaiba ang nangyayari sa marunong tumupad sa pangako at sa sumisira sa pangako. Ito nga ang isang masamang bagay na nangyayari sa buong mundo: iisa ang kinasasapitan ng lahat. Habang ang tao'y nabubuhay, panay kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan ay kamatayan. Ngunit habang nabubuhay ang tao ay di siya dapat mawalan ng pag-asa. Ang asong buháy ay mas mainam kaysa patay na leon. Alam ng buháy na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. Wala na silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan. Nawawala pati kanilang pag-ibig, pagkapoot, at pagkainggit; anupa't wala silang namamalayan sa anumang nangyayari sa mundo.

Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom sapagkat iyon ay itinakda ng Diyos para sa iyo. Nawa'y lumigaya ka sa bawat oras.

Magpakaligaya ka sa piling ng babaing iyong minamahal habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ito sapagkat iyon ang iyong bahagi at bunga ng iyong pinagpaguran sa maikling buhay na ito. 10 Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.

11 Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. 12 Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon.

13 Narito pa ang isang halimbawa kung papaanong ang karunungan ay inuunawa sa mundong ito: 14 Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari. Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay. 15 Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na nakapag-isip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Subalit pagkatapos, wala nang nakaalala sa kanya. 16 Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas. Ngunit ang karunungan ng taong mahirap ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin.

17 Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng mga mangmang. 18 Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala.

10 Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang kamangmangan ay nakakasira sa karunungan at karangalan.

Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan. Maging sa paglalakad ng mangmang ay nahahalata ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng lahat na siya ay mangmang.

Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo, huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin, sapagkat maging ang malaking pagkakamali ay mapapatawad kung ikaw ay magiging mahinahon.

Ito pa ang isang di-makatuwirang nangyayari sa buong mundo, na may kinalaman sa pamumuno: Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang mayaman ay sa mababang uri ng gawain. Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo samantalang ang mga pinuno ay naglalakad.

Ang(C) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon; ang lumulusot sa mga pader ay matutuklaw ng ahas. Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay nanganganib na madaganan niyon. 10 Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay. 11 Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng nagpapaamo ng ahas kung hindi gagamitin sa pagsaway nito. 12 Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang mangmang dahil sa kanyang mga salita. 13 Ang pangungusap ng mangmang ay nag-uumpisa sa kamangmangan, hanggang matapos, ito pa ri'y kamangmangan. 14 Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?

15 Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya.

16 Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan. 17 Ngunit mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakakaalam kung kailan dapat magdiwang.

18 Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang buong bahay.

19 Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y mabibiling lahat ng salapi.

20 Ni sa isip ay huwag susumpain ang inyong hari, ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang mayayaman pagkat may pakpak ang balita at may tainga ang lupa.

Ang mga Gawain ng Marunong

11 Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabangan ka pagdating ng araw. Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo.

Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin, nagiging ulan itong bumubuhos sa daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon ito mabubuwal. Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani. Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi sapagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat ay iyong papakinabangan.

Masarap ang nasa liwanag at kay gandang pagmasdan ang araw. Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Ngunit alalahanin niyang ang darating na panahon ng kadiliman ay mas mahaba. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.[e]

Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos.

10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.[f]

12 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil.[g] Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.

Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. “Napakawalang kabuluhan![h] Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral.

Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. 10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.

11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. 12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.

13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.